Kabanata XV
Ilang araw na ang lumipas at nakalabas na ako sa hospital. Binisita din ako ni Jonas doon pero si Niana, ni anino niya ay hindi ko nakita.
"Anak, huwag mo nang kilusin 'yan. Ako nang mag-iigib," sambit ni inay nang makita niya akong kinukuha ang mga timba. Pilit niyang kinukuha iyon sa akin pero hindi ko binitiwan.
"Ako na ho. Maayos na naman po ang lagay ko. Malakas na ako nay."
Napabuntong-hininga siya at napatitig sa akin. Bakas sa mukha niya ang pag-aalala at nakikita ko iyon dahil sa nangingilid niyang mga luha.
"Sigurado ka?"
Muli akong tumango at ngumiti. Hindi ko naman gustong makita si inay na nahihirapan dahil sa akin. Halos ilang gabi na nga siyang hindi nakatulog dahil sa nangyari. Mabuti na lang at naroon sj Stephanie para alalayan si inay. Si itay naman ay binigyan ako ng oras para makapagpahinga bago niya ako isama sa trabaho.
Oo nga pala, muntikan nang mawala sa isip ko ang usapan. Hihinto na nga pala ako sa pag-aaral at sasama sa kaniya.
Naglakad na ako papalabas ng bahay bago pumunta sa poso at mag-igib. Dala ko ang dalawang timba. Mabuti na lang at walang mga nakapila ngayong hapon.
"Jude!"
Napalingon ako nang makita ko si Stephanie. Nakapangbahay lang siyang damit pero nangingibabaw pa rin ang ganda niya.
"Tulungan na kita!" Lumapit siya sa akin at hinawakan ang hawakan ng poso. Saglit pang nagdampi ang mga kamay namin na naging dahilan ng pagkatuliro ko.
Pagkatapos ng nangyari sa akin, mas lalo kaming naging malapit sa isa't isa. Hindi ko minsan naisip na mangyayari ito. Parang kailan lang tanging pagtanaw lang sa kaniya ang nagagawa ko. Ngayon, natititigan ko na siya nang malapitan.
"Kumusta na ang pakiramdam mo?" tanong niya. Nabalik ako sa reyalidad at napansin kong puno na ang isang timbang inipunan niya ng tubig.
"A-ayos naman. Salamat nga pala sa pagbantay mo sa akin."
"Wala 'yon. Iyon lang naman ang magagawa ko kapalit ng pakikinig mo sa maraming kwento ko sa buhay."
Bumalik sa alaala ko ang mga pinagsaluhan naming pag-uusap. Pati na rin ang tagpong nakita kami ni Rasty na siyang naging dahilan kung bakit nila ako pinagdiskitahan. Lalo na ang kwento niyang sarili pala niya ang tinutukoy.
Hindi siya tunay na anak ni Aling Kristina at Mang Berting.
Napansin kong napuno nang muli ni Stephanie ang timba kung kaya't binuhat ko na iyon bago nagpasalamat.
"Jude, wait!" Naglakad siya papunta sa harap ko. "Iyong tanong ko sa 'yo last time...hindi mo pa ba sasagutin?"
Napabuntong-hininga ako. Sa totoo lang, hindi ko alam kung paano ko tatanggapin ang alok niya lalo na ngayong aalis ako at iiwan ko rin siya. Ngayon ko napapatunayan na totoong pagmamahal lang ang meron ako para sa kaniya. Wala akong pera o kahit na anong yaman sa mundo para panindigan at patunayan ang pag-ibig ko.
Wala akong mukhang maihaharap sa pamilya niya dahil mahirap lang ako.
Ibinaba ko ang bitbit ko. "Stephanie..."
Bigla siyang lumapit sa akin at binigyan ako ng halik, isang bagay na naging dahilan ng pagkagulat ko. Hindi agad ako nakapagsalita at titig na titig lamang ako sa mukha niyang walang pagitan sa akin. Nakapikit siya.
Napapikit na rin ako at binawian siya ng halik. Maging ang kamay ko'y kusang gumalaw at hinawakan ang kaniyang balakang para mas lalong mapalapit sa akin.
Muli kong naalala ang araw na magkasama kami sa ulan. Pati na rin ang pagpapatila namin sa waiting shed. Ganitong pakiramdam ang naramdaman ko noon. Posible kayang hindi iyon isang panaginip?
Bumitiw ang mga labi niya sa akin at ilang sandali kaming nagkatitigan. Rinig ko ang malakas na tibok ng aking puso. Nahalikan ko ang babaeng matagal ko nang ginugusto—ang matagal ko nang pinapangarap.
"Jude..." pagtawag niya sa akin na naging sanhi ng mas lalong pagkawala ko sa aking sarili. Nakakalasing ang paraan niya ng pagbanggit ng pangalan ko.
"Stephanie."
"Pumapayag ka na ba?"
Kung may taong pinakamasaya ngayong araw ay masasabi kong ako na iyon. Hindi ko inakalang siya pa ang magtatanong sa akin. Pakiramdam ko ang bagal ko. Totoo ang sabi ni Niana, torpe nga ako. Ni hindi ko masabi nang deretso sa kaniya ang nararamdaman ko.
"Hindi ba dapat ako ang nagtatanong niyan?" tanong na sagot ko sa kaniya. "Payag ka ba na ako ang nobyo mo?"
Agad na namula ang pisngi niya dahil sa sinabi ko. Iniwas niya pa ang tingin niya mula sa akin na akala niya'y maililingid niya sa akin ang kilig niya. Kung siya ay kinikilig, paano pa kaya ako? Na matagal nang nagtatago at nagpipigil ng nararamdaman.
Napakagat ako sa labi. Ganoon rin siya. Sa ginagawa niya, gusto ko siyang mahalikang muli.
"Bakit hindi?" sambit niya.
At hindi ko na napigilan pa ang sarili ko at siniil muli ang labi niya ng maiinit na halik—halik na may kasamang nag-uumapaw na pagmamahal.
***
"Date?" tanong ko kay Stephanie. Kasalukuyan kaming nasa bayan dahil nagpresinta raw siyang mamalengke. May sakit daw kasi si Aling Kristina kung kaya't minabuti niya nang siya na ang bumili ng gulay at isda na siya rin niyang lulutuin.
Hindi naman ako pumayag na mag-isa siyang maglalakad sa daan lalo na't baka abutin siya ng gabi. Mabuti nang may kasama siyang katulad ko.
"Oo, hindi ba't para narin tayong nagde-date? Tayo lang dalawa. Naglalakad."
"Kung gano'n, akin na 'yang basket. Ako na ang magdadala dahil ang isang prinsesa ay hindi dapat nagbubuhat. Hayaan mong ako ang gumawa niyan, ang iyong alipin," sambit ko na naging dahilan ng paglawak ng kaniyang ngiti.
"Paano ka naging alipin? Eh, napapasunod mo nga ako."
Napasinghap ako sa sinabi niya. "Napapasunod? Ni minsan ay hindi kita inutusan."
"Tsk. Akala mo lang 'yon. Halika na nga!" Hinila niya ako. Mabilis lang din kaming nakapunta sa palengke. Hindi ko na nga rin namalayan ang oras. Ganoon pala talaga kapag masaya ka.
Hindi pa alam ng mga magulang namin ang tungkol sa amin. Naroon pa rin ang takot sa akin na baka hindi ako tanggapin ni Mang Berting at Aling Kristina. Alam ko namang susuportahan ako ni inay ngunit mas mangingibabaw siguro sa pamilya ko ang pag-aalala. Totoo naman kasi, langit si Stephanie, lupa lang ako. Ni hindi ko nga masagot ang pamasahe naming dalawa o kaya naman ay mabilhan siya ng masarap na pagkain. Nakukunsensya ako. Ang makasarili ko ba?
"Huy, anong iniisip mo?" tanong ni Stephanie sabay lagay ng kangkong sa basket. Ganoon na rin ng labanos at talong pati ng kamatis.
"Wala naman. Anong lulutuin mo?"
"Sinigang na bangus." Nakangiti niyang sabi. Agad naman akong naglaway sa itsura ng sinigang na bangus na siyang pumasok sa imahinasyon ko.
Maya-maya pa ay hinila niya akong muli sa bilihan ng isda. Nasisiyahan akong pinagmamasdan siyang nakangiti habang nakikipag-usap sa tindera. Hindi mababakasan ng kahit na anong yabang ang isang katulad niya kahit na isa sa mga pinakamayaman sa lugar namin ang pamilya niya.
Doon ko napansin na matagal na palang magkahawak ang mga kamay namin. Ramdam ko ang malambot niyang kamay na may kaunting gaspang. Isang patunay na masipag siya sa gawaing bahay. Naglalaba rin ba ang taong katulad niya? Naghuhugas ng pinggan?
Kapag naging mag-asawa kami, ako ang gagawa no'n para sa kaniya. Hindi ko siya pahihirapan.
"Oh, bakit ka nakangiti?" tanong niyang muli sa akin. Tapos na pala siyang mamili ng uulamin nila.
"W-wala naman."
"Wala? Kanina pa kita nahuhuling nakatitig sa akin at parang malalim ang iniisip. May problema ba sa mukha ko? Anong meron?"
"Kagandahan," simple kong sagot na siyang naging dahil ng mahinang paghataw niya sa kamay ko.
"Tsk. Bolero!"
Lumabas na kaming palengke. Sandali muna kaming umupo sa gilid. Hindi ko namalayan ang oras. Alas kwatro na pala ng hapon. Pero kahit ganoon, ang liwanag pa rin ng paligid at sakto lang dahil hindi masakit sa balat ang init.
"Gutom ka na ba? Sandali, bibili ako ng pagkain. May gusto ka ba?" tanong ko.
"Isaw na may maanghang na suka. Gusto ko 'yong maraming sibuyas at sili, Jude," sagot niya na siyang ikinagulat ko. Kumakain siya nang ganoon?
"Sigurado ka?"
"Oo, tsaka buko juice." Nakangiti niyang sabi na para bang hindi na siya makapaghintay.
"Sige, bibilhan kita." Iniwan ko muna sa kaniya ang basket ng pinamili namin.
Mabuti na lang at may dala akong kaunting pera. Ang mga natirang pera sa baon ko noon na inipon ko. Alam ko kasing magbabakasyon na at hindi na ako magpapatuloy sa pag-aaral kung kaya't mas naisip kong tipirin ito at itabi para kung sakaling magipit kami, may pagkukunan kami ng pangbili.
Naghanap ako ng bilihan ng isaw at ng buko juice. Ilang minuto lang naman ang hinintay ko bago iyon maluto at maiabot sa akin. Napangiti ako at namangha habang nakatitig sa mga binili ko. Balang araw mabibilhan ko rin siya ng masarap.
Bago ako makabalik ay may nadaanan akong puno ng gumamela. Hindi ko iyon pinalagpas at pumitas ako ng isang mapulang bulaklak para ibigay kay Stephanie.
Hindi ko maiwasang mapangiti habang naglalakad ako patungong muli sa nobya ko. Ngunit nabitiwan ko rin ang bulaklak na iyon nang makita ko siyang katabi si Rasty. Nakangiti siya rito habang hawak hawak ang kamay ng lalaki.
Anong nangyayari?
*****
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top