Kabanata XIX

Liwanag ang sumalubong sa mga mata ko. Matagal akong nakapikit at mukhang nakatulog ako kanina kung kaya't hindi ako makamulat nang maayos. Nasisilaw ako. Hindi lang sa liwanag kung hindi pati na rin sa karangyaang bumati sa akin.

Inikot ko ang mga mata ko sa paligid. Nasa mansyon ako. Nakaupo ako sa gitna ng sala. Hindi na rin nakatali ang kamay ko na siyang ginawa nila kanina.

Agad kong nakita si Rasty. Siya lang naman ang posibleng gumawa nito sa akin. Kasama niya ang iba pa niyang barkada na namumukhaan ko dahil sila ang bumugbog sa akin noong gabing 'yon.

"Bakit mo ako dinala rito?" tanong ko.

Malakas lang siyang tumawa. "Dahil gusto kong makita mo kung gaano ako kayaman."

Malaki nga ang mansyon kung saan niya ako dinala. Para bang nakakahiyang umapak sa makintab nilang sahig na gawa sa mamahaling bato. Pati na rin ang paligid na puno ng ginto. Malalaki rin ang pintuan ng mga kwartong nasa paligid maging ang mga kurtina roon sa sulok. Hindi ko akalaing makakahinga ako sa ganitong lugar. Nakakapang-liit. Ni ayaw kong idait ang puwetan sa mamahalin nilang sopa.

"Dahil mukhang hindi ka naman natinag noong sinabi kong ipapahamak ko ang mga magulang mo kung hindi mo lalayuan si Stephanie." Lumapit siya sa akin. "Puwes, ang sikreto niya ang gagamitin ko."

Napabuntong-hininga ako. Nakalimutan ko ang bagay na iyon. Akala ko rin kasi ay titigilan niya na ako pagkatapos kong mahospital dahil sa ginawa niya. Hindi pa rin pala. At ngayon, mas dinagdagan pa niya ang laban sa akin.

"Hindi ko na dudungisan pa ang kamay ko sa iyo, Jude, dahil alam ko namang susunod ka. Sino bang gugustuhing masira ang reputasyon ng taong mahal niya?" Nagngitngit ang mga ngipin ko. "Biruin mo, mas mahalaga pa sa 'yo si Stephanie kaysa sa mga magulang mo."

"Ano ba talagang gusto mong mangyari?" tanong ko.

Ngumisi siya na para bang naaangasan sa akin. Umiiling pa siya na parang hindi makapaniwala. "Hindi ko alam kung saan ka kumukuha ng lakas ng loob para halikan si Stephanie pati na rin ang pagiging boyfriend mo sa kaniya." Muli siyang tumawa nang nakakainsulto. Ibig sabihin, alam niya ang tungkol sa amin pero hindi niya ipinapaalam kay Stephanie. Bakit? Dahil alam niyang siya pa rin ang mananalo sa huli? "Ang gusto ko, saktan mo siya. Hiwalayan mo. Para hindi ka na niya habulin. Tutal, aalis ka na rin naman, hindi ba? Magtatrabaho ka sa kompanya ng tatay ko, sa ilalim ko."

Nag-igting ang panga ko. Pakiramdam ko, wala talaga akong maipagmamalaki kapag kaharap siya. Nagmumukha akong tanga.

"Kung ayaw mong malaman ng lahat na anak sa labas si Stephanie at masira ang reputasyon niya pati na rin ang pamilya nila, hiwalayan mo na siya. Para wala na siyang choice kung hindi ang bumalik sa akin."

"Kahit hindi ka niya gusto?" mahina kong tanong na sapat lang para marinig niya.

"Hindi ko rin naman siya gusto."

Nagsalubong ang mga kilay ko.

"She's just a toy I wanted to possess."

***

Mabigat ang paghinga ko habang tinatahak ang daan pabalik sa amin. Gulong-gulo ang utak ko. Hindi ko alam ang gagawin. Kung hindi ko pakakawalan si Stephanie, mas lalo lang gugulo ang lahat pero kung sasaktan ko siya, mapapasakamay siya ni Rasty na walang ibang gustong gawin kung hindi ang paglaruan siya.

Kung kaya ko lang siyang ipaglaban.

Kung may magagawa lang sana ako para malusutan itong problema na ito.

Aalis na ako at hindi ko pwedeng iwang magulo ang lahat.

Napabuntong-hininga ako at patuloy na naglakad ngunit agad akong napatigil nang makita kong nakaabang sa labas ng bahay si Stephanie. Namumugto ang mga mata.

"Jude..." pagtawag niya sa pangalan ko. Agad akong nag-alala nang makalapit ako sa kaniya at mapansin ang namumugto niyang mga mata.

"Stephanie, anong problema?" nababahala kong tanong. Nakatunghay siya sa akin at hindi pa kaagad nakapagsalita dahil nauna ang kaniyang hikbi. Hindi ko mapigilang maawa.

"Tumawag si Rasty kanina sa akin. Pupunta raw siya sa bahay. Hihingiin niya raw ang kamay ko sa mga magulang ko."

Napasinghap ako at dagling nakaramdam nang malaking kalungkutan lalo na't naalala ko ang pag-uusap namin ni Rasty kanina pati na rin ang gusto niyang mangyari. "Kasal?"

Tumango siya at alam kong sa pagtango niya ay malaking pagtanggi iyon. Hindi niya gusto ang nangyayari.

"Jude, ayokong magpakasal sa kaniya," giit niya habang umiiling.

Kinapitan niya ang damit ko. Kita ko sa mga mata niya ang mga luhang nagbabadya na namang tumulo kasabay ng pagmamakaawang tulungan ko siya. Nadudurog ang puso ko. Gusto ko siyang samahan sa pag-iyak dahil ako, hindi ko rin alam kung paano tatakasan ang mga problema. Wala akong magawa.

"Tulungan mo ako. Kausapin natin ang mga magulang ko. Ayokong magpakasal sa kaniya, Jude. Ikaw ang gusto ko."

Mas lalo akong hindi nakahinga habang nanunuot sa dibdib ko ang mga salitang iyon dahil iyon din ang dahilan kung bakit pakakawalan ko na siya.

Inalis ko ang kamay niya sa pagkakakapit sa akin at dahil doon napansin ko ang pagnginig ng kaniyang mga kamay. Gusto ko pa sana iyong hawakan nang matagal upang maramdaman niyang narito lang ako pero hindi sapat ang kakayahan ko para panindigan iyon.

"Stephanie, I'm sorry..."

Napakurap siya kasabay ng pagtulo ng butil ng luha. Nasasaktan akong nakikita siyang ganito. Hindi ganito ang pagkakakilala ko sa kaniya. Tila ba isa ako sa mga dapat sisihin. Pakiramdam ko, isa akong gago na hindi kayang pangatawanan ang lahat. Ako itong nagparamdam, pero hindi mo kayang panghawakan dahil kahit gusto ko siyang ipaglaban, wala akong kakayahan.

Kulang ako para mabigyan ko siya.

"Stephanie, wala akong magagawa. Gusto kitang tulungan. Gusto kong tuparin ang pangako ko...pero wala akong kakayahan. Mas lalo lang kitang madadala sa paghihirap. Walang kayang gawin ang isang tulad kong talunan."

Napapikit siya at tuluyan nang dumaloy ang mga luha niya sa kaniyang pisngi. Ano itong nagawa ko? Bakit ang isang magandang binibini na matagal kong hinahangaan noon ay umiiyak sa harap ko?

Pinunasan ko ang mga luha niya.

"Sinungaling ka. Pinaasa mo ako. Akala ko iba ka. Akala ko mahal mo 'ko. Hindi po pala ako kayang ipaglaban. Iiwan mo lang din pala ako sa ere."

Napakagat ako sa labi ko.

"Sana hindi mo na lang pinaramdam na espesyal ako para hindi ako nahulog sa 'yo. Akala ko mabait ka pero mas masama ka pa kay Rasty. Napakasama mo. Napakasakit ng dulot mo."

Tuluyan niya na akong tinalikuran. Gusto ko siyang habulin ngunit hindi magawa ng paa ko.

Pakiramdam ko, pagsisisihan ko ito ng malaki balang araw.

***

"Handa na ba lahat ng gamit mo?" tanong ni itay sa akin habang kinukuha niya ang kaniyang bag sa lamesa.

"Opo," sagot ko tsaka isinuot ang bag na dadalhin ko sa trabaho.

"Anak, mag-iingat kayo," sambit ni ina at saka ako mahigpit na niyakap. "Malayo ang Romblon."

Napabuntong-hininga ako. Katulad ng napagkasunduan ay pagkatapos ko ng pag-aaral sa Grade 9 ay sasama na ako sa kaniya. Medyo na-adjust lang dahil sa nangyari sa akin pero darating pa rin talaga ang araw na hindi ko hinintay kahit kailan.

"Kayo rin po rito, inay." Maiiwan si inay rito kasama ang pinsan kong babae na si Annika upang maging katuwang sa paglalabada at pagtitinda. Kung ako nga ang papipiliin ay hindi ko gustong magtrabaho sila ngunit hindi ko sila mapipigilan. Sa sobrang hirap ng buhay, kailangang kumayod.

Ang alam ko'y hindi na rin nagtuloy sa pag-aaral si Annika upang tulungan ang kaniyang pamilya kung kaya't napagdesisyunan niyang maghanap-buhay dito kasama si inay. Katulad ko rin pala siya.

"Ikaw na ang bahala kay inay," bilin ko kay Annika habang ginugulo ang kaniyang buhok.

"Huwag kang mag-alala. Aalagaan ko siya." Nakangiti siyang nagpaalam sa akin.

Lumabas na kami ni itay at pumunta sa nakaabang na sasakyan. Sasakay din kami ng barko upang magpunta ng Romblon kung saan nandoon ang trabaho namin—ang trabahong pinamamahalaan ng pamilya ni Rasty.

Napahinga ako nang malalim.

"Hoy Jude! Hindi ka man lang magpapaalam sa akin?" rinig kong sigaw ni Jonas na kumakaripas ng takbo papunta sa amin.

Dahan-dahang tumaas ang kilay ko.

"Parang 'di tayo nag-usap, ah. Bantayan mo si inay at huwag mong pormahan ang pinsan ko kundi mayayari ka sa 'kin pagbalik ko," bilin ko sa kaniya.

"Ay wow, para namang type ko 'yong pinsan mo. Mukha namang masungit at suplada si Annika. Hindi ko siya magugustuhan," paliwanag niya habang bakas sa mukha niya ang pandidiri. Sus.

"Dapat lang. O sige na, aalis na kami at baka mahuli kami sa byahe." Tinapik ko ang braso niya.

"Hindi ka ba magpapaalam kay Steph?" Pahabol niyang tanong. Napakagat ako sa labi.

Ngumiti na lamang ako bilang sagot. Luminga pa ako sa paligid ng isang beses upang tingnan kung nandito ba siya. Ngunit sino ba naman ako para puntahan niya? Pagkatapos ng ginawa ko, siguradong kamumuhian niya ako.

Papasakay na ako nang makita ko si Stephanie sa malayo. Kasama niya si Aling Kristina na mukhang papauwi galing sa palengke. Hindi ko maiwasang makaramdam ng lungkot dahil hindi ko siya makikita nang matagal ngunit sapat na ang makita ko siyang nasa maayos na kalagayan bago ako umalis. Sana nga nasa maayos na siyang kalagayan. At kung ikakasal man siya kay Rasty, sana huwag siya nitong saktan dahil pagsisisihan ko ang ginawa ko sa buong buhay ko.

Matagal akong napatitig sa kaniya at doon ko napagtantong sinulyapan niya rin ako. Gusto kong makasiguro kung ako nga ba talaga ang tinitingnan niya. Bahagyang nakakunot ang mga noo niya na tila ba nagtatanong. Galit siya. Galit siya sa akin.

"Oo nga pala, ikakasal na siya sa iba."

Napabuntong-hininga ako. Kalat na sa bayan ang tungkol sa kasal nila ni Rasty. At least ngayon, mapapanatag na akong walang mangyayaring ikasisira ng pangalan niya at ng pamilya nila.

"Eh, kay Nya Nya? Nagpaalam ka ba? Alam ba niya na aalis ka?" pahabol na tanong ni Jonas na naging dahilan ng pagputol ko ng tingin kay Stephanie.

Umiling ako.

"Ano? Bakit naman hindi? Naku, sa akin ka na naman hahanapin ng isang 'yon," naiinis niyang sabi. "Ganito gawin mo, pagdating mo sa Romblon, bumili ka ng cellphone. Ito ang number ko. Tawagan mo ako agad para mabigay ko sq kaniya ang number mo at makapag-usap kayo. Alam mo na baka siya talaga ang para sa iyo."

Kinuha niya ang kamay ko tsaka isinulat ang numero niya.

"Alam mo namang kaibigan lang ang tingin ko kay Niana at ang sa amin noon ay isang pagkukunwari lang."

"Dahil si Stephanie ang gusto mo? Oo na! Oo na! Napaka-loyal mo talaga! Mamamatay kang binata!"

Tinulak niya na ako papunta sa sasakyan. Napagsabihan pa nga ako ng driver kasi ang tagal ko raw.

Muli kong sinulyapan ang lugar namin at alam kong may naiwan ako roon...

Ang puso ko.

*****

[Missy: Hi! Thank you for reading! Kindly vote for this chapter if you like it. It is a way to encourage a writer to continue writing. You can also share and recommend this book to your friends. Thank you so much for the love and support. See you on the next chapter!]

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top