Kabanata VI

Huli na nang mamalayan kong may mababangga ako dahil sa pagmamadali ko sa pagtakbo. Tiningnan ko kung sino ang nabangga ko para sana makahingi ng tawad pero agad na nagngitngit ang mga ngipin ko nang makita ko kung sino ito. Si Rasty.

"Tss. Harang-harang." Inismidan niya lang ako tsaka siya naglakad palayo sa akin. Mukhang nakilala niya rin kung sino ako pero mabuti na lang 'di siya naghamon ng away dahil 'di ko uurungan 'yang manyakis na 'yan. Baka batak 'to sa pag-iigib.

Nagpatuloy na lang ako sa pagtakbo papunta sa room nila Niana kung saan naroon pa raw si Stephanie. 'Di ko alintana ang malalakas na patak ng ulan na masakit sa balat. Wala. Ang nasa isip ko lang ay si Stephanie. Nag-aalala ako kung paano siya makakauwi kung ganito kalakas ang ulan.

Sumilip ako sa room nila at agad kong natanaw ang kagandahan niya. Nakaupo siya habang nakatingin sa labas ng bintana at mukhang hinihintay na tumila ito.

"Stephanie!" Napalingon siya dahil sa malakas na pagtawag ko. "Uwi na tayo," sambit ko. Napakunot ang noo niya at parang may tiningnan sa kamay ko. Napakamot naman ako. Wala nga pala akong payong. Ang lakas kong magyaya umuwi.

"Wala namang tayo." Tila ba pana na tumarak sa puso ko ang sinabi niya.

Oo nga pala.

"Uwi lang, walang tayo," nakangiti niyang sabi tsaka tumayo. Napanganga ako nang unti-unti siyang naglakad papunta sa akin. Shet, ang aga pa para sa pangarap kong kasal.

"S-sorry, wala pala akong payong," bulalas ko. Itinago ko ang aking mukha sa pagkahiya. Shet. Epic fail.

Narinig ko siyang tumawa. "Wala rin akong payong para ipahiram sa 'yo. Bakit ka ba narito? Kanina pa nakalabas si Niana."

"Ahh, oo, nakita ko siya. Siya ang nagsabing puntahan daw kita rito."

"Ha? Sinabi niyang puntahan mo ako? Bakit? Hindi ba siya magseselos? Bakit ako ang pupuntahan mo imbes na siya?" nagtataka niyang tanong.

Hindi ako nakapagsalita. Anong idadahilan ko? Sasabihin ko na ba sa kaniyang nagkukunwari lang kaming dalawa ni Niana? Pero, masyado pang maaga para sirain ko ang plano. Paano ko malalaman kung may nararamdaman para sa akin si Stephanie? Hindi ko nga rin alam kung posible bang magkagusto siya sa isang tulad ko.

"Sigurado ka bang ayos lang sa kaniya na ako ang kasama mo?" tanong niya na nagpakamot sa ulo ko. "Ha? H-hindi ko alam pero halika na. Umuwi na tayo."

Umiiling siya habang nauunang maglakad sa akin. Sabagay, nakakapagtaka nga kung bakit ang lakas ng loob kong puntahan siya rito at yakaging umuwi. Ano niya ba ako? At hindi naman kami ganoon kalapit para kausapin ko siya?

"Ano pang hinihintay mo d'yan, Jude? Akala ko ba uuwi na tayo?" Agad siyang lumabas at sumugod sa ulan na siyang ikinagulat ko. Bakit parang kung kausapin niya ako ngayon ay matagal na kaming magkakilala at magkaibigan? Parang kahapon lang nang sampalin niya ako.

Nabalik ako sa reyalidad nang muli niya akong tawagin. Punyemas. Ang ganda pa rin niya kahit nababasa siya ng ulan ngayon. Ay teka sandali! Bakit siya nagpapaulan? Nababasa 'yong damit niya! At sa hindi inaasahan...bumakat ang panloob niyang damit sa puti niyang uniporme.

Pakshet. Masasabihan na naman ako ng manyak nito. Pakiramdam ko pa dudugo na naman ang ilong ko.

"Ilagay mo na lang siguro 'yong bag mo sa harapan mo," sambit ko nang makalapit ako sa kaniya habang umiiwas ng tingin. Pareho na kaming nababasa ng ulan ngayon dahil naglalakad kami sa gitna ng field.

"Bakit?" Napakamot ako sa batok nang hindi niya naintindihan ang ibig kong sabihin. Bakit kasi ang nipis ng uniform niya? Malamang! Kapag may tumayo na naman dito naku po, masasampal mo na naman ako.

"Eh, basta. Ilagay mo na lang. Teka, hindi ka ba susunduin ni Mang Berting?" tanong ko nang maalala ang tungkol sa kaniyang ama. Masyadong protective si Mang Berting para hayaang umuwing mag-isa ang kaniyang anak. Sa tagal ko nang kilala si Stephanie, mula pa noong mga bata pa kami, ni hindi nga ako makalapit sa kaniya dahil hinahabol ako ng itak ng kaniyang ama.

"Hindi yata."

"Bakit hindi?" tanong ko pa. Syempre, para humaba usapan namin.

"Alam niya kasing may boyfriend ako so, siguro nasa isip niyang may mag-aasikaso na sa akin."

Putragis. Sana hindi ko na lang tinanong. Apakasakit, kuya Eddie. Hindi ko talaga akalain na sa sobrang istrikto ni Mang Berting ay nahayaan niyang mapunta sa masamang kamay ang kaniyang anak. Kung alam lang nila ang katotohanan.

"M-may boyfriend ka?" nagmamaang-maangan kong tanong. Gusto kong makasiguro kahit na unti-unting napipilas ang puso ko.

Tumango siya. "Schoolmate din natin siya. Si Rasty."

Triple Kill. Totoo nga. Hindi pa talaga ako nakuntento at naniwalang may relasyon sila noong nakita ko silang magyakapan pati na rin ang paghatid sa kaniya nito sa room.

Napabuntong-hininga ako. Wala nang dahilan para ipagpatuloy pa namin ni Niana ang plano. Nasa harap ko na ang sagot.

"Kayo ni Nya Nya? Kailan pa kayo?" tanong niya kaya napatingin ako sa kaniya. Hindi ko alam kung bakit sa sandaling iyon na nagtama ang mga mata namin, may iba akong naramdaman.

"H-ha? B-bago lang," nag-aalangang sagot ko.

"Anong nagustuhan mo sa kaniya?"

"H-ha? Ano kasi..." Hindi ko alam ang isasagot ko. Sa sandaling iyon, pumasok sa isip ko si Niana pero wala ni isang salitang dumapo sa bibig ko para ipaliwanag kung ano bang nagustuhan ko sa kaniya. Una sa lahat, hindi ko naman siya gusto at ang tanging gusto ko lang ay ang babaeng nasa harapan ko na ngayo'y nakatingin sa akin habang basang-basa ng ulan. "Mabuti pa, halika na! Magkakasakit ka kung magtatagal pa tayo rito!"

Hinatak ko na siya paalis sa lugar na iyon. Akala ko'y makakatanggap akong muli ng sampal dahil hinahawakan ko ang kaniyang kamay. Nakapagtataka na hinahayaan niya lang akong gawin 'yon.

***

"Hindi ka ba nilalamig?" tanong ko tsaka ko siya nahihiyang tiningnan. Iniwas ko ang tingin ko pagka't ayokong mapatingin sa damit niya. Hinubad ko ang polo ko at naiwan na lamang ay 'yong t-shirt ko na pangdoble. Ipinatong ko iyon sa damit niya.

Ngumiti naman siya. "Salamat. Akala ko, manyakis ka. Ayaw mo pala akong nasisilipan."

Hindi ko alam kung saan ko ilalagay ang galak na nanggagaling sa puso ko. So, ngayon, nakikita niya nang mabait talaga ako. Tila ba nasagot ng kalangitan ang kahilingan ko. Hindi ko inaasahang magkakaroon kami ng pagkakataong magkausap at linawin sa kaniyang hindi ako katulad ng iniisip niya. Sa wakas, napansin niya na rin kung bakit ko ipinalalagay ang bag niya sa harap niya.

Napatingin ako sa unahan namin. Malakas pa rin ang ulan at kasalukuyan kaming narito sa waiting shed para magpatila kahit kaunti dahil mas lalong lumalakas ang ulan. Wala na ngang estudyante sa kalsada na nagmumula sa school namin. Mukhang nakauwi na silang lahat at nasa kani-kaniya ng pamamahay.

Napansin ko ang bag ko. Siguradong basa na ang mga gamit namin sa loob. Bakit kasi ang lakas ng loob kong puntahan siya? Mukhang magkakasakit pa siya dahil sa akin. Minsan talaga hindi ako nag-iisip.

Nabalot ng katahimikan ang paligid namin. Bukod sa lakas ng ulan. Nakakabingi ang katahimikang nasa pagitan naming dalawa. Ayoko namang magsalita dahil wala naman akong maisip na sabihin. Blangko ang isipan ko dahil masyadong akong nalulunod sa nangyayari sa aming dalawa. Nakaupo ako katabi siya. Abot langit na ang kilig sa dibdib ko.

"Sorry nga pala noong nakaraan nasampal kita." Hindi ko inaasahang magsasalita siya. Para akong laging nagpapantasya kapag naririnig ko ang boses niya.

"H-ha? W-wala 'yon. Hindi ba't sabi mo ay quits na tayo?" tugon ko at muling nasundan na naman kami ng katahimikan.

"So, sinilipan mo nga ako noon sa bahay?" tanong niya na nagpaatras sa akin.

"H-hindi! Bakit ko naman gagawin 'yon?"

"Nakita ka ni itay."

Napakamot ako. Paano ko ba ito ipaliliwanag sa kaniya? "H-hindi ko sinasadya. Hindi ko alam na makikita kita roon."

"So, may nakita ka?"

Napalunok ako. Tiningnan ko siya. Nagulat ako nang tumingin din siya sa akin. Hindi ko inaasahan na magtatagpo ang mga mata namin sa pangalawang pagkakataon.

Rinig na rinig ko ang tibok ng puso ko. Napatingin ako sa mga labi niya.

Shet. Mali ang iniisip mo, Jude. Wala kang karapatan. May ibang mahal ang babaeng gusto mo. May iba siyang karelasyon at hindi ikaw 'yon.

Hindi ako agad nakahinga nang pumikit siya at halikan ako.

*****

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top