19: Missed You

Dumaan ang tanghalian at hapunan, hindi talaga nakita ni Arjo si Max. Nang dumaan siya sa opisina ng Fuhrer nang hapon, sinabi lang ng Guardian na kalalabas lang doon na may pinuntahang meeting sa labas ng Citadel ang Fuhrer pero babalik din pagdating ng gabi. Pagpatak naman ng gabi, hinarang na siya ng mga nakahilerang Guardian sa harap ng pinto ng opisina ng Fuhrer dahil kasalukuyan itong may kinakausap at hindi muna pinayagan ang kahit sinong abalahin ito, kahit siya.

Sinubukan niyang matulog nang maaga pero alas-diyes na ng gabi, nakahanda na siyang matulog at lahat-lahat pero hindi pa rin siya pinatatahimik ng sariling isip. Nagtangay lang siya ng unan sa kuwarto at yakap-yakap iyon nang tunguhing muli ang opisina ng Fuhrer kung saan nakahilera sa labas ang tatlong bantay ni Max.

"Lady Josephine," pagbati ng mga ito at sabay-sabay na yumukod para magbigay-galang.

"Milady, inaasahan ni Lord Maximillian na tulog ka sa ngayong oras na ito," paalala ni Xerez.

"Matagal pa ba si Kuya?" tanong niya nang humarap sa tatlo.

Matipid na ngumiti si Xerez. "Matatapos din ang trabaho niya, milady. Nagkaroon lang ng kaunting problema sa mga kliyente ng Citadel kaya ayaw niyang maabala siya ngayon." Naglahad si Xerez ng palad sa kaliwa. "Mas maiging bumalik na kayo sa inyong silid para makapagpahinga."

Umiling si Arjo at sumandal lang sa dingding. "Hihintayin ko na lang dito si Kuya Max."

"Milady, mapapagod kayo sa pagtayo."

Nagbuntonghininga si Arjo at tumalungko na lang para hindi siya mapagod gaya ng sinabi ni Xerez. "Hihintayin ko na lang siya rito."

"Milady . . ."

Hinigpitan ni Arjo ang pagkakayakap sa unan niya.

Tiningnan nina Sav at Seamus si Xerez para malaman kung ano ang gagawin nila kay Arjo.

"Lady Josephine," ani Xerez, lumapit kay Arjo at iniluhod ang kaliwa niyang tuhod sa sahig, "naiintindihan kong gusto n'yong makita si Lord Maximillian ngayon, ngunit kailangan niyang gawin ang trabaho niya."

"Gabi na. Dapat di na siya nagtatrabaho."

"Kailangan naming mag-adjust sa oras dahil may ginawa siya ngayong araw na hindi kasama sa schedule niya. Pumayag naman siya roon."

"Pumunta siya sa study room kanina. Nakita ko siya," malungkot na sinabi ni Arjo. "Sana hindi na lang siya pumunta. Di rin naman siya pumasok doon."

Walang isinagot si Xerez. Tumayo lang ito at tumungo sa loob ng opisina ng Fuhrer. Ilang minuto pa ay lumabas na ito.

Nanatiling nakatalungko si Arjo roon, yakap ang unan, at tulala sa sahig.

"Tio," bulong ni Sav kay Xerez, nagpapahiwatig ang tinig ng pagtatanong kung ano ang gagawin kay Arjo dahil nanatili lang ito roon, pero pagtaas lang ng kaliwang kamay ang isinagot ni Xerez, hudyat na pinatatahimik ito. Tumungo lang ang Guardian at hindi na nagsalita pa.

Ilang saglit pa ay bahagyang bumukas ang pinto at lumabas doon si Max na seryoso ang mukha.

"Sinabi ko kay Jean na maaga kang patulugin, ano'ng nangyari?" maawtoridad nitong tanong nang tumayo sa harapan ni Arjo.

"Di ako makatulog," nakangusong sagot nito.

"Sana pinilit mo na lang. O nag-stay ka na lang doon sa kuwarto."

"Gabi na, a? Bakit nagtatrabaho ka pa?"

Matunog ang buntonghininga ni Max at napakamot na lang ng ulo. "Sinabi ko na sa lahat na busy ako at ayokong maabala, di ba? Aling parte ng 'Ayokong maabala' ang di mo naiintindihan?"

"Sinabi ko lang naman kay Xerez na maghihintay ako rito sa labas hanggang matapos ka. Di ko naman sinabi sa kanyang istorbohin ka. Di na nga ako pumasok sa loob para di mo alam na nandito ako e."

Mariing naipikit ni Max ang mga mata at kakamot-kamot na naman ng ulo. Nakikita nilang stressed na ito at mukhang nagagatungan pa ni Arjo.

"Tsk, naku, Arjo. Kahit kailan talaga, sakit ka sa ulo." Kinuha ni Max ang kanang kamay ni Arjo at saka ito hinatak para makatayo. "Tara doon sa loob. Huwag ka rito. Pati sina Xerez, inaabala mo."

Matapos humingi ng pasensya ni Max sa mga bantay niya, pinapasok na niya si Arjo sa loob ng opisina niyang walang ibang nakabukas na ilaw kundi ang lampshade sa mesa na tambak ng napakaraming papel at ang liwanag ng hindi buong buwan sa bukas na bintana.

"Kailangan kong tapusin yung trabaho ko ngayong gabi," paalala ni Max. "Nakikiusap na 'ko, Arjo. Ayoko ng maingay kasi gusto ko na ring matulog nang maaga." Tinapik niya nang marahan ang likod at itinuro ng tingin ang couch sa kaliwa nila.

Malungkot lang na tumango si Arjo roon. "Opo." Isinubsob niya ang kalahati ng mukha sa yakap na unan at tumungo na sa couch para doon naupo. Pinanood niya si Max na bumalik sa upuan nito, magsuot ng reading glasses, at basahin ulit ang kung ano mang binabasa nito. Gusto sana niyang mag-usisa kaso mukhang seryoso ito sa pakiusap na huwag itong abalahin.

Hindi talaga siya matahimik kahit doon sa kuwarto nila. Pakiramdam niya, malaki ang kasalanan niya rito kaya iniiwasan lang siyang makita buong araw. Pero sinabi naman ng lahat na abala ito dahil nga may dumating na bisita para kausapin ang Fuhrer. Napansin din niya iyon noong namasyal sila ni Jean sa hardin ng Citadel. May mga bagong sasakyang pumarada malapit sa maze ni Nightshade.

Ang sama ng loob niya nitong nakaraang gabi kay Max dahil nga sinabi nitong sasama ito sa accounting lesson niya sa araw na iyon, pero hindi naman nito tinupad ang sinabi. Nakita niyang dumaan ito sa study room pero hindi naman pumasok. Kung masama na ang loob niya kagabi, mas masama ang loob niya ngayon pero hindi gawa ng galit.

Hindi talaga matahimik ang kalooban niya. May kung anong mabigat sa dibdib niya na di niya maipaliwanag kung saan ba nagmumula. Hindi rin naman na siya galit kay Max. Hindi rin siya nagtatampo. Mabigat lang talaga ang loob niya sa mga sandaling iyon.

Ang bagal ng oras sa loob ng opisina at naiinip na si Arjo. Hindi rin siya sanay na tahimik ang paligid kung puwede naman siyang magsalita. Lumipas ang isang oras na katahimikan, at tila mali-mali na ang panimbang ng oras ni Arjo dahil ang inaakala niyang mabagal na oras ay oras na pala ang nagdaan.

Hindi na rin siya nakatiis, lumapit na siya kay Max at nakita sa maliit na digital clock sa mesa nitong pasado alas-onse na ng gabi—at hindi pa rin ito tapos sa ginagawa nito.

"Kuya . . ."

"Jo, ano'ng usapan natin?" sagot ni Max habang nakatuon ang tingin sa mga papel.

Nag-urong ng upuan si Arjo at nangalumbaba sa mesa ni Max. "Kuya, Nag-aral naman ako kanina."

"Bukas ka na magkuwento."

"Nakinig ako kay Railey saka kay Mr. Bach. Marunong na akong mag-analyze ng journal entries. Madali na lang din yung sa math."

"Mabuti. Bumalik ka na sa couch."

"Kuya, galit ka ba sa 'kin?"

Huminto si Max sa pagbabasa at walang ganang tiningnan si Arjo. "Hindi mo ba nakikitang nagtatrabaho ako? Bumalik ka na sa couch bago pa 'ko magalit."

Lalong bumakas ang pagkadismaya sa mukha ni Arjo at tumungo na lang. "Kuya . . ." mahina niyang sinabi, " . . . nalulungkot ako." Matapos sabihin iyon ni Arjo ay tumayo na siya at bumalik na rin sa couch. Kinuha niya ang unan at niyakap iyon nang mahigpit saka nahiga roon.

Hindi niya maintindihan ang bigat ng pakiramdam niya. Sa loob-loob niya, parang may ginawa siyang masama na hindi na niya kayang ayusin pa. Naluha na lang siya nang maalala niya ang papa niya. Kapag kasi mabigat ang loob niya, kahit pa napakababaw ng dahilan, nandoon parati ito. Ni hindi nga niya matandaan kung kailan siya nito pinagalitan nang matindi. Kapag nagagalit sa kanya ang mama niya, patatahanin agad siya ng papa niya. Lahat ng sumbong niya kina Armida at Max, ito ang nakikinig. Kesyo tatawagin siyang magastos o tatawagin siyang bobo. Ito lang ang guardian angel niya sa bahay nila, at lahat ng atraso niya, ito ang sumasalo. Tapos malaman-laman lang niyang hindi pala siya nito tunay na anak.

"Hey."

Mabilis na nagpunas ng mata si Arjo at suminghot-singhot para maalis ang pagbabara ng ilong.

Hindi niya alam kung magaan lang ba siya o malakas lang talaga si Max dahil naibangon agad siya nito. Umupo ito sa tabi niya at kunot-noo siyang tiningnan.

"Alam mong naririnig kita mula ro'n sa puwesto ko, di ba?" sermon pa nito habang pinupunasan ang pisngi niyang kitang-kita ang pamamasa dahil sa liwanag ng buwan. "Ano na namang problema mo?"

"Nami-miss ko na si Papa . . ." mangiyak-ngiyak niyang sinabi rito.

Ang lalim ng buntonghininga ni Max at sinuklay ang malamig na buhok ni Arjo gamit ang daliri. "Miss ko na rin sila ni Mama, pero wala na tayong magagawa."

"Dapat . . . d-di na lang tayo . . . u-umalis sa dating . . . bahay e . . ." utal-utal na sabi ni Arjo habang humihikbi.

Hinawakan ni Max ang likuran ng ulo ni Arjo at idinantay ang mukha nito sa balikat niya. Hinagod niya ang likod nito para patahanin. Hindi niya alam ang sasabihin dito dahil masyadong mahabang paliwanagan pa ang aabutin para lang maintindihan nito na wala na silang bahay na babalikan—lalo pa't pinasabog iyon ng di pa nila kilalang mga tao.

"Tara na doon sa kuwarto. Bukas ko na tatapusin yung ginagawa ko." Inakay na ni Max si Arjo para makatayo at siya na ang nagdala ng tangay nitong unan. Nagdire-diretso lang sila palabas at nakita ang nagtatakang mukha ni Xerez ang bumungad sa kanila. "Pakiligpit ng mesa ko, Xerez. Kaunti na lang naman ang gagawin doon sa amended articles, bukas ko na tatapusin."

"As you wish, milord." Pumasok na si Xerez sa loob ng opisina para sundin ang utos niya.



****



Hindi inaasahan ni Max ang nangyari sa buong araw niya. Nakaligtaan na rin niyang sabihin kay Arjo na may breakfast meeting siya sa Muller Drive na malapit sa Vorotta III ng Citadel. Hindi siya nakapaghanda nang maayos kaya nakipagsagutan siya sa bisita umagang-umaga dahil noong bago siya sumalang sa Kill for Will Tournament ay pinirmahan niya bilang vetoed ang dokumentong dahilan ng meeting. Ipinaliwanag naman niya ang dahilan na may bahagi iyon na ipinagbabawal sa Criminel Credo, pero napagsabihan na naman siya na kung si Richard Zach sana ang kausap nito ay malamang na nagkasundo na sila. At gaya ng parati niyang sinasagot, hindi siya ang papa niya.

Nadagdagan tuloy ang trabaho niya. Sinabihan na lang ito ni Xerez na magpasa ng bagong agreement na may existing amendment para lang matapos ang usapan.

Hindi na maganda ang umaga niya at sinabihan na siya ni Xerez na unahin niya ang trabaho dahil importante ang mga kikitain nila sa araw na iyon. Pero nagpumilit pa rin siya, dumaan pa rin siya sa study room dahil sinabi nga niyang sasamahan niya si Arjo sa klase nito. Napakatahimik sa pasilyo ng fourth floor at ilang Guardian lang ang nakikita niyang dumadaan doon.

Huminto si Xerez sa tapat ng isang maliit na pinto—o tipikal na sukat ng alam niyang itsura ng pinto. Naging maliit lang sa paningin dahil lahat ng pinto sa Citadel ay matataas.

Paghintong-paghinto niya sa tapat ng pintong iyon na akmang bubuksan na ni Xerez . . .

"He used to call me stupid and slow . . ."

Nagtaas ng kamay si Max para pahintuin si Xerez sa pagbukas ng pinto. Natanaw niya si Arjo na nakayukyok ang ulo sa mesa at halatang hindi nga nag-aaral.

"I already know he's smart and he can understand more than I could. And I'm far from him. His intellectual capacity is almost beyond our parents. He doesn't care about my feelings. He'll hate me more."

Napahugot ng hininga si Max at tinanaw na lang si Arjo sa clear window ng pintuan.

"Milady, we have our own ways of showing that we care about the person we love. And I'm hoping you will understand what the Fuhrer is doing for you to have a better life."

"This is far from better, Railey."

Sa wakas, nakita na ni Max ang Railey na tinutukoy ni Arjo. Nakasuot ito ng itim na suot gaya ng normal na uniporme ng mga Guardian. Natural na dilaw ang buhok nito, matangkad, maganda ang kaha ng katawan. Base sa anggulo nito na natatanaw niya, napakatangos ng ilong nito at mestizo rin. Magandang lalaki nga, tama si Arjo. At kung ang pagbabasehan niya ay ang panlasa ni Arjo sa lalaki, hindi na siya nagtaka kung bakit panay ang tili nito sa bawat kuwento nito.

"Our whole family died in front of us. We haven't got a chance to mourn for them. It's hard for us to go back to how we were before we ended up here. He's not even my real brother. And now, I'm married to him. This is not the better life I'm looking forward to."

"Tutuloy pa ba kayo, milord?" tanong ni Xerez.

"Saglit."

"I'm in no position to side, but Lord Maximillian is doing his best to protect you. You may not see nor feel it for now, but we all know his efforts in keeping you safe from harm. It's not an easy task for him because he has a lot of priorities."

"Then he should focus on those priorities, not on me."

Ilang saglit pa ay nagkasalubong sila ng tingin ni Arjo at napailing na lang siya rito.

"Tara na." Tumalikod na lang siya at imbis na tumuloy ay pumunta na lang siya sa opisina para ituloy ang sinadya niyang iudlot na trabaho.

Habang naglalakad pabalik sa opisina, nabalisa siya sa lahat ng narinig mula kay Arjo. Pakiramdam niya, lahat ng ginagawa niya, kulang pa. Na kahit gaano pa kagara ng Citadel, na kahit nakakahiga ito sa napakalambot na kama, na kahit nakakakain ito nang higit pa sa limang beses sa isang araw, na malaya itong nakakapamasyal sa lugar kung saan dapat ay nakakulong siya sa iisang maliit na glass chamber—lahat ng iyon, hindi pa sapat. Hindi sapat dahil hindi iyon ang buhay na gusto nito—o sabihin nang gusto nilang dalawa para sa buhay nila.

Hindi niya maiwasang isipin na kahit napakarami nilang pera, hindi pa rin sapat ang lahat ng iyon para maibalik ang lahat ng nawala sa kanila.

Walang salapi ang kayang magbalik sa mga magulang nila sa panahong iyon. Walang kapangyarihan na may kayang magbalik ng dating buhay nila. At kahit isang baul pa ng kayamanan ang ialay niya kay Arjo, hindi pa iyon sapat dahil hindi naman iyon ang kailangan nito. Dahil gaya niya, handa siyang iwan ang Citadel, maibalik lang ang dating buhay nila. Kaso imposible na.

Buong araw siyang nasa meeting. Sinabi na niyang huwag munang palalapitin si Arjo sa opisina niya dahil sa problema nitong umaga.

"Milord, sinabi ni Mr. Inrich na maghihintay siya hanggang ngayong araw ng sagot mula sa inyo," paalala ni Xerez habang nagkakalkal siya ng mesa kung nasaan ang agreement ng ka-meeting niya.

"Nakalagay sa note ko sa agreement na hindi nga puwede ang gusto niyang porsyento. That's 65 percent, and that's too much for the bidding. Alam mo naman 'yon, di ba?"

"Yes, milord. Naipaliwanag ko na."

"Ipipilit pa niyang papayag si Papa kung 'yon ang kausap niya. E nasa rejection counter nga lang sa mesa ni Papa yung kontrata." Nahinto lang siya nang makita ang hinahanap na papeles sa tambak pang mga papeles doon. Mabilis niyang binasa ang laman ng mga pahina at nakita ang mga isinulat niya roon. "Ipakita mo 'to. Nakalagay dito na pipirmahan ko ang kontrata base sa ceiling amount. That's 40 percent of the total percentage and that's final. Kung hindi siya papayag, then it's a no." Iniabot niya ang dokumento kay Xerez. "Yung 15 percent, payment 'yon sa mga agent na magtatrabaho para sa kanya."

"Pero pinipilit niya na malaki naman ang porsyento ng Citadel kaya sa atin na ibawas ang bayad sa mga agent."

"Kaya nga ni-reject ang kontrata. Sabihin mo sa kanya, kung hindi siya papayag, kumuha siya sa ibang organization. Or dumirekta siya sa mismong association. 'Yon ay kung gusto niyang mapamahal lalo dahil kukuha pa ng approval sa 'tin ang pupuntahan niya. Baka nakakalimutan niyang sakop ng Citadel ang lugar na gusto niyang linisin."

Nginitian na lang siya ni Xerez kahit na inis na inis na siya sa ka-meeting. Napailing na lang si Max dahil higit na mas alam ni Xerez ang gagawin doon kaysa sa kanya. Halatang tinitingnan lang nito kung ano ba ang gagawin niya kung siya ang naroon sa posisyon. At mukhang nakita nito ang gusto nitong makita.

Nagpatong-patong ang trabaho ni Max kahahanap ng bahagi ng Criminel Credo na mababanggit ang sagot ukol sa rejection na ginawa niya. Kung noon ay makalat na ang mesa niya, mas lalong kumalat pa iyon.

May mga araw talagang marami siyang libreng oras, may mga araw na kulang ang 24 hours para sa trabaho niya. Pakiramdam niya, hindi siya naubusan ng babasahin. Wala siyang ibang ginawa kundi magbasa, makipagsagutan sa binabasa, at gaya ng araw na iyon, tao na ang kasagutan niya. Ni hindi na nga niya namalayang gabi na kung hindi pa dumilim. At hindi rin niya malalamang malalim na ang gabi kung hindi pa siya kakatukin ni Xerez para sabihing nasa labas si Arjo at naghihintay sa kanya.

Wala sana siyang balak labasin kung hindi lang niya naisip na kung may balak iyong mangulit, hindi sana si Xerez ang pumasok para sabihan siya. May ugali pa naman ito na kahit sabihin niyang huwag itong papasukin sa opisina niya, papasok at papasok pa rin ito habang ginagamit ang pangalan bilang asawa ng Fuhrer.

Matapos makapagbihis ng pantulog, tiningnan lang niya si Arjo na malungkot na nakaupo sa gitna ng kama.

"You better sleep now," sabi niya rito. Hindi pa siya makakahiga dahil basa pa ang buhok niya kaya binalikan na lang niya ang journal ni Armida Zordick para basahin ang laman niyon. Kahit paano ay nagkaroon siya ng ideya tungkol sa sinasabi ni Olive na gumawa siya ng journal dahil nakalagay sa journal na iyon ang lahat ng activities ni Armida noong ipinagbubuntis siya nito. Nandoon ang lahat ng naramdaman nito, mga pagbabago sa katawan, mga hinahanap na pagkain—at hindi pagkain; oras ng tulog, at sleeping pattern.

Nandoon din nakalagay ang ilang detalye ng kasunduan na Armida Josephine Zordick ang ipapangalan sa anak ni Armida kapag babae. Maximillian Joseph Zach naman kapag lalaki. At maraming umaasang babae ang panganay na anak nito. Hindi tuloy alam ni Max kung ano ang mararamdaman dahil lalaki siya. Pero nakalagay naman doon na kung si Armida ang papipiliin, gusto nitong maging lalaki ang anak nito. Pakunswelo na rin sa pakiramdam niya bilang panganay at kaisa-isang tunay na anak ng mag-asawa.

Napangiti siya nang mabasa ang mga salitang: "This kid always make me cry. I guess I'm having an onion child," at "Fuck this mood, I want to punch the father of this small human," kasunod ang "You lucky son of a gun. We're having a Zach. Don't give me a headache once you grow up, Soldier. I won't hesitate to throw you out of the house in the middle of the night once I heard you cry. You got the wrong mother to mess with."

Napapailing na lang si Max nang maisip na kaya hindi siya sanay na umiiyak. Hindi pa man siya lumalabas sa tiyan nito, pinagbabantaan na siya.

Paglipat niya sa kabilang pahina, nakalagay roon ang mga salitang nagpaalis ng ngiti sa labi niya.

"Project ARJO, Trial 10. Sample: died after 13 hours."

"Project ARJO, Trial 11. Sample: died after 21 hours."

"Project ARJO, Trial 12. Sample: died after 8 hours."

"Project ARJO, Trial 13. Sample: died after 40 hours."

Note: Spotting occured for the first trimester.

**This is fucking alarming. I never fear this fucking blood until now.

I'm gonna kill those fucking sons of a bitch once this kid dies. The audacity to come after me.

Hinawakan pa nang marahan ni Max ang maliit na mantsa ng dugo sa pahinang iyon. Tiningnan pa niya ang ibang pahina at puro record lang ng Project ARJO trial period at kung ilang sample ang namatay nang wala pang buwan ang tagal.

Nagbuntonghininga na lang siya at inawat ang sariling magbasa. Pagsilip niya kay Arjo, nakaupo pa rin ito sa higaan at hindi pa humihiga. Alas-dose na rin nang tingnan niya ang relo. Nilapitan na niya ito at nagtanong.

"Bakit hindi ka pa natutulog?"

Malamya itong lumingon sa kaliwang gawi nito, hindi man lang nag-angat ng tingin para makita ang mukha niya. Sumampa siya sa kama, sumilid sa ilalim ng kumot, at ginaya ang pagkakaupo ni Arjo.

"How's your day?" tanong ni Max dahil hindi sila magkasama buong maghapon. Nakakapanibago sa kanya dahil palaging nagkukuwento si Arjo ng araw nito kahit hindi naman niya tinatanong—mga tanong na madalas nilang pag-awayan kung tutuusin.

Isinubsob lang ni Arjo ang bandang bibig sa kumot na nakabalot sa tuhod niya na pinagpapatungan niya ng braso.

"Mukhang mabait yung Railey," sabi na lang ni Max habang iniipit ang hibla ng buhok ni Arjo sa likod ng tainga nito. "Do you enjoy your class?"

"Pumunta ka ro'n kanina, bakit hindi ka pumasok?" malungkot na tanong ni Arjo.

"Kasi may trabaho nga ako. Sinabi naman ni Xerez, di ba?"

"Nag-aaral naman akong mabuti ngayon."

Napahawi ng natuyo nang buhok si Max at hindi sinagot iyon. Bigla na naman niyang naalala ang mga narinig niya sa study room. Lahat ng narinig niyang hinanaing ni Arjo sa kanya. Ang lalim ng buga ng hangin at inugoy-ugoy ang sarili sa pagkakaupo.

"I . . ." Nag-alinlangan pa si Max sa nais sabihin. "I'm trying my best to give you everything. Though we both know, I can't. Hindi ko maibabalik sina Papa. Ultimo phone, hindi ko maibigay sa 'yo rito sa Citadel. And . . ." Isa na namang buntonghininga. "Hindi ko rin alam kung ano'ng nangyari sa 'tin. I'm really sorry if I'm not enough—if all of these are not enough."

Noon lang sinulyapan ni Arjo si Max. Damang-dama niya ang bigat ng salita nito. Nakatingin lang ito sa direksyon ng pinto na para bang naroon ang kausap nito at hindi sa tabi.

"Galit ka ba sa 'kin, Kuya?" Noon lang siya nilingon ni Max.

"Saan mo naman nakuha 'yan?"

"Kasi lagi mong sinasabing sakit ako sa ulo mo."

"Totoo naman."

Lalong nadismaya si Arjo at nakasimangot na isinubsob ang mukha sa tuhod. Akala pa naman niya, pagagaanin ni Max ang loob niya at sasabihing hindi totoo iyon.

"I'm not mad at you, okay?" sabi na lang ni Max sa mahinahong tinig. "Kilala mo naman ako. Alam mo kung kailan ako galit at kung kailan hindi."

"Siguro nagpapasalamat kang hindi tayo naging magkapatid."

"Siyempre. Pansin mo, kami lang ni Zone yung matalino kasi kami lang yung anak ni Papa."

Naiinis na tingin ang ibinato ni Arjo kay Max dahil napakabilis nitong sumang-ayon sa sinabi niya, ginatungan pa ng masakit na katotohanan.

"Napakasama mo talaga, Kuya." Sumuko na rin si Arjo dahil hindi talaga siya pinatawad ni Max. Binalot na lang niya ang sarili ng kumot at namaluktot. Masama na nga ang loob niya, hindi pa rin siya pinaligtas sa matabil na dila nito. Puwede namang hindi na sabihin na hindi siya tunay na anak, pero ipinilit pa sa usapan nila.

Nakaramdam siya ng paggalaw sa likuran at mukhang humiga na rin ang katabi niya. Pipikit na sana siya nang maramdaman ang brasong yumakap sa kanya.

"Guess, that Railey is not enough to make smile today," mahinang sabi ng boses sa likuran niya.

Halos putulin ng tanong na iyon ang hininga ni Arjo at pakiramdam niya, nag-akyatan lahat ng dugo niya papunta sa mukha. Ni hindi na niya magawang makagalaw dahil para bang mabigat na bagay na nakadagan sa kanya ang braso ni Max.

"Wala kang bagong crush ngayong araw?"

"Bakit ka nagtatanong?" pabulong nang sabi ni Arjo dahil halos kumawala na ng puso niya sa sariling dibdib.

"Kasi hindi ka maingay ngayon."

"Ayaw mo ng maingay ako, di ba?"

Naramdaman na lang niya ang buntonghininga ni Max sa bandang tainga niya.

"Hindi pala kompleto ang araw ko kapag hindi ko narinig yung ingay mo." Lalo pang humigpit ang yakap nito sa kanya. "Wala. Na-miss lang kita."

Saglit na nagulat si Arjo at mabilis na lang na pinalobo ang pisngi para pigilan ang pagngiti. Inilipat niya ang kaliwang braso niya sa ibabaw ng braso ni Max at ipinatong ang palad sa ibabaw ng kamay nito, saka isinilid doon ang mga daliri niya sa pagitan ng mga daliri nito.

Hindi naging masaya ang buong araw niya pero iyon lang ang sumapat para buuin ang akala niya'y hindi na mabubuo pang gabi niya.

----

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top