Kabanata VII
Unti-unti kong iminulat ang mga mata ko at napansing nasa waiting shed pa ako. Nakatulog yata ako, ah. Kinusot-kusot ko ang mata ko at napansing nag-iisa ako. Sandaling napakunot ang noo habang inaalala ang nangyari. Hinawakan ko ang labi ko. Panaginip lang pala.
Nakauwi na kaya si Stephanie? Teka, kasama ko ba talaga siya? Baka nagha-hallucinate lang ako?
Hinipo ko ang leeg ko at doon ko napagtantong mainit ako. Nilalagnat.
Nagdesisyon na akong maglakad at umuwi sa bahay. Nadaanan ko pa ang bahay ni Jonas at naroon siya sa harapan nila habang hinihintay ako. Sinigawan niya pa ako na kanina pa nila ako hinahanap.
Napakamot na lang ako sa ulo ko tsaka nagpaalam sa kaniya para dumeretso na sa bahay. Inusisa pa ako ng aking ina kung bakit basang-basa ako ngunit nang mapagtanto niyang wala akong dalang payong ay inabutan niya na lang ako ng tuwalya upang maligo na.
Ilang sandali pagkatapos kumain ay naisipan ko munang lumabas para bumili ng gamot sa sumasama kong pakiramdam. Hindi pa rin mawala sa isip ko ang nangyari kanina. Ang sandaling pagkakataong nakasama ko si Stephanie. Pakiramdam ko, hindi ako makakatulog nito. Lalo pa tungkol doon sa panaginip ko na dumampi ang mga labi niya sa mga labi ko.
"Bakit mo ako iniwan?"
Natigilan ako nang marinig ko ang boses ng isang babae. Hinanap ko kung saan nanggagaling dahil pamilyar ito.
"Hindi ko alam na nasa school ka pa."
"Hindi mo alam? Nagpapatawa ka ba?"
Napaatras ako nang makita ko kung sino ang nagtatalo sa likod ng bahay namin. Si Stephanie at ang nobyo niyang si Rasty.
"Bakit ka ba nagagalit, Stephanie? Hindi ba dapat ako pa nga ang magalit sa 'yo kasi mayroon kang kasamang iba? At hindi ko pa malalaman kung hindi pa sabihin ng mga tropa ko!"
Napakunot ang noo ko nang sigawan niya si Stephanie. Ang tinutukoy niya ba ay ako?
"So, ako pa ngayon ang may kasalanan? Ako pa ang problema? Sinadya mo akong iwan sa classroom kahit aware ka naman na hindi pa ako lumalabas! Tapos, ako pa ang sisisihin mo dahil sumama ako sa iba?"
Nagulat ako nang makita ko siyang umiyak. Tila ba nadurog ang puso ko nang marinig ko ang mga hikbi sa pagitan ng kaniyang pagsasalita. Nasasaktan ako.
"Anong aware? I wasn't aware! Kaya siguro nakasalubong ko 'yong mokong na 'yon, eh, para puntahan ka. Nawala lang ako saglit. Nakikipagharutan ka na sa iba, Stephanie! Nakikipaglaro ka pa sa gitna ng ulan! Mabuti pa, maghiwalay na muna tayo."
"A-ano? B-bakit?"
Napalunok ako. Hindi ko magawang maging masaya sa kabila ng nangyayari lalo pa't nakikita kong nasasaktan ang taong gusto ko. Ganito pala kasakit makitang binabalewala ang taong pinapahalagahan ko.
Gusto ko man siyang lapitan ngunit mas pinili kong tingnan na lang siya sa malayo. Mas mabuting mailabas niya ang bigat at sama ng loob niya dahil sa nangyari.
Tuluyan na siyang iniwan ng ulupong na 'yon. At ngayon ay yakap niya ang kaniyang mga tuhod habang tahimik na umiiyak.
Malamok man sa pwesto ko ay mas pinili kong bantayan at hintayin siyang pumasok sa bahay nila. Hindi naman siguro siya iiyak magdamag para lang sa lalaking iyon?
Ilang minuto pa ang lumipas nang mapagdesisyunan niya nang pumasok sa loob ng kanilang bahay. Huminga ako nang malalim bago ako umuwi. Nakalimutan ko na ang pakay ko kung bakit ako lumabas.
Kinabukasan, sinusubukan kong hanapin si Stephanie dahil nag-aalala ako sa kalagayan niya. Pumasok naman siguro siya. Medyo maginhawa na rin ang pakiramdam ko dahil nagbalot ako ng isang katerbang kumot para pawisan.
Bukas ang diwa ko sa buong klase at nabalik lang ako sa reyalidad nang tumunog ang bell hudyat na recess na.
"Jude! Tara sa canteen!" yaya na naman sa akin ng kaibigan kong si Jonas. Pumayag na ako dahil gusto ko ring malaman kung naroon ba si Stephanie. Laking ginhawa ko nang natanaw ko siya ngunit hindi ko maiwasang mag-isip dahil sa mga ngiting suot niya ngayon. Nakikipagtawanan siya sa kaniyang mga kaklase na para bang walang nangyari kagabi. Hindi rin halata ang mugto niyang mata. Nagkabati na ba sila ni Rasty?
Nagulat ako nang magtagpo ang mga mata namin. Ako ba ang tinitingnan niya o 'yong katabi ko? O ibang tao sa likod ko?
Tama. Bakit naman siya titingin sa akin?
"Jude!"
Tinis palang ng boses ay alam ko na kung sino ang tumawag sa pangalan ko. Si Niana. Nakalimutan ko na ang tungkol sa kaniya pati na rin ang plano naming pagselosin si Stephanie. Mabuti pa, kausapin ko siya tungkol doon. Ayoko nang ipagpatuloy pa lalo't naaalala ko kung gaano umiyak si Stephanie sa harap ni Rasty. Mukhang gustong-gusto niya nga ang lalaking 'yon at kailanman ay hindi niya ako makikita.
"Oh, Nya Nya, anong ginagawa mo rito? At pansin ko lang ha, palagi mong pinupuntahan ang kaibigan ko. May namamagitan ba sa inyo?" tanong ni Jonas. Kasalukuyan na kaming nakaupo sa table at kumakain. Umupo sa tabi ko si Niana tsaka niya isinakbit ang kamay sa braso ko.
"Hindi ba umabot sa 'yo ang balita? Kami na ng kaibigan mo!"
Napanganga si Jonas tsaka idinapo ang mga mata sa dako ko na tila ba naninigurong totoo ang sinabi ng babaeng nasa tabi ko.
"K-kayo ni Jude? P-paanong nangyari?" nauutal niyang tanong. "A-akala ko ba si Steph—"
Tinakpan ko ang bibig niya gamit ang banana cue na binila niya para sa akin.
"Bakit? Hindi ba kapani-paniwala? May gusto sa akin ang kaibigan mo! 'Di ba Jude?"
Tumingin siya sa akin habang hinihintay ang sagot ko. Magsasalita na sana ako nang mapansin ko sa gilid ng mata ko na nakatingin si Stephanie. Hindi ko alam kung saan ko nakuha ang sagot ko na "Oo."
"Gago ka! Akong kaibigan mo, hindi mo sinasabihan? May syota ka na pala! Kailan mo balak sabihin sa akin?"
Napakamot ako sa ulo ko. "Ha? Ahh...h-hindi ko gustong maraming makaalam."
"At bakit? Ako, handa kitang ipagsigawan sa buong mundo!"
Napasinghap ako at dagling napatingin kay Niana. Nasisiraan na ba siya ng bait?
Nagulat ako nang tumayo siya sa ibabaw ng lamesa kaya napatingin sa kaniya ang lahat. "Everyone! Makinig kayo sa akin! Wala nang lalapit na babae kay Jude dahil sa akin na siya! Nagkakaintindihan?"
Wala akong nagawa kung hindi ang mapakagat sa labi ko dahil sa kahihiyang ginawa niya. Nagtatawanan tuloy 'yong mga estudyante at pareho kaming kinakantyawan.
Pilit ko siyang hinihila para bumaba na sa table namin pero hindi siya nagpapaawat.
"Kung sino mang babaeng may lakas ng loob na agawan ako, tumayo na at magharap tayo dahil hindi ko kayo uurungan!"
Napasinghap ang lahat nang tumayo si Stephanie. Maging ako ay nawalan ng hininga nang makita siyang tumayo mula sa pagkakaupo niya.
Ang lakas ng kabog sa dibdib ko. Parang kabayong nagwawala. Nakuha niya ang atensyon ng lahat at nang mapansing nakatingin kami sa kaniya ay nagsalita siya.
"Oh, no, sorry. I was about to go out. Don't worry, Niana. Jude is all yours. I have my owm boyfriend kaya hindi kita aagawan," sambit niya at saka tipid na ngumiti bago umalis sa harap namin.
Bumagsak ang mga balikat ko at naramdaman ko na lang ang pagtapik ni Jonas sa likod ko.
Tiningnan ko ang babaeng nasa itaas ng lamesang kinakainan namin. Nakatingin din siya sa akin. Bumuntong-hininga ako bago ko kinuha ang kamay niya at hinila siya paalis sa lugar na iyon.
*****
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top