Kabanata XVIII

"Sabihin na natin sa pamilya natin ang totoo...ang totoong namamagitan sa ating dalawa."

Nakaramdam ako ng takot. At muli kinain na naman ako ng kahihiyan. Anong mukhang maihaharap ko sa pamilya niya kapag ipinaalam namin ang tungkol sa amin? Siguradong hindi rin ako matatanggap ni Mang Berting. Pakiramdam ko, kasalanan ko itong lahat. Kung hindi sana ako inunahan ng bugso ng damdamin, hindi ko siya mapupunta sa ganitong sitwasyon.

"Stephanie, wala pa akong maipagmamalaki," sagot ko sa kaniya kasabay ng pagbitiw ko sa kaniyang mga kamay.

"Anong ibig mong s-sabihin?" Nabasag ang boses niya.

"Langit ka at lupa ako, Stephanie."

Napabuga siya. "Anong langit ako at lupa ka? Wala rin akong yaman sa mundo, Jude! Ang mga magulang ko ang mayaman pero ako, hindi! Ampon lang ako! Mali, anak ako sa labas! Kaya huwag mong isiping langit ako dahil pareho lang tayong nakatapak sa lupa! Pareho lang tayong lupa, Jude. Pantay lang tayo!"

Nagngitngit ang mga ngipin niya. Bakas sa mukha niya ang inis sa akin. Ito ang unang beses na nakita ko siyang namula sa inis at ako ang dahilan. Parang kanina lang may nagagalit at sumisigaw sa harap ko.

At sa sandaling iyon, ibang babae ang tumakbo sa isip ko. Hindi na siya.

At iyon ang nagpabilis ng tibok ng puso ko.

***

Hindi pa rin ako mapalagay sa desisyon ni Stephanie. Gusto niyang patunayan sa akin na hindi niya ako niloloko. Gusto niyang sabihin sa mga magulang niya ang totoo na hiwalay na sila ni Rasty at binabantaan siya nitong isisiwalat sa lahat ang tungkol sa pagkatao niya. At dahil doon lalo akong hindi napanatag. Siguradong hindi papayag ang mga magulang niya na hiwalayan niya ang lalaki hindi dahil sa reputasyon nila kundi para protektahan si Stephanie.

Hanggang ngayon, hindi ko alam kung paano ko ipaliliwanag sa kaniya ang mga ito.

Napabuntong-hininga ako habang nakatitig sa kalendaryo. Tatlong araw na lang at aalis na kami ni itay. Hindi ko pa rin nababanggit kay Stephanie ang tungkol sa pag-alis ko. Paano ko masasabi? Ayokong maramdaman niyang iniiwan ko siya sa ere. Isa pa, ako ang may kasalanan. Kung hindi ko sana sinimulan, wala akong magugulong buhay.

Lumabas na lang ako sa kwarto ko upang magkalikot na lang ng kung ano. Baka may kailangan akong kumpunihin. Mabuti nang maayos ko bago ako umalis para hindi na rin mahirapan si mama at ang pinsan ko.

Sinuri ko na ang bumbilya at ilaw namin sa hapagkainan, sa banyo at sa kwarto pati na rin ang tubo sa lababo kung saan tumutulo ang tubig. Hindi ko rin pinalagpas ang wiring ng kuryente namin para maiwasan ang kung ano mang aksidente. Tsaka ang bubong kung may butas ba para hindi sila mahirapan kapag umuulan. Nagwalis na rin ako at nag-agiw. Noong nakaramdam ako ng gutom, doon ko lang napansin na wala si inay. Nasaan pala siya?

"Pagpasensyahan mo na itong bahay namin, ha? Halika, pasok ka hija."

Napalingon ako roon sa pintuan nang marinig ko si inay.

"Naku, ayos lang ho. Nakakahiya nga po at nag-abala pa kayo. Hindi niyo naman ho kailangang bumawi."

"Ano ka ba? Kung hindi dahil sa 'yo baka tuluyan na akong nadulas doon sa palengke. Mabuti na lang at inalalayan mo ako papunta rito sa amin. Maraming salamat, hija."

Ibinaba ko muna ang hawak kong walis at naglakad papunta sa kanila ngunit hindi pala ako makakakilos nang makita ko siya.

"Niana?"

"Jude?" tanong niya nang makita ako. Tila ba hindi siya makapaniwalang nasa harapan niya ako. Maging ako naman. Hindi ko inaasahang mapapadpad siya sa bahay namin. Nakita ko pang umiwas siya ng tingin kaya napatingin ako sa sarili ko. Takte. Nakalimutan ko palang magdamit. Agad kong isinuot ang sandong nakasampay sa aking balikat tsaka lumapit sa kanila.

"Kilala mo si Niana, anak? Siya ang tumulong sa akin kanina sa palengke habang nagtitinda ako," nakangiting sambit ni inay sabay tapik sa balikat ni Niana.

Kumunot ang noo ko. Hindi ko alam na nagtitinda pala si inay sa palengke. Ganito ba ang ginagawa niya kapag pumapasok ako sa eskwelahan?

"O-opo," sagot habang ikinukubli ang pagkataranta. Ni hindi ko alam kung anong gagawin kong pagsisilbi sa kaniya o kung dapat bang magpasalamat muna ako sa pagtulong niya sa nanay ko. Pero nang mapansin kong may hawak si inay na bayong ay agad ko iyong kinuha at dinala sa sulok.

Napansin ko silang dumeretso sa kusina. Binigyan ni inay si Niana ng maiinom na malamig na tubig bago tahimik na nag-usap. Napangiti ako nang makita kong nakangiti rin si inay na para bang ligayang-ligaya siya sa pakikipag-usap kay Niana. Sabagay, hindi rin naman kami ganoon nakakapag-usap ni inay. Bukod sa solong anak lang ako na lalaki ay palagi pa akong wala. Kami ni itay. Hindi ko rin tuloy maiwasang mapaisip kapag umalis kaming dalawa. Mabuti na lang at maiiwan ang pinsan kong babae rito para may makasama siya. Hindi siya mabuburloy.

"Jude, anak! Ibili mo kami ng tinapay sa labas!" mahinahong utos sa akin ni inay.

"Naku! Huwag na ho. Ilaan niyo na lamang po iyan sa ibang bagay. Ayos lang ho ako. Okay na po sa akin na walang nangyari sa inyong masama."

"Napakabuti mo, hija. Pagpalain ka nawa ng Dios."

Hindi naman na nagtagal pa ang pag-uusap nilang dalawa at kunwari pa akong abala at nagkukumpuni ng kung ano pero nakikinig lang ako sa pag-uusap nila. Muntikan na palang madulas si inay kanina habang nagtitinda siya. Namamasukan pala siyang tindera sa isa sa mga tindahan ni Aling Kristina sa palengke para mabayaran ang utang namin. At mabuti na lang ay naroon si Niana at nasalo siya dahil kung hindi baka kung ano nang nangyari.

"Sige, hija at mukhang naaabala na rin kita. Ipahahatid na lang kita sa anak ko katulad ng pag-alalay mo sa akin pauwi."

"P-po? H-hindi na po!"

Pero agad na akong tumayo at lumapit sa kanila. Hindi ko rin alam kung bakit naging ganito ang asta ko. Para bang gusto kong makasama at makausap si Niana nang kaming dalawa lang.

Wala nang nagawa si Niana nang makita niya ako sa gilid niya. Iniwas niya pa ang tingin sa akin pero hindi niya alam na sa ginawa niya ay mas lalo akong nagkaroon ng panahong titigan siya.

Nagpaalam na kami kay inay at saka ko sinabayan si Niana sa paglakad papalabas ng bahay namin. Matagal na katahimikan ang namagitan sa aming dalawa. Hindi ko rin alam kung saan ako magsisimula. Tahimik lang din akong naglalakad kahit hindi ko alam kung saan kami papunta.

Napansin ko ang motor na papunta magmumula sa likod namin kung kaya't agad kong hinili si Niana na siyang ikinagulat niya. Sa balakang pala niya ako napakapit. Pinili ko nang ipasok siya sa loob upang kung may mababangga man ng sasakyan ay hindi siya kundi ako ang mahahagip.

"S-salamat," sambit niya kaya napalingon ako. Binigyan ko siya ng simpleng ngiti. "Salamat din sa pagtulong mo kay inay."

Umiling siya. "Wala iyon."

Muli, sandaling katahimikan ang pumuno sa ilang minuto naming paglalakad.

"Doon pala kayo nakatira," sambit niya.

"Oo. Pasensya ka na. Hindi masyadong maganda."

Kumunot ang noo niya. "Anong hindi? Ang aliwalas nga, eh! Kung hindi siguro ako hinahanap sa amin ay magtatagal pa ako roon! Mas maganda ang bahay ninyo kaysa sa amin na malaki pero hindi naman madalas magkakitaan. Napapalayo lang ng malaking bahay ang isa't isa sa pamilya."

Tiningnan ko siya. Batid kong galing sa puso niya ang mga salitang iyon. Pakiramdam ko'y pinagagaan niya ang loob ko.

"Kahit ganoon lang ang bahay ko, ayos na ako," dagdag pa niya.

Napangiti ako. "Paano kung bagyuhin? Siguradong masisira agad ang bahay kapag hindi bato."

"Eh di aayusin ulit at mas pagtitibayin. Bukod sa bahay, siguro'y pati ang pagsasama namin ay magiging matibay din. Hindi naman pagkasira lang ang iniiwan ng bagyo, kundi isang magandang umaga pagkatapos no'n."

Hindi ako agad nakapagsalita. Wala sa hinuha kong may ganoon palang klase ng babae kung mag-isip. Payak lang at walang enggrandeng inaasam.

"Nagkausap na kayo?" pag-iiba niya ng usapan. Alam ko na kung sinong tinutukoy niya.

"Oo."

Tumango siya at nawala ang ngiti sa mga labi. Napansin ko pa ang marahan niyang paglunok. "Mukhang alam ko na ang napag-usapan ninyo," sambit niya bago tumingin sa akin. "Hindi mo na ako kailangang ihatid sa amin."

Kumunot ang noo ko. "Ihahatid kita."

Umiling lang siya at dumistansya sa akin. Pakiramdam ko'y bukod sa lumalayo siya ay pinalalayo niya rin ako. Alam niya na ang napag-usapan namin ni Stephanie?

"Bye, Jude."

Tumakbo na siya palayo sa akin at kahit sinubukan kong tawagin at habulin siya ay hindi na siya lumingon. Pakiramdam ko, hindi ko na talaga siya makikita kailanman. Pakiramdam ko mawawalan ako ng kaibigan.

Pabalik na ako sa lugar namin nang may nagtalukbong sa ulo ko. Hindi ko na alam ang sunod na nangyari.

*****

[Missy: Hi! Thank you for reading! Kindly vote for this chapter if you like it. It is a way to encourage a writer to continue writing. You can also share and recommend this book to your friends. Thank you so much for the love and support. See you on the next chapter!]

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top