Kabanata XXIII
"Iabot mo ito kay Aling Kristina. Kamo ito 'yong para sa bahay," sambit ni inay sa akin sabay abot ng makapal na sobre. Ito na siguro 'yong huling bayad dahil binili na namin ang lupa at bahay na siyang tinitirhan namin. Nakakatuwa naman at may naipundar kami sa ilang taon naming pagsusumikap.
"Sige ho."
Lumabas na ako dala ang sobre habang naglalakad papunta sa bahay nila Aling Kristina. Malapit na ako nang matanaw ko ang isang babae—si Stephanie.
Hindi na ako nagdalawang isip pa at sinundan ko siya sa paglalakad. Papunta rin naman ako roon sa bahay nila. Napansin kong nagmamadali siya na para bang iniiwasan ako. Nakita niya na ba ako?
"Stephanie!" pagtawag ko sa kaniya dahilan upang mapatigil siya ngunit hindi siya lumilingon.
Sinubukan kong maglakad papunta sa kaniya ngunit isang hakbang palang ay narinig ko na siyang magsalita.
"Huwag kang lalapit."
Napansin ko ang pagtaas-baba ng kaniyang balikat na para bang may hindi magandang nangyayari sa kaniya kung kaya't hindi na ako nagpapigil sa kaniya. Nagtuloy-tuloy ako papunta sa harapan niya upang makita ang kalagayan niya.
"Sinabing 'wag kang lalapit!"
Hinawakan niya ang kaniyang dibdib na para bang nahihirapan siyang huminga kung kaya't inalalayan ko siya kahit na pinipilit niyang tanggalin ang kamay ko.
"Anong problema? Anong nangyayari sa 'yo, Stephanie?" sunod-sunod kong tanong dahil sa pag-aalala. Para akong walang hinahawakan dahil sobrang gaan niya. Naalala ko ang binanggit sa akin ni Jonas kagabi—na hinintay ako ng taong ito. Hindi ko mapigilang makunsensya habang pinagmamasdan ang buong anyo niya. Napakalaki ng pinagbago. At hindi ko maiwasang sisihin ang sarili ko.
"Wala ito. Umalis ka na." Ngunit patuloy pa rin siya sa pag-inda sa sumisikip niyang dibdib.
"Iniwan mo na 'ko. Bakit ka pa bumalik?" Napatingin ako sa mga mata niyang namumula na para bang pinipilit niyang huwag umiyak ngunit kitang-kita ko ang mga nangingilid niyang luha na unti-unting kumakawala mula sa kaniyang magagandang mata.
Pumikit siya at napayakap sa akin. Ipinasa niya ang bigat ng katawan niya. Nawalan siya ng malay.
Hindi ko mapigilang masaktan sa nakita kong sitwasyon niya. Hindi ko inaasahan.
Nakita ko sina Aling Kristina at si Mang Berting na humahangos papunta sa amin. Bakas sa mukha nila ang pag-aalala kung kaya't binuhat ko si Steph at sinalubong sila. Agad naman silang umalalay at binuksan ang pinto ng kanilang bahay. Dinala ko siya sa kaniyang kwarto at inihiga sa kaniyang kama.
Napakagat ako sa labi nang makita ang kabuoang kalagayan niya. Anong nangyari? Bakit nawalan siya ng malay? May sakit ba siya?
Naramdaman ko ang pagtapik sa akin ni Mang Berting. Muli kong naalala ang sobreng pinabibigay ni inay sa kanila.
"I-ito po pala. Para raw ho sa bahay," sambit ko sabay abot sa kanila ng pera.
"Salamat, makatutulong ito sa pagpapagamot niya."
Agad na kumunot ang noo ko at muling ibinaling ang mga mata kay Stephanie. "M-may sakit po siya?"
Napansin ko ang pagpatak ng luha ni Aling Kristina habang nakatingin sa kaniyang anak.
"Matagal na," sambit ni Aling Kristina sa akin. Ngumiti siya ngunit bakas na bakas pa rin sa kanilang mga mukha ang pag-aalala sa kanilang anak.
"Ano pong sakit niya?" tanong ko.
"May sakit sa puso ang anak namin, Jude. At matagal na kaming naghahanap ng heart donor..." paliwanag nila na mas lalong ikinagulat ko. Umawang ang bibig ko. Ramdam ko ang bigat sa loob ko. Anong nangyari? Bakit ganito ang madadatnan ko rito? Akala ko magiging maayos ang lahat.
"Mabuti at nakabalik ka rito sa lugar natin," sambit naman ni Mang Berting bago ako inalok na maupo sa labas. May dumating na ring doktor para tingnan ang lagay ni Stephanie na ngayo'y wala pa ring malay.
Nagpaalam si Aling Kristina na magtitimpla muna ng kape para sa amin.
"Opo. Hindi ko ho namalayang maraming taon na pala ang nakalipas."
Ilang sandali pa ay bumalik na si Aling Kristina at iniabot sa akin ang tasa ng kape. Humigop ako at bahagyang sinulyapan si Stephanie na sa kasalukuyang mahimbing na natutulog. Bukas ang pinto ng kaniyang kwarto at narito lang naman kami sa labas. Natatanaw siya.
"Nag-asawa ka na ba?" Halos mabilaukan ako sa tanong ni Mang Berting. Nakita ko pang siniko siya ni Aling Kristina.
Umiling ako. "Hindi pa ho."
"Nobya? Meron?"
Tumango ako. "Opo, meron akong nobya. Balak ko rin ho siyang pakasalan."
Nagkatinginan silang dalawa at bakas sa mga mukha nila ang lungkot.
"Ang anak namin...akala ko'y mahal mo siya," sambit ni Mang Berting. Napalunok ako. "Hinintay ka ng anak ko, Jude, kahit hindi niya alam kung babalik ka."
Napakagat ako sa labi. Malinaw sa akin noon na kinamumuhian ako ni Stephanie kaya kahit na nalaman ko ang tungkol sa pag-atras ng kasal nila ni Rasty ay hindi ako bumalik. Wala pa rin naman akong maipagmamalaki noon. At kahit mahal ko siya, alam ko sa sarili ko na hindi kami maararing dalawa.
"Patawad po. Minahal ko po ang anak ninyo ngunit...wala ho akong lakas ng loob para kunin siya."
Hindi ko na natapos ang pag-iisip ko nang magsalita si Aling Kristina.
"Ngayon ba? Wala ka pa ring lakas ng loob?"
Natahimik ako.
"May sakit ang anak namin, Jude," dagdag pa niya. "May sakit si Stephanie."
Nakita ko ang pamumuo ng luha sa mga mata ni Aling Kristina na tila ba ako na lamang ang sagot sa kaniyang may sakit na anak.
"Dala ng sobrang kalungkutan, humina ang resistensiya niya. Naging sakitin siya kaya bumagsak ang kaniyang katawan at nagkaroon siya ng sakit sa puso." Tuluyan nang nabasag ang boses ni Aling Kristina at napakapit sa kaniyang asawa.
"Tulungan mo ang anak ko, Jude. Hindi ko alam, kahit anong tulong. Pasayahin mo ang puso niya. Nakikiusap ako. Gusto ko pa siyang mabuhay nang matagal habang naghahanap kami ng heart donor. Pakiusap, tulungan mo si Stephanie."
Nanghihina man ay tuluyan na akong naglakad papalayo sa bahay nila Aling Kristina. Hindi ko maiwasang mapakagat sa labi habang pinipigil ang mga luha ko dahil sa nalaman ko. Kasalanan ko kung bakit siya nagkaroon ng sakit sa puso. Dahil sa akin, nasira ang buhay niya. Dahil sa gagong tulad ko.
Hindi ko namalayang nasa bahay na pala ako. Binati ako ni inay ngunit tila ba parang wala ako sa sarili dahil hindi ako makapagsalita. Napayakap na lang ako sa kaniya.
"Bakit, anak? Anong problema?" Umiling ako. Gusto kong maluha pero walang lumalabas. Naaawa ako sa kalagayan ni Stephanie at hindi mabura sa isip ko ang itsura niya.
"May sakit si Stephanie, inay."
Naramdaman ko ang paghagod ni inay sa likod ko. "At kasalanan ko iyon."
Umiling siya habang tinatapik ang likod ko. "Wala kang kasalanan, anak. Hindi mo rin gustong magkasakit si Stephanie. Huwag mong sisihin ang sarili mo."
"Pero kung hindi ko siya iniwan dito, sana okay pa siya."
"Kung hindi mo siya iniwan, hindi ka magkakaroon ng Niana. Hindi mo ba mahal ang nobya mo?"
"Mahal, inay. Mahal na mahal ko si Niana."
Tuluyan nang tumulo ang luha ko nang maalala ko ang mukha ni Niana. Pangalawang araw palang akong narito sa malayo, nangungulila na ako sa kaniya.
"Ganoon naman pala. Anong dahilan bakit parang may bigat sa loob mo?"
Kumalas ako sa pagkakayakap sa kaniya. Ngayon ko lang napansin, ngayon lang ako nagkaroon ng lakas ng loob na sabihin ang laman ng kalooban ko. Ngayon lang ako nakausap ni inay nang ganito.
"Gusto ni Aling Kristina na pasayahin ko ang anak nila. Samahan ko habang naghahanap sila ng heart donor."
Hinawakan ni inay ang mukha ko. Hinaplos niya ito maging ang mga luha ko'y pinunasan niya.
"At nag-alala ka para kay Niana at sa mararamdaman niya?"
Tumango ako at napansin ko siyang ngumiti. "Wala kang responsabilidad kay Stephanie, anak. Hindi ba't nakaplano na ang pagbalik mo sa Romblon para makasama si Niana?"
Muli akong tumango. "Siya ang unahin mo. Sigurado akong makakahanap ng heart donor sila Aling Kristina kaya huwag mo nang alalahanin pa si Stephanie."
***
"Ano? Bakit?" tanong ko habang nakakunot ang noo.
"Mas kailangan ka niya, Jude," sambit sa akin ni Niana. Kasalukuyan kaming magkausap sa telepono. Kita ko ang mukha niya at mukhang kanina pa niya gustong matulog ngunit hindi namin mapagkasunduan ang bagay na ito. Nabanggit ko kasi sa kaniya na babalik na ako sa kaniya pero dahil nagtatanong siya kung bakit at parang may iba raw sa akin ay nabanggit ko na sa kaniya ang totoong dahilan.
"Ako? Hindi mo ba ako kailangan?" Natawa naman siya sa tanong ko.
"Mahihintay naman kita, Jude."
Napasinghot ako dahil nakakaramdam ako ng lungkot. Gusto ko na siyang makasama. At naluluha ako kapag nakikita ko sa imahinasyon kong magkakasama kaming dalawa.
"Ako, hindi na makapaghintay. Gusto na kitang pakasalan," sagot ko. Muli ay tumawa siya.
"Anong meron sa 'yo at parang ang clingy mo ngayon, Jude? Hindi ako sanay! Hindi ka ganiyan! Balak mo ba akong patayin sa kilig?"
Umiling ako at ibinaling ang katawan ko sa kabilang bahagi ng kama. "Hindi, ah. Pakakasalan pa kita, eh."
Ipinagdait niya na naman ang mga labi niya na para bang pinipigilan ang mga ngiti. Nakakatuwa talaga siyang pagmasdan kapag kinikilig.
"Patulugin mo na ako, Jude! Ayoko na! Hindi ko na kinakaya!"
"Kiss ko muna," sambit ko.
"Tsk. Para ka talagang sira." Ngumuso naman siya para halikan ako. Mabuti na lang talaga at may telepono ngayon kaya kahit malayo kami sa isa't isa ay parang magkasama pa rin kaming dalawa.
"Basta, huwag ka na munang bumalik dito. Hindi naman ako magagalit kung sasamahan mo si Stephanie hanggang sa makahanap siya ng heart donor. Basta siguraduhin mo lang na babalik ka sa akin, ha?"
"Sigurado akong hindi kita iiwan. Ikaw lang naman 'tong pinagtatabuyan ako," nagtatampo kong sabi.
"Kasi nga crucial ang lagay niya. First love mo rin 'yon, ano? At kung kailangan ka niya para umayos ang lagay niya, hindi naman kita ipagdadamot, Jude. Hindi ko gustong maging makasarili."
"Hindi ka naman makasarili kung hindi mo ako gustong samahan siya. Natural lang iyon. Nobyo mo ako at magiging asawa."
Matagal kaming nagkatitigan bago siya muling nagsalita. "Ibinigay ka niya sa akin kung kaya't marapat lang na ipahiram kita saglit kasi hindi ka na niya makukuha sa akin ulit."
*****
[Missy: Hi! Thank you for reading! Kindly vote for this chapter if you like it. It is a way to encourage a writer to continue writing. You can also share and recommend this book to your friends. Thank you so much for the love and support. See you on the next chapter!]
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top