Kabanata XXII

Lumipas pa ang isang taon nang hindi ko namamalayan. Nakaramdam ako ng kaba nang makasakay na kami ni itay sa sasakyan. Uuwi na raw kami sa probinsya. Tapos na raw kasi ang proyekto namin doon sa Romblon.

Totoong nalungkot si Niana nang malaman 'yon pero nangako akong babalikan ko siya. Na hindi niya kailangang mag-alala dahil hindi ko siya iiwan. Sandali lang akong magtatagal sa probinsya para bisitahin sila inay at Annika. Hindi rin naman ako makakalimot na tumawag sa kaniya palagi.

Ilang oras din ang itinagal ng byahe namin pabalik ng probinsya kung saan kami matagal na hindi nanirahan. Walang signal sa may dagat kung kaya't nang makababa kami ay siyang agad kong text kay Niana. Hindi naman niya iyon hinihingi ngunit gusto ko ring bigyan siya ng assurance na wala siyang dapat ikabahala. Hindi naman ibang babae ang ipinunta ko sa lugar na ito. Matagal ko nang naibaon sa limot ang first love ko.

"Nandito na tayo," sambit ni itay nang huminto ang sinasakyan namin sa pamilyar na lugar. Napahinga ako nang malalim nang makaapak ako sa lupa kung saan ako isinilang at lumaki.

Nandito na akong muli.

Sinalubong kami nila inay. Nakita ko rin si Jonas na malapad ang ngiti at halos masakal ako sa mahigpit niyang yakap. Binanatan pa ako dahil hindi raw ako nagparamdam. Totoong malaki na ang pinagbago ng mga itsura nila lalo na 'yong lugar namin. Pati na ang bahay namin.

Ngunit hindi iyon ang pumukaw sa atensyon ko. Mula sa malayo ay natanaw ko ang isang babae. Malayo man ay kilala ko ang taong iyon. Ang minsang nagpatibok ng puso ko. Nakita ko siyang naglalakad papalapit sa dako namin na para bang minumukhaan ako.

Malaki na ang ipinagbago ng itsura niya. Malaki ang ipinayat niya. Malayong-malayo sa itsura niya noon.

Nang makasiguro siya sa kung sino ako ay nagmadali siyang umalis at hindi na muling lumingon pa.

Tuluyan na akong hinila ni inay mula sa kalsada papasok sa bahay. Kahit ang loob ng pamamahay namin ay gumanda na. Wala nang butas ang bubong at napalitadahan na rin ang pinag-iipunan naming bahay. Biruin mong aahon din pala kami sa hirap. Totoo pala ang sinabi ni itay na kailangan niya ang tulong ko dahil noong nakita niya ang ipon ko ay hindi na siya nagdalawang-isip na tanggapin para maipaayos ang bahay namin kung saan namamalagi si inay.

"Na-miss kita 'tol!" sambit pa ni Jonas na parang linta kung makadikit sa akin. Parang kulang na lang ay halikan niya ako dahil kanina niya pa ako niyayakap na parang bata. "Ang sabi ko, tawagan mo ako pero halos mamuti na ang mata ko kakahintay ng paramdam mong ungas ka!"

"Baka ayaw niya kasi sa 'yo kasi mabaho ka," singit ni Annika sa amin na siyang naging dahilan ng pagbitiw sa akin ni Jonas.

"Anong mabaho? Bakit naamoy mo na ba ako? Amuyin mo ako para mapatunayan mong mabango ako!" Lumapit ito kay Annika at pinaamoy ang kuwelyo ng damit ngunit kahit ako'y nagulat sa ginawa ng pinsan ko nang halikan niya ang noo ng kaibigan ko.

"Putik!"

Agad namang tumakbo si Annika na siyang hinabol ni Jonas sa sala.

"Hay nako, iyang dalawang 'yan, hindi na natigil sa pagbabangayan. Baka hindi nila alam, d'yan kami nagsimula ng itay mo," komento ni inay sabay tingin kay itay na siyang umiwas lang ng tingin pero kita ko namang ngumingiti.

Sabagay, d'yan din naman kami nagsimula ni Niana. Muli kong naalala ang nobya ko kung kaya't kinuhanan ko ng litrato ang sarili ko kasama ang pamilya ko bago ko ipinadala sa kaniya.

Ilang minuto nang magreply siya kung kaya't tinawagan ko na rin siya para makausap nang mas matagal. Napagod ako sa biyahe pero alam kong mawawala ito kapag nakausap ko na siya—siya ang pahinga ko.

Lumabas muna ako ng bahay upang sumagap ng signal bago ko binati si Niana. Nakangiti naman siya at mukhang kagigising lang. Nakatulog siya kanina kaya ngayon lang siya naka-reply? Sabagay, mabuti na rin iyon para makabawi sa mga gabing puyat siya.

"Kumusta? Nariyan ka na?" tanong niya sa akin.

Tumango ako. "Oo, kararating lang noong nag-text ako. Kumain ka na ba?"

Umiling siya. "Nasusuka ako, eh, at parang nahihilo."

Nanlaki ang mga mata ko. "Baliw! Hindi!" agad niyang sagot kahit wala pa akong sinasabi.

"Ano bang gusto mong kainin? Padadalhan kita d'yan. Baka magkakaroon ka na," komento ko.

"Huwag na. Ito naman gagastos pa. Ilaan mo na lang iyan para sa iyong inay."

Hindi ko maiwasang mapangiti. Napakabuti talaga ng babaeng ito. Hindi ko alam kung bakit hindi ko kaagad napagtanto noon. Matagal na palang tumitibok ang puso ko para sa kaniya. Hindi ko lang agad napansin.

Hindi ko pa rin maamin.

"Wala kang pasok ngayon?" tanong ko pa.

"Meron, pero parang hindi ko kaya. Sumasakit din ang ulo ko."

Kumunot ang noo ko. "Sigurado ka bang ayos ka lang? Baka kailangan mo nang magpatingin sa doktor."

"Wala naman akong kasama. Nasa malayo si mama."

Napabuntong-hininga ako. Sana hindi na lang pala ako umalis para masamahan ko siya. "Kay Tito Hayme? Baka pwede ka niyang samahan."

"Ayos lang ako, Jude. Sige na, enjoy-in mo ang sarili mo d'yan dahil matagal kang nawala sa pamilya mo. Masaya akong nakasama mo na ulit sila. Masaya ako para sa 'yo."

Pinilit kong ngumiti sa kabila ng pag-aalala. "Pagbalik ko, sasamahan kitang magpatingin sa doktor. Hinding-hindi na kita iiwan. Pangako."

Ngumiti naman siya bago tuluyang nagpaalam sa akin.

Napahinga ako nang malalim habang nakatingin sa kalawakan. Hindi ko mapigilang mag-alala para kay Niana. Hindi naman namin iyon palaging ginagawa at kung iyon nga ang dahilan kung bakit siya nagsusuka at nahihilo, handa ko siyang panagutan. Alam na rin naman ng pamilya ko ang tungkol sa relasyon namin ngunit wala lang talagang pagkakataon na makabalik si Niana dito dahil sa trabaho niya.

Naglakad-lakad muna ako sa labas ng bahay namin habang nag-aalala para kay Niana. Napansin kong malaki na talaga ang pinagbago ng lugar. Kahit ang posong iniigiban ko noon ay malaki na pero hindi na ganoon karami ang umiigib dahil kaliwa't kanan na ang metro ng tubig. Maganda siguro ang palakad ni Mayor Arthuro sa bayang ito kaya umuunlad na kahit ang mga kagaya kong mahirap noon na masasabing hindi na problema ang pera ngayon.

***

Isa-isang inahinan ni inay ang plato namin ni itay. Na-miss ko ito—ang sabay-sabay naming paghahapunan. Dati isang sardinas lang ang pinaghahatian namin. Ngayon, nakakabili na kami ng inihas na liempo ng baboy. Pero mas masarap pa rin kung kakainin nang nakakamay.

Narito rin si Annika at Jonas na sumasabay sa amin sa pagkain. 'Yong mga magulang daw kasi ni Jonas ay nagde-date kung kaya't narito siya sa bahay upang magmukmok sa inggit. Buti pa raw ang mga magulang niya ay nagde-date, siyang binata ay walang ka-date. Natawa naman ako. Ibig sabihin, tinupad niya ang pangako niyang hindi niya popormahan ang pinsan ko o hindi niya lang talaga tipo?

"Kailan ba kayo magpapakasal ni Niana?"

Halos masamid si Jonas sa tanong ni inay. Sandali, hindi niya ba alam ang tungkol sa aming dalawa?

Agad siyang lumingon sa akin at nanlalaki ang mga mata habang nagtatanong kung ano raw ang ibig sabihin ni inay.

"Malapit na ho."

Nakita ko namang nagtakip ng bibig si Annika na para bang siya ang kinikilig para sa akin. Hindi naman mawala ang pagngiti ni itay tila ba gustong-gusto nang maikasal ako at magkaapo. Kahit hindi sabihin, iyon ang nakikita ko sa mga mukha ng aking mga magulang.

"Makapag-leave lang po siya sa trabaho niya ay bibisita siya rito."

"Mabuti naman kung ganoon. Biruin mo, ang tumulong sa akin noon ang siyang mapapangasawa mo. Botong-boto ako sa kaniya. Maganda at busilak ang puso ng batang iyon. "

Hindi ko rin mapigilang mangiti. Sa isang banda, tama si itay. Hindi ko rin inaasahan na maiiba pala ang landas ng buhay ko dahil kay Mang Hayme.

"Pero bente dos palang ang anak mo para mag-asawa," singit ni itay.

"Ano naman? Ayaw mo bang makita ang apo mo? Malapit na tayong mawala sa mundo." Ibinaling muli ni inay ang mata niya sa akin. "Kung handa ka na anak, pwede na."

"Naialis natin sa kaniya ang pagiging binata dahil nagtrabaho siya nang maaga. Mabuti na munang enjoyin nila ang pagiging binata't dalaga. Saka na ang pag-aasawa, Jude, huwag mo kaming alalahanin. Magpakaligaya muna kayo. Mahirap ang pag-aasawa," litanya ni itay na mababakasan ng pagsisisi dahil parang inaako niya ang kasalanan kung bakit hindi ako nakapag-aral nang maayos at hindi nakapagsaya noong bata ako. Ayos lang. Hindi naman na ako nalulungkot o nanghihinayang. Masaya na ako sa kung anong meron ako. Kuntento na ako. Napagtanto ko na ang labis na pag-asam sa isang bagay ay ang dahilan ng pagiging malungkot ng isang tao.

Natapos kaming kumain at sandali akong lumabas para pagmasdan ang liwanag ng buwan. Sumunod naman si Jonas sa akin at tinapik ang balikat ko.

"Nagkatuluyan pala kayo ni Niana," sambit niya.

"Bakit?" tanong ko. Kasalukuyan kaming narito sa ilalim ng puno habang nakatambay.

"Wala naman. Hindi ko lang inaakala. Matagal na kayo?"

Tumango ako. "Apat na taon na."

"Samantalang si Stephanie pitong taon nang naghihintay."

Napalunok ako sa sinabi niya. "Anong ibig mong sabihin?"

"Hinihintay ka niya. Hindi mo ba alam?"

Lumalim ang paghinga ko sa narinig ko kay Jonas. "Ipinaglaban ka niya kay Rasty kaya hindi natuloy ang kasal nila. Nalaman din ng lahat na anak siya sa labas."

Napakagat ako sa labi ko. "Hindi ko alam."

Muli niyang tinapik ang balikat ko. "Kaya nga sinasabi ko sa 'yo."

"Sana hindi mo na lang sinabi."

"Bakit? Maguguluhan ka ba? Pupunta ka ba kay Stephanie at iiwan mo si Niana? Sino ba talagang gusto mo sa kanilang dalawa?"

Hindi ako agad nakasagot.

"Sino ba talaga ang laman ng puso mo? Bakit natigilan ka?"

Isang babae lang ang pumasok sa isip ko—ang dahilan ng malakas na pagtibok ng puso ko. Dahil sa nalaman ko, sigurado na ako kung sinong mahal ko. Siya nga. Siya lang.

*****

[Missy: Hi! Thank you for reading! Kindly vote for this chapter if you like it. It is a way to encourage a writer to continue writing. You can also share and recommend this book to your friends. Thank you so much for the love and support. See you on the next chapter!]

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top