Kabanata XVI
"Ayos ka lang, Jude? Bakit parang ang tahimik mo?" tanong ni Stephanie sa akin. Naglalakad na kami ngayon pauwi galing sa bayan. At matapos ko silang makita ni Rasty ay bumagsak na sa lupa ang mood ko. Hindi ko naman gustong mag-isip ng kung ano pero anong ibig sabihin ng nakita ko kanina?
"H-ha? O-oo. Bilisan na natin, baka abutan na tayo ng dilim," sagot ko na lamang. Ayoko rin namang masira ang araw namin kung kaya't mabuti na sigurong hindi ko ungkatin. Kahit na parang may laban sa loob ko.
"Jude!" rinig kong sigaw niya at doon ko napansin na kanina pa pala siya tumigil sa paglakad habang ako'y patuloy pa rin. "Anong problema?" dagdag pa niya habang nasa malayo. "Ayos ka lang ba talaga?"
Naglakad siya papalapit sa akin at kita ko sa mga mata niya ang pag-aalala. Hindi ganoon ang tingin na ibinigay niya kay Rasty. Walang inis. Walang poot. Bakit ganoon? Akala ko ba hindi niya na gusto ang lalaking iyon at ako na ang gusto niya?
Gusto kong maintindihan pero hindi ko mapigilan ang makaramdam ng selos. At pakiramdam ko kahit kami na ay wala akong karapatang magreklamo.
Sino ba naman ako para umapela?
Napabuntong-hininga ako bago siya sagutin. "Ayos lang ako."
"Hindi ka okay, Jude. Anong nagawa ko? Mula noong bumalik ka kanina ay parang nawalan ka na ng gana. Ni hindi ka na rin tumitingin sa akin nang matagal."
Muli ay umiling ako at tipid na ngumiti. "Halika na. Baka hinahanap ka na nila Mang Berting at Aling Kristina."
Hinawakan ko ang kamay niya bago siya sinabayan sa paglakad. Bitbit ko rin ang basket na puno ng kaniyang mga pinamili.
***
Ilang araw ang lumipas at hindi mawala sa isip ko ang nakita ko. Sana pala hindi ko na pinigilan ang sarili kong magtanong. Sana ay nakakatulog ako nang maayos.
"Jude, anak. Bakit hindi ka lumalabas? Hindi mo ba susulitin ang mga huling araw mo rito?" tanong ni inay sa likod ng pinto ng kwarto ko.
Isa pa iyon. Nalaman kong may kalayuan ang lugar kung saan kami magtatrabaho. At isang linggo na lang ay aalis na kami papunta sa Romblon.
Napabuntong-hininga ako. Magtatrabaho ako sa kompanya nila Rasty. Mas lalong hindi ko kayang itanong ang nakita ko dahil ayokong maapektuhan ang trabaho ni itay. Iyon na lamang ang pag-asa namin dito sa bahay.
Minsan parang gusto kong tumakas pero wala naman akong magawa. Hindi ako pwedeng magbulakbol dahil may umaasa sa akin.
"Jude?"
Nakatingin lamang ako sa kisame habang malalim ang iniisip.
"Narito si Stephanie sa labas. Gusto ka raw makausap."
Agad akong napabangon nang marinig ko 'yon kay inay. Tila ba nawala sa isip ko ang lahat at binuksan ko ang pinto. Sumalubong sa akin ang gulat na mukha ni inay habang ako'y sumisilip-silip sa kaniyang likuran.
"Binibiro lang kita. Bakit naman siya pupunta rito? Halika na, kumain ka na ng agahan."
Malalim ang buntong-hiningang inilabas ko bago ako sumunod kay inay. Sa isang banda tama siya, bakit nga ba pupunta si Stephanie rito?
Kumain na lamang ako bago ko napagdesisyunang lumabas at maglakad-lakad para masikatan ng araw. Ilang sandali lang ay narinig ko ang pagtawag sa akin ng kaibigan kong si Jonas. Agad siyang tumalon palapit sa akin at inakbayan ako.
"Kumusta? Anong pinagkakaabalahan mo ngayong bakasyon?" tanong niya sa akin. Oo nga pala, hindi niya alam ang tungkol sa pag-alis ko.
"Wala. Katulad lang ng dati. Tumutulong sa bahay."
"Tara, gala tayo! Mamayang gabi ang unang araw ng perya sa bayan."
Umiling ako. "Pass."
"Ito naman! Masyadong KJ! Dali na. Malay mo maraming babaeng maganda roon at makakita tayo ng para sa atin," paliwanag niya na siyang ikinakunot ng noo ko.
"Bakit? Hindi mo na ba crush 'yong nasa canteen?"
"Hindi na! Nakita ko siyang may kasamang ibang lalaki at mukhang boyfriend niya 'yon kaya maghahanap na ako ng iba. Samahan mo na 'ko, boy!"
Naalala kong muli ang tagpong nakita ko roon sa bayan—si Rasty at Stephanie. Bumigat ang loob ko.
"Sige."
"Sige? Sasama ka?"
Tumango ako. "Oo."
"Nice!"
Katulad ng usapan. Nagkita kami ni Jonas sa bahay nila bandang alas siyete ng gabi. Nakapag-igib na rin ako at nakatulong sa pagliligpit sa bahay kung kaya't pinayagan na ako ni inay na lumabas. Hindi naman kumontra si itay.
Malapad ang ngiti ni Jonas habang naglalakad kami papunta roon sa bayan. Mukhang excited na excited na ang loko sa gala naming dalawa. Binabalak yata talaga niyang maghanap ng chicks doon.
"Oo nga pala, simula noong nabugbog ka. Wala na akong naging balita kay Nya Nya."
Natigilan ako nang marinig ko ang pangalan ni Niana. Hindi ko matandaan kung nakapagpasalamat ba ako sa kaniya nang maayos noong gabing iyon.
"Baka busy lang," sagot ko ngunit muli kong naalala na aalis na nga rin pala si Niana sa lugar na ito. Iyon ang sabi niya sa akin. Hindi niya sinabi kung saan siya pupunta. Saan nga ba?
"Baka."
Nakarating na kami sa peryahan. Napansin kong napakarami ng taong gumagala rito. Kaliwa't kanan ang mga babae at lalaking magkakahawak ng kamay. Mali yatang pumunta kami rito.
Ipinunta ko na lang ang atensyon ko sa mga nakahanay na bilihan ng pagkain at laruan. May mga palaruan din at iba't ibang mga rides. Sa isang banda, nabaling ang focus ko sa mga iyon. Tila ba nakalimutan ko ang mga inaalala ko sa buhay.
Para kaming mga bata ni Jonas na naglalaro. Hindi ko tuloy maiwasang maalala noong mga bata kami. Mga batang yagit pa na kung saan saang lupalop ng kalsada matatagpuan. Madudungis dahil tanging paglalaro lang ang nasa isip. Naliligo rin kami sa dagat at nilulunod ang isa't isa.
"Narinig ko sa inay mo na aalis ka," sambit ni Jonas sa gitna ng pagbabarilan namin doon sa mga nintendo. Hindi siya tumitingin sa akin at ang mga mata niya'y naroon lang sa pinatatamaan niya ng pellet gun.
"Wala ka man lang bang balak na banggitin sa akin?" dagdag pa niya na kababakasan ng lungkot.
"Pasensya ka na," turan ko. Napabuntong-hininga naman siya tsaka lumingon sa akin. "Kaibigan mo 'ko, Jude. Alam kong nabibigatan ka kaya hayaan mo akong tulungan ka kahit sa ganito man lang na paraan."
Natapos na kaming maglaro. Iyong plano naming maghanap ng babae para sa kaniya ay nauwi sa malalim na pag-uusap. Nakaupo kami sa may mahabang upuan sa gilid at pinagmamasdan ang mga masasayang pamilyang naroon habang kumakain.
"Parang kapatid na ang turing ko sa 'yo, Jude. Noong narinig ko ang balita, nalungkot ako kasi pakiramdam ko bukod sa mawawalay ako sa kaibigan ko, malalayo ako sa kapatid ko."
Sa maraming taong kasama ko siya, ngayon lang siya naging seryoso sa mga sinasabi niya. Ramdam kong nalulungkot talaga siya para sa akin lalo na't hindi ako makakapag-aral na kasama siya. Napapaisip din tuloy ako kung sino nang kasama niyang pumunta sa canteen.
"Kailan ang alis mo?"
"Sa Lunes," sagot ko na nagpadagdag sa kalungkutan niya.
"Matatagalan ba kayo roon?"
"Siguro. Ikaw na muna ang bahala kay inay habang wala kaming dalawa ni itay."
Tumango siya.
"Pupunta rin naman ang pinsan ko at doon titira para may kasama si inay pero maganda na ring may tumitingin para sa kanila. Mahirap na at puro sila babae."
"Maaasahan mo naman ako roon 'tol."
Lumingon siya sa akin. "Mami-miss kita, Jude."
Nakita ko ang bahid ng luha sa kaniyang mga mata. Lumapit siya sa akin at niyakap ako. Tinapik-tapik niya pa ang likod ko. Ganoon din ang ginawa ko sa kaniya. Pakiramdam ko nga ay dahil dito kaya niya ako sinama sa lugar na ito.
"Ako rin, Jonas. Napakasuwerte kong naging kaibigan ka."
Muntikan na akong maluha sa mga salita niya kung hindi siguro siya nagpaalam na magbabanyo. Sumasakit daw ang tiyan niya sa dami ng kinain namin kanina kaya iyon at nagmadali siyang iwan ako.
Napatingin na lang ako sa langit habang hinihintay ko ang kaibigan ko. Madilaw ang buwan at napakaraming magagandang bituin. Kumikislap na para bang kinukumusta ako.
Mabuti naman ako.
Malalagpasan ko rin naman ito.
Maaari ko pa naman sigurong tapusin ang pag-aaral ko kahit lumipas na ang maraming taon. Kailangan ko lang unahin ang mga importanteng bagay.
Ibinalik ko ang mga mata ko sa perya at hindi ko inaasahan ang makikita ko sa harap ko.
Napatayo pa ako nang makita ko siya.
"Jude..."
"Niana?"
*****
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top