16: Hwong

Matapos ang almusal, agad na dumiretso sina Max at Arjo sa gym sa likod ng Nightshade's Maze sa Citadel. At dahil kailangang manatili sa loob ng kastilyo nina Jean at Seamus, sina Xerez at Sav lang ang may access sa gym na iyon na kasama nila. Naka-training pants ang dalawa at sweatshirt. Malaki ang gym, sinlaki ng isang buong basketball court. Kompleto sa mga gamit at naroon sila sa malaking asul na mat para mag-sparring. Katatapos lang nilang mag-stretching at akala talaga ni Arjo, simpleng exercise lang nila iyon sa umaga.

"Kuya, kailangan ba talaga 'to?" tanong ni Arjo habang binabalutan ni Max ng benda ang kamao niya. "Tinatamad akong mag-practice e."

Nagsalita nang mahina si Max na hindi maririnig ng mga nagbabantay sa kanilang Guardian. "Jo, kailangan mo 'to. Kapag wala na 'ko, wala nang poprotekta sa 'yo. Dapat kaya mong lumaban ditong mag-isa."

Napa-angat ng tingin si Arjo at tinatantiya kung anong ibig sabihin ni Max na kapag wala na ito. "Saan ka pupunta, Kuya?"

Isang mahinang tampal na naman sa noo ni Arjo at seryoso ang tingin ni Max dito. "Sumunod ka na lang." Tinapos niya ang pagbebenda sa magkabilang kamao ni Arjo saka niya iyon itinaas.

"Gayahin mo 'ko." Ipinorma ni Max sa harapan ang magkabilang kamao na akmang pasuntok. Ginaya naman iyon ni Arjo, nagtaas din ito ng kamao.

"Ayos ng tayo," utos ni Max at sinipa pa paurong sa labas ang mga paa ni Arjo para maghiwalayan. "Iatras mo nang kaunti yung kanan." Sinunod naman iyon ni Arjo.

"Okay na 'to, Kuya?" inosenteng tanong ni Arjo habang nakasilip sa mukha ni Max.

Nag-isang tango lang si Max habang focused pa rin sa porma ng katawan ni Arjo kung saan pa ang kailangang ayusin. "Ayos na 'yan. Now, I want you to punch me."

"Ha?" gulat na tanong ni Arjo. "Bakit?"

"Sumunod ka na lang."

Saglit na napahilig sa kanan ang ulo ni Arjo at nag-isip kung bakit niya kailangang suntukin si Max. Sinunod naman niya iyon at sinuntok ito. Nasalo naman ng kanang palad ni Max ang suntok niya.

"Good," sabi ni Max. "Isa pa."

Sumuntok ng isa si Arjo. At nagsunod-sunod iyon habang inuutos ni Max na lakasan niya.

"Kuya, ayoko na!" reklamo ni Arjo dahil nabuburyong na siya kasusuntok sa palad ni Max. Nakasimangot siyang tumalikod at tumungo kay Sav na dala-dala ang water jug nila. "Sav, pahingi nga ng tubig."

Tumungo lang ang Guardian at inabutan siya ng hinihingi niya. Nag-abot din ito ng puting face towel para mapunasan niya ang pawisang mukha.

"Bilisan mo diyan, hindi pa tayo tapos," sabi ni Max at sumilip sa malaking digital clock na nasa itaas lang ng pintuan ng gym. Halos isang oras na rin silang naroon.

"Xerez, sabihin mo nga kay Kuya, babalik na 'ko ng Citadel," utos ni Arjo sa Guardian Centurion.

"Lady Josephine, ginagawa ito ni Lord Maximillian para sa ikabubuti ninyo," sagot ni Xerez.

"E napapagod na 'ko e!" nakangusong sagot ni Arjo habang nakasimangot.

"Tagal pa ba niyan?" iritang tanong ni Max.

"Kuya kasi, ayoko na! Nakakapagod!"

"Wala ka pa ngang ginagawa, napapagod ka na?"

"Ang dami ko na kayang ginawa! Nakasampung suntok na kaya ako sa 'yo! Para na nga 'kong babagsak e!"

"Kapag ako sumuntok sa 'yo, talagang babagsak ka. Lumapit ka rito." Nagmuwestra pa ng kamay si Max na lumapit si Arjo sa kanya.

"Kuya, ayoko na nga kasi!" Nagpapadyak pa si Arjo dahil sa inis.

"Titigil tayo kapag napabagsak mo na 'ko. Tara na rito, bilis!"

"Ano ba 'yan?" Uungot-ungot si Arjo na nagmartsa papalapit kay Max. "Kuya, nandiyan naman sina Xerez e! Sila na lang labanan mo! Di ko kaya 'to e!"

"Kapag ako ang nakalapit sa 'yo, hindi ka na makakalabas ng kuwarto mo kahit na kailan."

"Eeeeh! Ang sama mo talaga, Kuya!" Marahas na kumamot ng ulo si Arjo habang simangot na simangot. "Matagal pa ba 'to? Ano'ng gagawin?"

"Arjo, umayos ka. Hindi para sa 'kin 'to. Para sa 'yo 'to."

"Ayoko nga kasi ng ganito. Napapagod ako."

Biglang itinulak ni Max ang noo ni Arjo na may sapat nang lakas para paatrasin ito nang isang hakbang. "Alam mo bang ten years akong pinag-training ni Mama bago ko siya napabagsak? Gusto mong paabutin ng sampung taon 'to?"

Lalong lumakas ang pagkamot ni Arjo sa ulo. "Para saan ba kasi talaga 'to, Kuya? Kuhanan mo na lang ako ng bodyguard!"

Napailing na lang si Max. Wala nang pag-asa si Arjo. "Kapag naabutan kita, pasensyahan tayo, sasabihin ko kay Xerez na ikulong ka ulit sa laboratory."

Nanlaki ang mga mata ni Arjo at mabilis na tumakbo nang humakbang na si Max. "Kuyaaaaa!" tili ni Arjo habang tumatakbo ng mabilis. "Ayoko na kasiiiii!"

Seryoso lang si Max nang habulin si Arjo sa palibot ng malaking mat. "Kapag nahuli kita, magpaalam ka na sa mga crush mo rito!"

"Kuya, ayoko na! Napakasama talaga ng ugali mo!"

Mabilis na lumiko sa kanan si Max para salubungin ang pagronda ni Arjo sa mat. Nang magtatama na ang direksyong tinatahak nila sa pagtakbo, kitang-kita niya ang panlalaki ng mata nito at malakas na prumeno saka biglang pumaling pakaliwa upang sikuhin siya. Mabilis niya iyong sinangga ng kaliwang kamay at noon lang siya napahinto sa pagtakbo.

Pumaling na naman si Arjo sa kanan para umatake ng suntok sa mukha ni Max. Mabilis ding iniwasan iyon ng lalaki at umunday ng suntok patungong ibaba ng dibdib ni Arjo. Walang hirap iyong tinapik ng kaliwang kamay ng babae at matapos niyon ay magkasabay na magkasabay nilang nakuha ang leeg ng isa't isa habang nakaangat ang magkaparehong kamay sa hangin-nakakuyom ang kamao ni max habang nakalapat naman ang palad ni Arjo.

Napakatalim ng tingin nila sa isa't isa at nasa intensyon ang makapanakit habang hinahabol ang hininga.

"You think you can fight me?" tanong ni Arjo sa mabigat na tinig.

Biglang lumuwag ang pagkakahawak ni Max sa leeg ni Arjo nang marinig iyon. Saglit na nanlaki ang mga mata niya dahil sa gulat pero mabilis ding napalitan ng pagkunot ng noo. Unti-unting lumayo si Arjo at napailing na tila ba nagtataka sa nangyayari.

Mukhang nahimasmasan na ang dalawa sa naging habulan at mabilis na napalitan ng katahimikan ang kaninang sigawan nila. Takang-taka si Arjo habang nakatitig sa mga kamay niya. May bakas ng dugo sa mga kuko niya kaya siya napahinto sa paglalakad.

"Kuya?" pagtawag niya rito paglingon niya. Sinundan lang niya ito ng tingin habang naglalakad ito papalapit kina Xerez.

Mabilis itong dinaluhan ni Xerez at nauna nang punahin ng Guardian Centurion ang sugat sa leeg nito. Nakikita ni Arjo habang papalapit siya kay Max na pinahid pa nito ang daliri sa leeg at sinilip iyon kung may dugo nga.

"Hayaan mo na," sabi ni Max nang makalapit si Arjo.

"Milady," pagtawag ni Sav at inabot ulit ang tuwalya sa kanya.

"Xerez, gusto kong makausap si Olive mamaya. Papuntahin mo sa opisina ko after lunch," utos ni Max habang tinatakpan ng tuwalya ang leeg niya.

"Masusunod, milord."

"Saka pakisabihan si Ivan na dadaan ako sa opisina ni Mama pagkatapos natin dito."

"Masusunod, milord."

Noon lang ulit nilingon ni Max si Arjo. Puno ng pangamba ang tingin nito, nag-aalala sa kung ano mang nangyari sa naging habulan nila.

"That's not you," sabi na lang ni Max sa mabigat na tinig. "And whatever-or whoever-that was, if she can protect you from anybody, I'm hoping she'll do it until your final breath."


****


Hindi na tinapos ni Max ang training sana nila ni Arjo para turuan ito ng basic self-defense. Kung tutuusin, malinaw na sa kanyang kaya siyang higitan ni Arjo. Hindi pa sila seryoso sa lagay na iyon pero bumakas na sa leeg niya ang patunay. Naligo na lang ulit siya at pinalinisan ang mga bakas ng kuko sa leeg niya saka sinabihang kailangan nang mag-aral ulit ni Arjo. Gaya ng inutos niya, tumungo nga siya sa opisina ni No. 99, at si Ivan na ang Guardian na nagbantay sa kanya mula roon.

Kay Cas pa lang ang napapasok na opisina ni Max at kay Labyrinth, maliban pa sa opisina ng papa niya na opisina na niya ngayon bilang Fuhrer. Ayaw niyang pumapasok sa lugar ng mama niya dahil nasanay siyang hindi pinapapasok sa alinmang lugar na pinagtatrabahuhan nito. Basta ang alam lang niya ay bawal pumasok doon kung ayaw niyang may makitang hindi niya gugustuhing makita.

Kung noon, iniisip niyang may sariling refrigerator ng mga bangkay ang opisina ng mama niya kaya nito iyon nasabi; ngayon, alam na niyang walang ganoong bagay roon pero sigurado siyang may makikita siya roon na hindi niya dapat makita.

"Milord, tawagin n'yo na lang ako sa labas kung may kailangan kayo," sabi ni Ivan nang pagbuksan siya ng malaking pinto.

"Sure, thanks," tugon ni Max at tumango na lang saka naiwan sa malaking silid na iyon.

Hindi na siya nagtaka kung puno ng medalya at trophy ang malaking opisina na sinlaki rin ng opisina ng Fuhrer. Walang ibang nasa loob kundi siya lang ngunit pakiramdam niya ay maraming matang nakatingin sa kanya. Malawak din iyon, at kung susumahin ay halos isang buong tennis court din ang lawak. Nakabukas ang bintana roon na para bang may nagtatrabaho pa rin doon kahit wala na. Unang bumungad ang malaking crest ng mga Hwong na nakaburda sa pulang tela. Ulo iyon ng leon at may disenyong gintong ulap sa paligid. Sa ibaba niyon ang isang glass table na pinapatungan ng mga nakasalansan na display at ang name plate sa harapan ay naka-imprinta ang pangalang Hwong Yoo-Ji.

"Seja-jeoha?" pagbasa niya sa ibaba ng pangalan nito. Ilang salita lang ang pamilyar siya kaya hindi niya alam kung ano'ng ibig sabihin niyon. Pero naisip niyang may translator naman siyang mga Guardian at may phone din siyang magagamit para alamin ang sagot niyon.

Pagtingin niya sa kaliwa, gaya ng ibang opisina, puno ng trophy roon-napakaraming trophy. Nilapitan niya iyon at tiningnan isa-isa.

Halos lahat puro sports. May archery, may fencing, may swimming, may taekwondo, may wu-shu. Sa sobrang dami at sunod-sunod na taon, hindi na niya naisa-isa dahil siguradong magtatagal siya. Binalikan niya ang mesa at naupo sa executive chair doon. Malambot doon at komportable. Kung mesa man iyon ng lolo niya, nakapagtatakang hindi man lang kumunat ang lambot ng cushion.

Nagbukas siya roon ng isang drawer sa kaliwa at nakitang kahit ang mga laman niyon ay hindi nagalaw. Puro envelope ang sa itaas na hindi na niya inilabas lahat per kinalkal niya hanggang ilalim. Sinunod niya ang nasa ilalim at puro pa rin envelope. Halos lahat, mga memo mula sa Citadel. Karamihan ay naibigay bago pa siya ipanganak. Pumaling siya sa kanang drawer at lalo pa siyang dumikit doon para magkalkal.

May kinuha siyang picture na may kalumaan na dahil sepia pa ang quality ng larawan. Pamilyar ang background. Kamukha ng isang hardin sa dulo malapit kung saan sila ikinasal ni Arjo. Nasa gitna ang isang lalaking matipuno, nakasuot ng salamin, nakasuot ng fitted na berdeng T-shirt na naka-tuck in sa cargo pants na pinaresan ng boots. Mukha itong sundalo. Nakatali ang may kahabaang buhok at malapad ang ngiti habang nakapatong sa kaliwang balikat nito ang isang batang babae. Matamis ang ngiti ng batang nakasuot ng magarang bestida. Mukha itong munting manika at mukhang dalawang taon o mas mababa pa ang edad. Hindi pa kompleto ang ngipin niyon at dadalawa lang ang nasa harapan itaas at ibaba pero napangiti siya sa tamis ng ngiti nito.

Tiningnan niya ang likod ng picture at nakalagay roon ang 'Yoo-Ji & Evari" na hindi pa rin nangungupas ang sulat. Napangiti na lang din si Max. Lolo niya at mama niya pala iyon. Bigla ring kumunot ang noo niya habang nagtataka dahil iyon ang dalawa sa kinatatakutang assassin na naglingkod sa Citadel. Pero kung ang pagbabasehan ang picture, walang makapagsasabing nakaparaming napatay ng dalawa. Mukha lang simpleng sundalo si Hwong Yoo-Ji na nakikipaglaro sa anak nitong maliit.

May kinuha na naman siyang isang picture na nakailalim sa nauna at picture naman ng isang babaeng nakasuot ng bestidang puti na hanggang talampakan ang haba. Balot ng pink na blazer ang itaas na bahagi ng katawan nito habang karga-karga ang kaparehong baby sa naunang picture. Kahit ang background iisa rin. Mukhang nagsalitan lang ng hawak sa bata.

Malaki talaga ang pagkakahawig ng mama niya sa Lola Cassandra niya. Ang kaibahan lang, nakuha ng mama niya ang mata at ngiti ng lolo niya.

Tiningnan niya ang likuran niyon at may nakasulat doon. Ang kaso nga lang, hangul iyon kaya hindi niya mabasa nang maayos. Kinuhanan lang niya iyon ng picture gamit ang phone at ipinadala kay Xerez sa email para ipa-translate.

Ibinalik na rin niya ang picture sa drawer at tiningnan ang iba pang drawer sa ibaba. Pulos envelope na naman at ilang mga dry seal na ang naroon.

Isang buntonghininga at napatingin siya sa kaliwa. May isa ring office table doon na nilapitan niya rin para i-check.

Armida Evari Zordick. Walang Hwong na idinikit sa apelyido nito, gaya ng kaso ni Arjo. Nakalagay lang sa ilalim na Hwong descendant at mga titulo nitong halos hindi na magkasya sa plate.

Ibinalik ni Max ang tingin sa mesa ni Hwong Yoo-Ji, kasunod ay mesa ni Armida Evari Zordick. Ang buong akala niya, kapag may bumaba sa posisyon na Superior, nililinis na ang mesa nito para palitan ng gamit ng hahalili. Pero naisip din niya na hindi rin siguro pumayag si Armida na linisin at itapon ang mga gamit ng lolo niya kaya kahit matagal na itong pumanaw, walang gumalaw roon sa sarili nitong mesa.

Katulad sa naunang mesa, nagkalkal na naman si Max. Malinis din ang mesa ng mama niya at displays lang ang naroon. Ang kaibahan lang, naroon ang family picture nila-sila lang tatlo. Natatandaan niya ang kuhang iyon. Anim na taon siya at katatapos lang niyang makilala si Josef.

Sa picture na iyon, lahat sila ay nakangiti. Para bang napakasaya nilang pamilya. Maganda ang ngiti ng papa niyang naka-formal tux, si Armida naman ay naka-red gown, at siya naman ay naka-formal suit din pero red and black vest lang ang nakapatong. Iyon ang araw na may pictorial sila sa isang magarang mansyon na pagmamay-ari ng mama niya at pinangingiti siya kahit ayaw niya. Ang panuhol pa ni Armida sa kanya ay bibilhan siya ng laruang eroplano. Nakuha naman niya ang gustong eroplano bilang laruan, isang Cessna Mustang na kayang magsakay ng limang tao. Madali namang kausap ang mama niya.

Habang inaalala niya, kahit sino yatang nasuhulan nang ganoon, tatamis ang ngiti.

Nagbukas siya ng mga drawer. At hindi gaya sa drawer ni Hwong Yoo-Ji, ang laman lang ng mga lalagyan ay pulos alahas. May box ng kuwintas, may box ng singsing, may box ng pulseras. May mga nakalakip naman doong notes. At halos lahat galing kay Richard Zach. Mga birthday gift. Sa tagal nilang magkakasama, ang alam lang niyang regalo ng papa niya sa mama niya ay ito ang nagluluto ng pagkain. Walang mintis iyon kada birthday ng mama niya. Kung magregalo man ng materyal na bagay, madalas bagong damit dahil hindi nag-sho-shopping si Armida.

Kung titingnan ang mga nasa drawer, kaya na iyong isangla at makakabili na ng isang bahay at lupa ang kada alahas.

Sa huling drawer lang siya natigilan dahil may itim na journal doon na naka-emboss ang pangalang Zordick.

Binuklat niya iyon at binasa ang unang page.

Project RYJO.

Herring's Eyes.

Anjanette Malavega.

Marami pang nakasulat sa ibaba na binura.

Mabilisan niyang binulat ang journal.

Parang notebook niya sa architecture ang binabasa niya. May mga formula ring nakasulat doon na hindi pa niya maintindihan. Sa ilang buklat niya, napahinto lang siya sa isang pahina kung saan may naka-illustrate doon na mapa gaya ng mapa na naka-tattoo sa likuran niya. Sa itaas ng page nakalagay ang mga salitang 'Vault Map' sa ibaba niyon nakasulat ang maliit na mga salitang 'pass: 8829' katabi ng E. Hill-Miller na pangalan.

"Milord, pinasasabi ni Olive na papunta na siya sa opisina ninyo," narinig niyang paalala sa labas ng opisina.

Mabilis na isinara ni Max ang journal at ang drawer. Doon na lang niya sa opisina niya babasahin ang laman niyon.

Nakalabas na siya ng opisina ni No. 99 nang makitang nag-reply na pala si Xerez sa email at na-translate na nito ang ibig sabihin sa likod ng picture.

Xerez:

This is the translated text, Lord Maximillian:

For my life savers,

My clan spent their years warding me off from having a family, for they know that fate made a curse in me and told my father that my own blood will take my life and bring me back to ashes.

Living my life as a merciless killer, my dead spirit was revived by your smiles, and will never regret selling my own soul to the devil to feel love again. Fate won't take its toll on me if it wasn't destined to happen.

You're the best thing that had ever happened to my sorrowful life. And if one day, one of you will open the gates of hell for me, I'll be the one to keep it close until heaven let you pass without judgment.

I will never forget the day when God gave me you.

Yoo-Ji


---

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top