25: The Promise


Parang isang maliit na sunog ang impormasyon sa Citadel na oras na dumapo sa isang tao, kakalat na iyon hanggang sa pinakasulok ng lugar.

Wala pang sampung minuto matapos lumabas ni Xerez sa ICU, alam na ng lahat ng Guardian na hindi pinirmahan ng Fuhrer ang order of revocation na kailangan para magamot siya, sa halip ay mas pinili nitong mamatay kung hindi ito agad magagamot sa loob ng isang linggo. Alam ng mga doktor na himala na lang ang mangyaring malaman nila ang kompletong datos kung bakit nagkakaganoon ang Fuhrer sa loob lang ng pitong araw na palugit, at hindi pa man natatapos ang araw na iyon at nasa kalahati pa lang kung tutuusin, sumuko na sila.

Nanatiling nakaposas ang magkabilang pulsuhan ni Max gamit ang metal cuff na gaya ng metal cuff na ginamit sa kanya noong Kill for Will Tournament. Matibay iyon, makapal, dalawang pulgada ang sinakop sa balat niya kompara sa normal na posas na hindi pa aabot ng isang pulgada ang kapal. Kampante lang siya, hindi natatakot, hindi nagwawala, hindi nag-aalala. Sinabihan na rin siyang ililipat pagsapit ng alas-sais sa silid kung saan dating inilagay si Arjo. Natawa na lang siya roon nang isiping matapos ilabas doon si Arjo, siya naman pala ang papalit.

Ala-una impunto nang may kumatok sa pintuan ng ICU. Buong galang itong yumukod sa pinto pa lang.

"Magandang araw, Lord Maximillian," pagbati ng Guardian na nagpabagsak kay Max noong nakaraang gabi.

Walang bakas ng galit o inis sa mukha ni Max nang titigan si Sav. Sinabi ni Xerez na suspendido ito dahil sa ginawa sa kanya kaya naging bago sa paningin niya na nakasuot na lang ito ng casual white button-down shirt na nakatupi ang magkabilang manggas at ipinatong sa cream-colored trouser. Kaiba sa mga uniporme ng mga Guardian na formal suit and tie na itim at puti lang.

Pinanood ni Max na isara ng Guardian ang pinto at lumapit sa kanya para pumuwesto sa dulo ng kama.

"Ipinatawag n'yo raw po ako, milord."

"Sinabi ni Xerez na tatagal ng tatlong araw ang parusa mo dahil hindi mo ipinangakong hindi na mauulit ang nangyari, at hindi mo rin sinabing nagsisisi ka sa ginawa mo."

Walang pagbabago sa diretsong tingin at seryosong mukha ng Guardian nang bahagyang tumungo. "Ginawa ko iyon upang protektahan si Lady Josephine. Taos-puso akong humihingi ng tawad sa ginawa ko, ngunit kung mangyari mang malagay ulit sa peligro ang buhay niya sa kahit ano pang dahilan ay hindi ako mangingiming ulitin ang ginawa ko—sa kahit sino pang taong magtatangka."

Nangibabaw ang katahimikan matapos ng mahabang litanyang iyon ng Guardian. Tinitigan lang ni Max ang kausap. May ibinigay na kautusan dito si Xerez na kailangan nitong protektahan ang Project ARJO, at malamang na ginagawa lang nito ang inutos dito ng Citadel. Napabilib lang siya rito dahil hindi man lang ito kinabahan sa parusa o sa ginawa dahil hindi lang naman siya isang simpleng taong nakatira sa Citadel. Siya ang Fuhrer. At bawat gawin ng lahat na makasasama sa kanya ay may katumbas na parusa.

"Sinabi ni Xerez na ikaw ang papalit sa posisyon niya dalawang taon mula ngayon," pagbasag ni Max sa katahimikan nila.

"Ayon nga kay Tio, milord, ako nga."

Tiningnan lang ni Max ang Guardian. Hindi niya masabi kung malapit ito kay Arjo dahil si Jean ang butler nito. Pero madalas na magkasama ang dalawa dahil nga sa trabaho nitong pagbabantay sa Project ARJO.

"Hindi ko alam kung ano na ang mangyayari sa 'kin," sabi ni Max sa namagitang katahimikan sa kanila. "Alam kong may alam ka sa lagay ko ngayon."

Tumungo lang ang Guardian doon.

"Hindi ko alam kung mabubuhay pa 'ko sa susunod na linggo."

"Ngunit hindi naman kami nawawalan ng pag-asa na gagaling kayo, milord," pakunswelo ng Guardian sa katotohanang imposible ang sinabi niya.

"Mahirap humiling ng himala sa lugar na 'to. Ayokong umasa." Humugot ng hininga si Max na tila ba kanina pa may mabigat na dumadagan doon at sinulyapan ang salaming bintana sa likuran ng kausap. "Mahilig si Arjo sa matamis. Pero 'wag mong pakakainin nang marami kasi sumasakit ang tiyan niya."

Saglit na kumunot ang noo ng Guardian nang malito ngunit tumungo na lang at nakinig.

"Nayayakap pa niya kayo ngayon saka nakakapaglaro pa dahil hindi naman siya sakop ng Credo, pero kung sakali mang may mangyaring hindi inaasahan at magkaroon siya ng posisyon dito, hindi na niya magagawa 'yon."

Buntonghininga at pagtungo lang ang naisagot ng Guardian sa mga sinasabi ni Max.

"Hindi ko alam kung papayagan n'yo pero kung puwede, bilhan n'yo siya ng malaking teddy bear na puwede niyang yakapin. Bantayan n'yo rin siya kapag natutulog siya kasi madalas siyang binabangungot. Alam mo naman kung bakit."

Muling pagtungo sa Guardian.

"Bantayan n'yo rin siya sa pag-aaral. Mabilis magsawa 'yon katagalan. Matigas ang ulo n'on kaya pagtiyagaan n'yo na. Ipaliwanag n'yo sa kanya habang maaga pa ang tungkol sa Criminel Credo para maintindihan niya na hindi lahat ng gusto niya, puwede niyang gawin."

"Gagawin namin, milord," mabigat na tugon ng Guardian dahil para na siyang nakikinig sa huling habilin ng taong malapit nang mamatay.

"Alam kong medyo mabigat ang ipapakiusap ko." Tumango si Max. "Medyo maramot din, pero . . ." Bumuga siya ng malalim na hininga bago sinundan ang sinasabi. "Puwede mo bang bantayang mabuti si Arjo para sa 'kin? Kung kakayanin, hanggang sa huling araw niya sa mundo."

Nag-angat agad ng tingin ang Guardian at nakitaan ng bahagyang gulat sa reaksyon. "Milord?"

"May kalayaan pa rin naman ang mga Guardian na makapag-asawa at magkapamilya, hindi naman ipinagkait sa inyo 'yon ng Credo, pero kasi . . . hindi ko alam kung hanggang kailan na lang ang ilalagi ni Arjo sa mundo. Ayokong maramdaman niyang mag-isa na lang siya."

"Milord, hindi naman sa tumatanggi ako, pero . . ."

"Pasensya na kung inaalisan kita ng kalayaang mamili dahil sa pakiusap ko. Dalawang taon mula ngayon, wala na si Giuseppe Devero sa posisyon at sa labas na siya ng Citadel mananatili pagkatapos ng serbisyo niya."

Naigilid ng Guardian ang tingin at mariin na lang na napapikit saka masama ang loob na tumungo.

"Ayokong sabihing masasanay ka rin sa ugali ni Arjo, pero ganoon kasi ang magiging labas. Ngayon pa lang, humihingi na ako ng pasensya sa kanya."

"Milord, umaasa akong gagaling kayo. Kahit pa imposible, naniniwala ako. Pero si Lady Josephine . . ." Ang lalim ng buga niya ng hininga at ilang segundo lang ay sumuko na rin. "Gagawin ko na lang kung ano ang magagawa ko, milord. At . . . sasamahan ko siya hanggang sa huling sandali ng buhay niya . . ." mabigat sa loob niyang sinabi, ". . . kung iyon ang hiling ninyo."

Matipid na napangiti si Max. "Salamat nang marami."



***



Pumatak na ang hapunan at napakalungkot ng dining hall, hindi gaya nitong mga nakaraang linggo. Walang ganang kumain si Arjo. Walang narinig na ingay ang mga naghahanda at nagbabantay roon tungkol sa araw ng dalawa. Walang reklamong may masama ang ugali, walang nagbantang may kukutusan dahil matigas ang ulo. Naninibago ang lahat sa payapang pagsapit ng gabi.

Unang araw at unang gabi ni Max sa loob ng medical facility ni No. 99, sa silid kung saan nanatili si Arjo.

Ayon sa diagnosis sa kanya, walang problema sa mga lab test na may kaugnayan sa dugo gaya ng inaasahan ng lahat. Normal ngunit iyon ang nakapagtataka. Normal. At mahirap sa mga doktor na gamutin ang walang nakikitaan ng sintomas ng kahit na anong sakit.

Maagang nakatulog si Arjo kaiiyak. Alas-diyes at aktibo ang mga doktor na nag-aanalisa sa kaso ng Fuhrer.

Balot ng malambot na foam ang dingding, kisame, at sahig ng puting silid. May security camera sa kanto sa ibabaw ng pintuan. Nakasuot si Max ng T-shirt na kulay mapusyaw na asul at cotton pants.

Alas-diyes ng gabi, at nangyari ang inaasahan at naka-record na pangyayari sa notes ni Olive na isa sa kasalukuyang nagbabantay.

"What's he doing?" tanong ni Gilmore kay Mo, isa sa doktor na humawak sa kaso ni Arjo noong inoperahan ito sa ulo.

"Kinakamot niya yung sahig," sabi ni Olive na nagsusulat na sa notes niya. "Malamang na naghahanap siya ng dugo ngayon."

"Sinubukan n'yo ba yung ibang dugo ang ibigay sa kanya?"

"Hindi niya naaamoy kapag ibang dugo," sagot ni Mo.

"He's banging his head on the floor," mariing sabi ni Olive. "Patulugin n'yo na."

"No. Hayaan mo," pigil ni Mo na matiim na nag-oobserba sa video.

"Delikado ang ginagawa niya! Magkaka-injury siya kahit pa cushioned 'yon!"

"Kailangan nating malaman kung gaano katagal 'to."

"Morty!" sigaw na ni Olive.

"We need to know the extent of this, Olivia!" mariing sagot ni Mo at pinandilatan ang doktora. "Paano natin malalaman ang sagot sa nangyayari sa kanya kung di namin aalamin kung ano ang nangyayari?!"

"Hindi lang basta kung sino ang nasa kuwartong 'yon," nanggigigil na paliwanag ni Olive. "Fuhrer ang pinag-uusapan natin, hindi kung sino pa man!"

"But he said it already, we need to find the cure in one week."

"Aaarggghh!" malakas na sigaw sa speaker. Lahat sila ay napatingin sa monitor habang sunod-sunod na inuumpog ni Max ang ulo niya sa dingding.

"Release the gas!" malakas na utos ni Olive. "I said release goddamn the gas!"

Ilang saglit pa ay bumuga sa kisame ang usok at minuto lang ay binalot na niyon ang buong silid. Masyadong malabo ang rehistro sa monitor ng nakikita sa camera kaya pinagana na ulit nila ang vacuum para sinupin ang sleeping gas. Nakita na lang nila si Max na nakahandusay sa sahig at hindi na kumikilos.

"This is the reason why that agreement is made," naiinis na sinabi ni Olive habang dinuduro si Mo. "Magpasalamat kang wala rito ang mag-asawang 'yon dahil kung nalaman ni Armida Zordick ang ginagawa mo sa anak niya, panonoorin talaga kitang sumigaw ngayong gabi sa ilalim ng lupa."


---

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top