Kabanata XXV

Malamig ang kamay ko habang nilalakbay ang papunta sa hospital kung saan naroon si Niana. Hindi ko matanggap. Ang bigat sa loob. Paanong nangyari ito? Nawala lang ako saglit.

"May brain tumor ang anak ko. Stage 4. Ang sabi nila maaari pa siyang mabuhay ng limang taon pa pero ayaw na ng anak kong sumailalim sa chemotherapy."

Paulit-ulit sa isipan ko ang sinabi ni Miss Bautista kanina. Hindi ko alam na siya pala ang ina ni Niana. Hindi ko alam na iyon pala ang dahilan kung bakit niya ako inuutusan palagi noon na pumunta sa kabilang section dahil para raw makasilay ang anak niya sa akin.

Hindi ko alam.

Patuloy ang pagtulo ng luha sa mga mata ko habang unti-unti akong lumalapit sa hantungan kung nasaan ang babaeng mahal ko. Gusto ko siyang makita ngunit nawawalan ako ng lakas. Ang sabi ni Miss Bautista ay ayaw raw ni Niana na ipaalam ito sa akin. Hindi niya gustong makita ko ang itsura niya.

Tinatagan ko ang loob ko at unti-unting binuksan ang pintuan ng kwarto kung saan namamalagi si Niana. Parang kahapon lang ay kausap ko siya. Sandali. Ito ang kwartong nakita ko kahapon. Narito na ba siya kagabi? Bakit hindi niya sinabi sa akin? Bakit hindi ko nahalata?

Bakit nakakangiti pa siya sa akin kagabi kahit malaki na ang sakit na nararamdaman niya?

Pinunasan ko ang luha ko bago ako nagdesisyong lumapit sa kama kung saan mahimbing na natutulog ang mahal ko. Ngunit nakita ko palang siya ay muli na namang bumagsak ang luha ko.

Gusto kong tanungin ang Panginoon, bakit? Bakit kailangang mangyari ito? Bakit sa lahat ng taong magkakasakit ay siya pa? Bakit hindi na lang ako? Ito ba ang karma ng nagawa ko noon?

Umagos ang luha sa pisngi ko habang pinipigilan ang paghikbi. Ayokong marinig niyang umiiyak ako para sa kaniya dahil baka mas lalo siyang masaktan.

Pero hindi ko matanggap. Kaya ba ganoon na lang kadalas ang pagiging malilimutin niya? Ito ba ang dahil kung bakit palagi siyang nahihilo at sumasakit ang ulo? Noon ay hirap siyang matulog at nitong mga nakaraang araw naman ay nagiging antukin siya. Ito ba ang dahilan? Dahil may sakit siya?

Pero bakit kahit may sakit siya ay mas pinili niya pa ring samahan ko ang ibang tao kaysa sa kaniya? Bakit hindi niya kayang unahin ang sarili niya? Bakit palagi na lang ibang tao? Bakit palagi na lang ako?

Hinalikan ko ang noo niya. Wala akong pakialam kung mawalan siya ng buhok, mamutla o pumayat, siya pa rin ang mahal ko at mamahalin ko. Ang nanaisin kong halikan at makasama sa susunod na limang taon.

"J-jude? A-anong ginagawa mo rito?" tanong niya. Nagising ko siya.

Agad kong pinunasan ang mga luha ko bago ako muling lumingon sa kaniya. Pilit naman siyang bumangon kung kaya't inalalayan ko siya.

"Gusto kitang makita. Miss na miss na kita, mahal ko."

Hinawakan ko ang pisngi niya at muli na namang naluha. Hindi ko mapigilan.

Kumunot ang noo niya at hinawakan ang kamay ko. "Bakit ka umiiyak?"

"Dahil miss na miss kita," nanginginig ang mga labi ko nang sagutin ko siya. Parang iyon lang ang kaya kong sabihin at wala nang iba pa. Dagli naman siyang umiling.

"Hindi ko gustong makita mo ako. Bakit ka pumunta rito? Hindi ba't dapat naroon ka kay Stephanie?"

"Bakit ako magtatagal doon? Kung narito ka."

"Dahil mas kailangan ka niya."

"Pero mas kailangan kita," sagot ko. "Nandito ako dahil kailangan kita. Kung hindi mo ako kailangan, ako kailangan kita. Kaya magpagaling ka."

Pinisil ko ang pisngi niya.

"Hindi ko gustong makita mo ako sa ganitong kalagayan, Jude. Bakit pumunta ka rito?" pag-iiba niya ng usapan. "Mas lalo akong mahihirapang iwan ka."

"Bakit mo ako iiwan? Hindi ba't nangako kang hindi mo ako iiwan? At anong problema kung makita kitang nasa ganitong kalagayan? Ni minsan ay hindi nabawasan ang kagandahan mo sa paningin ko."

Umupo ako sa ibabaw ng kama sa tapat niya. "Ikaw pa rin ang gusto kong halikan, Niana." Siniil ko ang kaniyang mga labi. "Tutuparin pa natin ang mga pangarap natin, Niana. Kaya magpagamot ka. Magpapakasal pa tayo. Bubuo pa tayo ng pamilya. Magkakaroon pa tayo ng mga anak at apo."

Tumulo ang mga luha niya habang kumukurba paibaba ang kaniyang mga labi. Pinipigilan niyang maluha pero kumawala na rin ang mga iyon.

"How I wish I can do that."

"Kaya mo. Kakayanin mo. Para sa akin. Para sa pangarap natin. Hindi ko kayang mabuhay nang wala ka. Hindi ko kayang mag-isa, Niana."

Muli kong hinawakan ang kamay niya. "Mahal na mahal kita, Niana..."

Ngumiti siya ngunit kasabay din no'n ay ang tuluyang pagtulo ng kaniyang mga luha. "Ngayon mo lang sinabi iyan..."

"Dahil ngayon lang ako nagkaroon ng lakas ng loob. Pasensya ka na kung hindi ko palaging sinasabi at nagsisisi akong ngayon ko lang nabanggit sa 'yo. Kaya pakiusap, gusto ko pang sabihin sa iyo ang mga salitang iyon palagi hanggang sa tumanda tayo. Mahal na mahal kita, Niana."

"Mahal na mahal din kita, Jude, kung maaari lang ibalik ang panahon, sana mas tinulak ko pa ang sarili ko sa 'yo."

Pinunasan ko ang mga luha niya tsaka ko siya niyakap. "Hindi na natin maibabalik ang nangyari pero kaya pa natin mabago ang bukas. Niana, huwag mo akong iwan. Nakikiusap ako sa 'yo. Parang awa mo na. Huwag kang mawala sa akin."

Kumalas ako sa pagkakayakap sa kaniya tsaka ko kinuha sa bulsa ang isang kahon ng singsing. Ipinakita ko iyon sa kaniya.

"Niana, mahal ko..." panimula ko. "Hindi na magbabago pa ang isip ko. Ikaw ang gusto kong makasama habangbuhay kaya maaari bang...samahan mo rin ako?"

Malakas ang hikbi niya. Pareho kaming umiiyak dahil sa sitwasyon namin pero hindi mapupurnada ng sakit niya ang kagustuhan kong pakasalan siya. Matagal ko na itong gustong gawin at sana nga inagahan ko.

"Niana, mahal na mahal kita."

Napakagat siya sa kaniyang labi. "Mahal na mahal din kita, Jude."

Isinuot ko sa kaniyang daliri ang singsing na iyon. Bagay na bagay sa daliri niya. Puno ng mga luha naming pinagsaluhan ang gabi.

***

Isang matinis na tunog ang narinig ko. Napapikit ako habang pinipigilan ang pagluha. Hindi ko kaya. Gusto kong mamatay.

Nawalan ako ng lakas maging ang mga tuhod ko. Napayakap na lang sa akin si Miss Bautista habang hindi rin matanggap ang pagkawala ng kaniyang anak.

Malakas na hagulgol ang pumuno sa pasilyo ng hospital. At nangingibabaw ang akin.

Hindi ko matanggap.

Pakiramdam ko ay nasa isa akong bangungot. Gusto ko nang gumising. Gusto ko nang salubungin ang umaga na si Niana ang makikita pero...hindi na. Wala na siya. At sakit sakit tanggapin na ang taong mahal ko'y nasa piling na ng Panginoon.

Bakit ganito ang mundo?

Hindi ba talaga ako maaaring maging masaya?

Ganito ba ang kapalaran ng isang taong nagmula sa hirap?

Na kung kailan mayroon na ako ng lahat ng wala ako noon, may pera, may mukhang maihaharap, lakas ng loob upang magtapat, isang bagay naman ang nawala sa akin—ang pagkakataon, ang tanging bagay na meron ako noon.

Paano na ako ngayon?

Paano na ako mabubuhay?

Paano na ang mga pangarap namin?

Paano na ang pamilyang gusto naming buuin?

Napatigil ako nang may tumapik sa balikat ko—si Manong Hayme, ang dahilan kung bakit nagkita kaming muli ni Niana. Namamaga rin ang kaniyang mga mata at alam kong lumuha rin siya ngunit hindi niya lang ipinakita.

Nagtaka ako sa inaabot niya—isang sulat.

Agad ko iyong binuksan at tama ako kung kanino ito galing.

Mula sa babaeng mahal ko.

Mula kay Niana.

Nanginginig ang mga kamay ko habang binabasa ang mga huling salita niya para sa akin na siyang naging dahilan upang mapahagulgol ako lalo sa iyak.

Mahal ko,

Huwag ka nang umiyak. Hindi naman ako mawawala. Nangako ako, hindi ba?

Hindi ako papayag na maiiwan kita rito sa malungkot na mundong hindi pinagbigyan na magkasama tayo nang matagal. Apat na taon pero hindi sapat dahil kahit ako'y hindi ko gustong mahiwalay sa 'yo.

Patawad kung hindi ko na ninais na magpagamot. Ayoko nang magsayang ng oras. Alam kong mag naghihintay ng puso ko.

Ang puso ko, pagmamay-ari mo ito kung kaya't hindi ko hahayaang mamatay. Ibibigay ko ito sa taong una mong minahal. Kaya huwag kang mag-alala dahil tinutupad ko ang pangako ko sa 'yo. Hindi kita iiwan. Hindi, kailanman.

Hindi ako magagalit kung siyang muli ang mamahalin mo, dahil puso ko naman iyon. Puso ko ang tumitibok para sa 'yo at ang puso mo ang tumitibok para sa akin. Hindi ako malulungkot. Magkasama pa rin ang mga puso natin.

Huwag ka na ring malungkot, dahil kahit ang pagputol sa hininga ko'y hindi kayang putulin ang pag-ibig na nararamdaman ko para sa 'yo.

Mahal na mahal kita, Jude.

Mahal na mahal.

"Mahal na mahal din kita, Niana. Ikaw lang ang mamahalin ko. Sa 'yo ang lahat ng tibok ng puso ko, maging ang huling pagtibok nito. Sa 'yo lang, mahal ko."

Wakas.

*****

[Missy: Hi! Thank you for reading! Kindly vote for this chapter if you like it. It is a way to encourage a writer to continue writing. You can also share and recommend this book to your friends. Thank you so much for the love and support!]

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top