Kabanata XII
"Hoy, Jude! Sumunod ka, ha? Hintayin kita sa prom. Magsasayaw tayong dalawa kasi for sure walang papayag na babaeng makipagsayaw sa atin!"
Natatawang sabi ni Jonas habang nagpapaalam sa akin dahil mag-aayos na raw siya para sa prom mamaya. Parang noong nakaraang gabi, isa siya sa mga delulu na naniniwalang marami kaming makukulimbat na babae dahil mga gwapings daw kami. Ngayong dumating na ang araw ng prom, natauhan na kami na isa kami sa mga nilalayuan ng mga babae dahil una, akala nila manyakis kaming dalawa. Bakit kasi ang bilis ng kumalat ng balita at kapwa nadadagdagan? Nasampal lang naman ako noon dahil sa bale-balentong kong sagot. Ang nakarating sa iba ay hinipuan ko raw si Stephanie kaya ako binigyan ng malakas na sampal. Ibang klase talaga ang mga marites.
"Ay, for the second thought, may nagyaya nga pala sa 'yo! Mukhang magiging chaperone ako, ah!" pang-aasar niya sa akin.
"Umuwi ka na! Ang ingay mo!" sigaw ko sa kaniya.
"Tandaan mo, wala na tayong pasok bukas! Kaya kung may aaminin ka, aminin mo na!" hirit pa niya habang tumatawa. Tuluyan na siyang tumakbo palayo sa akin para umuwi. Noong napasarap ang kwentuhan namin nang isang gabi, palagi na siyang nakikitulog sa bahay. Natutuwa rin naman ako sa isang iyon na kahit matigas ang higaan ko at alam kong mas malambot ang kaniya ay humihilik siyang matulog sa tabi ko. Feel at home talaga ang tukmol.
"Ang swerte mo sa kaibigan mo," rinig kong sambit ng aking inay. Nasa likod ko pala siya at katulad ko'y pinagmamasdan si Jonas. "Siguro'y mabait ka ring kaibigan para sa kaniya. Biruin mo, nilibre ka niya sa prom maging sa susuotin mo'y binilhan ka rin."
"Hindi ko nga rin ho alam kung anong nagawa ko para sa kaniya para maging ganito kabuti sa akin, inay," wika ko.
Ngumiti siya sa akin. Pinagmasdan niya ako at hinaplos ang mukha ko. "Mabuti kasi ang iyong puso, Jude. Nakapagpaalam ka na ba sa kaniya?"
Umiling ako. "Hindi pa ho."
"Magpaalam ka na sa kaniya dahil hindi ka na magtatagal pa rito. Katulad ng usapan ng iyong ama, sasama ka na sa kaniya."
Tumango ako. "Opo, inay."
"Pasensya ka na, anak. Wala akong magawa. Gusto ko mang pag-aralin ka pa ngunit tama ang itay mo. Hindi na natin kaya. Pasensya ka na kung ganitong buhay ang nadatnan mo sa mundong ito. Hindi kita nabigyan ng magandang buhay. Naipagkait ko sa 'yong maging masaya."
Niyakap ko si inay bilang sagot sa mga alalahanin niya sa buhay. Bigla kong naisip. Kung gaano kasakit para sa akin na mamuhay bilang isang mahirap, hindi pala no'n matutumbasab ang sakit na nararamdaman nila na nakikita nila akong pinagdadaanan ang mga napagdaanan nila. Hindi ko rin naman sila masisisi kung mahirap lang kami. Ginusto lang naman nilang magbunga ang kanilang pagmamahalan at iyon na nga ang ako. At wala na akong magagawa pa para ibalik ang panahon. Ang tanging magagawa ko lang ay baguhin ang estado namin sa buhay. Baka sa pamamagitan ng pagsama ko kay itay ay makaahon kami paunti-unti. Na ang buhay na hindi nila naibigay sa akin ay maiparanas ko sa kanila at sa magiging pamilya ko kung magkakaroon man. Tama pala ang kasabihan na hindi natin kasalanan kung isisilang tayong mahirap, ang kasalanan natin ay kung mamamatay tayong mahirap dahil patunay lang 'yon na hindi tayo nagsikap.
Bumitaw si inay sa pagkakayakap ko at muling hinaplos ang mukha ko.
"Hindi ko inakalang lalaki ka nang ganito kagwapo, anak. Kamukhang-kamuha mo ang itay mo," sambit ni inay habang suot ang mga tinging animo'y proud na proud sa akin kahit wala pa akong nagagawa sa buhay ko at para sa kaniya.
"Kung hindi lang siguro tayo mahirap, mas naangatan mo pa ang kagwapuhan ng iyong ama," pagbibiro niya. Para niya na ring sinabing mas gwapo si itay sa akin. Naku, napaghahalataang in love pa rin siya kay itay kahit na masungit ito.
Ngunit nawala ang ngiti ko nang mapansin ko ang mukha niya. Ang mga guhit sa kaniyang noo at pisngi na nagsasabing hindi na siya pabata. Unti-unti nang kumukulubot ang balat niya. Tumatanda na ang mga magulang ko.
Sa sandaling ito, pakiramdam ko'y nauubusan na ako ng oras. Lalo tuloy akong naging desididong sumama kay itay.
Gusto ko pang masuklian ang mga sakripisyo nila sa akin. Gusto kong maranasan nilang guminhawa ang buhay—ang makaraos kahit papaano na hindi na inaalala ang pera sa kinabukasan. Hindi na mahihirapang mag-isip kung paano pagkakasiyahin ang maliit na halaga. Hindi na mag-aalala kung may kakainin pa ba.
Sana pagdating ng panahon, na magkaroon na ako ng kakayanan sa buhay, sana nandoon pa sila kasama ko.
***
Tiningnan ko ang itsura ko sa salamin. Takte. Ako ba 'to?
Totoong nag-iiba ang itsura kapag maganda ang damit. Saktong-sakto sa katawan ko ang amerikanang suot ko. Ngayon lang ako nakapagsuot nito kung kaya't namamangha ako.
Malaking ngiti ang isinalubong sa akin ng aking inay nang makita akong lumabas sa kwarto.
"Sayang! Hindi makikita ng ama mo ang itsura mo pagka't mamaya pa siya makakauwi. Magpalitrato ka na lamang sa kaibigan mo," banggit ng aking inay habang himahaplos ang balikat ko. Pakiramdam ko tuloy isa akong prinsipe kahit na ang totoo'y walang lamang pilak o ginto ang bulsa ko.
"Sige po, inay."
Tumango ako bago ko siya niyakap upang magpaalam na aalis na ako. Mas pinili ko kasing maglakad papunta sa school kaysa sumakay sa trycicle ni Jonas na inaalok niya dahil gusto kong mag-alis ng kaba. Tinatawanan pa nga niya ako at mukha raw akong natatae. Paano bang hindi? Eh, makikita ko si Stephanie roon! Sigurado akong siya ang pinakamaganda sa lahat!
Muli kong ipinagpag ang sarili ko sa hangin. Para akong kitikiti na hindi alam ang gagawin kung paano aalisin ang kaba sa dibdib ko. Hindi ko alam kung bakit nakakaramdam ako ng pinaghalong takot at galak sa mangyayari mamaya. Lalo na sa isiping makikita ko ang taong gusto ko na nakaayos at nakasuot ng bestida. At posibleng makasayaw ko? Hindi ko mapigilang mapangiti. Ano kaya ang sasabihin niya sa akin? Siya ang dahilan kung bakit ako pupunta. Hindi na ako makapaghintay na makita siya.
Dumaan ako sa isang hardin malapit sa bahay namin at pumitas ng bulaklak. Isang pulang gumamela. Hindi ko maiwasang isipin na ang bulaklak na ito'y kasing ganda ng babaeng nagugustuhan ko na kahit ang takipsilim ay mahihiya sa makapigil hiningang kagandahan ni Stephanie.
Malapit na ako sa school at ramdam na ramdam ko ang lakas ng pintig ng aking puso. Ilang beses na akong nag-ensayo sa harapan ng salamin ng aking sasabihin pero mukhang nakalimutan ko na naman. Nakalimutan ko kung anong sasabihin ko at kung paano ko sisimulan.
Takte. Ni hindi ko magawang humakbang dahil sa kakaibang pakiramdam na nararamdaman ko. Paano ko nga ba siya ulit babatiin? Paano ako ngingiti sa harap niya? Paano ko ibibigay ang gumamelang ito? Paano ko siya aalukin ng sayaw?
Huminga ako nang malalim bago ako pumikit.
Ito na. Katulad ng sinabi ni Jonas. Ito na ang huling gabi ko sa school dahil wala nang pasok bukas. Wala nang dahilan para makita ko si Stephanie at makasilay o makausap siya. Pagka't siguradong haharangin ako ng masungit na si Mang Berting.
Huminga ako nang malalim.
Kailangan kong tatagan ang loob ko. Aaminin ko na sa kaniya ang totoong nararamdaman ko.
Unti-unti kong minulat ang mga mata ko ngunit sa paghakbang ko papasok sa school ay may biglang nagtakip sa bibig ko kasabay no'n ay ang pagtalukbong nila ng sako sa ulo ko.
*****
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top