Kabanata XIII
Nagising ako nang maramdaman kong binuhusan ako ng tubig. Unti-unti kong minulat ang mga mata ko at tumambad sa akin ang mga lalaking naka-amerikana at isa na roon si Rasty. Maangas ang mga dating nila at mukhang handang-handa na silang gulpihin ako.
"At talagang ang lakas ng loob mong pumorma, ah!" bati ni Rasty sa akin habang suot ang mayabang na ngiti. Mukha naman siyang aso. "Nagmukhang basahan 'yang amerikana mo. Saan mo binili 'yan? Sa tyangge? Mukhang may kasama pang multo 'yan, ah!" pang-aasar niya.
Kusang umangat ang gilid ng labi ko sa sinabi niya. Tsk. Wala naman sa damit 'yon, sa nagsusuot 'yon. Katulad niya, kahit gaano kaganda ang suot niya, nagmumukhang basura dahil sa basura niyang pagkatao.
Muli ko na namang naalala ang asal niya kay Stephanie. Naiisip ko palanv nagdidilim na ang paningin ko.
Doon ko napansing nakatali pala ang katawan ko at ang paa ko sa upuan. Kung wala ito, kaya ko kayong banatan lahat. Pustahan.
"'Tol, binili 'yan ng kaibigan niyang mayaman. Bakla yata 'yong si Jonas, eh, kaya dinudulutan niya ng mga gamit at hindi mo natatanong, 'yong kaibigan niya ang nagbayad para makasali siya sa prom," komento ng isang lalaki na mukhang kaklase ni Rasty. Hindi ko mapigilang makaramdam ng galit lalo na't pinagsasalitaan nila nang masama ang kaibigan ko. Ang kapal ng mukha! Ako lang ang may karapatang gumarapal sa kaibigan ko! Wala nang iba!
"Ano bang kailangan mo at bakit niyo 'ko dinala rito?" lakas loob kong tanong habang pinipilit na kumalas sa pagkakatali sa akin.
Ngumisi siya at nilapitan ako. "Nakalimutan mo na ba kung paano niyo ako ginago? Hindi pa ako nakakabawi sa 'yo!"
Malakas niyang sinuntok ang tiyan ko dahilan para mapaatras ako. Muntikan pa akong matumba sa kinauupuan ko.
"Ni hindi ka man lang humingi ng tawad? Ganiyan ba kayong mahihirap? Baka hindi mo alam, ang tatay mo sa tatay ko nagtatrabaho!"
Napalunok ako sa narinig ko. Sa pamilya nila nagtatrabaho ang itay ko? Ibig sabihin, sa ilalim ng Rasty na ito ako magpapaalipin?
"Baka gusto mong ipatanggal ko 'yang tatay mo para wala na kayong makain? Ano?" banta niya.
"Huwag!" bulalas ko. "Huwag mong idamay ang itay ko! Sa akin ka galit, hindi ba? Ako ang pagdiskitahan mo! Huwag sila!"
Nakita ko siyang ngumisi. "Inuutusan mo ba ako? Anong karapatan mong sabihin sa akin ang gagawin ko? Kung sinong gusto kong saktan, sasaktan ko!"
Muli ay sinuntok niya ako pero ngayon ay sa mukha na. Ramdam ko ang malakas na impact sa panga ko. Sinubukan kong igalaw ngunit masakit.
"Balita ko, matanda na rin ang nanay mo. Siya ang nag-iigib kapag gabi ka nang nakakauwi sa bahay niyo. Hindi ka ba naaawa? Doon sa mga panahong gabi ka na nakakauwi dahil sa pakikipagkita mo sa syota ko...ang iyong inay ang nag-iigib para sa ipangliligo mo. Hindi ka ba nahihiya?"
Humapdi ang mga mata ko at hindi ko na napigilan ang pagluha.
At napansin nila iyon dahilan upang magtawanan sila.
Ito ang kahinaan ko. Kapag usapang pamilya na. Naalala ko ang mukha ng aking inay. Hindi siya nagreklamo kahit isang beses kahit sobrang hirap ng buhay namin. Ang akala kong hirap na nararanasan ko, mas mabigat pa pala sa nararanasan ng aking inay. At ang pait para sa aking lasahan ang mga isiping siya ang nag-iigib para sa akin na dapat ako ang gumagawa. Iyon na nga lang ang ambag ko, nakakaligtaan ko pa dahil masyado akong nahihibang sa pag-ibig. Hindi ko namalayan na napababayaan ko sila. Iyon na nga lang ang maitutulong ko, tinatakasan ko pa. Masyado ba akong nabulag?
"Ano kaya kung may mangyaring masama sa nanay mo?" tanong niya na lalong nagpakaba sa akin.
"Huwag mong saktan ang mga magulang ko!" pagsusumamo ko.
"Bakit?"
"Ako na lang! Saktan mo ako! Hindi ako lalaban! Hindi ba't 'yon naman ang dahilan bakit dinala niyo 'ko rito? Kung gaganti ka, sa 'kin! Huwag sa magulang ko! Wala silang kinalaman dito!" sigaw ko habang nanglalambot. Maisip ko palang masasaktan ang mga magulang ko, pakiramdam ko, ako 'yong mamamatay. Hindi na baleng ako ang masaktan, huwag lang sila.
"Yan! Maganda 'yong may permission. Sige na, upakan niyo na 'yan basta itira niyo sa akin 'yong mukha!"
Sunod-sunod na pumunta sa akin ang mga lalaking kasama niya at kapwa sila nakatawa na para bang mga demonyo na hayok sa pananakit ng tao. Malalakas na suntok sa tagiliran ang natanggap ko. Pati sipa sa tiyan at tuhod. Ramdam ko ang kirot at hapdi sa mga buto kong napupuruhan nila.
"Eto mas matindi!"
Nakita kong nag-abutan sila ng mga malalapad na kahoy na walang isang saglit ay pinaghahampas nila sa akin. Kahit ang likod ko'y hindi nila pinalampas. At bakas na bakas sa mga mukha nila ang ligaya sa ginagawa nilang pagpapahirap sa akin.
Malakas na sipa ang tumama sa tiyan ko dahilan upang tuluyan akong mahiga sa sahig. Nasisilaw ako sa liwanag na tumatama sa mata ko. Para akong mabubulag. Nanghihina na rin ako dahil sa mga tamang natatanggap ko.
"Tama na, ako naman!"
Inangat ako mula sa pagkakahiga at agad na umalingawngaw ang malakas na sampal na ibinigay sa akin ni Rasty.
"Talagang pupunta ka pa sa prom. Ano? Para makipagkita kay Steph?"
Sinuntok niya ang mukha ko. Bakas na bakas ang galit sa mukha niyang namumula pero sandali lang iyon dahil kumawala ang malakas na halakhak ng demonyo mula sa bunganga niya.
"Akala mo talaga may pag-asa ka? Hindi porque hiniwalayan niya ako, eh, makakaporma ka na!"
Natigilan ako sa sinabi niya. At talagang napangiti ako sa loob ko. Takte, saan ako kumukuha ng lakas ng loob para maging masaya habang binubugbog na ng sampung lalaki?
"Tumatawa ka pa? Nakakalimutan mo yatang walang karapatang maging masaya ang mga katulad mong mahirap! Dapat sa 'yo nagsisikap sa buhay para umangat at hindi umasa sa iba! Kawawa ang kaibigan mo sa 'yo! Para kang lintang sumisipsip ng grasya ng iba!"
I agree, may point naman siya sa sinabi niya na hindi dapat umasa sa iba pero hindi ko alam kung bakit natatawa ako habang tumatanggap ng suntok mula sa kaniya. Parang wala akong nararamdaman. Nababaliw na yata ako pero kasi, sinong hindi magiging masaya sa balitang wala na sila ng taong gusto ko?
*****
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top