Kabanata IX
Lumipas ang isang linggo na pinili kong huwag nang magpunta sa likod ng building. Hindi na rin muna ako sumasama kay Jonas na pumunta ng canteen dahil masarap naman 'yong kamoteng baon ko. Mas pinipili ko na lang kumain mag-isa kahit sa pagpasok sa school.
"Hoy, Jude! Sumabay ka na sa 'kin sa trycicle!" sigaw ni Jonas nang makita niya akong lumabas ng bahay.
"Hindi na. Gusto kong maglakad ngayon," matabang kong sagot.
"Gano'n ba? Gusto mo samahan kita?" tanong pa niya tsaka bumaba sa trycicle ng tatay niya.
"Mas gusto kong mapag-isa," saad ko.
Hinawakan niya ang balikat ko at tiningnan ang mukha ko. "May nangyari ba?"
Umiling ako.
"Parang napapansin kong matamlay ka nga nitong mga nakaraang araw. Heartbroken ka ba? Nag-away ba kayo ni Niana? Pareho kayong palaging nakabusangot ang mukha, eh, kapag nakikita ko."
Kumunot ang noo ko habang nakatitig lang ako sa kaniya. Si Niana?
"Oh siya, sige. Hindi na kita pipilitin. Hintayin na lang kita sa school. Baka kailangan mo nga ng oras para makapag-isip."
Muli niya akong tinapik sa balikat at
Nilubayan niya na nga ako bago sumakay sa trycicle para pumasok sa school. Akmang maglalakad na ako nang makita ko si Rusty sakay ng kaniyang motor papunta sa bahay ni Stephanie.
Huminga ako nang malalim tsaka naglakad na lamang palayo sa kanila. Ano bang laban ko sa lalaking 'yon? Kaya niyang ihatid sundo si Stephanie. Kaya niyang ibigay ang lahat ng naisin nito...ang magandang kinabukasan. Samantalang ako, mukhang nakakalimot dahil nadadala ng malakas na pagmamahal na siyang nararamdaman ko.
Hindi ko na namalayan na nakarating na ako sa school. Akala siguro ng ibang nakakasalubong ko ay malalim ang iniisip ko, ang totoo'y wala akong naiisip habang naglalakad ako. Parang blangko lang.
Nakalipad ang utak at walang iniisip. Gusto kong mag-isip pero walang pumapasok sa utak ko ngayon.
Napahinto ako sa paglakad nang makita ko si Niana na siyang makakasalubong ko. Mukhang papasok na rin siya sa gate ng school. Katulad ng utak ko, blangko rin ang mga tingin niya. Galit ba siya sa akin?
Naalala ko tuloy muli ang huling pag-uusap namin. Kung dati ay iniinis niya ako at pinagti-trip-an, tila ba hindi ako masanay-sanay na ganito ang pakikitungo niya sa akin.
Iniwas niya ang tingin niya sa akin bago nagpatuloy sa paglakad pero akmang papasok na siya ng gate nang tawagin ko ang pangalan niya. Hindi ko rin alam kung saan nanggaling iyon. Kusang lumabas sa bibig ko.
Nilingon niya ako. Nakakunot ang noo niya na para bang naiinip sa kahihintay ng sasabihin ko.
"Niana, pwede ba tayong mag-usap?"
"Kinakausap mo na 'ko," pabalang na sagot niya.
Napakamot ako sa batok ko. Hindi ko alam kung bakit nakaramdam ako bigla ng kaba gayong siya lang naman ang kaharap ko.
"Tungkol ba saan?" Tumaas ang kanang kilay niya.
Ang totoo, hindi ko rin alam. Gusto ko siyang makausap pero hindi ko alam kung bakit.
Napabuntong-hininga siya. "Tsaka mo ako tawagin kapag kaya mo nang magsalita."
Tuluyan niya na akong tinalikuran. Kung hindi pa siguro tumunog ang bell ay hindi ako magmamadaling pumasok sa school.
Para bang ang bilis ng oras dahil sa isang iglap, natapos na ang klase. Masyado yata akong naaliw sa pag-iisip sa wala at hindi ko namalayan.
"Hoy, Jude! Cleaner ka! Huwag mong subukang tumakas kundi masasapok kita!" bulyaw ng kaklase ko. Heto na naman siya. Hindi talaga siya nananawang asarin ang mundo ko.
"Hindi naman ako tatakas," sagot ko.
"Aba sumasagot ka na, ah. Kunwari ka pa, eh. Kung 'di kita nasabihan, dere-deretso ka na pauwi. Style mo bulok!"
Sinamaan ko lang siya ng tingin tsaka ko kinuha ang floorwax na mukhang iuutos niya pa sa akin.
"Wow! Kunwari may kusa pero labag sa loob! Ayusin mo 'yang pagpo-floorwax mo baka mapagalitan tayo ni Ma'am Bautista! Pakintabin mong maigi!"
Pumikit ako at sinubukang magtimpi pa. Kung hindi ako magtitiis baka hindi ko mapigilan ang sarili kong magsalita. Babae pa naman siya.
"Pagkatapos mo d'yan, magbunot ka at mag-ayos ng upuan! Pagpagan mo 'yong eraser at magtapon ka ng basura! Labhan mo na rin 'tong mga basahang kinuskos ko sa bintana!" sunod-sunod niyang utos na siyang pumuno sa salop. Hindi ko na napigilang sagutin siya.
"Ang dami mong sinasabi! Daig mo pa ang nanay ko sa dami ng utos mo!"
Nagulat naman siya sa ginawa ko. Ganoon din ang mga kaklase kong cleaners din.
"Wow, Jude? Sabi na nga ba nasa loob 'yang kulo mo, eh!" Binato niya sa akin ang eraser na marami pang chalk dahil hindi pa napapagpagan kung kaya't napaubo ako.
"Mga ugali talaga ng mahihirap! Akala mo kung sino! Ganiyan ka ba pinalaki ng nanay mo? Basura ang ugali! Basura ka na nga! Hindi mo pa inayos!"
Napakuyom ang kamay ko nang banggitin niya ang inay ko kaya hindi k na napigilang lapitan siya. Napasandal naman siya sa pader habang pinapakuan ko ng matatalim na tingin.
"Pasalamat ka babae ka," banta ko habang nag-iigting ang mga panga. Hindi masyadong maganda ang nagiging araw ko nitong mga nakalipas at dumadagdag pa siya. Ayoko sanang ibunton sa iba ang inis ko sa mundo pero umabot na siya sa mitsa ng pasensya ko.
"Bakit? Akala mo ba natatakot ako sa 'yo porque lalaki ka? Bakit? Ano bang kaya mong gawin eh mahirap ka lang naman?"
Napabuga ako.
"Ano? Wala kang masabi? Palibhasa mahirap ka lang! Wala kang laban sa mga katulad kong mayaman! Alam mo ba bakit kita laging inuutusan mag-floorwax? Kasi bagay sa 'yong lumuhod sa sahig. Bagay sa 'yong magtapon ng basura kasi isa kang basura."
Napangisi ako. "Kayamanan lang naman ang kaya mong maipagmalaki dahil sa mabuting asal, salat ka."
"Ano? Anong sabi mo?"
Tinulak niya ako pero tinitigan ko na lang siya at hindi na ako nagsalita pa kasunod no'n. Hinayaan ko na lang na magsalita pa siya nang magsalita at maliitin ako. Sa isang banda, totoo naman ang sinabi niyang wala akong laban. Kumpara sa kanilang mayayaman, wala akong sinabi dahil isa lang akong hamak na mahirap.
Napabuntong-hininga ako at muling ipinagpatulot ang naiwang gawain. Malalim ang iniisip ko habang iniisa-isang gawin ang lahat ng ipinag-uutos niya. Kasi kung hindi ko susundin, hindi matatapos ang pagngawa niya.
Tinapos ko na ang paglilinis sa room tsaka ako pumunta sa likod ng building upang magtapon ng basura.
Hindi katulad kaninang umaga na wala akong iniisip, ngayo'y marami na. Tama, tigil-tigilan ko na ang pangangarap sa isang taong gusto ko—kay Stephanie. Mayaman siya. Mahirap lang ako. Mas mabuting mapunta siya sa taong makakatulong sa kaniya at mabibigyan siya ng maginhawang buhay na katulad ni Rasty. Mabibigay sa kaniya lahat ng gusto niya. Magiging masaya siya.
Napuno ang utak ko ng mga isipin kung bakit hindi ako ang nararapat sa kaniya. Kung anong mga wala ako na meron ang iba. Wala akong maibibigay sa taong gusto ko. Ang kaya ko lang ay mahalin siya at hindi sapat ang pagmamahal na 'yon. Hindi nakabubusog ang pagmamahal kahit na gaano pa kalaki.
"Hey, Jude. Finally, you're here."
Nabitiwan ko ang basurahang dala ko nang makita ko si Stephanie na nakatayo sa harapan ko.
"Akala ko, hindi ka na talaga pupunta," dagdag pa niya.
Binigyan ko lamang siya ng ngiti tsaka ako pumunta sa tambakan ng basura at itinapon ang laman ng basurahan na hawak ko.
"Gusto mo bang marinig 'yong kasunod ng kwento ko?" tanong pa niya na siyang nagpatigil sa akin.
Nilingon ko siya. Hindi ko maialis ang mga mata ko sa kaniya. Kitang-kita ko ang malawak niyang ngiti ngunit nagkakaroon ako ng duda kung totoo nga bang masaya siya o hindi. Siguro nga'y masaya siya dahil nagkabalikan na sila ng nobyo niya.
"Gusto ko sana kaso..." Ipinakita ko sa kaniya ang hawak kong basurahan na sana'y naiintindihan niyang ayokong dumikit sa kaniya na nasa ganitong kalagayan. Muli, ang lahat ng pag-hindi ko ay napalitan ng pag-oo. Kahit ilang beses kong kausapin ang sarili ko at pilitin na sabihing hindi kami para sa isa't isa, nakikita ko na lang ang sarili kong muling naglalakad pabalik sa kaniya na punong-puno ng pag-asa. Para bang hindi ako nawalan nitong mga nakaraang araw. Nahihibang na talaga ako.
"Eh, ano? Palagi akong pumupunta rito. Umaasang makikita ka. Ngayon pa ba ako mag-iinarte? Tsaka wala namang masama sa itsura mo. Mukha ka namang mabango."
Kumunot ang noo ko lalo na nang lumapit siya sa 'kin. Para bang ibang tao siya kumpara sa ugali niyang ipinapakita kay Rasty. Dalawa ba ang katauhan niya? Ano ang totoo?
"So, eto na nga."
Hindi na ako nakapagsalita pa at nanatiling nakatitig lang sa kaniya. Pinagmamasdan ang bawat kilos niya habang nagkukwento tungkol sa kaniyang kaibigan.
"Naalala mo 'yong tinutukoy kong kaibigan ko?" Tumango ako bilang sagot. "Na isang lihim ang pagkatao niya..." Tumango muli ako. "Isa kasi siyang ampon."
Wala akong ibang naging sagot kundi ang pagtango. Natural lang siguro na wala akong masabi pagka't natutuwa akong nagkukwento siya sa akin. Sapat nang marinig ko ang boses niya at ayokong magkaroon ng sandaling maabala siya.
"Tingin mo ba kapag nalaman ng maraming tao ang tungkol sa pagkatao niya, matatanggap siya?" tanong niya tsaka siya lumingon sa akin na para bang naghihintay ng magandang sagot.
"Mukhang mahalaga para sa kaibigan mo ang sasabihin ng ibang tao," komento ko pero imbes na magsalita siya ay mukhang hinihintay niya pa ring dagdagan ko ang sasabihin ko na para bang mahalaga ang opinyon ko. "Ngunit para sa akin, wala siyang dapat ipag-alala dahil kung mahal siya ng mga tao, tatanggapin siya kung sino siya. Kung mahal ka, matatanggap ka."
Isang malaking ngiti ang isinukli niya sa akin na para bang binili ko iyon sa sobrang ganda.
*****
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top