3: Sea Sight
Alas-diyes ang sabi ni Xerez at kailangang nasa hangar na sila ng Citadel. At kung ano ang ikinapormal ng suot ni Max na three-piece suit, iyon naman ang ikina-kaswal ng kay Arjo na plain T-shirt na naka-tuck in sa denim jeans at running shoes.
"Kuya, puwede tayong pumunta sa mall pagkatapos mo?" tanong ni Arjo habang inugoy-ugoy ang magkahawak na kamay nila ni Max.
"Ano namang gagawin mo sa mall?" tanong ni Max na tinatanaw mula sa aviator shades niya ang private plane na gagamitin nila sa biyahe.
"Mamamasyal, siyempre!"
"Lalabas na nga tayo ng Citadel, di ba?" sabi ni Max nang tingnan si Arjo na lulukso-lukso. "Malamang kahit sina Papa, hindi mamamasyal habang naghahanap sila ng mga Superior. Huwag kang libot nang libot. Kaya ka naki-kidnap e."
Napanguso na lang si Arjo at huminto sa paglukso niya nang matapat sila sa puting plane na sapat lang ang laki para sa iilang tao.
"Kuya, bakit di sinabi dati ni Papa na mayaman pala siya?" tanong ni Arjo habang inaalalayan siya ni Max paakyat ng plane.
"Para di mo ubusin yung pera niya. Ang gastos mo kasi," sagot ni Max.
"Di naman ako magastos a!" Nagdabog si Arjo pagtapak na pagtapak niya sa loob. "Saka kaunti lang kaya pinapabili ko kay Papa."
"Alam mo, kapag gumawa ako ng list of Arjo's scam lines, may pantapat na ako sa Criminel Credo." Nauna na siyang umupo sa tabi ng bintana saka niya hinatak si Arjo papaupo sa tabi niya. Alam naman niyang ayaw nito sa tabi ng bintana dahil nahihilo ito.
Minuto lang ang lumipas saka nag-take off ang eroplano. Tuwang-tuwa pa si Arjo dahil matagal-tagal na rin noong nakabiyahe siya.
"Sabi ni Xerez, magbibigay ka raw ng card. Ano 'yon, Kuya, ibibigay mo lang?" usisa ni Arjo nang makita na ang mga ulap na kapantay na nila.
"Malamang, ibibigay nga, di ba?" Tinulak niya agad ang kaliwang sentido nito. "Alam mo, ikaw, buti no'ng binuksan 'tong ulo mo, may nakita silang laman."
"Napakasama talaga ng ugali mo, Kuya!" naiinis na sinabi ni Arjo at humalukipkip habang nakanguso. Napatingala si Arjo at sinundan ng tingin ang kadaraan lang na babaeng Guardian na magsisilbing attendant nila sa flight na iyon. Ngumiti iyon sa kanila at tumungo bago sila lampasan. "Ay, alam mo, Kuya, narinig ko yung ibang maid saka Guardian na nag-uusap." Biglang ngumisi si Arjo para mang-asar. "Crush ka raw nila. Yiieee! Guwapo mo, Kuya. Yuck. Hahaha!"
Biglang sumimangot si Max at "Uhm!" tinampal na naman ang noo ni Arjo. "Tsismosa ka talaga."
Parang pusang hinagod ni Arjo ang ulo niya sa balikat ni Max. "Yiiee, Kuya, hanap ka na kasi ng girlfriend mo."
"Uhm!" Isang tampal na naman sa noo ni Arjo. "Asawa mo na nga 'ko, di ba? Gusto mong patayin ako ni Xerez? Gusto mong bumalik sa laboratory?"
Napanguso na naman si Arjo. "Ayaw mong maghanap ng kabit? Mukhang kailangan mo e."
"Uhm!" Tampal na naman sa noo. "Common sense at utak, ayaw mong maghanap? Mukhang mas kailangan mo, Jo."
Napahawak na sa noo niya si Arjo dahil namumula na iyon katatampal ni Max. "Nagsa-suggest lang naman ako e."
"Puwes nagsa-suggest din akong mag-isip ka muna nang maayos."
Nanlaki lang ang ilong ni Arjo saka napanguso. "E boyfriend, Kuya, ayaw mong maghanap?" pahabol na biro niya.
"Isa pa, Arjo, ihahagis na kita palabas nitong plane."
"Ba't napakasungit mo, Kuya? Kaya natatakot sa 'yo yung mga Guardian mo e."
"Napakadaldal mo, Arjo. Pagbalik natin sa Citadel, ipapatahi ko na sa mga doktor 'yang bibig mo para di ka na makapag-ingay."
"Bakit kasi di n'yo 'ko pinapahiram ng phone?" nagtatampong tanong ni Arjo. "Kung may phone ako, e di tahimik na lang sana ako."
"Sabi ni Xerez, paglabas natin ng Citadel, puwede ka nang mag-phone. Bibilhan na kita, manahimik ka lang."
"Yeeeey!"
Sanay si Max na bumibiyahe para sa trabaho, lalo na kapag may ocular visit. Iyon nga lang, hindi na related sa architecture ang trabaho niya. Dati, nagtataka siya kung bakit nagtatrabaho sa Human Resources Department ang papa niya bilang manager. Akala niya, dahil hindi ito masipag kaya hindi man lang nakakaangat ng posisyon sa executive. Kung ang iba, naghahangad maging chief executive officer o di kaya ay general manager, ang papa niya ay masaya na sa mababang managerial position.
Iyon pala, sa ganoon din siya babagsak. Dahil kung titingnang maigi, napunta na siya bilang human resource manager ng mas malaki pang organisasyong sapat na para malula ang kahit sinong nasa katayuan niya.
Dalawang oras na biyahe at lumapag ang eroplano sa airport ng Sardinia. Pagdating doon ay sinalubong sila ng puting van at hinatid sa una nilang pansamantalang tutuluyan.
"Wow, Kuya . . ." bilib na bilib na sinabi ni Arjo dahil pagpasok na pagpasok pa lang nila sa suite na iyon ay binungaran na siya ng overlooking ng dagat ng Mediterranean sa floor-to-ceiling na balcony door. "Kuya, may beach o!" masayang pagturo ni Arjo sa di-kalayuan ng hotel kung saan sila magsi-stay pansamantala. Ibinato ni Max ang keycard ng unit nila sa sidetable at nilapitan ang balcony para makitanaw.
17th floor ng Queen's Tower ang suite na ibinigay para sa Fuhrer, at dahil wala si Arjo sa plano, huli na para kuhaan pa ito ng kuwartong katabi ng suite na para kay Max. Sinabi rin ni Max na hayaan na lang silang mag-stay sa iisang suite dahil hindi rin naman niya hahayaang nasa ibang kuwarto si Arjo.
"Kuya, ang ganda rito!" masayang sinabi ni Arjo habang hinahawi ang maikling buhok niyang nililipad ng hangin. "Ang lamig!" Isinampay niya ang mga braso sa glass railings ng balcony at dinama ang hangin na sumasalubong sa kanila.
Ang ganda ng sikat ng araw sa alas-dose ng tanghali, at tila ba nasa isang magandang picture sa postcard ang natatanaw nilang dalawa.
May mahabang beach sa ibaba ng tower, maraming tao roon at halatang mabenta sa mga tao ang lugar.
Ipinatong din ni Max ang mga braso niya sa railings at bahagyang sumimangot dahil sa liwanag habang nakatingin sa malawak na dagat. "Gusto mo rito?" tanong niya sa katabi.
"Uhm-hmm!" Masayang tumango si Arjo. Pero kahit na malapad ang ngiti nito, hindi pa rin natahimik ang isipan ni Max kapag naaalala niya kung paano niya nakita si Arjo na pinandidilatan siya ng mata habang takot na takot. Mga gabing hindi ito pinatutulog ng kung ano mang mga bangungot nito. Na kahit masaya iyon sa araw, may malalang kalaban ito sa gabi.
Iniisip niya noon na walang problemang dinadala ang kapatid niya. Na ayos lang ito ang grades lang sa school ang issue sa buhay. Pero ilang linggo lang ang kinailangan para mabago ang lahat ng iyon. Na-kidnap si Arjo, ibinenta na parang isang bagay, pinag-agawan ng mga taong hindi ito nakikita bilang tao, inoperahan, nagkaroon ng mas malalang problema sa utak, nakitang gumuho ang pamilya nila sa mismong harapan nito.
Gusto niyang tanungin si Arjo kung paano nito nagagawang ngumiti matapos ang lahat-o kung tunay ba ang mga ngiti na iyon.
"Jo . . ."
"Uhm?" inosente nitong tugon sa kanya nang lingunin siya.
"Malungkot ka ba?"
"Hindi," mabilis nitong sagot habang umiiling.
Tinitigan pang mabuti ni Max ang mukha ni Arjo. Yung lungkot na hinahanap niya, hindi niya makita sa masayang mukha nito. At lalo lang siyang nahirapang maniwala.
"Dati, kapag nag-aaway kayo ni Mama tapos nagkaka-panic attack ka, ano'ng ginagawa ni Papa para pakalmahin ka?"
"Uhmm . . ." Tumanaw si Arjo sa dagat habang nag-iisip. "Binibilhan niya 'ko ng stuff toys! Pero gusto ko talaga yung hug ni Papa."
"Because?"
"Wala lang. Feeling ko, safe ako kapag niyayakap ako ni Papa. Saka sabi naman niya sa 'kin, aalagaan niya 'ko." Biglang lumungkot ang boses ni Arjo kahit ang ekspresyon ng mukha niya habang nakatanaw sa dagat. "Kahit na alam niyang di pala niya 'ko tunay na anak." Isang buntonghininga mula kay Arjo. "Saka ang bango kasi ni Papa kaya masarap siyang yakapin." Biglang nanumbalik ang ngiti ni Arjo nang lingunin si Max. "Kung di mo lang talaga ako pinakasalan, Kuya, maghahanap talaga ako ng lalaking parang si Papa. Yung mabait. Di gaya mo, mas masama pa ugali mo kaysa kay Mama e."
"Uhm!" Biglang tampal na naman ni Max sa noo ng kapatid dahil hindi na naman nito inawat ang bibig. "Yung kadaldalan mo, halatang walang pinagmanahan kina Papa. Ikaw lang yung maingay sa 'ming lahat."
Nanlaki na naman yung butas ng ilong ni Arjo saka inirapan si Max. "Ikaw, mas malala ka pa kay Mama. Pakasama ng ugali." Binalikan na naman niya ng tingin ang dagat. Ilang segundo pa, napangiti na naman siya dahil makapigil-hininga ang tanawing iyon. Gandang-ganda siya sa asul na dagat at sa mga alon mula sa malayo. Parang gusto niyang tumalon doon at lumipad habang dinadama ang hangin.
Napapikit na lang siya at napatingala. Pakiramdam niya, magiging maganda ang araw na iyon.
Bigla siyang napadilat nang maramdamang may pumalibot na braso sa balikat niya patawid sa dibdib. Lilingon sana siya sa kanan pero hindi naituloy dahil nakasangkal na roon ang pisngi ni Max na yumayakap sa kanya mula sa likod.
"Kuya . . ."
"Kapag malungkot ka, sabihin mo sa 'kin," pabulong nang sinabi ni Max. "Kapag natatakot ka, sabihin mo sa 'kin . . ."
Naramdaman niya ang paghigpit ng yakap nito at malalim na pagbuntonghininga.
"Kapag feeling mo, di ka safe, sabihin mo agad sa 'kin . . . para mayakap agad kita kahit na hindi ako si Papa."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top