24: Regret and Death
Mabilis kumalat ang balita sa Citadel, at kasalanan na kung lumipas ang isang buong gabi at hindi pa sila naaabot ng kasalukuyang balita. Nasa ICU ang Fuhrer, kanselado muna ang trabaho nito ngunit magpapatuloy ang trabaho ng opisina niya. Sina Leto at Ara ang tumutulong kay Xerez sa trabaho ng Fuhrer dahil ang mga ito lang ang may executive role sa mga Decurion, at ang karamihan ay nasa finance, operation, at medical na.
Pabalik sa silid ng Fuhrer si Xerez nang salubungin siya ni Seamus na bakas ang pangamba sa mukha.
"May nangyari ba?" bungad na bungad ng Centurion nang lapitan siya ng butler ni Max.
"May kailangan kang makita," sabi nito at iginiya si Xerez sa loob ng kuwarto ng Fuhrer at tinungo ang loob ng malaking banyo nito.
Hindi pa man siya nakakadalawang hakbang ay napahinto na siya at mabilis na sumeryoso ang mukhang pilit niyang pinananatili ang matipid na ngiti.
Malaki ang espasyo sa harapan ng pintuan at masisilayan sa dingding pa lang ang ilang bakas ng dugo na may hulmang kamay. Pagtingin niya sa kaliwa, basag ang kanto ng puting ceramic sink at may bakas din ng dugo roon. Nilakad niya nang dahan-dahan ang loob habang iniikot ang tingin. Sa mahabang salamin, may bakas din ng duguang kamay. Nagkalat sa sahig ang bubog ng mga nabasag na display vase. Hindi na siya umabot pa sa shower area at bath tub dahil malinis na sa banda roon.
"Nasaan si Lady Josephine?" tanong ni Xerez at dali-daling lumabas.
"Naghahanda siya para dalawin ang Fuhrer sa ward."
"Sabihin ninyong kakausapin ko muna siya kaya huwag munang bababa. Ako ang maghahatid sa kanya roon."
"Masusunod," sagot ni Seamus at tumawag sa telepono saka nagpaiwan na roon para magmando sa mga maid na maglilinis.
Nagtuloy-tuloy si Xerez sa malapit na office table nito sa loob ng silid para kumuha ng inutos nitong panulat at papel. Inipon nito ang mga kailangan at hindi naiwasang mapansin ang itim na journal sa mesa.
"Zordick . . ." pagbasa ni Xerez sa pangalang nasa cover. Binuklat-buklat niya iyon at may nakita siyang mga bago sa paningin. Kinuha na rin niya iyon at dinala patungo sa opisina niya sa Oval. Kailangan niyang makapagbigay ng kopya ng kasunduan ng Citadel at ng mag-asawang Zordick Zach ukol kay Max bago niya tinungo ang silid ni Arjo.
Isa sa trabaho ni Xerez ang malaman lahat ng nangyayari sa loob ng Citadel, dahil kung may mangyayaring problema, siya rin ang kailangang maglatag ng parusa sa kahit sinong bahagi niyon, mapa-Superior man o mapa-Guardian.
Tahimik sa silid ni Arjo at binabantayan na ito ni Jean. Nakagayak na ito ng simpleng pink button-down blouse at cream-colored pedal pusher. Halata sa mukha nito ang pagkabalisa.
"Milady, nakahanda ka na bang bumaba?" tanong ni Xerez nang harapin si Arjo na nakaupo sa dulo ng kama.
Tango lang ang isinagot ni Arjo.
"Milady, huwag sana ninyong mamasamain ang itatanong ko ngunit gusto kong malaman kung ano ba talaga ang nangyari kagabi sa inyo ni Lord Maximillian. Bakit siya nagalit sa 'yo?"
Hindi nagpakita ng kahit anong reaksyon si Arjo. Walang gulat sa tanong, walang bahid ng pagtataka, walang senyales na may mali sa tanong. Balisa lang itong sumagot ng "Sinabi ko naman na kung bakit."
Hindi muna umimik si Xerez. Naghatak lang siya ng upuan sa dingding ng silid na malapit sa pintuan at iniharap kay Arjo para doon siya maupo. Tiningnan niyang mabuti si Arjo at nakikiusap ang tingin niya.
"Milady, napakaraming bakas ng dugo at magulo ang banyo ng Fuhrer nang makita namin. Ano ang nangyari doon noong nakaraang gabi?"
Umiling si Arjo habang tulala pa rin.
"Kailangan ninyong magsabi ng totoo dahil may sakit ngayon ang Fuhrer. Kung hindi ninyo aaminin ang nangyari, hindi namin malalaman kung paano siya gagamutin."
Doon lang nagkaroon ng pagkakataong magtagpo ang tingin ni Arjo at ni Xerez. Bumalatay ang kaba sa mga mata niya nang makita ang seryosong tingin ng Centurion.
"Anong sakit ni Kuya?" kinakabahang tanong ni Arjo.
"Inaalam pa namin, milady, at gusto kong matulungan mo kami para malaman kung ano ba talaga ang sakit niya. Ano ang nangyari kagabi sa inyong dalawa?"
Awtomatikong bumagsak ang luha sa mga mata ni Arjo at sinabayan niya iyon ng pagtungo. Pinunasan niya nang mabilis ang nababasang pisngi na papalitan na naman ng babagsak na luha.
"Hindi naman niya sinasadya . . ." pagtatanggol ni Arjo sa kung ano man ang ginawa sa kanya ni Max.
Inabot na ni Xerez kay Arjo ang puting panyo na nasa suit niya. "Milady, ayoko mang pilitin ka ngunit kailangan namin ng impormasyon. Hindi namin kayo matutulungan kung hindi mo sasabihin ang lahat."
Dinig na ang panginginig sa boses ni Arjo nang sumagot. "Pinilit niya 'kong kuhanan ng dugo kagabi . . ."
"At hindi ka niya nakalmot dahil hindi mahaba ang mga kuko ng Fuhrer," kontra ni Xerez sa sinabi ni Arjo noong tinanong niya ito. "Binugbog ka ba niya?"
Umiling si Arjo.
"Milady, kailangan mong magsabi ng totoo."
"Sabi niya magtago ako . . . sa lugar na di niya 'ko makikita."
"Nagtago ka?"
Tumango si Arjo at nagpunas na naman ng basang pisngi. "Sabi niya, kahit anong mangyari, huwag ko siyang lalapitan."
"Noong nagtago ka, nakita ka niya?"
"Nagkulong siya sa banyo . . . tapos nakarinig ako ng pagbasag sa loob. Tapos narinig kong nagsusuka si Kuya."
Unti-unti, nabubuo na sa isipan ni Xerez ang kung ano ba talaga ang nangyari noong nakaraang gabi.
"Dinaluhan mo ba siya sa banyo?"
Tumango na naman si Arjo. "Nakita kong nagsusuka na siya ng dugo. Ginagapang na niya yung sahig. Sabi niya, hindi raw siya makahinga."
Kahit si Jean na nakikinig, napasinghap din at biglang tumikhim nang sulyapan siya ni Xerez.
"Sinabihan niya 'kong huwag lalapit pero . . . lumapit pa rin ako," pagpapatuloy ni Arjo. "Nagmamakaawa siyang bigyan ko siya ng dugo."
"Binigyan mo siya ng dugo."
Tumango naman si Arjo. "Sinugatan ko yung kamay ko. Kaso bigla siyang nagwala . . . parang—" Nahirapan nang magkuwento si Arjo nang humagulgol na ng iyak. "H-hindi ko alam kung . . . kung anong nangyayari . . . k-kay Kuya . . ."
Hindi na itinuloy pa ni Xerez ang pagtatanong kaya hinintay na lang nilang kumalma si Arjo. Matapos iyon ay inakay na niya ito pababa sa medical ward kung saan kasalukuyang nananatili si Max.
Pagdating doon, naabutan na lang nila si Max na halatang may hinihintay na dumating.
"Lord Maximillian, narito na si Lady Josephine," ani Xerez at lumapit na kay Max. Inlapag na rin niya ang mga dala niyang papel sa sidetable ng hospital bed at tumindig sa gilid ng kama para maghintay ng oras para magbigay ng mensahe niya.
"Salamat," sabi ni Max at natuon ang tingin sa direksyon ng pintuan. Nakita niya roon si Arjo na mukhang kagagaling lang sa pag-iyak dahil namumula ang mata, ilong, at labi nito.
"Kuya . . ."
Kung si Max ang tatanungin, ayaw niyang palapitin sa kanya si Arjo pero mabilis siya nitong nilapitan at sumampa agad sa gilid ng may kataasang kama saka nito ipinalibot ang mga braso sa batok niya.
"Kuya, sorry . . . " humahagulgol na paumanhin ni Arjo habang nakasubsob ang mukha sa leeg ni Max. "Di ko na talaga uulitin . . ."
Buntonghininga lang ang nagawa ni Max, at kahit gusto niyang yakapin si Arjo dahil iyon lang ang kaya niyang magawa para pagaanin ang loob nito ay hindi niya magawa dahil sa mga posas sa kamay niya.
"Di ba dapat ako ang nagsasabi niyan sa 'yo?" Naigilid ni Max ang tingin nang makitang inalis ni Xerez ang posas sa kanang kamay niya.
Tumungo lang ito bilang tugon. Matipid na ngiti lang ang ibinigay niya rito bilang pasasalamat sa pagkakataon.
Hinagod niya ng libreng kamay ang buhok ni Arjo para patahanin. Napansin niya sa gilid ng mata si Xerez na naglakad palabas ng silid at sinundan niya iyon ng tingin hanggang tuluyan na nitong naisara ang pinto.
"Kuya, sabi ni Xerez, may sakit ka raw," sumbong ni Arjo kay Max nang kumalas ito sa yakap.
"Well . . ." Naging matipid ang ngiti ni Max nang pawiin niya ang luha sa pisngi ni Arjo. "Sabi naman ni Xerez, magagamot naman ako."
"Kailan ka gagaling?"
"Hindi ko alam." Panay lang ang punas ni Max sa basang pisngi ni Arjo at paminsang hahawiin ang buhok nitong humaharang sa mukha. "Nakatulog ka ba nang maayos?"
Umiling si Arjo. "Kuya, kailangan mo pa ba ng dugo ko . . . ? Ibibigay ko na lang sa 'yo lahat para gumaling ka . . ."
Napahugot ng hininga si Max at pinanatili ang palad niya sa pisngi ni Arjo. "Hindi ako si Mama para ubusin mo ang dugo mo sa 'kin." Sinilip niya si Xerez sa salaming bintana ng ICU ngunit hindi niya ito makita roon. "Okay, Arjo, listen." Ibinalik niya ang tingin dito. "Hindi ko alam kung paano nila ako gagamutin. Gusto ko, kapag ginagamot na 'ko, pag-aralan mo lahat dito sa Citadel."
Tumango lang nang mabilis si Arjo habang nagpipigil ng iyak.
"Mag-training ka. Kailangan mong magpalakas ng katawan. Kailangan mong protektahan ang sarili mo sa lahat ng nandito kundi ibabalik ka nila sa laboratory."
"Kuya, gagaling ka naman, sabi mo, di ba?" naiiyak na tanong ni Arjo.
"Jo, di natin masasabi kung anong pwedeng mangyari sa 'kin. Ayokong maulit yung nangyari kagabi. Sinabihan na kita noon, di ba?"
"Promise, di ko na talaga uulitin 'yon kahit kailan!" Nagtaas pa ng kamay si Arjo para manumpa at bumagsak na naman sa pisngi niya ang mga luha. "Huwag mo 'kong iwan, Kuya!"
"Arjo, makinig ka," sabi ni Max sa mas seryoso at nag-uutos nang tinig. "Gagaling ako, pero sa mga panahong ginagamot ako, malamang na hindi mo 'ko makikita. Kaya gusto kong magpakatatag ka."
"Hindi ka pa rin ba okay?" kinakabahang tanong ni Arjo at nanginginig na ang boses maging ang dulo ng mga labi.
"Jo, please . . ." Ang lalim ng buntonghininga niya at pinilit na ngitian si Arjo. "Babalik din ako. Medyo matagal pero babalik din ako. Promise ko 'yan sa 'yo. Sa ngayon, gusto kong seryosohin mo ang lahat. Mag-aral ka, magpalakas ka. Kasi kapag hindi mo ginawa 'yon, ibabalik ka nila sa laboratory. Mangako kang gagawin mo ang lahat ng sinabi ko para pagbalik ko, hindi kita makikita sa loob ng chamber."
Tumango lang si Arjo habang pinipigilan ang sariling huwag nang umiyak.
"Kuya, makakasama naman kita sa Pasko, di ba?"
Pilit na ngiti lang mula kay Max at tumango na lang imbis na sumagot. Hinawakan niya sa likod ng ulo si Arjo at binigyan ito ng matagal na halik sa noo. "I want you to be strong, okay? I promised to take care of you that's why I'm doing this." Niyakap niya ulit ito nang mahigpit at lumayo na rin kalaunan. "Kumain ka nang maayos. Huwag kang magpapagutom, okay?"
Isang tango na naman mula kay Arjo.
"Mahal na mahal ka ni Kuya." Tinapik na niya ang braso ni Arjo at itinuro ang direksyon ng pintuan. "Pakitawag si Xerez. May dokumento raw akong kailangang pirmahan."
"Kuya, dadalawin kita parati dito hanggang gumaling ka," naiiyak na sinabi ni Arjo at palingon-lingon kay Max nang tunguhin ang pintuan.
Naging mabigat kay Max ang pag-uusap na iyon, at lalo lang nanakit ang lalamunan niya habang pinipigilan niyang huwag umiyak sa harapan ni Arjo. Ayaw niyang mangako ng mga imposibleng bagay dahil ayaw niyang umasa ito, pero wala siyang magagawa.
"Milord," pagbati ni Xerez at nagtuloy-tuloy sa tabi ng kama.
"Anong oras darating si Salvatore Desimougne?"
"Naka-schedule ang appointment niya sa inyo mamayang ala-una, tatlumpu't apat na minuto mula ngayon."
Isa na namang malalim na buntonghininga at tiningnan ni Max ang mga papel na dala ni Xerez. "Sinabi mong hindi kompleto ang records ng Citadel ukol sa Project RYJO, tama?" Kinuha ni Max ang mga papel at hinanap doon ang agreement na pirmado ng mga magulang niya.
"Ganoon nga, milord."
"Kaya wala ring ideya yung mga doktor na titingin sa akin."
"Wala pang ideya sa ngayon dahil bago sa kanila ang kaso ninyo."
"Malala ba ang tingin nila sa lagay ko?" tanong ni Max habang binabasa ang nilalaman ng kasunduan.
"Nagtataka sila kung bakit walang problema sa blood test ninyo, kahit sa kinuha nilang urine test kaninang madaling-araw. Sinabi ng mga doktor ni No. 99 na marahil ay psychological reaction ang nangyayari sa inyo kaya ganoon. Epekto ng paglaban ng antibodies ninyo sa lason ng Project ARJO."
"Nakakapanakit na 'ko ng tao sa paghahanap ko ng dugo ni Arjo. Hindi ba considered as addiction 'yon?"
Napataas ang magkabilang kilay ni Xerez dahil wala namang nagsabi kay Max ng lagay nito para maisip iyon. "May ideya kayo sa nangyayari sa inyo, milord?"
"Itanong mo sa mga doktor kung related ba sa abnormal release ng dopamine ang resulta sa katawan ko ng dugo ni Arjo. If I lose control over my own will and my compulsive behavior took over me, I don't think people in this place will sleep in peace every night. That's dangerous for everybody, especially Arjo. Hindi ko siya inilabas sa lab para lang personal siyang patayin."
Lalo lang nadadagdagan ang panghihinayang ni Xerez habang nakikinig kay Max. Hindi ito nagtatanong sa kanila pero alam na nito kung ano ang aasahan sa sarili higit pa sa inaasahan niya.
"If every night, mauulit ang nangyayari sa 'kin. I'll crave for her blood kahit na bawal sa 'kin, at magwawala ako kapag hindi ko 'yon nakukuha, then I'm not fit to work and stay outside without supervision."
"Kaya gagawa kami ng paraan para gamutin ka, milord."
"Kung unang kaso ito, ayokong umabot sa puntong ikukulong n'yo 'ko na parang asong ulol na hinahanapan ng gamot sa kakaibang rabies. Hindi ako guinea pig para lang pag-eksperimentuhan." Ibinalik niya ang dokumento kay Xerez at sinalubong ang tingin ng Guardian. "Agree ako sa lahat ng nakasulat diyan. Alam kong si Mama ang nag-finalize niyan at wala akong makitang butas para ipilit n'yo ang gusto n'yong mangyari sa 'kin. Hindi ko pipirmahan 'yan."
"Pero, Lord Maximillian—"
"Kung hindi sila makakahanap ng gamot sa 'kin sa loob ng isang linggo, then perform euthanasia in me."
"Imposible ang isang linggo, milord."
"Then my decision is final. Kill me or I'll kill you all."
---
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top