Ikaw at Ako
"Ikaw at Ako"
-Tula-
Ikalabing-walo, #18
Hindi ko alam kung paano sisimulan
na ibuka ang bibig habang ako'y nakatitig sa 'yo
Malakas ang tibok ng puso
At namamawis na ang mga palad
Ngunit, sa araw na ito
Hindi na hahayaang malito
Nais ko lang hawakan ang iyong kamay
Nang mahigpit,
Nangangako na sa panibagong buwan na kasama kita
Susubukan kong sabihin kung papaano mo ako napapasaya
Kaya iyo sanang pakinggan
Dahil ngayon ay akin nang sisimulan
Ibabahagi ang kuwento na hindi man perpekto
Ngunit masaya at sapat na
Dahil may ikaw at ako
Sariwa pa sa isipan ang naging simula
Aaminin na hindi nakakalimutan ang iyong mukha
Noong ilang beses palang tayong nagkikita
Nagkakausap at nagkakaasaran
Hanggang sa nabuo ang pag-ibig na hindi inasahan
Nananatili ang lahat sa isip at alaala
Hindi na maibsan ang nararamdaman
Na mas tumitindi sa bawat paglipas ng mga araw
Sa lumipas na mga buwan,
Hindi naging masaya ang lahat
Naranasang mahiwalay sa 'yo
Nang isa sa atin ay sumuko
Doon lumukob ang sakit
Hindi nakayanang hindi mawasak
Na sa bawat pagkabasag ng kopita na may lamang alak
Ramdam ang hapdi,
Ramdam ang pighati
Ngunit masaya ang ating naging simula
At hindi hahayaang magtapos na lang tayo sa wala
Sinubukang ayusin ang problema
Pinagsikapang itama ang mga maling nagawa
Ngayo'y naibalik ang lahat sa dati
Muli nang nakikita ang ngiti sa mga labi
At paulit-ulit na hihilingin
Na sana ay magpatuloy sa pagdami ang iniipong mga alaala
Dahil makikiusap ako kay bathala
Na ikaw at ako,
Sa piling ng isa't-isa
Sa kabila ng mga napagdaanan nating dalawa
Tayo ang itinadhana
At mananatiling nakatadhana
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top