Kabanata XXIV

Nagising ako sa hindi magandang balita. Isinugod daw sa hospital si Stephanie. Halos madurog ang puso ko dahil ang mga mukha nila inay ay parang hindi ako binibigyan ng pag-asa. Wala akong pagpipilian.

Agad akong lumabas upang hiramin ang motor ni Jonas. Wala na akong nagawa kung hindi ang pumayag sa kagustuhan ni Niana pati na rin sa gustong mangyari ni Aling Kristina na pasayahin ang kaniyang anak. Hindi ko alam kung paano dahil ang alam ko lang kung paano pasayahin ay si Niana. Paulit-ulit siyang pumapasok sa isipan ko kahit na ngayon ay sa iba ako pupunta.

Sandali akong nakaramdam ng bigat sa loob dahil nagdalawang-isip pa ako kagabi tungkol sa pabor na hinihingi sa akin ng mga magulang ni Stephanie. Kung pansamantala ko siyang sasamahan, masisiguro ba naming gagaling siya? Dahil hindi ko rin naman gustong may mangyaring masama sa kaniya ngunit hindi ko lang maiwasang mas mag-alala sa nobya ko. Hindi ko gustong makaramdam siya ng paninibugho.

"Mag-ingat ka, anak!" pahabol na sigaw ni inay sa akin. Minaneobra ko na ang sasakyan tsaka 'ko mabilis na pinatakbo papunta sa hospital kung nasaan si Stephanie.

Ang sabi nila, nagkaroon ito ng malay kaninang umaga ngunit sobra raw ang paninikip ng dibdib nito at nauubusan ng hininga kung kaya't agad siyang isinugod sa hospital. At doon ko nalamang kailangan niya nang maisailalim sa operasyon dahil kung hindi, hindi na magtatagal ang buhay niya.

Pinagmasdan ko lang ang mukha niya na ngayo'y patuloy na natutulog. Wala ang kaniyang mga magulang at iniwan muna ako sa kwarto habang binabantayan si Stephanie dahil kakausapin daw nila ang doktor.

Napabuntong-hininga ako.

Napakamakasarili ko ba dahil nakahanap ako ng iba at siya'y naiwan ditong mag-isa na namamatay sa kalungkutan?

"Bakit mo ako hinintay? Bakit mo pinalamon ang sarili mo sa lungkot ng mundo?" tanong ko sa kaniya kahit alam kong hindi naman niya ako naririnig. Naalala ko ang mga panahon noong bata pa kami, ang pagkakataong akala ko sa kaniya umiikot ang mundo ko. Gustong-gusto ko siya noon. Matagal na taon bago nawala at napalitan ng bago. Gusto kong humingi ng paumanhin dahil hinintay niya ako nang kay tagal pero hindi ko na mapipilit pa ang sarili ko. Iba na ang mahal ko ngayon. Iba na ang gusto kong makasama.

Hinawakan ko ang kamay niya at sa pagkakataong iyon tumulo ang luha ko. "Pakiusap, gumaling ka na. Pakiusap, maging masaya ka na kahit wala ako, Stephanie. Gusto ko nang bumalik kay Niana."

Nakita kong may tumulong luha mula sa mata niya at dahil doon nasiguro kong naririnig niya ang mga sinasabi ko.

"Minahal kita noon at malaki ang naging pagsisisi ko noong pinili kong iwan ka. Hindi ko kasi gustong masira ang pangalan mo. Hindi ko gustong masira ang pamilya mo kaya pumayag ako kay Rasty sa kagustuhan niyang hiwalayan ka. Hindi ko rin naman kayang pangatawanan ang relasyon natin."

Napakagat ako sa labi. "Alam kong napakagago ko dahil iniwan kita pero nakatakda na 'yong pag-alis ko at pagtigil ko sa pag-aaral. Mas mahalaga ang pamilya ko para sa akin. Muntikan ko na rin silang makalimutan dahil sa pagkagusto ko sa 'yo. Napakagago ko."

Nagpatuloy lang ako sa pagsasalita kahit hindi ko alam kung saan patungo ang sasabihin ko. "At noong nasa malayo ako, walang araw na hindi kita inisip pero sa mga panahong iyon lalo ko lang napagtatanto na hindi talaga tayo ang para sa isa't isa. Matagal bago kita nakalimutan. Matagal din ang hinintay ko bago tuluyang magbago ang lahat."

"Alam kong tanga ako, Stephanie, tanga ako dahil noong muli kong nakita si Niana, tanga akong mabilis na nahulog sa kaniya. Bigla kang nabura sa isip ko. Bigla kong napagtanto na noon ko pa pala siya gusto, Hindi lang ako makaamin dahil nabulag ako sa pag-ibig ko sa 'yo."

"Patawarin mo sana ako...kung siya na ang mahal ko."

Pinunasan ko ang mga luha ko. "Ni hindi ko pa rin nasasabi sa kaniyang mahal ko siya. Ang tanga ko, hindi ba? Apat na taon na kami. Sinabi ko rin ang kalagayan mo at gusto niyang bantayan kita hanggang sa gumaling ka. Pwede bang humingi ng pabor sa 'yo? Huli na 'to. Kakapalan ko na ang mukha ko. Maaari bang magpagaling ka na? Gusto ko nang sabihin sa kaniya na mahal na mahal ko siya."

Naramdaman ko ang paggalaw ng kaniyang daliri. Mahigpit iyong humahawak sa akin. Lalo akong napahagulgol ng iyak. Hindi ko inakalang iiyak ako dahil sa isang babae at hindi iyon dahil sa babaeng nasa harap ko kundi sa babaeng matagal nang nasa puso ko.

Nakita kong muli ang sunod-sunod na pagtulo ng luha mula sa kaniyang mata. Umiiyak siyang kasama ko. Pinapatawad niya na ba ako? Magiging masaya na ba siya? Magpapagaling na ba siya?

"Jude! Nakahanap na kami ng donor!" malakas na sigaw ni Aling Kristina nang makapasok siya sa kwarto kung saan naroon kami ng anak niya. Maluha-luha siyang lumapit sa akin kasama si Mang Berting. Maging ako'y napangiti at napatingin kay Stephanie.

Kausap niya ba ang Panginoon ngayon kung kaya't nasagot kaagad ang kahilingan ko?

Lalo akong napaluha habang pumapasok sa isipan ko ang mukha ng taong mahal ko. Makakapiling ko na siya. Sa wakas. Hindi ko na kailangang magtagal dito dahil babalik na ako sa kaniya. Sosorpresahin ko siya.

***

"Talaga bang aalis ka na?" tanong ni Jonas sa akin.

"Hindi ba halata?" singit ni Annika bago pa man ako nakasagot. Natawa na lang ako habang inaabot mula sa kaniya ang mga damit kong pinabibigay ni inay.

"Masama bang magtanong at manigurado?"

"Oo kasi 'yong tanong ko hindi mo pa sinasagot!"

Napatingin naman ako kay Jonas habang nakakunot ang noo. Ano bang tanong iyon?

"Bakit? Ano bang dapat kong isagot doon? Ang bata mo pa, Annika!"

"Anong bata? Tatlong taon lang ang agwat natin!"

Nanlaki naman ang mata ko. Sandali, may pagtingin si Annika sa kaibigan ko. Tama ba ang kuha ko? Bakit naman pag-uusapan ang agwat dito kung hindi?

"Ayoko sa bata!"

"Bakit ba? Ano bang mali roon? Hindi mo ba talaga ako gusto?"

Napasinghap ako. "Annika!" bulalas ko.

"Oh, bakit mo ako tinatawag? Hindi naman ako ang may kasalanan kung bakit ako nagkagusto sa kaibigan mo! Siya kaya itong pa-fall!" asik niya habang tinuturo si Jonas.

"Anong pa-fall? Pinababantayan ka sa akin ng pinsan mo. Malay ko bang binibigyan mo ng malisya ang mabuting ginagawa ko. Tapos ngayong hindi na kita ginagawan ng mabuti, nagagalit ka at inaaway mo ako. Ano bang gusto mong mangyari?"

"Maging tayo!"

Napaawang ang bibig ko sa lakas ng loob na mayroon ang pinsan ko. Sinadya bang narito ako para sabihin iyon?

"Ayaw nga ng pinsan mo! Ang kulit mo naman!"

Mas lalong napaawang ang bibig ko. Gumugusto rin? Kung hindi pala ako tutol ay papatulan niya si Annika?

Halos mawalan ako ng hangin habang inaanalisa ang mayroon sa kanilang dalawa.

"Aalis na nga siya 'di ba? Hindi na siya babalik! Ano pang makakapigil?"

Napatingin ako kay Jonas na ngayo'y natatawa sa sinabi ng pinsan ko. Natatawa ba siya o kinikilig? Sinasabi ko na nga ba't may mangyayari sa dalawang ito gayong nawala ako nang matagal. Kaya pala palagi ang tambay ni Jonas dito sa amin na para bang ginawa niyang tirahan ang bahay namin. Kaya pala payag siyang sa sahig matulog basta malapit sa pinsan ko.

"Tinatapon na ng pinsan mo ang sarili niya sa akin. May magagawa pa ba ako?" sambit niya na ngayon ko lang napansin na nakatingin pala siya sa akin.

"Pakasalan mo muna," sagot ko.

"Aba naman, kuya Jude! Bata pa ako para magpakasal!" sabat naman ni Annika.

"Ibig sabihin, ayaw mo kong pakasalan?" tanong naman ni Jonas na para bang gusto nang magtampo. Kailangan ba talaga nila ng opinyon ko? Bakit parang hindi naman?

"Ayoko nga! Ligawan mo muna ako!"

"Ligawan? Eh, akala ko ba ikaw ang nanliligaw sa akin?"

"Oo nga pero kapag kasal, ibang usapan na 'yon!"

Napahinga na lang ako nang malalim habang pinakikinggan ang paglalandian nila sa harap ko. Mas lalo ko tuloy nami-miss si Niana. Kinuha ko ang cellphone ko at tiningnan kung may text ba siya. Wala. Siguro'y busy siya sa kaniyang trabaho.

Hindi bale, makikita ko naman siya mamaya. Hindi na rin muna ako magte-text para magulat siya sa pagdating ko.

Inilagay ko na rin sa bag ko ang isang maliit na kahon na naglalaman ng singsing. Hindi na ako makapaghintay.

***

Hinatid ako ni inay sa piyer. Naroon din si itay pati na si Annika at Jonas na ngayo'y magkahawak ng kamay. Parang kanina lang kung mag-away sila ay parang aso't pusa ngayon parang linta kung magdikit. Pinayuhan ko na lamang si Jonas na huwag kaagad gumawa ng kung ano dahil bata pa ang pinsan ko. Nangako naman siyang hindi ito gagalawin hangga't hindi pa sila ikinakasal. Mabuti. Natutuwa akong ganoon ang pananaw nita sa buhay.

Hindi naman naging matagal ang sampung oras sa akin. Alam ko kasing sa paghihintay ko ay may nakaabang sa aking magandang kapalit.

Gusto ko nang puntahan at makita si Niana!

Agad akong pumunta sa apartment niya upang sorpresahin siya sa pagbabalik ko ngunit iba ang sumalubong sa akin nang bumukas ang pinto. Si Ma'am Bautista.

"Jude?" tanong niya.

"Ma'am? Ano pong ginagawa niyo rito?"

Namumugto ang mga mata niya habang nakatingin sa akin.

"Hinihintay ka."

Kumunot ang noo ko.

"Para madala ka sa anak ko."

Mas lalo akong naguluhan dahil sa mga sunod niyang sinabi. Nagunaw ang mundo ko sa nalaman ko.

*****

[Missy: Hi! Thank you for reading! Kindly vote for this chapter if you like it. It is a way to encourage a writer to continue writing. You can also share and recommend this book to your friends. Thank you so much for the love and support. See you on the next chapter!]

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top