Kabanata XVII

"Niana?" pagtawag ko sa kaniya. "Anong ginagawa mo rito?"

Ngumiti siya. "Namamasyal."

"Wala kang kasama?"

Umiling siya. "Wala," sagot niya na siyang naging dahilan ng pagsalubong ng mga kilay ko.

"Wala? Ikaw lang mag-isa?"

"Oo. Gusto mo ba akong samahan?"

Hindi ako kaagad nakasagot pagka't bukod sa hindi ko inaasahan ang tanong niya ay hindi ko rin inaasahang makikita siya rito.

"Sige, pero hintayin natin si Jonas. Nagsi-cr lang siya," sambit ko.

"Si Jonas?"

Tumango ako. "Oo, 'yong kaibigan ko. Tanda mo?"

"Oo naman. Siya 'yong tinawagan ko noong pinagdiskitahan ka."

Napasinghap ako nang maalala iyon. "Oo nga pala, Niana, maraming salamat sa ginawa mong pagtulong sa akin noong gabing iyon. Hindi ko na matandaan ang buong nangyari kung kaya't hindi ko rin alam kung paano ako napunta sa hospital. Pagkagising ko, hindi naman na kita nakita."

Umupo siya sa inuupuan ko kanina kung kaya't ganoon din ang ginawa ko.

"Hindi mo matandaan? Ibig sabihin, hindi mo rin maalala 'yong mga sinabi ko sa 'yo?"

Tumango ako. Napabuntong-hininga naman siya. Ang sandaling katahimikang iyon ang naging dahilan kung bakit napansin kong parang ibang-iba ang itsura niya. Naka-bestida siya ngayon na kulay asul at hindi maitatangging may tinatangi siyang kagandahang mapapalingon ang mga lalaki. Kahit ako'y gustong mapatahimik ng ganda niya.

"Hindi mo na matandaang sinabi ko sa 'yong mahal kita?"

Tiningnan niya ako habang nakangiti—ngiting hindi masaya kundi puno ng pait. Ito na. Natahimik na ako. May nararamdaman din akong kung ano sa loob ko na hindi ko maintindihan.

Nagsinungaling ako. Hindi ko 'yon makakalimutan...ang buong pag-uusap namin. Bukas na bukas ang diwa ko noong umamin siya.

"Kung hindi mo matandaan, kalimutan mo na lang. Tutal, may nobya ka na rin naman."

Kumunot ang noo ko. "P-paano mo nalaman?"

"Akala ko si Stephanie ang kasama mo ngayon. Nasaan siya?"

Hindi ko iyon sinagot.

Hindi ko alam kung nasaan ang nobya ko o kung nobya ko pa nga ba siya.

"Biruin mo, naging kayo na talaga. Nakinig ang Panginoon sa mga dasal ko."

Tumingin siya sa langit at alam kong hindi ako makakatingin kung saan siya nakatingin dahil mas gusto kong pagmasdan ang mukha niya. Mas maganda ito kaysa sa langit.

"Ipinagdasal mo kami?"

Bumalik ang tingin niya sa akin tsaka marahang tumango. "Oo, sabi ko sa 'yo kung saan ka masaya doon ako at natutuwa akong sa wakas, kasama mo na siya."

Isang butil ng luha ang pumatak sa pisngi niya. Hindi siya masaya. Nasasaktan siya. Nasasaktan siya dahil sa akin.

At nasasaktan din akong nakikita siyang lumuluha. Hindi ko man maamin pero nagkaroon na siya ng puwang sa puso ko. Naging mabuti siyang kaibigan sa akin at tinulungan niya akong harapin ang takot ko. Kung hindi dahil sa kaniya ay posibleng wala rin si Stephanie sa akin ngayon.

Pero bakit parang hindi ako natutuwa sa sinabi niya?

Bakit kumirot ang puso ko nang sabihin niyang masaya siya para sa amin?

Pupunasan ko na sana ang pisngi niya nang tumayo siya para lumayo sa akin.

Bakit pakiramdam ko nawalan ako ng importanteng bagay na hindi ko na muling mahahawakan pa?

"Hindi ko inaasahang makikita kita rito, Jude. Baka way na ito ng Panginoon para makapagpaalam sa iyo nang maayos."

Lumingon siya sa akin.

"Ito na ang huling beses na makikita mo ako, Jude. E-exit na ako."

Tinalikuran niya ako at naglakad siya palayo sa akin. Sinubukan ko siyang habulin.

"T-teka sandali, Niana!"

Ngunit pareho kaming napatigil sa nasaksihan naming dalawa.

Maging ako'y nawalan ng hininga ng sandaling iyon.

Napalingon pa sa akin si Niana upang tanungin kung sigurado ba siya sa nakita niya...

Si Stephanie at Rasty...magkasama. Magkahawak ng kamay sa perya.

"Jude, anong ibig sabihin nito?" nag-aalalang tanong ni Niana nang bumalik siya sa akin.

Tuluyan nang nawala sa paningin ko si Stephanie at Rasty.

Napayuko ako. Kompirmado ko na. Hindi ako mali noong nakita ko silang magkasama roon sa palengke. Hindi naman sila pupunta rito ng sila lang kung wala lang ibig sabihin.

"Jude..." pagtawag muli sa akin ni Niana. Bakas sa mga mata niya ang lungkot at pag-aalala habang hawak niya ang kamay ko. "Bakit sila magkasama?"

"Hindi ko rin alam," simpleng sagot ko habang nagtitimpi sa aking sarili. Bumibigat ang loob ko lalo na ngayong hindi lang ako ang nakakita. Nakita rin ni Niana.

"Anong hindi mo alam? Hindi mo ba sila tatanungin?" Mahigpit niyang hinawakan ang kamay ko tsaka ako hinila. "May karapatan kang magtanong dahil nobyo ka!"

"Wala akong karapatan!" sigaw ko na siyang ikinagulat niya. Napatigil naman siya sa paglakad at lumingon muli sa akin.

"Anong wala, Jude? Anong pinagsasasabi mo? Hindi mo ba karapatang kwestyunin kung bakit sila magkasama gayong ikaw ang nobyo?" sigaw niya pabalik. Napapansin na rin kami ng mga tao sa paligid namin.

"Nasaan ang karapatan ko? Walang karapatang magtanong ang mahirap na gaya ko. Kita ko na kung bakit."

Nakatanggap ako ng sampal mula sa kaniya na para bang sampal para magising na ako sa katotohanan. Sampal na nagsasabing tumigil na ako sa kabobohang ito.

Nakita kong namumula ang mukha niya sa galit at bukod doon, lumuluha siya. "Ang bobo mo talaga! Nakakainis ka! Bakit hindi mo makitang wala sa yaman ang karapatan? Hindi porque wala kang pera ay wala ka nang halaga. Mahalaga ka sa 'kin! Bakit hindi ka man lang mapahalagahan ng iba?"

Napalunok ako nang tumagos sa buto ang bawat salitang lumabas sa bibig niya. Kita ko ang pagkayamot sa kaniyang mukha lalo na't gumugusot ang kaniyang noo dahil magkasalubong ang kaniyang magagandang kilay. Maging ang kamay niya'y nakakuyom habang nakakapit sa kaniyang bestida.

"Nagagalit ako sa 'yo dahil napakabobo mo! Bakit hinahayaan mong gawin nila 'yan sa 'yo? Hindi mo ba mahal ang sarili mo? Paano kita maiiwan kung ganiyan ka? Para kang bata!"

Hindi masakit ang mga salitang iyon. Ang tanging nakikita ko lang ay ang sobrang pag-aalala niya para sa akin. Umiiyak siya para sa akin. At doon ko nasigurong mas nasasaktan siya kaysa sa akin.

"Kausapin mo siya. Mag-usap kayo. Kasi kung hindi mo siya kakausapin, kukunin na kita sa kaniya," pagbabanta niya na para sa akin ay hindi isang banta kundi isang pabor. Nasisiraan na yata ako at natutuwa pa akong nakikita siyang nagagalit sa akin.

Kung dati, siya ang sumisira ng araw ko parang ngayon gusto ko nang gumanti at palaging sirain ang araw niya.

Kanina lang ay parang bumagsak ang loob ko sa nakita ko ngunit ngayon ay nabalik niya sa ayos. Hindi ko alam kung anong hiwagang mayroon ang babaeng ito kung bakit sa isang iglap, hindi naging malungkot ang gabi ko.

***

Hinatid namin ni Jonas si Niana sa kanilang bahay. Totoo ngang wala siyang kasama at mag-isa lamang na pumunta sa perya. Ano bang pumasok sa isip niya at gumala siyang mag-isa ng dis oras ng gabi? Baka mamaya mapahamak siya sa daan.

Buong paglalakbay namin ay magkausap silang dalawa ni Jonas. Nag-aasaran. Inaasar ako. Natutuwa akong nakakausap niya nang magaan ang kaibigan ko. At tila ba naging sapat sa akin ang makinig lang sa boses niya.

Ang pagtawa niya nang malakas.

Pati na rin ang paghampas niya sa braso ko.

Maging ang pagkurot ay siyang kinagiliwan ko.

Magaan ang pakiramdam niya sa akin at kahit alam kong gusto niya ako ay hindi siya naiilang. Napaka-vocal niya sa kaniyang nararamdaman.

Nagpaalam na rin si Jonas sa akin nang mamalayan naming nasa tapat na pala kami ng bahay niya. Nasa dulo pa kasi 'yong sa akin pero mas nasa dulo ang bahay nila Stephanie.

Balak ko siyang puntahan at kausapin dahil nahimasmasan ako sa sinabi ni Niana. Karapatan kong magtanong upang malinawan.

Tuluyan na akong naglakad papunta sa bahay nila Stephanie. Wari ko'y alas dose na ng madaling araw. Hindi naman ako naghintay nang matagal dahil maya-maya lang ay nakita ko na ang motor ni Rasty na huminto sa mamahaling bahay nila Stephanie. Hindi na ako nagulat nang maghalikan sila sa harap ko. Hinintay ko na lamang na makaalis si Rasty at bago pumasok si Stephanie ay nilapitan ko siya.

"Karapatan ko naman sigurong tapusin na ang sa atin, hindi ba?" tanong ko na ikinagulat niya. Napalingon si Stephanie sa akin at tila ba nagulat na naroon ako'y hinihintay siya.

"Jude..."

"Stephanie..." Napabuntong-hininga ako bago lumakad papalapit sa kaniya. "Hindi ko alam kung bakit inalok mo akong maging nobyo mo pero kung hindi mo talaga ako gusto, hindi ko naman ipipilit ang sarili ko sa 'yo."

"Jude..." Hinawakan niya ang kamay ko. "...mali ka ng iniisip."

Napabuga ako. "Anong mali? Nakita ko kayo noon sa bayan at kanina sa peryahan."

"Jude, hindi mo naiintindihan."

Nagbago ang mukha niya. Kung kanina'y nakangiti ngayon naman ay lumuluha na para bang natatakot. "Kailangan kong gawin 'to dahil tinatakot niya ako."

Kumunot ang noo ko.

"Hindi ko siya mahal pero kailangan kong magkunwari. Ikaw ang tunay kong gusto, Jude. Sorry kung hindi ko nasabi sa iyo. Ito lang ang naiisip kong paraan."

Napabuntong-hininga ako. "Kung ganoon, pag-aralan mo siyang mahalin."

Mas lalong lumakas ang hikbi niya at humigpit ang kapit niya sa kamay ko. "Ayoko. Ikaw ang gusto ko. Hindi ba't sabi mo ay tutulungan mo akong makawala sa kaniya? Kung makikita niya tayong magkasama, siguradong makikipaghiwalay na siya sa akin."

"Akala ko'y hiwalay na kayo," sambit ko habang sinusubukang kumalma kahit na parang bumababa ang tingin ko sa aking sarili dahil nakita kong may kasamang iba ang nobya ko.

"Wala akong choice, Jude kundi tanggapin siyang muli. Ayokong masira ang pamilya ko. Alam mong makapangyarihan ang pamilya niya. Ayokong mawala ang kayamanan at ang reputasyon ng pamilyang nagbigay sa akin ng magandang buhay." Napuno ng luha ang mga mata niya. Kita ko sa mga mata niya pagmamakaawa. Niyakap niya ako nang mahigpit.

"Jude, tulungan mo ako. Huwag mo akong iwan, please. Nagsasabi ako ng totoo."

"Hindi pwedeng dalawa, Stephanie. Hindi pwedeng dalawa kami," sagot ko. "Huwag mong isiping pinapipili kita ngunit mas makabubuti kung pipiliin mo siya."

Kumalas siya sa pagkakayakap sa akin bago ako marahang tiningnan. Patuloy siya sa pag-iling. "Hindi kita kayang iwan. Sabihin na natin sa pamilya natin ang totoo...ang totoong namamagitan sa ating dalawa."

*****

[Missy: Hi! Thank you for reading! Kindly vote for this chapter if you like it. It is a way to encourage a writer to continue writing. You can also share and recommend this book to your friends. Thank you so much for the love and support. See you on the next chapter!]

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top