23: Last Will


Kung may isang bagay na hindi inaasahan ang Citadel sa mga panahong iyon, iyon na malamang ang nangyayari sa kasalukuyang Fuhrer. Sapilitang pinatulog ni Sav si Max at hindi sapat na katwiran ang kailangan itong pigilan sa binabalak kay Arjo kaya minuto lang matapos dahil sa medical ward ang Fuhrer, walang nagawa si Xerez kundi patawan ng tatlong araw na suspensyon ang Guardian dahil sa ginawa nito. Isa na iyon sa pinakamababang parusa at kaya pa sanang pababain iyon hanggang sa isang araw na suspensyon ngunit talaga pinagsisihan ni Sav ang ginawa niya at mas tinanggap ang tatlong araw na parusa kaysa mangakong hindi na iyon uulitin kung sakaling mangyari ulit. Epektibo lang ang parusa niya sa susunod na araw at

Gabing-gabi ngunit nagkakagulo sa aktibong medical facility sa Citadel. Hindi tipikal na nagsasama-sama ang mga doktor doon ng iba't ibang opisina ngunit nangyari nga. Naroon ang biotechnologist na humawak sa kaso ng Project ARJO mula sa facility ni Keros. Naroon din ang medical expert na tumulong mula pa sa artificial conception ng Project ARJO mula sa facility ni Labyrinth. Kasama rin nila ang chemist na naging assistant ni Li Xiao Ran sa pagbuo ng formula na ihahalo sa dugo ng Project ARJO sa glass chamber. At ang mga doktor na nag-asikaso kay Arjo mula sa facility ni No. 99.

Hindi sila matapos-tapos sa usapan nila habang nasa loob ng ICU si Max na hindi naman malala ang tinamo mula sa ginawa ni Sav. Nakakabit sa pulsuhan nito ang metal cuff na karugtong sa hinihigaan nitong hospital bed. Pina-contain ang Fuhrer sa intensive care unit dahil iniiwasan nila ang exposure nito sa paligid at posible ring pagtakas kung sakali mang magising ito.

"Wala nga tayong permiso," pamimilit ni Gilmore, ang expert galing sa laboratoryo ni Labyrinth. "May pinirmahan kaming kasunduan na hindi gagalawin ang tunay na anak ng mag-asawang Zordick-Zach. Parurusahan kami."

"Pero puwedeng maglapag ng order of revocation para doon," katwiran ni Hilbert, ang biotech mula sa opisina ni Keros. "Magre-request lang tayo ng order sa Oval, kung urgent case 'to, mapagbibigyan tayo."

"Ang kaso, hindi 'to magagawa nang isang gabi lang," sabad naman ni Li Fei mula sa opisina ni Ran. "Taon ang binilang namin para lang maintindihan ang chemical bond ng gamot na ibibigay sa Project ARJO. May kopya nga tayo ng diagnosis ng dugo ng Fuhrer para sa project, pero ibang usapan na kung baligtad ang kaso. Hindi natin malalaman ang reaction n'on hangga't hindi natin siya natututukan."

"Kaya nga hihingi tayo ng order para matutukan ang Fuhrer," katwiran ulit ni Hilbert.

Tiningnan nilang tatlo ang ibang doktor na kasama mula sa opisina ni No. 99. "May suggestions kayo?" tanong pa nila sa mga iyon.

"Magmo-monitor at magpe-perform lang kami ng psychological test para sa Fuhrer. Sinabi ni Olive na may impact sa behavior ng Fuhrer ang dugo ng Project ARJO at posibleng may psychoactive substance ang dugo na nagre-react sa kanya. Hanggang doon lang ang kaya naming asikasuhin." Nagkatinginan na naman ang ibang doktor.

"Sina Labyrinth at Li Xiao Ran lang ang kayang intindihin ang formula ng Project RYJO at Project ARJO. Kahit si Keros, nahirapan sa data analysis dahil marami ngang kulang sa record natin," sabi ni Hilbert.

"Kabisado ni Li Xiao Ran ang content ng kulang sa hawak na information ni Labyrinth," sabi ni Li Fei.

"Sinabi niya sa 'yo?" tanong ni Gilmore.

"Kahit nga kay Labyrinth, hindi niya sinabi. Siya lang din ang nakaalam kung paano niya nabuhay ang Project ARJO na daang beses nag-fail sa facility n'yo, hindi ba?" sagot ni Li Fei kay Gilmore.

"Kung sa bagay," sabi ni Gilmore at nagbuntonghininga. "Mukhang ibinaon na lang nilang lahat sa hukay ang kulang na impormasyong kailangan natin."

Ibinalik nila ang tingin sa loob ng ICU.

"Wala bang ibang may kompletong info tungkol sa Project RYJO maliban kina Li at Labyrinth?"

Pare-parehas silang naghanap ng sagot sa isa't isa ngunit wala rin silang kilalang taong nakakaalam ng kompletong impormasyon tungkol doon.

"Kung sana lang, buhay pa ang kahit sino sa Four Pillars," sabi ni Gilmore.

"Pero kahit buhay sila, imposibleng ibigay nila ang info."

"Kumuha na lang tayo ng order kay Xerez para pag-aralan ang kaso niya," huling desisyon ni Gilmore. "Hindi makakapagtrabaho nang maayos ang Fuhrer sa ganyang lagay niya."



******



Hindi na ibinalik si Arjo sa kuwarto ng Fuhrer kaya inayos ulit ang dating kuwarto niya. At dahil umaga pa darating ang butler niyang si Jean, at suspendido naman si Sav, si Ara ang isa sa inatasan ni Xerez na bantayan siya sa loob ng kuwarto. Kasalukuyang bukas ang ilaw sa buong kuwarto habang tinatanong siya ni Xerez kung ano ba ang nangyari bago sila makita.

"Milady, ano'ng ginawa sa inyo ni Lord Maximillian?"

Matagal bago nakasagot si Arjo. Nakatulala lang siya habang nakasubsob ang bandang bibig sa yakap na unan. Lalo lang niyang tinupi ang mga tuhod habang nakaupo sa gitna ng kama.

"Lady Josephine, kailangan naming malaman kung ano'ng nangyari para malaman namin ang gagawin kay Lord Maximillian."

"Kukuhanan niya sana ulit ako ng dugo," mahinang sagot ni Arjo.

"Bakit siya nagagalit kanina?"

"Kasi ayokong pumayag. Tapos tinakbuhan ko siya." Lalong tumungo si Arjo. "Nakalmot niya 'ko pagkahatak niya sa damit ko."

Hindi na rin naghanap ng kalmot si Xerez dahil alam na niyang hindi na niya makikita iyon. Nagbuntonghininga na lang siya at tiningnan si Ara na nakabantay sa direksyon ng pintuan.

"Pupunta muna ako sa ward, aalamin ko ang lagay ng Fuhrer," ani Xerez na tinanguan naman ni Ara. "Bantayan mong maigi si Lady Josephine."

"Masusunod," simpleng tugon ni Ara at tuluyan nang lumabas si Xerez ng silid.

Pasado alas-dose na at buhay na buhay pa rin ang Citadel dahil sa nangyari. Walang may kayang ipaliwanag ang nangyayari kay Max kaya kinausap na ni Xerez ang mga doktor na hahawak sa paggamot sa Fuhrer.

"Binigyan kami ng kopya ng kasunduan ng mga Zordick at Zach na hindi gagalawin si Maximillian Joseph Zach kahit na anong mangyari," paalala ni Gilmore. "Alam mo kung anong parusa ang matatanggap namin kapag lumabag kami ro'n, Xerez."

Sumulyap muna sa loob ng ICU ang Centurion bago sumagot. "Malala ba ang lagay niya?"

"Nagra-run kami ng lab test ngayon para malaman kung malala ba talaga ang lagay niya. Noong unang sample, wala talaga kaming nakitang mali sa dugo niya."

Tiningnan ni Xerez ang mga doktor sa facility ni No. 99. "Tingin n'yo, magagaya siya kay Lady Evari?"

Umiling naman ang isang doktor. "Sa ngayon, imposible. Addiction pa lang ang nakikita naming kailangang gamutin sa kanya. Mahirap kontrolin ang cravings niya sa dugo kung umabot na siya sa pananakit para lang makuha 'yon. We already considered that as a severe case since nabanggit ni Olive na kinailangan na niyang kumuha ng stabilizer for him."

Napabuntonghininga na lang si Xerez at napailing sa pagkadismaya. Bagay na sana, noong una pa niyang nalaman na may ganoon na palang nagaganap.

"Wala bang gamot na puwedeng ibigay sa kanya?" tanong na lang niya sa iba.

"Detoxification ang suggested treatment namin pero wala pa kaming malinaw na instructions kina Gilmore kung paano ide-detoxify ang Fuhrer kung walang signs of substance intake sa katawan niya. Hindi kami magbibigay ng gamot kung hindi namin alam kung anong gamot ang ibibigay."

Sumingit sa usapan si Gilmore. "Sinabi ni Olive na tuwing gabi lang naghahanap ng dugo ang Fuhrer, oras bago matulog. Iniisip pa namin ang behavioral pattern para malaman namin kung saan magsisimula."

"Magiging maayos na ba siya paggising niya?" tanong ni Xerez sa pasuko nang tinig.

"Depende sa kahulugan mo ng salitang maayos," sagot sa kanya ng isa sa mga naroon.



*****



Walang nagkaroon ng matinong pahinga sa gabing iyon at pare-parehas silang nagising na kulang sa tulog o di kaya ay nakaidlip ngunit napuyat pa rin.

Alas-siyete na ng umaga at walang Arjo at Max na bumaba sa dining hall para mag-almusal kaya nakapaninibago ang katihimikan doon. Dinalhan na lang si Arjo ng pagkain ni Jean sa silid niya at hindi rin niya naubos ang inihain sa kanya dahil wala siyang gana.

Paroo't parito si Xerez para alamin ang lahat ng nagaganap kina Arjo at Max habang itinutuloy ang mga trabaho sa opisina ng Fuhrer. Nagprisinta na rin ang ibang Decurion na tulungan siya para pagaanin ang trabahong naiwan sa kanya.

Alas-otso na siya nakabalik sa ICU at naabutan si Max na gising na at kasalukuyang kumakain ng almusal.

Malamig sa loob ng ICU at hinayaan siyang makapasok dahil hindi naman malala ang kalagayan nito at kinailangan lang ikulong doon pansamantala. May mga makina sa paligid na hindi naman ginagamit. Ni hindi na rin binihisan si Max ng hospital gown. Hinayaan lang itong nakaposas sa hospital bed kahit kumakain.

"Magandang umaga, Lord Maximillian," magalang na pagbati ni Xerez at saglit na yumukod. "Kumusta na ang pakiramdam ninyo?"

"Ayos lang ba si Arjo?" matamlay na tanong ni Max imbis na sumagot sa tanong ng Centurion habang paisa-isang sumusubo ng almusal niyang cereals at pancake. "Nakakain na ba siya?"

Inobserbahan ni Xerez si Max at napansing bumalik na ito sa Max na kilala niya. "Pinakain na namin siya kanina, hindi lang niya naubos ang pagkain niya, milord. Sinabi niyang wala siyang ganang kumain."

"Kahit wala siyang gana, pilitin n'yo. Manghihina kapag hindi siya kumain. Kung hindi man, pakain n'yo oras-oras kahit kaunti."

Tumungo lang si Xerez. "Gagawin namin, milord."

Habang tumatagal ang pagtitig ni Xerez kay Max, lalo siyang nalulungkot para dito. Nararamdaman niyang alam nito ang ginawa noong nakaraang gabi, at nararamdaman din niya na nagsisisi ito ngunit wala itong magawa. Hindi niya narinig na nagtanong ito kung bakit ito nakaposas, hindi niya narinig na sumigaw ito at magbanta sa mga tao roon na kung hindi ito patatakasin ay patatalsikin ito sa puwesto. Nararamdaman niyang alam nito ang nangyayari.

"Milord, paumanhin sa inasal ng pamangkin ko noong nakaraang gabi. Pinatawan ko na siya ng kaparusahan na nararapat sa ginawa niya."

Nagpatuloy lang sa paisa-isang subo si Max na halatang walang gana sa pagkain ngunit pinipilit pa rin ang sariling kumain. "I want to talk to him personally. Magagawa mo ba?"

"Suspendido siya sa ngayon ngunit maaari ko siyang ipatawag sa Eastern Wales, milord."

Walang inimik si Max, nagpatuloy pa rin sa pagsubo ng nangangalahati na niyang almusal. Lalo tuloy lumamig ang hangin sa loob dahil sa nakakailang na katahimikan.

"Milord, ayoko sanang banggitin ito ngunit kailangan," panimula ni Xerez sa mga napag-usapan noong nakaraang gabi. "Hihingin ko ang pirma ninyo para sa revocation ng kasunduan sa pagitan ng mga laboratory ng Citadel at kina Lady Evari at Lord Ricardo. Nakasaad sa kasunduan na hindi ka maaaring sumailalim sa kahit anong eksperimentong may kinalaman sa pag-aaral ukol sa Project RYJO at mga sangay na proyekto niyon."

"Bakit?" Noon lang nagtaas ng tingin si Max para salubungin ang tingin ni Xerez. "Malala na ba ang lagay ko?"

Pagtungo lang ang nagawa ni Xerez para makaiwas ng tingin. "Ganoon na nga, milord. Subalit nabanggit naman ng mga doktor na magagamot kayo."

"Gaano katagal?"

"Pag-aaralan pa nila kung paano kayo gagamutin. At iyon ang isa sa sakop ng pirmadong kasunduan. Hindi sila magsisimula sa paghahanap ng gamot hangga't epektibo pa ang kontratang nilagdaan ng mga magulang ninyo."

Hindi agad nakasagot si Max. Bigla siyang nabalisa. Wala siyang ideya sa kasunduang binabanggit ni Xerez na may kinalaman sa kanya, pero kung may ganoong dokumentong ginawa ang mga magulang niya, malamang na may alam ang mga ito na mangyayari nga ang kung ano ba ang nangyayari sa kanya ngayon.

"Gaano ka na lang katagal maglilingkod dito sa Citadel bilang Xerez?" malungkot na tanong ni Max, nakatulala na lang sa mangko ng cereals na kaunti na lang ang laman.

"Dalawang taon na lamang, milord."

"Sino ang papalit sa 'yo?"

"Sinimulan ko nang sanayin si Sav para sa trabahong iiwan ko, milord."

"Tingin mo, tatagal hanggang dalawang taon ang paggamot sa 'kin?"

"Hindi ko masabi ang eksaktong bilang, milord, ngunit sa tantiya ko ay hihigit pa roon. Taon ang binilang upang maintindihan ng mga doktor ng bawat laboratoryo ang tungkol sa Project RYJO ngunit hanggang ngayon ay walang ibang may kompletong impormasyon doon maliban sa yumaong sina Li Xiao Ran at Labyrinth."

Napapikit si Max na sinabayan niya ng malalim na paghugot ng hininga. Umagang-umaga at binungaran agad siya ng masamang balita. Napapailing na lang siyang tumungo at tinigilan na ang pagkain dahil sa tuluyang pagkawalan ng gana. Inurong niya palayo ang overbed table at ibinalik ang tingin kay Xerez na puno ng kawalan ng pag-asa.

"Puwede mo bang tanungin si Arjo kung . . ." Napaiwas ng tingin si Max at napaisang iling, na kahit siya, mukhang hihindi sa ipapakiusap niya kung siya ang nasa posisyon ng pakikiusapan.

"Susubukan kong papuntahin dito si Lady Josephine, milord," sabi ni Xerez na bahagyang ikinagulat ni Max at ikinangiti rin kahit matipid kalaunan.

Gusto sanang purihin ni Max ang bilis ng pag-analisa ni Xerez sa mga bagay-bagay ngunit ang natira na lang sa lahat ng gusto niyang sabihin ay, "Salamat."

Sumaglit siya ng pag-inom ng tubig at bumalik sa pagkakahiga sa malambot at magkakapatong na unan. "Babasahin ko yung agreement na sinasabi mo. Saka magdala ka ng papel saka panulat pagbalik mo rito."

Tumungo si Xerez bago sumagot. "Masusunod, milord."


---

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top