Prologue - Part 2

"Aaahhh!!! Aaahhh!!! Aaahhh!!!" malakas na sigaw ng lalaki nang makitang naging tila isang batang lalaki ang liwanag. Nakasuot ito ng puting damit, puting pantalon at puting sapatos. Nakasisilaw ang mukha nito, mga braso at dalawang kamay kaya hindi kita ng lalaki kung ano ang itsura nito. Subalit kita niya ang kulot nitong buhok na tila ginto ang kulay.

Lalong nagsitayuan ang mga balahibo sa buong katawan ng lalaki nang makitang lumapag sa lupa ang mga paa ng batang lalaki mula sa paglutang sa ere pagkatapos ay nagsimulang maglakad palapit sa kanya.

"Huwag kang lalapit!!! Ano ka?! Sino ka?! Aaahhh!!! Aaahhh!!!"

Subalit tila bingi ang bata na may nagliliwanag at nakasisilaw na mukha dahil patuloy itong naglakad palapit sa kanya.

"Huwag kang lalapit parang awa mo na! Huwag mo akong saktan! Huwag!!!" huling sigaw ng lalaki dahil nawalan na siya ng malay sa sobrang takot.

Pilyong tumawa nang tumawa ang batang lalaki nang tuluyang makalapit sa lalaking walang malay habang nakahiga sa lupa. Tumayo siya sa kaliwang bahagi ng lalaki pagkatapos ay hinawakan ang kaliwang braso nito at dumaloy ang liwanag mula sa kanyang kanang kamay patungo sa balikat, katawan, hita, binti at kaliwang paa ng lalaki.

Binitiwan niya ang balikat ng lalaki pagkatapos ay nilingon niya ang balon na kanyang kinabagsakan kanina. Itinaas niya ang kanyang kamay at itinapat sa balon. Nagsibalikan ang mga nawasak at nagtalsikang mga bato at muling nabuo ang balon na tila ba walang nangyari rito.

Muling tiningnan ng bata ang lalaking walang malay at napangiti siya sa nakita. Naglaho na ang liwanag sa katawan nito. Naglaho na rin ang liwanag sa kanyang mukha at katawan. Muli siyang tumawa ng tumawa nang may kapilyuhan pagkatapos ay naglakad palayo at nawala sa kadiliman ng gabi.

***

"Tatay? Tatay? Gising po ikaw!"

Unti-unting iminulat ng lalaki ang kanyang mga mata nang marinig ang boses ng pinakamamahal at nag-iisa niyang anak na babae.

"Anak! Tahan na! Ayos naman ako. Salamat sa Diyos," pag-aalo ng lalaki sa kanyang anak.

"Akala ko po kasi, ikaw patay na," sumisinghut-singhot na sabi ng bata sa ama.

Umupo ang lalaki at pinunasan ang luha ng anak sa magkabilang pisngi nito.

"Hindi, anak. Buhay ako. Hindi ka iiwan ni tatay," paninigurado ng lalaki na niyakap pa ang anak.

"Sandali, ano bang nangyari kanina? Nakakatakot! Akala ko, katapusan ko na!...asan na 'yung kakaibang bata kanina?! Buti hindi ako sinaktan!"

"Bata? Sino po bata? Ako po ang bata dito tatay!"

"May kakaibang ba—" Hindi na natapos ng lalaki ang sasabihin nang mapansin ang balon sa likod ng anak.

Mabilis siyang tumayo mula sa pagkakaupo sa lupa at matulin na naglakad patungo sa balon.

"Imposible! Paanong nabuo ang balong ito?! Nawasak na ito kanina!" Sinuri niyang maigi ang balon at nasigurado na maayos nga ito na tila ba walang nangyari. Sumilip siya sa loob at nakitang may tubig na ito hindi katulad ng dati. Mayroon ng tubig na nagliliwanag at nakasisilaw sa loob ng balon.

"Tatay! Magaling na ikaw? Maayos na ikaw lakad. Saka di mo na po kailangan ito?" Itinaas ng batang babae ang tungkod ng ama.

Napalingon ang lalaki sa anak na nakatayo na pala sa tabi niya. Kinuha niya ang kanyang tungkod na inaabot nito. Napaawang ang kanyang bibig at nanlaki ang kanyang mga mata ng lalaki nang mapagtanto ang sinasabi ng bata. Maayos na nga niyang naigagalaw ang kaliwa niyang katawan. Hindi niya napansin kanina na nakatayo siya at nakalakad na hindi gumagamit ng tungkod. At hindi lang basta nakatayo at nakalakad kundi maayos at mabilis niyang nagawa ang mga ito.

"Hindi kaya dahil sa kakaibang batang iyon?! May ginawa kaya siya sa akin?!" sa loob-loob ng lalaki. Muli siyang tumingin sa loob ng balon at nakitang mayroon pa rin itong tubig subalit hindi na nagliliwanag at nakasisilaw.

"Teka, bakit walang pumupuntang ibang tao rito?! Wala bang nakarinig at nakaramdam ng pagsabog at pagyanig ng lupa kanina?!" nagtatakang tanong ng lalaki sa sarili.

"Tatay, tingnan mo po. Ano po ito kaya?" Inabot ng batang babae ang hawak nito sa ama.

Isinandal ng lalaki ang hawak niyang tungkod sa gilid ng balon pagkatapos ay inabot ang bagay na ibinibigay sa kanya ng anak.

"Ito ay...gi-ginto?! Ginto!" sigaw ng lalaki sa kanyang isipan nang mapagtanto ang hawak niyang matigas na bagay na kulay ginto. Malakas ang kutob niyang ginto ito. Makasisigurado siya bukas kapag ipinasuri niya ito sa isang sanglaan.

"Saan mo ito nakuha anak?!"

"Dito po tay! Ayan po oh! Dami pa oh!" Turo ng bata sa iba pang ginto na nasa paligid ng balon.

Hindi napigilan ng lalaki na maiyak dahil sa mga nangyayari. Umiiyak siya subalit may ngiti sa mga labi na tumingin sa kalangitan.

"Salamat, Diyos ko! Salamat po sa pagtugon ninyo sa panalangin ko. Naniniwala po akong padala n'yo ang batang iyon bilang instrumento upang matupad ang mga panalangin ko. Marami pong salamat Panginoon!" Tuluyan nang napahagulgol ang lalaki at napaluhod sa lupa.

"Tatay! Bakit po ikaw iyak?!"

"Dahil masaya ako anak! Masayang masaya si tatay! Dahil simula ngayon magiging maayos na ang buhay mo. Magiging maayos na ang buhay natin."

"Talaga po tatay?!" muling tanong ng batang babae na may sumilay na matamis ngiti sa mga labi.

Isang mas matamis na ngiti at masayang tango ang isinagot ng lalaki sa anak pagkatapos ay niyakap ito.

"Maraming salamat sa'yo boy, kung sino ka man o kung ano ka man. Sana makita pa kita para makapagpasalamat din ako sa'yo." sabi ng lalaki sa kanyang isipan habang yakap-yakap ang anak.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top