Kabanata IV
Lumipas ang ilang gabi na palaging iyon ang nasa isip ko—na sa bawat paglipas ng araw ay para akong nagbibilang ng huling sandali dahil lilisanin ko na ang lugar na ito.
Napabuntong-hininga ako at nagpatuloy na lamang sa paglakad papunta sa school. Medyo malapit na rin ako.
"Hoy, Jude! Ba't 'di ka sumabay sa akin?" tanong ni Jonas nang makita niya ako.
"Aba, hindi ko naman alam na nasa bahay ka pa pala."
Bumaba siya sa tricycle ng kaniyang ama at tumakbo papunta sa akin. Inakbayan niya ako. Magkasabay naming nilakbay ang daan papunta sa classroom.
"Mamaya, samahan mo uli ako sa canteen," pagyayaya niya na siyang ikinakunot ng noo ko.
"Takte. Ayoko na. Baka masampal na naman ako."
Muli ko na namang naisip si Stephanie. Napailing na lang ako. Para tuloy lalo akong nawalan ng pag-asang kausapin siya.
"Hindi 'yan! Dali na, makasilay man lang ako. Malay mo, makita mo uli ro'n si Stephanie."
"Mukha bang mayroon pa akong mukhang maihaharap sa kaniya?"
Tinawanan niya naman ako. Umupo na kami sa kani-kaniya naming upuan dahil dumating na rin si Ma'am Bautista.
"Good morning, class. I just want to remind you sa nalalapit na JS Prom. So you need to prepare your attire. The girls, naka-yellow kayo and sa mga guys, black tuxedo," paliwanag ng aming guro na siyang naging dahilan ng ingay sa klase.
"Ma'am, bakit naman yellow? Paano naman kaming maiitim? Lalo kaming mangingitim sa yellow!" apela ng isa.
"Oo nga, Ma'am? Pwede bang ibang kulay na lang?"
"Kapag hindi naaayon sa kulay ang damit niyo, hindi kayo papapasukin. Napagkasunduan na ang theme ng event kung kaya't wala kayong magagawa kung hindi ang sumunod," paliwanag ni Ma'am Bautista habang pinapasadahan kami ng tingin.
Nakita kong bumusangot ang mga mukha ng kaklase kong babae.
"Ma'am, magkano bayad?" tanong ni Jonas habang nakangiti. Ay potek, palihim ding gusto, eh 'no?
"Para sa catering at lights and sounds sa venue, may babayaran kayong one thousand two hundred. Mag-aarkila din tayo ng photo booth para makapagpa-picture kayo for remembrance," dagdag na paliwanag ni Miss Bautista. Halata sa lahat ang pagka-excite sa nasabing event. Ang iba ay natutuwa dahil makikita raw nila o makakasayaw ang taong kani-kanilang nagugustuhan.
"Any questions regarding the JS Prom before we start our lesson?" pahabol na tanong ni Ma'am Bautista. Itinaas ko ang kamay ko. "Yes, Jude?"
Napatingin sa akin ang mga kaklase ko nang marining ang pangalan ko.
"Required po ba?" tanong ko.
Pansin ko ang hindi makapaniwalang tanong sa mga mukha ng mga kaklase ko. Tinitingin-tingin niyo? Napopogian na naman kayo sa 'kin?
***
"Ano? Sabi mo sasamahan mo 'ko," nagtatampong wika ni Jonas habang nagpapa-cute sa harap ko. Duda talaga ako dito minsan parang may gusto sa 'kin, eh.
"Oo, mamaya."
Tumingin ako sa bintana at nang makita ko si Stephanie na dumaan sa classroom tsaka ako tumayo.
"Oh, tara na."
Mabilis akong naglakad kasunod ni Stephanie pero syempre hindi naman masyadong malapit sa kaniya. Mamaya isipin niya stalker ako, eh, pesteng secret admirer lang naman ako. Kapag pangit, stalker ang tawag pero kapag pogi, alam mo na.
"Kaya pala mamaya ka nang mamaya," bulong ni Jonas habang tinutusok ang tagiliran ko. Akala mo talaga nakikiliti ako, eh. Minsan kung hindi ko 'to tropa, nasampiga ko na 'to. Ang lakas akong banasin.
"Mukhang hindi pupunta sa canteen," sambit ni Jonas. Napansin kong lumiko si Stephanie at naglakad papunta sa likuran ng building namin.
Kumunot ang noo ko nang matanawan ang isang lalaki. Teka, parang namumukhaan ko 'yon, ah.
Halos madurog ang puso ko nang niyakap ni Stephanie ang lalaking iyon. Pisting yawa. Totoong tumigil ang mundo ko sa aking nasaksihan. Ramdam kong napipilas ang puso ko. Nawawarak.
Bakit niya niyakap ang lalaking 'yon?
"Gagsti, may jowa yata 'yong crush mo," bulong sa akin ni Jonas. Patunay na hindi lang ako ang nakakita ng bagay na nasaksihan ko.
Unti-unti kong naaalala kung sino ang lalaking 'yon. Siya 'yong lalaking naninilip kay Stephanie noong nakaraan! Taeng 'yan!
Bakit sa dinami-rami ng lalaking syosyotain ng crush ko, 'yong gago pang 'yon?
***
"Okay ka lang?" tanong ni Jonas habang nakaakbay sa akin. Kasalukuyan kaming nasa may bench at pinagmamasdan ang iba pang estudyanteng nagkalat sa field. Sinamahan ko na rin siya kanina sa canteen para makasilay sa crush niya. Binilhan niya rin ako ng pagkain pero wala akong gana.
"Gusto mo tumoma?"
"Gago, bata pa tayo."
"Luh, anong bata? Pwede na tayo ro'n! Meron ako sa bahay, Jack Daniel's. Gusto mo?" pag-aalok niya pa.
"Huwag mo nga akong idamay d'yan!"
naiinis kong sagot tsaka dumukdok sa lamesa. Hindi talaga mawala sa isip ko ang nasaksihan ko kanina. Para bang nawalan na ng saysay ang aking buhay. Kahit ang baon kong kamote na siyang paborito ko ay hindi ko kayang kainin nang masaya.
"Okay lang 'yan, 'tol!" Tinapik niya ang likod ko. "Nandito naman ako."
Ay, potek! Agad kong inalis ang kamay niya. Sinasabi ko na nga ba!
"Wow, maka-react? Biro lang! Eto naman sobrang o.a."
"Hindi kasi oras ng pagbibiruan ngayon. Ikaw, makita mo 'yong crush mong may kayakap na iba, matutuwa ka?" asik ko sa kaniya.
"Syempre, hindi! Gagsti baka manlambot din ako pero 'di bale hanap na lang tayo ng bago mong crush," suhestyon niya.
"Hindi naman gano'n kadali 'yon!"
Muli akong dumukdok sa lamesa at bumuntong-hininga. Daig ko pa ang nagkaroon ng syota sa pagiging broken. Mukhang kailangan ko nang mag-move on kahit hindi naman naging kami ni Stephanie. Hindi na rin yata ako magkakaroon ng pagkakataong maamin sa kaniya ang nararamdaman ko. Para saan pa? Para manira ng relasyon ng iba? Kung saan siya masaya, doon ako.
Napahinga ako nang malalim. Kung may cellphone lang ako, eh, 'di sana nanood na lang ako ng Hunter X Hunter.
"Sabagay. Iba talaga kapag gusto mo 'yong tao...kaso...may ibang gusto, eh. Ang magagawa mo lang ay maging masaya para sa kaniya kahit na sana tayo na lang 'yon." Napatingin ako sa kaniya. Mas broken pa yata siya sa lagay na 'yan, ah.
"Hanap ka na lang talaga ng bago, Jude! Tamang-tama, papunta si Nya Nya."
Napatunghay ako nang marinig ko ang pangalan na 'yon.
"Ano namang kinalaman ni Nya Nya rito?"
Kumunot ang noo niya. "Luh, hindi mo alam? May gusto 'yon sa 'yo!"
Napatingin ako kay Niana na ngayon nga ay papalapit sa dako namin. May gusto ang babaeng 'yan sa akin? Parang imposible! Dahil sa pagkakatanda ko, puro pang-aasar ang ginawa niya sa akin. Tsaka, ano na namang pakay nito sa akin at bakit siya papunta rito?
"Mabuti pa, iwan ko na kayo," wika ni Jonas tsaka ako kinindatan bago kumaripas ng takbo palayo. Hindi na ako nakasigaw ng sandali dahil nacorner na ako ni Niana.
*****
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top