7: Silence

Ilang minuto ring tahimik sina Max at Arjo habang nakatanaw sa dagat. Nananghalian sila nang tahimik. Maraming gustong sabihin si Arjo pero mas piniling huwag munang umimik habang hinihintay si Max na maunang magsalita.

Pagkatapos ng nangyari sa lugar ni Greta Macini, sinabi ni Max na huwag munang magsalita si Arjo, at sinunod naman nito dahil may kung anong hindi makitang aura ang lumalabas sa kanya at nararamdaman ni Arjo na hindi iyon magandang balita.

May sikat na seafood restaurant sa seaside ng La Caletta kung saan napiling kumain ni Max at hindi na inalmahan iyon ni Arjo. Tipid ang salitang um-order si Max para sa kanilang dalawa. Sinabi ni Arjo na si Max na ang bahala sa pagkain dahil alam naman nito ang pagkaing bawal sa kanya.

Malawak sa restaurant, gawa sa kahoy ang mesa, at may cushion naman ang ladderback dining chair. Hindi gaya tuwing kasama nila ang mga magulang na animo'y may fiesta parati—na kadalasan ay si Armida lang ang nakaka-apat na plato—may seafood platter at tig-isang single serving java rice na pinatungan ng scrambled egg at binuhusan ng special sauce.

Pasulyap-sulyap si Arjo sa nananahimik na si Max tuwing hihigop ng order nilang lemon juice.

Hindi talaga niya maipaliwanag ang nararamdaman. Minsan na niyang na-encounter ang ganoong aura ni Max noon na kayang patahimikan ang nasa loob ng imaginary personal space nito. High school pa siya noon nang huling mangyari iyon. May nakaaway itong lalaking Sophomore nang dahil din sa kanya. Pero alam naman niyang nag-behave siya ngayon at hindi nangialam di gaya noong nakaraang gabi. Iyon nga lang, hindi talaga alam kung paano kakausapin si Max dahil tila ba anumang sandali, oras na magbuka siya ng bibig, sisigaw na lang ito at magwawala. At ayaw niyang mangyari iyon.

Natapos ang pagkain nila nang tahimik, wala pa ring imik si Max, kaya wala ring inimik si Arjo. Na kay Arjo ang credit cards na dala nila kaya siya na rin ang nagbayad ng bill na naka-credit naman sa opisina ng Fuhrer bilang travel expenses.

Nanatili sa restaurant sina Max dahil humabol pa ng sherbet si Arjo bilang dessert.

Nakatulala lang si Max sa labas ng bintana kung saan tanaw na tanaw ang napakalapit na Porto di La Caletta na pinagpaparadahan ng magagandang mga bangka at yate. Maraming nagtatawanan at nag-uusap na mga italyano sa paligid nila, at kapansin-pansin na mesa lang nilang dalawa ang tahimik at may kakaibang ambience na hindi nakakatuwa.

Ngata-ngata na lang ni Arjo ang kutsara niya habang nakatitig kay Max na napakalalim ng iniisip. Gusto na talaga niyang magtanong kung ano ba ang iniisip nito pero hindi talaga niya magawa dahil pinatatahimik siya ng napalibot ditong kung anong masamang awra.

Tumayo na si Max, tumayo na rin siya, naglakad ito palabas, sumunod naman siya. Talagang hindi ito nagsalita kahit noong imbis na tumungo sila sa hotel ay mas pinili nitong pumunta sa seawall na nagsisilbing bakod ng kalsada at ng beach.

Naupo roon si Max kahit na napakainit ng sikat ng tanghaling araw. Nakiupo na lang din si Arjo na takip-takip ng kamay ang ulo.

Malamig ang hangin na galing sa dagat. Maingay ang mga tugtugin sa paligid, halo-halo ang boses ng mga tao, at ingay ng mga stork na lumilipad sa malapit na port.

Kinakabahan na talaga si Arjo sa pananahimik ni Max. Pero imbis na maunang magsalita, nginatngat na lang niya ang strap ng sling bag habang nakatanaw sa asul na dagat. Nahihirapan siya kung paano pakakalmahin si Max. Kapag siya kasi, yayakapin lang siya nito, ayos na siya. Ito, wala siyang ideya kung paano aamuhin.

"Jo." Sa wakas ay naputol na rin ang katahimikan ni Max.

"Hmm?" simpleng sagot ni Arjo habang nakikiramdam sa katabi.

"Close kayo ni Papa, di ba?"

"Uhm-hmm." Tumango naman si Arjo.

"You think, kung siya ang nasa posisyon ko, pupunta siya ulit mamayang gabi ro'n sa bahay na 'yon?"

"Uhm . . . hindi."

Doon nilingon ni Max si Arjo. "Bakit hindi?" takang tanong niya dahil iniisip niyang o-oo si Arjo.

"Kasi magagalit si Mama. E di ba, kapag may lumalapit kay Papa na gano'ng magandang babae tapos nanlalandi, pagkalipas ng isang araw, hindi na natin nakikita."

Nagusot ang dulo ng labi ni Max at napatango nang maisip iyon. Tama nga naman si Arjo. Takot lang ni Josef sa mama nila.

Bumalik na naman sila sa pagtanaw sa dagat. Pero kahit paano ay nakahinga na nang maluwag si Arjo at para bang pumutok sa hangin ang malaking dark bubble na nakabalot kay Max.

"Kuya, alam mo, parang walang matinong kausap sa mga kakausapin mo," sabi ni Arjo habang nakalingon kay Max sa kaliwa niya. "Babalik ka ba ro'n mamaya? Di niya kinuha yung card e."

Napasimangot si Max nang tumingala sa asul na langit. "Kailangan kong bumalik. Wala naman akong magagawa."

"Gusto mo, Kuya, ako na lang yung magbigay?"

Umiling si Max. "Hayaan mo na 'ko, Jo. Trabaho ko naman 'to, di naman sa 'yo."

Nagbuntonghininga na lang si Arjo at tumanaw sa dagat. "Naalala ko si Miss Irish. Di ba, na-harrass ka rin n'on dati?"

Napangiwi agad si Max at kumunot agad ang noo. Hindi bago kay Max ang mahipuan o ma-harrass ng mga babaeng nakakadaupang-palad niya. Iyan ang malaking dahilan kung bakit halos balutin niya ang sarili sa hindi magandang ayos. Para lang kahit paano ay ma-turn off sa kanya ang mga babaeng hindi naman niya kayang gantihan.

"Siguro kung nandito si Mama, mag-aaway silang dalawa n'ong Greta," sabi ni Arjo.

"Probably, yes," pagsang-ayon ni Max. "She even put a smoking gun to a Superior's mouth, so I  bet she could kill a non-Superior as well."



*****



Hindi alam ni Max kung paano ba inaalok ng papa niya ang mga kandidato bilang Superior. Masyadong mabait si Josef, at alam niyang kalmado lang ito kung makipag-usap sa ibang tao. Pero gaya nga ng nasabi ni Xerez, kasama nito ang mama niya. Iniisip pa lang niyang makikipag-usap si Armida gaya kay Olivarez de Montallana o di kaya ay kay Greta Macini, umaasa na siya na imbis kasunduan ang mangyari, baka maghamon pa ito ng patayan. Kung siya ngang anak, hindi nito pinapatawad, iyon pa kayang hindi.

Noon lang sila tumapak sa hotel room na ibinigay sa kanila ng Citadel. Kaparehong tanaw sa dagat ang nakita sa balcony, pero mas maasul lang ang tone ng interior design ng kuwarto nila. Para bang ibinagay sa kulay ng dagat na tanaw mula roon.

Tumambay na naman si Arjo sa balcony at tumanaw sa dagat mula sa 24th floor. Tuwang-tuwa talaga siya sa itsura ng dagat mula sa mataas na lugar. Nakapangalumbaba lang siya habang tinititigan ang malawak na katubigan. Makapigil-hininga ang tanawin doon. Hindi rin naman iyon ang unang beses nilang nag-out of town na pamilya at nakarating sa Italy. Sa dami nga nilang bahay na kada quarter ng taon ay nililipatan nila, nasanay na siyang hindi nagtatagal sa iisang lugar lang. Si Armida ang humahawak ng mga passport niya, at hindi pa niya iyon nakikita kahit na palagi silang bumabiyahe. Mula nang malaman niya ang tungkol sa mga Zordick, doon lang din niya nalaman na legal din niyang pangalan ang Malavega pero nakarehistro iyon sa iilang mga bansa lang. At kung bumiyahe man sila sa eroplano, hindi pa siya nakakasakay sa economy seat. Minsan nga, sila lang pamilya ang nasa eroplano at walang ibang kasama.

Hindi lang niya inaasahan na magigising siya isang araw, may mga alaala na siya ng iba't ibang mga tao, may nalalaman na siyang hindi niya alam noon, at may kakayahan na siyang hindi naman niya taglay dati.

Bumalik na siya sa loob at napahinto nang makita si Max na bagong ligo at nagpupunas ng buhok habang nakatuwalya lang. Hindi naman siya nito pinansin kaya sinundan niya ito ng tingin. Lumapit lang ito sa closet na malapit sa pinto at nagkalkal doon ng damit.

Blangko siya sa kahit anong iniisip ni Max. Marami siyang hindi alam dito. Kung ano ang iniisip nito, kung ano ang gusto nito, kung ano ang plano nito. Alam lang niya kung kailan ito galit, kung kailan ito naiinis, kung kailan ito balisa, at mapapansin lang niya iyon kapag nag-iingay na ito.

Hindi pa niya nakikita ang katawan ng kuya niya mula pa noon. Ni minsan, hindi pa niya ito nakitang magtanggal ng damit. Doon lang niya napansin ang katawan nito. Matikas iyon kahit na hindi niya natatandaang nadako ito sa gym nitong mga nakaraang taon. Pero alam naman niyang bata pa lang ay nagte-training na ito sa ilalim ng pamamahala ng mama nila. Mas maputi siya rito at mas malapit ang kulay nito sa papa nila na mestisuhin. Bahagya siyang lumapit para makitang maigi ang likuran nito. May naka-tattoo roon. Nang titigan niyang maigi, mukha iyong mapa.

"Hey."

Nagulat si Arjo at bahagyang napatalon sa kinatatayuan niya nang punahin siya ni Max. Papikit-pikit lang siya nang tagpuin ang tingin nito.

Hindi naman din ito nagsalita at nagdala ng bihisan pabalik sa banyo.

Napahawak agad si Arjo sa dibdib dahil pakiramdam niya ay para bang pinigil ang paghinga at pagtibok ng puso niya dahil doon.

May mga pagkakataon talagang nakakatakot si Max, lalo na kapag hindi siya sinisigawan.

Mukhang malalim pa rin ang iniisip nito. Ni hindi man lang siya pinuna. Napapaisip siya nang lingunin ang pinto ng banyo. Kung normal lang si Max sa mga sandaling iyon, malamang na binanatan na siya nito ng "Ano'ng tinitingin-tingin mo diyan?"

May mali, iyon ang alam at nararamdaman niya.

Ilang minuto pa at lumabas na si Max na nag-aayos ng manggas ng maroon shirt nito.

"Kuya, ayos ka lang?" tanong ni Arjo at sulyap lang ang ginawa ni Max sa kanya saka ito lumapit sa drawer sa nightstand at kinuha roon ang isang box ng relo saka isinuot.

"Kuya . . ." Lumapit na si Arjo kay Max at sinilip ang mukha nitong seryoso. "Ano'ng problema?"

"Nothing," simpleng sagot nito.

"Meron e. Kuya, talaga, kanina ka pa parang may creepy vibes paglabas natin doon sa bahay n'ong Greta. Nagalit ka ba do'n sa ginawa niya sa 'yo?"

Kinuha lang ni Max ang isang maliit na suklay sa drawer at saka ibinalik ang tingin kay Arjo. "Jo, isasama kita mamaya, pero hindi kita papapasukin doon sa bahay na 'yon. Iiwan kita sa labas."

Si Arjo naman ang hindi nakapagsalita. Puno ng tanong ang tingin niya sa lalaki.

"Ayoko ng conflict. Ayokong magkaroon na naman ng problema between you and my meetings," mabigat na sinabi ni Max at nagsuklay ng buhok niyang bahagya nang humahaba at lumampas na sa tainga.

Biglang bumigat ang lahat kay Arjo at para bang nasalin sa kanya ang katahimikan ni Max.

"Don't think of this as rejecting your presence or your effort in my job," pagpapatuloy ni Max at tinapos na ang pagsusuklay niya. "Ayoko lang maulit yung nangyari kagabi."

Tiningnan niya ang malungkot at dismayadong mukha ni Arjo.

"Hindi naman kasi ako 'yon . . ." sabi ni Arjo at tumungo.

"Yes, nandoon na tayo. Hindi ikaw, pero hindi mo napipigilan. And if you can't control it, then I should prevent it from happening again." Hinawakan niya sa baba si Arjo at inangat ang mukha nito para tingnan siya. "I'm doing this for you, okay? Hindi kita puwedeng iwan dito mag-isa. Pero hindi rin kita puwedeng dalhin ulit sa bahay na 'yon."

"Gusto mo bang ipasundo na lang ako kay Xerez para di ka na nahihirapan sa 'kin?" nalulungkot na sinabi ni Arjo.

Umiling si Max. "Dito ka lang sa 'kin."

"Pero--"

"I'm trying to compromise, okay? I want you to understand where I'm coming from. No fighting, no gun-pointing, no death threats. Hindi ka pinalaki ni Mama na gano'n kahit pa hindi ikaw 'yon."

Walang inimik si Arjo. Sasama nga siya pero hindi siya makakasama ulit ng personal gaya noong nakaraang gabi. Ibig sabihin ay iiwan siya ni Max sa kung saan na hindi sa bahay na iyon.

"Naiintindihan mo naman, di ba?" tanong ni Max.

Sa pagkakataong iyon, si Arjo na ang hindi nakasagot sa kanya.


Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top