Kabanata VIII

"Anong ginagawa mo?" tanong ko pagkatapos ko siyang bitiwan. Narito kami sa likod ng canteen.

"Hindi mo ba nakita para tanungin mo pa ako?"

Napabuntong-hininga ako. "Bakit mo 'yon ginawa, Niana? Imbes na tulong ang maibigay mo, perwisyo pa ang dulot mo!"

Sinamaan niya ako ng tingin tsaka siya humalukipkip. "Perwisyo? Ikaw na nga 'yong tinutulungan ko! Ikaw pa 'yong galit d'yan!"

"Tulong ba 'yong ginawa mo? Nilagay mo lang lalo ako sa kahihiyan!"

"So, nahihiya ka sa ginawa ko?"

"Eh, paanong hindi?"

"Tingin mo ba hindi rin ako nahihiya? Ewan ko rin ba kung bakit ko ginawa 'yon, Jude! Sana kasi ganoon kalakas ang loob mong umamin kay Stephanie kasi ako 'yong nahihirapan sa 'yo!"

Nabasag ang boses niya at sa isang iglap, isang butil ng luha ang kumalpas mula sa kaniyang mata. Napalunok ako. Tila ba nawalan ng kulay ang mukha niya. Ang mapang-asar at tigasing Niana ay naging malambot at umiiyak sa harap ko.

"Hindi ko rin ba alam kung bakit tinutulungan kita, eh, problema mo naman 'to. Masyado ba akong desperada sa 'yo? Lahat gagawin para lang mapansin mo?"

Hindi ako agad nakapagsalita. Napansin kong nanginginig ang mga kamay niya habang tinatakpan ang mata.

"Kung naiinis ka sa 'kin, mas naiinis ako sa sarili ko, Jude...hindi ko alam bakit nagustuhan ko ang isang bobong katulad mo."

Pinunasan niya ang mga luha niya tsaka tumingin sa akin. "D'yan ka na! Sayang ang luha ko sa 'yo! Break na tayo!"

"Niana..." pagtawag ko sa kaniya pero tuluyan na siyang naglakad palayo. Pinagmamasdan ko lang ang likod niyang unti-unting naglalaho sa paningin ko.

Ibig sabihin ba niya, hindi na tuloy ang plano? Hindi niya na ako tutulungan? Hindi na namin kailangan pang magkunwari?

***

"Hoy, Jude! Cleaner ka! Huwag kang tumakas!"

Napakamot ako sa ulo ko ng sitahin ako ng kaklase ko. Hindi naman ako tumatakas, eh.

"Mag-floorwax ka tsaka magtapon ng basura!" utos pa niya na sinunod ko na lamang. Nagsabi na lang din ako kay Jonas na mauna na siyang umuwi dahil mukhang matatagalan pa ako sa dami ng utos ng kaklase ko. Minsan hindi na lang ako nagsasalita dahil mahirap makipagsagutan sa mga makikitid ang utak.

Ilang linggo na ang lumipas nang hindi na ako gambalain pa ni Niana. Kahit kapag inuutusan ako ni Ma'am Bautista na pumunta sa kabilang classroom para kunin ang palagi niyang nakakalimutang chalk ar eraser, hindi na ako pinapansin ni Niana. Nakikita ko na lang siyang nagbabasa ng libro habang may nakapasak na earphone sa tainga.

Simula din ng araw na iyon ay palagi nang masama ang tingin sa akin ni Ma'am Bautista. Marami pa siyang iniuutos sa akin bukod ro'n pero syempre, siyang aking sinusunod dahil ayokong mapagalitan.

"Oh, ayusin mo 'yang floorwax mo. Buo-buo pa, eh. Bubunutin mo pa 'yan, Jude!"

Napakamot na lang ako sa leeg ko dahil ayokong mainis. Masyadong masarap mabuhay para ubusin ang enerhiya sa pakikipag-away. Alam ko naman kasi ang gagawin ko at hindi niya na kailangan pang imando sa akin. Putak nang putak, eh. Kitang nagko-concentrate ako.

Nang matapos ko na ang lahat ng utos ay laking pasasalamat ko nang lubayan niya na ako. Kinuha ko na ang basurahan para itapon sa likod ng building namin. Nananahimik ako nang bigla akong may narinig na babaeng umiiyak.

Shetpak, totoo ba 'yong bali-balitang may multo dito sa tambakan ng basura? Grabe, kung kailan naman na-assign akong cleaner tsaka magmumulto 'yong multo. Pwedeng i-resched?

Nagmadali na akong magtapon ng basura. Hindi ko na hinugasan 'yong basurahan kasi tae, malapit nang magdilim. Baka mamaya sugurin ako ng white lady. Alam ko, sinabi ko batak ako sa pag-iigib at kaya kong makipagbasag-ulo pero sa multo? Ibang usapan na 'yon.

Laking gulat ko nang biglang may tumayo sa gilid malapit sa kung nasaan ako. Mahaba ang buhok niya na nasa harap ng mukha kung kaya't agad na nagsitayuan ang balahibo ko sa katawan. Idagdag pa ang puti niyang suot.

Napaatras ako nang hawiin niya ang buhok niya at tuluyan kong nakita ang kabuoang kagandahan ng taong lihim kong minamahal.

"S-stephanie?" napabulalas ko. Napatingin siya sa dako ko at agad niyang pinunasan ang kaniyang mga luha.

"H-hindi. O-okay lang. Umiyak ka lang. Wala akong pagsasabihan. Tsaka aalis na rin ako," dagdag ko pa.

Grabe naman kasi 'yong existence ko. Palaging nand'yan kapag umiiyak siya. Tumalikod na ako pagka't isa rin ako sa mga nasasaktan kapag nakikita siyang umiiyak. Si Rasty na naman yata ang dahilan. Bakit ba palagi niya na lang pinapaiyak ang babaeng gusto ko? Na nagmamay-ari ng pinakamagandang ngiti kapag masaya.

Kung pwede ko nga lang upakan 'yong dahilan ng pag-iyak niya, ginawa ko na, eh kaso, wala naman ako sa posisyon para gawin 'yon. Wala akong karapatan.

"Hey, Jude."

Natigilan ako nang marinig ko ang pangalan kong binanggit niya. Hindi ko mapigilang mapangiti sa lihim. Iba talaga ang epekto niya sa akin. Sigurado ako, malakas talaga ang tama ko sa kaniya. Agad na lumalakas at bumibilis ang tibok ng puso ko kapag nakikita ko siya o kahit maramdaman ko lamang ang presensya niya.

Lumingon ako. "B-bakit?" tanong ko. "Gusto mong makarinig ng kwento?" tugon niya na siyang ikinakunot ng noo ko. Hindi ako makapaniwala sa tanong niya. Gusto niya bang makipagkwentuhan sa akin?

Hindi ako kaagad nakapagsalita dahil hindi ko alam ang sasabihin. Pinipigilan ko ang saya sa loob ko dahil naaalala kong umiiyak siya kanina at maging nang makita ko siya noong gabing 'yon. Isang hiwaga sa akin na nakakangiti siya sa kabila ng sakit ng kaniyang kalooban gayong umiiyak siya nang lihim sa sulok ng basurahan.

Talento niya bang itago ang mga problema niya sa likod ng matatamis na ngiti at masigla niyang mukha?

"Hindi naman siguro magseselos si Niana kung mag-uusap tayo sandali?"

Umiling ako. "Hindi, syempre."

Umupo ako sa harap niya at pinagmasdan siyang maigi. Gusto kong analisahin kung anong totoong nararamdaman niya.

Sabi nila, sa mata makikita ang totoong damdamin. Nakikita rin kaya niya ang totoo kong nararamdaman?

"Seryoso ka? Nasaksihan ko 'yong ginawa niya ro'n sa canteen. Bihira lang ang may kaya no'n. Halatang hindi na lang pagkagusto ang nararamdaman niya para sa 'yo."

"Eh, wala rin. Hindi ko naman kayang suklian ang pagkagusto niya sa akin," sambit ko na siyang nagpatikhim sa kaniya.

"B-bakit?"

"May iba kasi akong gusto."

Malakas ang tibok ng puso ko. Hindi ko alam na magkakaroon ako ng lakas ng loob na magpahiwatig sa kaniya...na tingnan siya nang malalim na kagaya ng pagtingin ko sa kaniya ngayon.

Ilang sandali pa kaming naroon sa ganoong sitwasyon. Tila ba sinisiyasat niya ang mga mata ko na umamin...pero hindi ko pa kaya.

"A-ano nga pala 'yong ikukwento mo?" pag-iiba ko ng usapan.

"Ha? Ah..." Muli siyang tumikhim at tila ba humahanap ng bagong tiyempo na sabihin ang kwento niya.

"Huwag mo nang isipin 'yong sinabi ko basta hindi magagalit o magseselos si Niana dahil wala na kami," saad ko.

Napanganga siya. Ngayon ko lang siya nakitang natuliro na parang hindi alam ang gagawin. Madalas ay kalmado lang siya at mahinhing gumalaw.

Ngumiti ako habang pinagmamasdan siya. Pakiramdam ko, may nalaman akong bagong side niya. Nakita niya naman akong tumingin sa kaniya at doon siya natawa. Ilang sandali pa kaming nagtawanan na parang mga siraulo at sa isang iglap para kaming naging komportable sa isa't isa.

"Alam mo ba, Jude, may kaibigan ako. Maraming nagsasabing maganda siya at hindi makabasag pinggan. Palangiti na para bang walang problema. Sabi nga nila, perpekto raw pero hindi alam ng marami na marami itong lihim. At isang lihim din ang pagkatao niya."

Kumunot ang noo ko sa narinig ko mula sa kaniya. "Paanong isang lihim?"

"Gusto mong malaman?"

Tumango ako bilang sagot.

"Bukas. Magpunta ka uli rito pagkatapos ng klase at ikukwento ko sa 'yo ang tungkol sa lihim ng kaibigan ko." Nakangiti niyang sabi at tumayo na siya. Pinagpagan niya ang palda niya.

"Teka sandali, hindi ba't masamang sabihin mo sa iba ang lihim ng kaibigan mo lalo't pinagkatiwalaan ka niya tungkol sa bagay na 'yan?" tanong ko tsaka tumayo na rin.

Napangiti siya at pinagmasdan ako sandali. "Bakit siya magagalit? Gusto niya ngang sabihin sa 'yo, eh."

Ngumiti siya nang matamis bago siya nagpaalam sa akin.

Pinagmasdan ko ang likod niya habang papalayo siya sa akin. Nalilito man ay sumang-ayon ako sa gusto niya. Baka sa pamamagitan ng pag-uusap naming ito ay mas makilala ko siya at magkaroon ako ng pagkakataon kahit bilang isang kaibigan lang.

***

Nahihiwagaan man ako sa dahilan, nagmadali na akong pumunta sa likod ng building namin para makita si Stephanie. Mabuti na lang at maagang nagpauwi si Ma'am Bautista kung kaya't mas maaga kong makikita si Stephanie. Pumunta ako sa puwesto kung saan ko siya nakita kahapon ngunit wala pa siya.

Masyado ba akong maaga? Napaghahalataang excited ako.

'Di bale, hihintayin ko na lang siya baka hindi pa sila uwian. Hindi ko rin napansin kasi noong dumaan ako sa room nila sa kamamadali.

Hindi ko alintana ang amoy ng tambakan ng basura sa tabi ko dahil sulit naman kung ang hihintayin at makikita ko ang taong gusto ko. Parang nawawalan ako ng pang-amoy dahil sa isiping nakikipagkita sa akin si Stephanie.

Kalahating oras na ang nakalipas simula nang magpunta ako rito. Wala pa rin ang presensya niya. Nakalimutan niya kaya o baka marami lang siyang kailangang gawin ngayon kaya wala pa siya rito?

Maghihintay na lang muli ako ng kalahating oras.

Mag-iisang oras na ang lumipas ngunit wala pa siya. Halos maubos ko na ang damo sa kabubunot. Naihiwalay ko na rin ang ibang basura sa nabubulok at 'di nabubulok. Maging ang puwede pang i-recycle ay nailipat ko na sa isang pwesto. Hindi na mahihirapan ang maghahakot ng basura ng school namin dahil nahiwalay ko na ang iba. Haha!

Hindi ko namalayan ang oras. Masyado na akong nagtagal sa kahihintay. Ganito ko ba kagustong makita siya na kahit mukhang imposibleng pumunta pa siya ay umaasa pa rin ako? Kanina pa madilim ang langit at mukhang ako na lang ang naiwan.

Nagdesisyon na akong umalis sa lugar na iyon. Sapat na siguro ang ginawa kong paghihintay. Tiyak na pagagalitan na ako ni inay dahil nakaligtaan kong mag-iigib pala ako.

Napabuntong-hininga ako. Hanggang sa huli, iniisip kong siguro'y may mahalagang ginagawa si Steph kaya hindi siya nakapunta.

Naglakad na ako at saktong paglabas ko mula sa likod ng building ay ang bungad ng masayang mukha ni Stephanie... kasama ang lalaking iyon.

Bati na ba sila?

Nagkabalikan na ba sila ni Rasty?

Hindi na ba tuloy ang usapan naming pagkikita?

Napayuko ako nang makaramdam ng kirot sa dibdib. Napaatras ako at napasandal sa pader habang hawak ang puso ko.

Ganito yata talaga ang pakiramdam kapag umiibig.

Nasasaktan.

*****

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top