Kabanata XIV

Unti-unti kong iminulat ang mga mata ko nang makarinig ako ng palahaw na iyak. Sumalubong sa akin ang isang mukha ng babaeng umiiyak. Minumukhaan ko kung sino siya pero hindi ko maimulat nang maayos ang mga mata ko dahil mukhang napuruhan din ang gilid ng mata ko.

"Jude! Jude! Gising ka na!"

Pumintig ang puso ko nang marinig ko ang boses niya pero hindi iyon boses ni Stephanie. Sigurado ako. Iba ang boses ng taong gusto ko pero sino siya?

"Ano bang nangyari? Bakit ka binugbog ng grupo ni Rasty? Kung hindi pa kita hinanap, hindi kita makikita!"

Inalalayan niya akong umupo at doon ko nasilayan ang mukha niya. Si Niana. Nasa harap ko. P-paano? P-paano niya nalaman kung nasaan ako? Bakit siya narito?

Hinawakan niya ang mukha ko at ramdam ko ang panginginig ng kamay niya. Maging ang mga luha niya'y walang tigil sa pagpatak. Bakit mas nakakaramdam ako ng awa sa kaniya kumpara sa kalagayan ko?

"Bakit ka umiiyak?" buong-lakas kong tanong sa kaniya kahit pakiramdam ko ay mawawalan na ako ng malay sa sobrang panghihina pero tila ba dahil sa pagkakahawak niya sa kamay ko, nagkakaroon ako ng lakas. Anong nangyayari sa akin?

"Paanong hindi, Jude? Sinong hindi iiyak sa kalagayan mo? Kanina pa ako tumawag ng ambulansya pero walang rumeresponde!"

Natawa ako sa sinabi niya.

"Tapos tatawanan mo lang ako? Anong nakakatawa, Jude? Takot na takot na nga ako, eh. Nagagawa mo pang tumawa? Paano kung may mangyari sa 'yong masama? I mean, eto na nga, masama na 'to. Pero, what if may mas masama pa?" bakas sa tono niya ang pagkabalisa.

"Huwag kang mag-alala, hindi ako mamamatay."

Pinilit kong tumayo. "T-teka! Saan ka pupunta? Jude naman!" Ramdam ko ang kamay niyang umaalalay sa akin.

"Uuwi."

"Uuwi? Nang ganiyan ang kalagayan mo? Hindi! Dadalhin kita sa hospital! Hindi mo ba nakikita ang itsura mo? Para kang—para kang tanga!"

Natawa ako sa sinambit niya. "Wala naman akong pambayad sa hospital kaya samahan mo na lang ako kina Jonas. Tulungan mo na lang akong makapunta sa kanila tutal mukhang hindi mo rin naman ako hahayaang mag-isa. Hindi ba?"

"Tsk. Malamang! Paano kita iiwan? Baka mamaya mawalan ka ng malay! Sandali! Tatawagan ko si Jonas!"

"May number ka ng kaibigan ko?" tanong ko.

"Meron! Pero huwag mo nang itanong kung bakit!"

"Bakit?"

Nakita kong umirap siya. "Kinukulit ko siya tungkol sa 'yo. Happy?"

Natawa ako at pinagmasdan na lamang siya habang kausap ang kaibigan ko sa telepono. Ramdam ko ang pagbigat ng talukap ng mata ko. Kumikirot na rin ang mga pasa at sugat ko sa katawan. Hindi ko alam kung tama bang umuwi ako at makita ni inay ang kalagayan ko. Siguradong mag-aalala siya kapag nakita niya akong ganito. Akmang papikit na ako nang tapikin ako ni Niana.

"Huwag kang matulog. Papunta na ang kaibigan mo."

Isinandal niya ako sa pader. Doon ko napansing nasa isa kaming bakanteng lote. Maraming nagkalat na dugo at piraso ng kahoy na siyang ipinambanat ng grupo ni Rasty sa akin kanina.

"Huy, 'wag kang pumikit. Huwag kang makulit, Jude," sambit niya na kababakasan ng pag-aalala. Hinahawakan niya pa ang baba ko at minsa'y tinatapik ang pisngi ko.

"Tulungan mo akong huwag matulog," sagot ko.

"P-paano?"

"Kwentuhan mo 'ko," sambit ko tsaka mahinang umubo.

"K-kwento? Ano namang ikukwento ko sa 'yo?"

"Kahit ano. 'Yong hindi nakakaantok."

Napapikit ako pero binanatan niya ako nang dalawang salitang nagpagising ng diwa ko. "Mahal kita."

Agad akong napatingin sa kaniya. "Mahal kita, Jude."

Hindi ko alam kung anong mayroon sa mga salitang iyon na tila ba nagbigay sa akin ng lakas. Maging ang tahimik kong puso ay lumakas ang pintig. Nagising ang diwa ko. "Noon pa kita gusto kaso hindi mo naman ako pinapansin. Palaging si Stephanie ang dinudungaw mo sa bintana kapag dumadaan ka. Sa kaniya ka nakatingin, samantalang ako, nakatingin sa 'yo."

Anong kapangyarihang meron sa kwento niya at tinanggalan ako ng antok? Imbes na makaramdam ng sakit sa katawan ay iba ang nangibabaw sa puso ko. Iyon ang pagmamahal na mayroon siya sa akin.

"Wala akong maisip na paraan. Sinubukan kong umakto na parang walang gusto sa 'yo pero iyon pa rin ang naging dulo—lalong lumalim ang pagtingin ko sa 'yo. Sinubukan ko ring pigilan pero wala, eh. Bakit kasi ang ibinigay mo sa akin ang upuan mo noon? Ayan tuloy, hindi ko na alam kung paano umalis sa lugar kung saan mo ako iniwang nagkaroon ng paghanga sa 'yo."

Walang salitang lumalabas na salita sa bibig ko. Pilit kong inaalala ang pangyayaring tinutukoy niya pero mukhang nakalimutan ko na iyon. Hindi ko na rin alam kung kailan ba ang tinutukoy niya na binigyan ko siya ng upuan.

"Pero hayaan mo, hindi naman na ako humahangad ng kapalit. Alam ko namang si Stephanie ang laman ng puso mo. Siya nga ang dahilan kung bakit pupunta ka sa prom, hindi ba?"

Patuloy lang ang katahimikan sa akin. Hindi ko rin magawang kontrahin ang sinabi niya dahil totoo naman. Si Stephanie naman talaga ang dahil kung bakit pinilit kong makasama rito ngunit masyadong mainit ang dugo sa akin ni Rasty para magkaroon ng pagkakataong makatapak doon papalapit sa taong gusto ko.

Napabuntong-hininga ako at muling ibinaling ang mga mata ko sa kaniya. Ngayon ko lang napansin na hindi uniporme ang suot niya. Naka-gown siya. Maganda ang pagkakaayos ng buhok niya. Maging ang kaniyang makinis na mukha na kahit namamaga ang mga mata ay hindi nakabawas ng ganda niya. Ngayon ko lang napagtanto na maganda siya.

"Huwag kang mag-alala. Hindi na kita guguluhin. Hindi mo na ako makikita next school year." Kumunot ang noo ko.

Tumabi siya sa akin at sumandal din sa pader na katabi ko. Hindi ko mapigilang mapalunok. Katulad ko ay aalis na rin siya?

"Saan ka pupunta?" Hindi ko napigilang itanong na para bang may sariling buhay ang bibig ko at nagsasalita nang kusa.

"Sa malayo. Bakit? Pupuntahan mo 'ko?" nakangiti niyang tanong ngunit sumisilip ang butil ng luha sa mga mata niya. Ngumiti lang din ako.

"Hindi mo naman ako kailangang puntahan. Basta, ipangako mo lang sa akin na magiging masaya ka, masaya na rin ako."

Mahabang pagkakataon ang inalay ko para titigan siya. Siya ang pumikit na para bang nauubusan na rin ng lakas. Hindi ko alam saan ako kumuha ng lakas ng loob para halikan ang kaniyang noo.

Isang pasasalamat na dumating siya sa buhay ko.

***

Nagising ako sa isang maliwanag at puting kwarto. Inilibot ko ang paningin ko at doon ko napagtantong nasa hospital ako. Napansin ko ang isang babaeng nasa tabi ko na nakayuko sa may kama kung saan ako nakahiga.

Napangiti ako nang maalala ko si Niana. Hindi niya ako iniwan.

Ngunit nawala ang ngiti ko nang tumunghay ito at umunot.

"Jude, gising ka na," sambit niya sa akin.

"Stephanie..." pagtawag ko sa pangalan niya. Hindi ko inaasahang siya ang makikita ko. "A-anong ginagawa mo rito?"

"Binabantayan ka. Kumukuha lang ng damit ang iyong ina para sa 'yo pero babalik din iyon. Kaya ako na muna ang nagpresintang magbantay sa 'yo," paliwanag niya.

"S-salamat."

Ngumiti siya. "Kaya pala hindi ka nakapunta sa prom...narinig ko ang balita. Si Rasty pala at ang mga kaibigan niya ang gumawa nito sa 'yo. Kumusta na ang pakiramdam mo?"

Napakagat ako sa labi. Hindi ko kailanman inisip na ang taong gusto ko ang siyang magbabantay sa akin dito sa hospital. Ni hindi ko nga naisip na makakapasok ako rito. Mula ako sa isang mahirap na pamilya at hindi namin kaya ang gastos sa pagpapaospital.

"A-ayos na ako. Pupwede na siguro akong umuwi. Mukhang kaya ko na."

"Tsk. Kung inaalala mo ang gastos, si Rasty ang bahala roon. Siya ang gumawa nito sa 'yo kaya siya ang magpapagamot sa 'yo. Ang kailangan mo lang gawin ay magpagaling!"

Tumayo siya at hinawakan ang magkabilang balikat ko bago ako isinandal sa kama. Agad na rumagasa sa dibdib ko ang kaba lalo na ngayong malapit siya sa akin. Ang lakas ng tibok ng puso ko. Parang mababaliw.

"Stephanie..."

"Jude...do you remember what I told you?"

Ilang beses akong kumurap upang alalahanin kung anong tinutukoy niya ngunit dahil nakatitig ako sa mga mata niya, hindi ko na nagawa pang mag-isip.

"Na may sasabihin ako sa 'yo kapag pumunta ka sa prom."

Napalunok ako nang maalala iyon. Tama, iyon ang dahilan kung bakit ginusto kong pumunta sa prom namin—dahil gusto kong malaman ang sasabihin niya.

"Gusto kita, Jude. Gusto mo rin ba ako?"

Magsasalita na sana ako nang mapansin kong bumukas ang pinto...pero nakita kong walang tao roon.

"Jude...do you want to be my boyfriend?"

*****

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top