Kabanata XI
"Hey, Jude!"
Muling tawag ni Stephanie sa pangalan ko. Naramdaman ko ang presensya niyang tumatakbo papalapit sa akin.
"Hindi kita nakita nitong nakaraang mga araw. Busy ka ba?"
Pinigilan ko ang sarili kong tumingin sa kaniya.
"O-oo, busy ako," sagot ko at nagpatuloy nang maglakad. Ramdam kong sumusunod siya sa akin dahil ang pagtibok ng puso ko'y bumibilis na para bang sobrang nagagalak.
"Gano'n ba? Eh 'di, wala ka ring oras na makipag-usap sa akin ngayon?" pangungulit pa niya. Hindi ko mapigilang tanungin ang sarili ko. Bakit siya narito na para bang walang nangyari noong nakaraan? Na para bang hindi sila nag-away ng nobyo niya dahil sa akin—sa lihim naming pagkikita. At muntikan ko pang aminin sa kaniya ang lahat na mukhang narinig din ni Rasty na kung hindi niya ako napigilan ay tuluyan ko nang naisiwalay ang lahat.
Sandali, kaya ba siya narito ay dahil hiwalay na sila ng nobyo niya? Pero, imposible.
Napansin kong tumigil siya sa paglakad kung kaya't napatingin ako sa kaniya. Pakshet.
Hindi na dapat ako tumingin pa.
Hindi ko na dapat nakita pa ang mga mata niyang nagbibigay pag-asa sa akin na baka balang araw makita niya rin ako, mapansin. At katulad ngayon, ako lang ang nakikita niya kung paanong siya lang ang nakikita ko. Na para bang walang ibang tao sa paligid namin at nasa iba kaming mundo. Kung saan ang bida ay siya lang at ako.
Ngunit ang mundong iyon ay malayo sa katotohanan at tanging pantasya ko lang. At ang mundong iyon ay para bang nalulusaw kasabay ng malakas na pagpatak ng ulan na tumatama sa aming dalawa. Kitang-kita ko kung paano siya nababasa ng ulan at kahit ang ulan ay hindi nakapagbabawas ng angkin niyang ganda.
"Galit ka ba sa akin?" tanong niya na nagpakunot sa noo ko. "Galit ka ba kaya lumalayo ka?"
Umiling ako at nilapitan ko siya. "Hindi. Bakit naman ako magagalit sa 'yo, Stephanie?"
Masyado kitang mahal.
"Kung hindi ka galit, bakit lumalayo ka?"
"Dahil may nobyo ka, Stephanie. Ayokong lumapit dahil ayokong makasira ako ng relasyon. Wala akong kaya kay Rasty," paliwanag ko.
"Hindi mo ba ako kayang ipaglaban sa kaniya?"
Napakurap ako. Anong ibig niyang sabihin?
"Hindi mo ba ako kayang kunin sa kaniya? Ayoko na sa kaniya, Jude!"
Napakagat ako sa labi ko.
"Pero hindi ko kayang makawala sa kaniya dahil alam niya ang sikreto ko. Alam niyang ampon ako, Jude! Ipagkakalat niya sa lahat na anak ako sa labas kapag nakipaghiwalay ako sa kaniya!"
Hindi ko alam ang ire-react ko. Masyado akong gulat sa mga impormasyong naririnig ko mula sa kaniya. Ibig sabihin, tungkol sa kaniya ang kinukwento niya sa akin? 'Yong mga bagay na sinasabi niya tungkol sa kaibigan niya ay tungkol pala talaga sa kaniya?
Napalunok ako. Halo-halo ang nararamdaman ko at hindi ko alam ang uunahin. Gusto ko ring magalit kay Rasty dahil anong karapatan niya para i-blackmail si Stephanie?
"Tulungan mo ako, Jude. Ayokong pumangit ang tingin sa akin ng ibang tao. Ayokong masira ang pangalan ng pamilya ko dahil sa akin."
Hinawakan niya ang kamay ko. Punong-puno ng pagsusumamo ang mga tingin niya. Hindi ko matiis. Maging ako'y namomroblema sa problema niya.
"Jude..." Muli niyang pagtawag sa akin.
"S-sige, tutulungan kita."
Malawak na ngiti ang ibinato niya sa akin. Tila ba napawi no'n ang pag-aalala ko. Mas maganda pa rin siya kapag nakangiti kaysa kapag umiiyak. Hindi dapat siya umiiyak lalong lalo na kung dahil lang sa isang lalaki. Masyado siyang maganda para mamroblema nang ganito.
"Huwag kang mag-alala, hahanap ako ng paraan," sambit ko kahit sa loob loob ko'y hindi ko rin alam kung paano siya matutulungan.
"Halika na, umuwi na muna tayo. Baka magkasakit ka."
Hinawakan ko ang braso niya bago ko siya akayin pauwi pero hindi pa man ako nakakahakbang nang hilahin niya ako.
"Sandali, Jude. May gusto sana akong sabihin sa 'yo. Pupunta ka ba sa prom?" tanong niya na siyang hindi ko inaasahan.
Hindi ako nakasagot dahil hanggang ngayon ay masyado akong nilalamon ng mga isipin kung paano siya matutulungan laban kay Rasty at kung paano siya makakawala rito. Gustuhin ko mang tulungan at paligayahin siya katulad ng pagbuo niya sa mga araw ko ay sinasampal ako ng katotohanang wala akong kakayahan para gawin 'yon dahil una sa lahat, lupa ako at langit siya.
"Pumunta ka sa prom, Jude. May mahalaga akong sasabihin sa 'yo."
Nagpaalam na siya sa akin at naglakad pauna palabas sa gate. Doon ko napansin na naroon pala si Mang Berting upang sunduin siya. Teka, sinundo siya ni Mang Berting?
Napurnada ang pag-iisip ko ng dahilan nang makita ko ang sarili kong nakatanaw sa malayo habang pinagtatawanan ng mga estudyante dahil basang-basa ako ng ulan.
***
"Oh, bakit ka nagpaulan? Dapat nagpatila ka na muna, anak," salubong na sambit sa akin ng aking inay nang makita akong basang-basa ng ulan.
"Sandali at ikukuha kita ng tuwalya. Dumeretso ka na sa banyo at maligo ka na," dagdag pa niya tsaka kinuha ang bag kong naulanan rin kanina. Mukhang magpapatuyo na naman ako ng notebook.
Katulad ng sinabi ng aking inay ay pumunta na ako sa banyo. Nagmadali akong maligo at tsaka pumasok sa kwarto ko. Napasandal ako sa pinto dahil sa gulat nang makita ko kung sinong tao ang nakatingin sa akin.
"Anong ginagawa mo rito?" tanong ko nang makita si Jonas na nakaupo sa bangkito at nakatingin sa akin nang masama.
"Sabihin mo sa 'kin, si Steph ba o si Niana ang dahilan bakit para kang timang? Sino sa dalawa?" pag-uusyoso niya sa akin na para bang pulis kung mag-interoga.
"Anong sinasabi mo?" Sinampay ko ang tuwalya sa gilid tsaka ako umupo sa higaan. "Hindi ako natitimang!"
"Tss, maang-maangan pa si gago! Ano ba? Umayos ka nga!"
Lumapit siya sa akin at sinuntok ang braso ko. Halatang naaalibadbaran na siya sa kinikilos ko. Sino ba kasing nagsabing pumunta siya rito at usisain ako?
"Alam mo, minsan natatanong ko sa sarili ko, hindi ba ako katiwa-tiwala? Mukha bang wala akong kakayahang makatulong sa problema ng kaibigan ko? Palagi naman akong willing tumulong kaso bakit parang ayaw ng tulong ko?"
Napatingin ako sa kaniya. Seryoso ang mukha niya na para bang mas malaki ang problema niya kaysa sa akin. Hindi ko maiwasang matawa kasi mukha siyang tutang hindi nakakahol ng tatlong araw. Nagtatampo?
"Ano? Mag-aamok ako rito kung 'di ka magsasalita!" banta niya.
Napangisi ako. Kahit kailan talaga ang isang ito. Umupo ako sa higaan. Ganoon din ang ginawa niya bago humiga. Kwentuhan ba talaga ang dayo niya o tulog?
"So, ano bang dahilan kung bakit parang wala ka sa hulog? Huling balita ko, kayong dalawa ni Niana pero parang may naririnig akong chismis na palagi raw kayong magkasama ni Steph."
Nawala ang pagkakangisi ko. "Hindi totoo ang sa amin ni Niana. Kunwari lang 'yon para pagselosin si Stephanie."
Agad naman siyang napatayo mula sa pagkakahiga nang marinig ang sinabi ko.
"Gago! Anong nangyari? Nagselos ba si Stephanie kaya close na kayo?"
Nagkibit-balikat ako. "Pero gusto niya nang hiwalayan si Rasty."
"Gago, ang gwapo mo talaga. Dahil ba sa 'yo 'yan? Walastek ka! Napaibig mo ba talaga ang long-time crush mo?"
"Walang gano'n! Ano ka ba?"
Muli kong naalala ang dahilan kung bakit gusto ni Stephanie na humiwalay na kay Rasty dahil bina-blackmail siya nito pero hindi ko naman pwedeng sabihin 'yon kay Jonas. Masyadong maselan ang lihim ni Stephanie para ipagsabi ko sa matalik kong kaibigan.
"Pero, may sasabihin daw siya sa akin sa prom."
Umawang ang bibig ng mokong at maya-maya lang ay ngumiti na tila ba nagkaroon ng pag-asa sa nakaraang pagsusumamo niya sa akin.
"So, pupunta ka na?" Nagkibit-balikat ako. Wala naman akong susuotin at ipambabayad sa gagastusin. Ano bang meron kami bukod sa kamote? Kahit ilang kilo yata ang ibenta kong kamote ay matatagalan akong makalikom ng sapat na pera para makasali sa kanila. At isa pa, bakit uunahin ko 'yong pagkagastusan gayong alam kong maraming mas importanteng kailangang pag-alayan ng pera. "Oh, bakit ka natigilan? Problemado ka na naman sa pera? Parang wala kang kaibigan mayaman, ah! Nandito ako!"
"Gago, okay lang sana kung sa 'yo manggagaling, eh! Kaso mukhang hihingiin mo pa 'yan sa magulang mo!"
"Tanga, parang others, ha? Gusto nga kitang kasama, 'tol. Hindi ko gustong napag-iiwanan ka at kinakaya-kaya ka ng mga kaklase natin. Ikaw pa naman pinakagwapo sa classroom. For sure kapag pumunta ka, dadagsain ka ng mga babae. Basta, bigyan mo na lang ako. Ako na bahala sa gastusin mo."
Kinindatan niya ako.
"Salamat, Jonas. Hayaan mo kapag nagtrabaho ako, susuklian ko lahat ng kabutihan mo sa akin."
"Kahit 'wag na! Sapat na sa aking makitang masaya ang kaibigan ko! Malay mo sa pagiging mabait ko sa 'yo, isang way para makapunta ako sa langit."
"Bakit? Gusto mo na bang pumunta?" tanong ko. Bigla niya naman akong binatukan. "Ay, void na, Jonas. Nanakit ka ng kapwa. Bawal 'yon. Minus ten ka na."
"Gago!"
*****
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top