Kabanata XX

Mahigit sampung oras ang itinagal ng byahe namin papunta sa Romblon. Patunay na napakalayo ng lugar na 'to sa probinsya namin.

Hindi ko inaasahang umaga na kami makakarating at sisimulan na agad namin ang trabaho. Simbahan daw ang project at palpak ang unang gawa ng mga trabahador doon sa isang pundasyon kung kaya't ipinadala si itay rito upang tulungan at ayusin ang naging problema. Hindi raw nagkaintindihan ang architect at ang engineer.

"Marami tayong aayusin at reremedyuhan. Sa tingin ko ay kaya naman natin ito basta magtutulungan tayo," sambit ni itay. Nakikinig ang mga tauhan niya kasama na rin ako na siyang nag-aaral palang ng kanilang trabaho. Hindi naman mabigat ang ibinigay nilang gawain sa akin dahil sa mga lumipas na araw paghahalo lang ng semento ang ibinigay nilang gawain. Hindi ko na namalayan na tumatakbo na ang oras na dati'y mabagal, bumibilis nang napapalitan.

Hindi ko maiwasang humanga kay itay dahil kahit ang mga engineer ay nakikinig sa kaniya. Matagal na kasi siya sa construction at kahit hindi siya nakapagtapos ng kolehiyo, malaki ang respeto sa kaniya ng mga engineer. Kaya siguro ipinadala si itay dito sa Romblon.

Pumunta na ako sa lugar kung saan ako in-assign ni itay. Pinatutulong niya ako sa steelworks.

Laking gulat ko nang matanaw ko si Rasty sa hindi kalayuan. Mukhang papunta siya rito at balak sirain ang araw ko. Anong ginagawa niya rito?

Nakangisi siya na para bang may masamang pinaplano. Inalis ko na lamang ang atensyon ko sa kaniya at nakinig sa sinasabi ng aking ama pero malakas yata ang apog niya't nilapitan niya ako nang tuluyan. Si itay naman ay nagfocus na sa trabaho niya.

"Hoy Jude!" bati sa akin ni Rasty. Napansin ng ibang mga kasama ko na mukhang may balak sa akin ang anak ng may ari ng construction project na ito kung kaya't isa-isa silang umalis. Hindi ko na lamang pinansin si Rasty at ipinagpatuloy na lamang ang ginagawa ko. Hindi ko gustong patulan ang katulad niya dahil baka hindi lang ako ang mawalan ng trabaho kung hindi pati na rin si itay.

Naramdaman ko ang pag-akbay niya sa akin. "Hindi mo man lang ba ako babatiin?" tanong niya na akala mo'y isang matalik kong kaibigan kung makapag-request. Kung hindi lang ako nagtatrabaho sa ilalim niya, kung pantay lang kami ng estado sa buhay baka hindi na ako nakapagpigil.

"Bakit ka ba narito?" tanong ko na pinipiling huwag mainis sa presensya niya.

"Well, I just want to check kung nag-uusap pa kayo ng fiancé ko."

Kumunot ang noo ko at napalingon sa kaniya.

"Alam mo na, baka sumasalisi ka pa. Mabuti na 'yong sigurado," dagdag pa niya.

"Wala akong telepono kaya wala kang dapat ipag-alala at kinamumuhian niya ako kaya hindi mo na kailangang pumunta rito," matigas kong sambit.

Ngumisi siya tsaka inilapit ang tainga ko sa bibig niya. Para niya akong sinasakal gabi ang bisig niya. "Mabuti dahil kahit magtrabaho ka rito, makaipon, hindi mo pa rin maa-afford makipagkumpitensya sa akin. Akin si Stephanie at ikaw, maghanap ka na lang ng iyo. 'Yong tanggap ang kahirapan mo."

Napabuga ako.

Naalibadbaran ako sa sinabi niya kung kaya't tinanggal ko ang kamay niya sa balikat ko.

"Tigilan mo ako. Kaysa aksayahin mo ang oras mo sa pangmamaliit ng tao, bakit hindi ka bumalik sa probinsya at mag-aral? Pumunta ka lang ba dito para mang-asar?"

Natawa siya. "Aba, lumalaban ka na, porque kumikita ka na rito, ha?" Hinawakan niya ang mukha ko at tinapik-tapik niya ang pisngi ko habang suot niya ang mapang-insultong ngiti. Kahit kailan talaga. Malapit ko na 'tong bangasan.

"Tumatapang ka na. Ganiyan ba kapag nagkakapera?" Ngumisi siya. "Natatandaan mo ba 'yong araw na nakita mo 'ko sa likod ng bahay nila?"

Muling bumalik sa alaala ko ang kabalastugaan niyang ginawa. Iyong pagsilip niya sa likod ng bahay nila Stephanie.

"Nakita ko na lahat ng 'yon. Nahawakan. Natikman. Gusto mo ba i-describe ko sa 'yo?"

Hindi ko na napigilan ang kamao kong lumipad sa mukha niya. Ramdam ko ang pangingilid ng luha sa mata ko. Kung gaano ako nasasaktan noon na napunta sa kamay niya ang taong mahal ko ay mas labis ang sakit na malamang pinaglaruan niya lang pala ito dahil kung ako lang, hindi ko naman gagawin iyon.

Gusto kong sisihin ang sarili ko. Kung hindi lang sana kami mahirap, kung may lakas ng loob lang sana akong sabihin ang nararamdaman ko at pangatawanan ang lahat, kung may tapang lang sana akong ipaglaban siya, hindi na sana siya napunta sa gagong lalaking 'to. Ngayong ikakasal siya sa lalaking ito, hindi ko maiwasang sisihin ang kahirapan. Hindi ko maiwasang sisihin ang sarili ko. Dahil kung kaya ko lang, lahat ng salitang sinabi ko, tutuparin ko.

Sobrang nasasaktan ako dahil binabastos niya lang ang babaeng langit ang tingin ko.

"Jude!"

Nabalik ako sa reyalidad nang marinig ko ang sigaw ng ama ko. Nakita kong halos mabasag ang mukha ni Rasty sa suntok ko. Nakahiga na pala siya sa sahig at wala nang malay. Puro dugo ganoon rin ang kamay ko at basang-basa dahil tumutulo na pala roon ang mga luha ko.

May humila sa akin palayo kay Rasty. Ganoon din kay Rasty. Binuhat siya paalis sa pagkakahiga niya. Tila ba nawala ako sa wisyo. Nakita ko na lamang ang sarili kong nasa isang kwarto. Nakaupo habang nakatulala sa kawalan.

Muntikan ko nang mapatay si Rasty dahil sa galit. Nandilim pala ang paningin ko at hindi ko napigilan ang aking sarili. Napabuntong-hininga ako. Posible ko palang magawa iyon. Kaya ko palang banatan ang lalaking 'yon.

Nakatingin lang sa akin ang aking ama na ngayo'y nakaupo pala sa tabi ko. Hindi siya nagsasalita o nagtanong man lang tungkol sa nangyari. Inaasahan kong kakausapin ako ng tatay ni Rasty at matatanggal ako sa trabaho ngunit walang ganoong nangyari. Hindi ko alam kung bakit. Napakiusapan ba ni itay ang boss niya na huwag akong tanggalin?

Nabalitaan kong nahospital si Rasty pero hindi naman kami ang kailangang sumagot ng mga bayarin. Sabi pa ng isang engineer na nagdala kay Rasty sa hospital ay dadalhin na ito pabalik sa probinsya at doon na magpapagaling.

Lumipas ang mga araw, ang mga buwan nang hindi ko namamalayan. Nagkakaroon na lang ako ng ideya sa petsa kapag sumasahod na. Alam kong katapusan na ang buwan kung may kaltas na sa pera ko. Ni hindi ko ginagastos ang mga iyon at nasa bag ko lang. Si itay lang kasi ang nagpapadala kay inay at ang pera ko'y hindi naman na daw kailangang ipadala doon dahil tumaas na rin ang sahod ni itay.

Hindi ko alam kung bakit pa ako isinama ni itay dito kung hindi rin naman niya kailangan ang sahod ko para ipadala kina inay at Annika. Gusto niya lang bang malayo ako sa lugar na iyon?

Bumuntong-hininga ako habang inilalagay muli sa isang lalagyan ang nakasobre kong sahod na hindi ko tinitingnan kung magkano. Ni hindi ko rin binibilang. Wala rin naman sa akin ang pera. Kung magkakaroon man ako ng sahod o wala. Wala naman akong pinagkakagastusan. Minsan ipinapahiram ko na lamang kapag may nangangailangan sa isa sa mga tauhan ni itay. Hindi ko na nga matandaan kung sinong napapahiram ko. Malalaman ko na lang kapag nagbayad na sila.

"Hindi mo ba balak bumili ng cellphone?" tanong ni itay nang makita niya akong isinara na ang bag ko.

"Hindi naman po kailangan, 'tay," sagot ko tsaka kinuha ang tuwalya upang maghanda sa pagligo. Naalala ko si Jonas pati na rin ang numero niyang nabura sa palad ko. Walang paraan para makausap ko sila pero ayos lang, gusto ko itong pananahimik.

Tumango lang siya. Akmang papasok na ako sa banyo nang magsalita ang aking ama.

"Naaalala mo ba 'yong araw na pumunta si Rasty rito?"

Nagtataka man ay sumagot ako sa tanong niya. "Opo, itay."

"Alam mo ba kung bakit hindi ko itinanong kung bakit kayo nag-away?"

Umiling ako. "Hindi po."

"Dahil alam ko kung bakit nag-aaway ang dalawang binata."

"Bakit po?" Nahihiwagaan kong tanong.

"Dahil sa babae."

Napasinghap ako. "Dahil ba kay Stephanie kaya hindi mo ginagalaw ang pera mo?" tanong pa niya na para bang pulis na hinuhuli ako.

Sasagot na sana ako nang tumawa siya. "Hindi mo na kailangang sagutin. Alam ko na 'yan. Ganiyan din ako noong gusto kong pakasalan ang inay mo."

Napanganga ako nang banggitin niya si inay na para bang kinikilig pa rin na teenager. Ngayon lang siya nakipag-usap ng ganito sa akin at mukhang magiging mahaba ang gabi namin upang magkuwentuhan tungkol sa buhay pag-ibig nilang dalawa.

"Hindi po itay, ikakasal na si Rasty kay Stephanie."

Umiling siya. "Hindi na iyon matutuloy. Sabi ng kaibigan kong si Mayor Randy na siyang ama ni Rasty, hindi niya raw ito ipakakasal sa babaeng gusto mo. Nalaman niya ang mga kalokohang ginagawa ng anak niya kung kaya't ipadadala niya ito sa ibang bansa," mahabang kuwento ni itay na tila ba nasagot ang mga tanong ko. Kaibigan ni itay ang Mayor na siyang boss ng construction project na ito sa Romblon? Kaya ba hindi ako tinanggal sa trabaho noong bugbugin ko ang anak niya?

At para bang nagkaroon din ako ng pag-asa sa balitang iyon. Ibig sabihin, malaya na si Stephanie ngayon? Maaari na ba kaming dalawa?

Napangiti ako ngunit nawala din iyon nang magsalitang muli si itay.

"Ngunit bata ka pa, Jude. Marami pang babaeng darating sa buhay mo. Marahil ang babaeng gusto mo ngayon ay hindi pala ang taong para sa 'yo. Minsan ang taong pinaka hindi mo inaasahan ay ang makakatuluyan mo."

Malaking hiwaga ang sinabi ni itay. Gusto kong patunayan sa kaniya na isa lang ang taong gusto ko at hindi na magbabago kailanman. Sigurado ako sa nararamdaman ko. Isa lang ang babaeng nagustuhan ko at hanggang ngayon, hindi ko man siya nakikita o nakakausap hindi nawawala ang nararamdaman ko para sa kaniya. Malinaw pa sa alaala ko ang mga panahong magkasama kami at ang mga panahong naramdaman ko ang tunay na kahulugan ng saya at pag-ibig.

"Sinong makaaalam? Ang alam ko lang ay kung para sa 'yo, ibibigay sa 'yo. Mawala man ay ibabalik sa 'yo. Bakit?" tanong niya sa akin na kailanman ay hindi ako nagkasagot.

"Dahil para sa 'yo."

*****

[Missy: Hi! Thank you for reading! Kindly vote for this chapter if you like it. It is a way to encourage a writer to continue writing. You can also share and recommend this book to your friends. Thank you so much for the love and support. See you on the next chapter!]

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top