Kabanata V
Umupo siya sa harap ko habang suot ang malapad na ngiti. Nakikita ko palang siya, nagsisimula nang kumulo ang dugo ko. Totoo pala 'yon. May tao talagang hindi natin gugustuhing magkrus ang landas sa atin.
"Ano na namang trip mo?" salubong kong tanong sa kaniya.
"Eto naman! Masyado kang halatang broken! Balitang-balita na sa buong school ang relasyon ni Stephanie at ni Rasty kaya pinuntahan kita. Kanina pa kaya kita hinahanap!" litanya niya.
Kumunot ang noo ko. "Bakit mo naman ako hahanapin?"
"Eh, ano pa? Para asarin ka! Alam kong may gusto ka kay Stephanie ang kaso lang, wala siyang gusto sa 'yo."
"Ano naman ang pakialam mo? Hindi mo pa ba ako lulubayan? Alam mo palang may gusto ako kay Stephanie pero pinagdududahan mo pa rin ang pagkalalaki ko."
"Paanong hindi? Kung tunay kang lalaki, eh 'di sana'y may bayag ka rin para umamin sa kaniya. Masyado kang masakit sa mata, Jude! Masakit sa mata 'yang katorpehan mo!"
Nginiwian ko siya. "Eh kung masakit ako sa mata, bakit narito ka?"
"Para tulungan ka, syempre! Kapag natulungan kitang umamin kay Stephanie at magising ka sa katotohanan. Baka sakaling pwede na tayo."
Napanganga ako sa sinabi niya. So, totoo nga ang sinabi ni Jonas? May gusto sa akin ang babaeng 'to? Kaya ba ganoon na lang niya ako inisin?
"Ano? Deal?" Inilahad niya ang kaniyang kamay. "Tutulungan kita kay Stephanie pero kapag nalaman mong wala siyang pagtingin sa 'yo, sa 'kin ka na," pag-aalok ni Niana na para bang kumpiyansa siyang makukuha niya ang gusto niya.
Napabuntong-hininga ako. "Anong klaseng tulong ba 'yan?"
Mas lalong lumawak ang ngiti sa kaniyang labi. "Simple lang. Pagselosin natin siya." Itinaas-baba niya ang kaniyang mga kilay tsaka lumapit sa akin. "Magkunwari tayong mag-boyfriend at girlfriend."
Isinakbit niya ang kaniyang braso sa braso ko pero agad ko rin iyong inalis. "Sira. Ayoko!"
Tumayo ako at lumayo sa kaniya.
"At bakit? Promise! Effective 'to, Jude! Kita mo nga! Kaya ka brokenhearted ngayon kasi nagseselos ka. The more jealous you are, the more possesive you can be!"
Hinabol niya ako at muling isinakbit ang kaniyang braso sa akin. Hindi ko maiwasang makaramdam ng pagkailang lalo na't napapansin kong dumadait ang dibdib niya sa siko ko. Takte. Bakit sa lahat ng mapapansin ko, iyon pa?
"At kapag nagselos si Stephanie, eh 'di sureball ka nang may nararamdaman siya sa 'yo! At doon, e-exit na ako!"
Malalim niya akong tiningnan habang hinihintay ang magiging sagot ko. Habang nakatitig ako sa kaniya, pinangarap kong sana si Stephanie na lang ang nakahawak sa akin at ang katabi ko. Alam ko kung gaano kagago 'yong Rasty na siyang karelasyon niya noong oras palang na makita kong sinisilipan siya nito. Idagdag pa ang kaliwa't kanang balita na nakikipagbasag-ulo raw iyon sa mga siga sa ibang school. Hindi ko maiwasang isipin ang kapakanan ni Stephanie. Ano na lang ang magiging kinabukasan niya kung mapapasakamay siya ng taong 'yon?
"Ano? Ang tagal sumagot, ha? Naiinip ako!"
"Paano ba ang gagawin natin?"
Binigyan niya ako ng matamis na ngiti. "Hatid mo 'ko sa classroom," sambit niya.
"At bakit ko naman gagawin 'yon?" sagot ko tsaka ako humiwalay sa kaniya. "Ano ako? Bodyguard?"
"Tanga! Kunwari nga, jowa kita, eh! Ulit-ulit tayo, Jude? Dali na, hatid mo na 'ko!"
Napabuga na lang ako kahit na parang duda ako sa plano niya. Inihatid ko siya sa classroom nila. Agad kong napansin ang siya ring pagdating ni Stephanie kasama si Rasty. Makita ko palang silang magkasama ay nakukumpirma kong tama nga—may relasyon nga sila. Pero hindi sila bagay.
Nagulat ako nang halikan ni Niana ang pisngi ko kaya napatingin ako sa kaniya. "Now, you're looking at me. Salamat sa paghatid sa akin. Kita kits, mamaya!"
Kumaway siya bago pumasok sa loob ng classroom habang ako ay naestatwa. Nakahawak ang kamay ko sa pisngi dahil hindi makapaniwalang hahalikan ako ng babaeng 'yon.
"So, the two of you are in a relationship." Lumingon ako sa nagsalita. Takte. Halos lumabas ang puso ko nang makita ko sa harap ko si Stephanie na walang dipa ang layo sa akin. Wala na 'yong kasama niya at mukhang pumasok na rin sa kabilang classroom. "Kaya pala nakita ko kayo last time na malapit nang mag-kiss."
Napalunok ako. "H-ha? A-ano kasi, Stephanie..."
"Matagal nang may gusto sa 'yo si Niana. Mabuti naman at napansin mo na siya." Hinawi niya ang kaniyang buhok at ipinunta ang ilang bahagi sa likuran ng kaniyang tainga. Hindi ako agad nakahinga nang gawin niya iyon sa harapan ko. Ngumiti siya sa akin. "But you still owe me, Jude. Nasa'n na ang kamoteng dapat ay ibibigay mo sa akin?"
Natuliro ako nang maalala ang bagay na iyon.
"Hindi bale, nasampal nga pala kita. So, quits na tayo."
Tuluyan na siyang pumasok sa loob ng classroom nila samantalang ako ay naiwan sa labas na nakatunganga. Iyon na ang pinakamahaba naming pag-uusap pero hindi ko pa nagawang sulitin dahil nauutal ako. Ano ba kasing problema ko at ang hirap para sa akin ang magsalita nang maayos kapag kaharap siya?
***
"Kung minamalas ka nga naman! Umuulan pa!" sigaw ni Jonas. Kasalukuyan kaming nagpapatila ng ulan malapit sa gate. Kung kailan ba naman kasi uwian tsaka lumakas ang ulan. Para bang nakikisabay pa sa nararamdaman ko. Hays. Kanina lang nakita ko si Stephanie kasama si Rocky pero kanina lang din nang makita niya akong kasama si Niana dahil nagkukunwari kami na may namamagitan sa aming dalawa. Hindi ko maiwasang makunsensya. Pakiramdam ko, maling pagselosin si Stephanie.
"Ayan na 'yong tatay ko! Tara na!" yaya ni Jonas sa akin ngunit napansin kong puno na ang tricycle nila. Namamasada yata ang tatay niya.
"Jonas, sumakay ka na rito sa likod! Sabihin mo sa kaklase mo, balikan ko na lang siya!" rinig kong sigaw ng tatay niya.
"Naku, huwag na ho! Wala ho akong pambayad. Magpapatila na lang ako!" sigaw ko pabalik para masigurong marinig nila ang sinambit ko. Nakakahiya naman kasi kung babalikan pa ako gayong nakikisakay lang naman ako ng libre sa kanila.
"Balikan ka namin, Jude!" nakangiting sabi ni Jonas tsaka sumakay sa tricycle ng tatay niya. "Tatae lang ako!"
Natawa ako sa sinabi niyam kahit kailan talaga ang isang iyon. Napabuntong-hininga ako nang maiwan akong mag-isa. May mga ilan din estudyante na nagpapatila ng ulan. Ang iba ay sumusugod na at nagpapabasa sa ulan. Trip yata nilang magkasakit.
Napatingin ako sa patak ng ulan. Malalakas. Mukhang mamaya pa 'to titila, ah. Naku po. Anong oras na 'ko makakapag-igib nito?
"May payong ka?"
Hindi agad ako lumingon sa nagsalita. Hindi ko rin naman kasi sigurado kung ako ba 'yong kausap.
"Hoy, Jude, bingi ka ba?"
At automatic akong napalingon nang makilala ko ang boses niyaq. Nakita ko si Niana sa harap ko.
"Bakit?" tanong ko. "Wala naman si Stephanie rito. Hindi natin kailangang magkunwari," dagdag ko pa.
"Malamang kasi nandoon pa siya sa room. Wala siyang payong, eh," sambit pa niya.
Hindi na ako nagdalawang-isip pa at tumakbo na ako papabalik sa classroom.
*****
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top