4: Correlation
Hindi nabawi ni Max ang tulog niya sa gabi kaya bumabawi siya sa mga oras na iyon. Katatapos lang nilang kumain ng tanghalian at sapat nang dahilan iyon para hilahin siya ng kama para makatulog bago sila umalis nang alas-otso ng gabi. May schedule sila na dalawang araw para makausap ang unang candidate na kailangan nilang bigyan ng Summons. At dahil walang ideya si Max sa kung ano ang gagawin, iniisip niyang isa lang iyong regular appointment na puwedeng ipa-schedule dahil iyon naman ang standard meeting process na nakasanayan niya.
Ni hindi na niya inabala ang sariling magbihis. Naghubad lang siya ng suit, binukas ang dalawang butones ng white shirt, nagtanggal ng sapatos at medyas, at dumapa na sa kama. Wala pang limang minuto, nilamon na siya ng antok.
Samantala, inubos ni Arjo ang oras niya kauusisa sa buong suite na pansamantala nilang tinutuluyan.
Malaki iyon, pero mas malaki pa rin talaga ang kuwarto nila sa Citadel. Kasalukuyan siyang mag-isa sa banyo at tinitingnan ang mga nakahilera doong shower gel na amoy bulaklak.
"Gusto mo bang lumabas?" tanong ng babae sa salamin.
Ngumiti naman si Arjo saka umiling. "Ayoko."
"Puwede ka nang tumakas dito, Arjo."
"Walang sasama kay Kuya," tugon niya.
"Hindi mo naman siya kapatid."
"Alam ko." Nginitian na naman niya ang salamin. "Aalis kami mamaya, Erah. Gusto mong sumama?"
"Pasasamahin mo 'ko?"
Natawa lang nang mahina si Arjo. "May option ba 'kong iba?" Lumabas na si Arjo ng banyo at binalikan na naman ang paglilibot sa suite hanggang sa maubos ang kalahating oras niya sa pagtitingin-tingin.
Hindi rin mahaba ang pasensya niya sa paghihintay, lalo pa't sinasamantala ng mga boses sa utak niya ang katahimikan para bulabugin siya. Kaya naman mabilis siyang sumampa sa kama at tinapik ang balikat ni Max.
"Kuya, tulog ka pa?"
Hindi ito sumagot.
"Kuyaaaa . . ." Niyugyog niya ang balikat nito para gisingin. "Kuya, pahiram ako ng phone moooo . . ."
"Jo, ano ba?" basag ang boses na ungot ni Max. "Kita nang natutulog yung tao e."
"Kuya, pahiram na'ng phone!"
"Wala akong phone." Isinubsob pa ni Max ang buong mukha sa puting unan na hinihigaan para iwasan ang pangungulit ni Arjo.
"Kuyaaaaaa!" Lalo pang niyugyog ni Arjo ang balikat ni Max. "Saglit lang, hiram lang ng phone!"
"Buwisit na—" Padabog na bumangon si Max at nakakunot ang noong tiningnan si Arjo. Kitang-kita ang pamumula ng mata niya gawa ng malalim na tulog. "Bulag ka ba? Nakikita mong natutulog ako, di ba?"
"Hiram lang ng phone e," nakangusong sinabi ni Arjo.
"Mukha ba 'kong may phone? Nakita mong may dala 'ko?"
"Wala," sabi ni Arjo habang nakanguso at nakasimangot na rin. "Ang boring dito, Kuya. Lalabas na lang ako."
Ang lalim ng hugot ng hininga ni Max at mariing pumikit dahil gusto na talaga niyang batukan nang malakas si Arjo. "Jo, wala pa 'kong tulog, okay?" mahinahon niyang paliwanag.
"Lalabas na lang ako para di ka maistorbo," nagtatampong sinabi ni Arjo at paahon na sa kama para umalis kaso . . . "Aaaah!"
Nakita na lang niya ang sariling patalbog-talbog sa malambot na kama habang nakatitig sa kisame.
"Jo, puwede huwag nang matigas ang ulo, hmm?" pakiusap ni Max. "Napuyat ako dahil sa 'yo, umayos ka. May trabaho pa 'ko mamaya."
Hindi nakasagot si Arjo nang biglang gumapang ang kilabot sa buong katawan niya. Tinitigan niya ang baywang niya kung saan nakapulupot ang braso ni Max, sunod ang mukha nitong malapit sa mukha niya. Naaamoy niya ang pabango nitong amoy matamis na prutas. Naramdaman niyang nag-iinit nang bahagya ang bandang tainga niya na halos mamula na sa mga sandaling iyon. Nakatitig lang siya sa nakapikit na mata ni Max na sapat na para makaramdam ng kakaiba sa sikmura niya.
Nararamdaman naman niya na gusto lang siyang protektahan ni Max bilang nakalakihang kapatid, at nagpapasalamat siya dahil doon. Kahit madalas naman silang magtalo, hindi pa rin naman ito nagbabago—ito pa rin ang maalagang kuya niya mula pa noon, at wala itong gagawin para sa kanya kundi alagaan at iligtas siya sa lahat. Kahit pa ibig sabihin niyon ay mag-aral ulit ito para bantayan siya, sundan siya nito kahit mukha na itong stalker niya, at maging overprotective ito kahit na minsan na iyong nagresulta sa pagkabutas ng isang bintana.
Umayos siya ng pagpaling sa kaliwa para matitigang maigi ang mukha ni Max. Dahan-dahan niyang inilapit ang kanang hintuturo para pasadahan ang noo nito ng hawak. Makinis ang mukha nito, na malamang ay namana nito sa ina. Sunod ang malalantik na pilik-mata na malamang ay nakuha sa ama. Plakado ang kilay at ilong nito sa papa nila pero nakuha naman ang hugis ng mukha at labi sa mama nila.
Wala siyang natatandaang babaeng nai-date nito o inaya sa labas, pero marami siyang kilalang nag-aya ritong lumabas. 21 na si Max, at hindi niya kahit kailan nalamang nagka-girlfriend ito o nagkaroon ng kahit isang crush. Hindi niya alam kung malihim lang ba ito o talagang walang natitipuhan. Malinaw rin sa kanya na ang kasal nilang dalawa ay para lang hindi siya ikulong sa laboratory o di kaya'y kunin siya ng pamilya ng mga Wolfe. Malaking sugal iyon para kay Max dahil ibig sabihin niyon ay makukulong silang dalawa sa Citadel sa mahabang panahon. Pero naiintindihan niyang ginawa lang iyon ni Max dahil may pinanghahawakan itong pangako sa mga magulang na nagpalaki sa kanila—gaya ng pangakong binitiwan nito sa mama nila noong mga bata pa sila na walang ibang gagawin si Max kundi alagaan siya. Pakiramdam nga niya, buong buhay ni Max, umiikot lang sa buong pamilya nila, lalo na sa kanya. Ultimo ang pagpasok nito sa HMU, sariling desisyon nito at hindi naman kay Josef o kay Armida.
"Jo, di ka mapakiusapan?" naiiritang tanong nito nang kuyumin ang kamay ni Arjo na nakahawak sa pisngi niya at hawakan iyon nang mahigpit.
"Kuya, ang guwapo mo," sabi ni Arjo.
"Hindi ka pa rin puwedeng lumabas dito mag-isa. Hindi mo 'ko madadaan sa bola." Hinatak pa niya papalapit si Arjo sa kanya, inilagay niya ang kamay nito palibot sa katawan niya saka sinapo ang likod ng ulo nito para isubsob sa ilalim ng leeg niya. "Huwag kang malikot, ha. Natutulog ako, istorbo ka. Manahimik ka diyan."
Natawa na lang si Arjo saka niyakap nang mahigpit si Max.
"Kuya?"
"Mmm."
"Love mo 'ko?"
"Mmm."
****
Katatapos lang maghapunan ng dalawa at nasa biyahe na papunta sa unang misyon ni Max. Ang paliwanag ni Xerez, nasa protocol ng Credo na sa Citadel manggagaling ang Summons at kung sino ang kandidatong bibigyan ng Summons. May ibang rekomendasyon na nanggagaling sa mga Superior pero vine-verify pa ng Citadel bago aprubahan. At may malaking issue ang mga Guardian sa pagsama sa mga Superior sa bawat imbitasyon noon pang kapanahunan ni Adolf Zach kaya walang Guardian ang hinahayaang sumama sa bawat pagbibigay ng Summons ng nakatalaga sa trabaho.
Kaya pagtapak na pagtapak nina Max at Arjo sa entrance ng La Gallero kung nasaan ang pakay nila, napahugot na lang ng hininga si Max at inisip na sana ay nagsama siya kahit sampung Guardian man lang.
"Kuya, ang daming goons," bulong ni Arjo habang nakatingin sa madilim na paligid at iniilawan lang ng lamp post ang pathway. Puno ang paligid ng mga lalaking may hawak na matataas na kalibre ng baril at halatang hindi nakikinig ng pagmamakaawa ng kahit sino.
Hindi naman kinakabahan si Max para sa sarili niya, pero kinakabahan siya para kay Arjo. Malas lang dahil ayaw rin niya itong iwang mag-isa sa kung saan, kahit pa sa suite nila.
"Jo, this time, behave. Please," mariing pakiusap ni Max dahil dama niyang hindi tumatanggap ng please ang mga tao roon.
"Prego, mi segua (Sundan n'yo 'ko)," sabi ng lalaking nakasuot ng kaswal na floral buttoned shirt at khaki pants.
Para namang tuko si Arjo na nakakapit sa braso ni Max habang nililibot ng tingin ang paligid. Mukha lang iyong simpleng house and lot na marami nga lang goons. Pebbled ang pathway at may magagandang halaman sa palibot ng daan. Mukhang magandang villa kapag araw at payapa sana sa gabi kung wala lang ang mga lalaking may baril.
"Kinakabahan ka ba?" pabulong na tanong ni Max.
Umiling naman si Arjo. "Nope."
Mahinahon naman silang pinapasok sa loob ng malaking bahay at pinadiretso sa isang opisina sa likod.
"Wow," walang tinig na nasabi ni Arjo dahil ang daming uri ng espada sa loob na nagsisilbing display sa dingding. Nakahilera doon ang malalaking lalaking may hawak na mga baril. Pagtingin ni Arjo sa dulo ng silid ay nakita niya ang isang lalaking doble ang edad kay Max at naninigarilyo. Nakasuklay palikod ang buhok nitong parang basa pa at bagong ligo. Bakas sa mukha nito ang freckles at wrinkles habang paminsa'y binabalot iyon ng usok mula sa hinihithit. Nakasuot ito ng pulang floral shirt na mukhang damit ng magbabakasyon sa beach na malapit sa kanila.
"Signor Olivarez de Montallana?" pagbati ni Max.
"Sarebbe stato normale ed educato augurarmi la buono sera (Mas normal at mas magalang kung babatiin mo 'ko ng magandang gabi)," sagot nito sa napakalalim na boses.
Humugot ng hininga si Max bago sundin ang sinabi ng ginoo. "Buono sera, signor."
Napasulyap si Max kay Arjo na naglilibot ng tingin. Gusto sana niyang ilayo ito sa kanya dahil parang batang nakakapit at hindi kagalang-galang tingnan, pero ayaw rin naman niyan palayuin sa kanya. Alam niyang mahina ang utak ni Arjo at nagpapasalamat siya na hindi nito maiintindihan ang usapan nila ng pakay niya.
Nagsalita siya sa lengguwahe ng mga ito.
"Nandito lang ako para ibigay ang Summons bilang imbitasyon sa Citadel," sabi ni Max at bahagyang lumapit sa mesa ng ginoo para ilapag doon ang card.
Natawa ang lalaki at kinuha ang card. "Ikaw yung bagong Fuhrer?"
"Ako nga, signor."
Sumilay ang nang-aasar na ngiti sa labi ng lalaki. "Mas bata ka sa inaasahan naming lahat." Bigla nitong ibinato ang card sa sahig.
Si Arjo ang lumingon sa card. Hindi natinag si Max, pero may kung anong matalas na bagay ang sumaling sa ego niya.
"Tumalsik," sabi ng ginoo saka humithit ng sigarilyo. "Pulutin mo."
Ang lalim ng hugot ng hininga ni Max at sinukat pa ng tingin ang kausap.
"Hindi ko pupulutin 'yan," sabi ng ginoo at bumuga ng makapal na usok.
"Kuya, ako na lang kukuha," alok ni Arjo. Tatalikod na sana siya nang pigilan siya ni Max.
"No. Ako na," sabi ni Max at siya na ang pumulot ng card sa sahig saka ibinalik sa mesa ng ginoo.
Nagulat ang lalaki at napatingin sa card sunod sa mukha ni Max. "Hahahaha!" ang lakas ng halakhak nito at napailing. "Sigurado ba silang ikaw ang ipinalit nila sa posisyon? Napakahina mo naman, bata."
Mahigpit ang kuyom ni Max sa kamao niya kahit na pinananatili niya ang diretsong tingin at tikas.
Kung siya lang ang masusunod, magkamatayan na sila pero hindi niya pupulutin ang card na iyon. Pero hindi iyon tungkol sa kanya—tungkol na iyon sa trabaho niya at kailangan niyang maging propesyunal.
Ibinato na naman ulit ng ginoo ang card na malayo-layo ang pinagbagsakan. Hindi iyon nilingon ni Max, si Arjo na naman ang pumansin.
Sa pagkakataong iyon, hindi na kumilos si Max.
"Ako na'ng kukuha, Kuya," alok ulit ni Arjo.
"No," diretsong sagot ni Max.
"Hindi, Kuya, ako na," sagot ni Arjo at hindi na siya napigilan ni Max. Siya na ang pumulot ng Summons at tuloy-tuloy na naglakad imbis na bumalik sa puwesto sa tabi ni Max.
"And who the hell are you to make fun of my brother?" maangas na sinabi ni Arjo at ibinato ang card na mesa.
Nanlaki ang mata ng ginoo nang makitang bumaon ang isang kanto ng card sa kahoy na mesa na tabi ng kamay nito.
Dumikit si Arjo sa harapan ng mesa, dinampot ang baril na nakapatong doon, at itinutok ang nguso ng baril sa ilalim ng panga ng ginoo.
Umawat si Max. "Arjo!"
"Sshh!" pag-awat din ni Arjo sa kapatid habang nakataas ang kaliwang hintuturo niya kahit nakatuon ang atensyon sa pakay nila.
Napahugot ng hininga si Max at hindi na talaga nakakilos nang tutukan na sila ng baril ng mga naroon.
"No!" pag-awat ng boss nila.
Walang mababasang kahit ano sa tingin ni Arjo kumpara kanina. Nilalabanan niyon ang matalim na tingin ng kaharap.
"Non urlare (Don't shout)," babala ni Arjo sa ginoo. "Fai una mossa sbagliata e ti sparo (Isang maling kilos, babarilin kita)."
Akmang ililipat ng ginoo ang tingin sa Fuhrer pero nagbabala na naman si Arjo.
"Se lo guarderai di nuovo, ti sparero, in quella testa, capito? (Tingnan mo ulit siya, babarilin kita sa ulo, naiintindihan mo?)" Kinatok ni Arjo ang kahoy na mesa. "You take the card, we'll go out here safely."
Inilapag na nang mahinahon ni Arjo ang baril sa mesa. "That's our only business here. You'll act shit with us, then we'll glad to return the favor." Saka niya inirapan ang ginoo.
Hinigit ni Arjo ang kanang braso ni Max para makalayo roon.
Walang pumigil sa kanila, sa halip ay narinig pa nilang pinigilan ng ginoo ang mga tao nito na huwag silang paalisin dahil sa nangyari.
Iyon nga lang, ang sama na ng tingin sa babaeng humahatak sa kanya.
----
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top