26: Farewell
Sa halos limampung taong paninilbihan ni Giuseppe Devero sa Citadel bilang Xerez, iyon pa lang ang unang beses na napaglingkuran niya ang tatlong henerasyon ng mga Fuhrer, at talagang mabigat sa loob niya na sa loob lang ng ilang linggo, maaabutan pa niya ang pang-apat.
Panibagong umaga, panibagong katahimikan sa ibang bahagi ng Citadel, at panibagong ingay naman sa kabila.
Hindi pa rin natatahimik ang mga Guardian sa kaso ng Fuhrer. Si Arjo, nagtatanong na kung puwede bang madalaw si Max. Si Xerez ang unang-unang hinanap ni Olive matapos ang nangyari noong nakaraang gabi sa medical facility.
"Sabihin mo kay Morty na itigil na ang ginagawa nila," pakiusap ni Olive kay Xerez habang sinasabayan ito sa paglalakad papasok sa pasilidad. "Sisirain niya ang neurogical function ni Max kung itutuloy nila ang ganito."
Wala pa ring imik si Xerez at nagpatuloy lang sa paglalakad.
"Xerez, alam mong hindi papayag si Ricardo rito. At mas lalo na si Armida. Alam mong may dahilan kung bakit ginawa ang agreement na 'yon na walang gagalaw kay Max kahit na anong mangyari."
Nakalampas na sila sa mahabang pasilyo at nagbukas na si Xerez ng swing door patungo sa loob ng medical ward.
"Are you even listening? Or are you even considering his case, hm?" naiinis nang tanong ni Olive dahil parang walang pakialam sa sinabi niya ang Centurion.
"Don't bother, Olive. I'll handle it," kampanteng sinabi ni Xerez at nagtuloy-tuloy siya sa kanang pasilyo, padaan sa panibagong hallway na puti lang ang pintura at may masakit sa ilaw na LED lights. May nurse na kalalabas lang sa loob ng silid kung nasaan ang Fuhrer at nagpaalam siyang kakausapin ito.
"Sampung minuto, Xerez," paalala sa kanya ng nurse at isinara na rin nito ang pinto.
Panibagong umaga at nakapaninibago talaga ang sandaling iyon para kay Xerez.
Isa sa si Max sa pinakamatalinong Fuhrer at alam na alam niya ang potensyal na mayroon ito para mamuno, ngunit nanghihinayang siya sa kalagayan nito ngayon.
Kung titingnan ay tila ba wala itong problema. Kalmado lang itong nakaupo sa kama, maayos at maaliwalas ang mukha. Tila ba walang kakaiba at walang kahit anong mali sa katawan.
"Magandang umaga, Lord Maximillian," pagbati ni Xerez at yumukod para magbigay-galang.
"Sabihin mo sa 'king imposible na 'kong magamot, para handa ako kung sakaling mapaaga ang gagawin mo sa 'kin," sabi ni Max at tinapunan ng kampanteng tingin ang Centurion. Nagpapahiwatig ang tingin nito ng pagtanggap sa posibleng kahinatnan ng buhay niya.
Hindi na naitago pa ni Xerez ang panghihinayang sa reaksyon. "Lord Maximillian, ayokong magsalita nang tapos. Imposible ang isang linggo para pagalingin ka. Alam ng lahat ng doktor na tumingin sa inyo na kulang ang isang linggo para sa obserbasyon lang. Humihingi ako ng tawad para doon."
"Hindi ito malala, alam ko. Pero ayokong lumala dahil sa kanila. Sinabi na 'yon ni Mama sa agreement. Kasi galing na roon si Mama. At mga doktor ang dahilan kung bakit siya nagkaganoon, at ayaw niyang mangyari sa akin ang pinagdaanan niya . . ." Nagbuntonghininga si Max at lumamlam na ang mga mata. "Alam kong naiintindihan mo ang laman ng kasunduan."
"Naiintindihan ko, milord."
"Ayoko nang magtagal dito. Kaya mo bang gawin na mamaya ang utos ko?"
Pagyuko na lang ang naisagot ni Xerez doon.
"Saka sabihin mo kay Arjo na ginagamot ako sa ibang ospital. Para hindi siya magtaka kapag naghanap siya sa 'kin dito."
"Ipapatawag ko ba muna siya para makita ninyo sa huling sandali?"
"Huwag na. Baka magbago pa ang isip ko dahil sa kanya."
Pagtungo na naman mula kay Xerez.
"Gumamit nga pala ako ng immunity para ibalik agad sa serbisyo si Sav."
"Nakarating sa Oval ang order, milord. Epektibo na iyon ngayon."
"Pakibantayan na lang si Arjo. Alam mo namang matigas ang ulo n'on. Pakidisiplina na lang kung kinakailangan."
"Masusunod, milord."
///
Alas-sais ng gabi nang dalhin si Max sa laboratory ni Labyrinth. Binigyan siya ng pampatulog ng mga doktor mula roon sa medical facility ni No. 99 at inilipat gamit ang stretcher.
"Sigurado ka ba rito, Xerez?" mahinang tanong ni Olive habang pinanonood na ipasok si Max sa malaking glass chamber. "Aasa ka bang magiging maayos pa rin siya nang hindi natitingnan ng mga doktor?"
Diretso lang ang tingin ni Xerez habang itinatayo ng malaking makina ang chamber habang unti-unting nilalamanan ng asul na tubig ang loob niyon.
"May apat na Superior ang may hawak ngayon ng Summons at ang imbitasyon ay nanggaling kay Lady Evari."
"At ano namang kinalaman n'on sa paggaling ni Max?"
Hinarap na ni Xerez ang doktora. "Isa sa may hawak ng Summons ay may kompletong datos ng Project RYJO."
Bumakas ang gulat kay Olive at sinundan ng tingin si Xerez na paalis na ng laboratory dahil tapos nang ayusin si Max patabi sa mga bahagi ng Project RYJO na naroon.
"Xerez, paanong nangyari 'yon?" paghabol ni Olive sa Centurion. "Akala ko ba, sina Etherin at Li lang ang may alam tungkol sa data ng project?"
"Nakalagay sa description na ipinasa sa Oval na direct descendant ni Jasfyr ang binigyan ng card."
Napahinto si Olive at hinabol na lang ng tingin si Xerez na tuloy-tuloy lang ang lakad. "Jasfyr ng Sanglant Congregation?"
"Hindi ko alam kung sino ang pinagbigyan ng card pero umaasa akong darating siya rito sa Citadel balang-araw para lang sa posisyon niya. At oras na mangyari 'yon, may pag-asa nang magamot ang Fuhrer nang hindi na niya kailangang pag-eksperimentuhan pa."
Segundo pa ang lumipas nang magsalita ulit si Olive. "Sigurado ka?" tanong niya bago pa mabuksan ni Xerez ang dulong pinto ng pasilyo.
"Hindi masamang umasa," huling salita ng Centurion bago lumabas.
Samantala, buong araw na nagtatanong si Arjo kung kailan niya maaaring makita si Max. Walang nakasagot sa kanya noong una ngunit sinabi agad ni Sav ang ipinag-uutos ng Fuhrer. Hapunan at mag-isa na naman si Arjo sa mahabang mesa para kumain.
"Puwede ko na bang madalaw si Kuya?" malungkot na tanong ni Arjo.
"Pasensya na, milady, pero kinailangan niyang ilipad kaninang tanghali patungong ibang bansa para gamutin."
"Bakit hindi siya nagpaalam?" nakangusong tanong ni Arjo, lalong nalungkot ang tinig.
"Emergency ang sabi ng mga doktor. Hindi na rin kami nakapaghanda. Paumanhin sa ganitong abala. Sana ay maintindihan mong kailangan siyang gamutin kaagad."
Nilaro-laro na lang ni Arjo ang pagkain niya dahil nawalan na naman siya ng gana. "Kailan ko siya puwedeng dalawin?"
"Pasensya na, milady, wala kaming maisasagot diyan sa ngayon."
Ang lalim ng buntonghininga ni Arjo at inurong na lang ang plato palayo sa kanya.
Nakita ang pagkadismaya ng iba dahil sa nangyayari. Alam nila ang lahat at hindi iyon dapat malaman ni Arjo. Hindi bago ang paglilihim at pagtatraydor ngunit bago sa kanila ang pakiramdam na may bahagi ang Citadel ngayon na dapat namang malaman ang katotohanan ngunit kailangang paglihiman.
At para sa mga taong sanay sa sikreto ay sakit, bago sa pakiramdam ang maglihim para sa isang taong alam nila ay walang karapatang masaktan.
"Huwag kang mag-alala, milady," masayang sinabi ni Sav, halatang itinatago ang katotohanan sa matamis na ngiti, "Bago umalis, may biniling regalo para sa 'yo si Lord Maximillian.
----
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top