15: Eyes of the Liars

A/N: Alam n'yo bang sa original version, tatlong chapter na lang ang natitira tapos ending na hahaha at dahil wala pa tayo sa kalahati, malamang na mapaparami tayo ng chapters ngayon. So, ayun. Sa mga nagba-backread na lang, alam na ninyo kung bakit bawal nang maikasal si Arjo sa ibaba hahaha (spoiler alert sa mga new reader). Saka para sa kuwento ni Josef about Herring's Eyes, nabanggit niya ito kay Laby sa book 3 (The Foxy Slayer) chapter: The Curse of the Herring's Eyes. Na-shookt din ako nang mag-meet sa wakas yung details ko hahaha di ko ine-expect dahil lutang pa rin ako sa revision since bagong book na rin ang labas. You can backread sa book 3 kung gusto n'yo lang for short recap ^___^

And for the nth time, sasabihin ko ulit: hindi ko po pinatay sina Josef at Armida sa revision.

That's all, tengkyooow!

----





Nagsimula na ang araw ni Max sa pantry pa lang kaya kailangan na niyang gisingin si Arjo. Mahimbing pa rin ang tulog nito kahit sumikat na ang araw. Binubuksan lang ang bintana kapag nakalabas na sila pero siya na ang nagbukas niyon para gisingin ito gamit ang sinag ng araw.

Mataas ang bintana ng silid ng Fuhrer. Halos kapantay na ng second floor nila sa dating bahay at makapal ang velvet na asul na kurtina. Tatlo-tatlong maid ang humahatak niyon at talagang kailangan nga ng maraming kamay sa paghatak lang ng makapal na tela. Napakabigat pa naman niyon kaya hindi lang pala paglakad sa pantry ang paunang ehersisyo niya. Talo pa niya ang bumuhat ng isang kaban sa paghahatak pa lang. Pasalamat na lang talaga siyang pinahirapan siya noon ni Armida Zordick sa pagpapalakas ng braso, kung hindi ay talagang manonood lang siya sa mga taga-Citadel kahit sa pagbubukas lang ng simpleng bintana.

"Arjo, bumangon ka na," utos niya nang gapangan ng liwanag ang mukha nitong nakapaling sa direksyon niya.

Bigla itong sumimangot nang masilaw. "Kuyaaaa . . ." ungot nito at nagtalukbong ng kumot sa mukha.

"We're going to practice today," sabi ni Max at hinatak na ang kumot sa mukha ni Arjo. "Come on, get up." Kinuha niya ang kamay ni Arjo at hinatak ito patayo. Napalakas pa ang hatak niya dahil di-hamak na mas mabigat pa ang kurtina kaysa rito.

"Aray, Kuya!" reklamo ni Arjo nang halos maitayo na siya ni Max sa lakas ng hatak nito sa kanya. "Tatanggalan mo ba 'ko ng braso?"

"Pinatatayo ka na kasi, dami pang inarte," inis na sinabi ni Max at inalalayan na lang si Arjo na makababa ng kama. Magulo na nga ang maikling buhok nito, lalo pa iyong ginulo. Lalong nagmumukhang kakutis ng multo si Arjo nang matapatan ng liwanag ng pang-alas-sais na araw.

"Aga mo namang magising, Kuya," reklamo nito habang kamot ang ulo at dumiretso na patungong banyo.

Ganoon kadalasan ang umaga nila. Siya na ang gumigising rito dahil hindi basta pinapapasok si Jean sa loob ng kuwarto ng Fuhrer dahil si Seamus pa lang ang butler na may pahintulot na makapasok doon. Kung nasa ibang kuwarto si Arjo ay ito ang madalas gumising rito.

Noon lang niya ginising si Arjo dahil kadalasan ay nagtatrabaho na siya at si Seamus ang gumigising rito ngunit hanggang katok lang sa labas. Papasok lang ito kung nasa loob si Max. Kung may makakapasok mang hindi butler, si Sav lang ang nakakalapit dito para malapitan itong gisingin dahil ito lang ang Guardian maliban kay Xerez na may pahintulot na pumasok sa silid ng Fuhrer.

Naupo si Max sa couch kung saan din siya natulog sa buong magdamag. Naka-de-kuwatro lang siya roon at kasalukuyang binabasa ang mga balita sa hawak niyang tablet na binalikan niya sa opisina ng Fuhrer para habulin ang mga trabaho sa araw na iyon habang naghihintay.

Habang nagbabasa-basa, bigla niyang naalala ang sinabi ni Greta Macini. May ginagamit na Intranet search engine ang Citadel na kaiba sa search engine sa Internet. Hindi lang siya sigurado kung makakakuha siya ng sagot doon dahil nga masyadong limitado ang posibleng ibigay ng Intranet kompara sa Internet, pero nagbukas pa rin siya. Hindi pa niya nasubukang mag-research gamit ang linya ng Citadel dahil nasanay siya sa wide area network. Kaya napataas ang magkabilang kilay niya nang makita ang isang blank bar na may nakalagay na 'Agent Code' at black lang ang background niyon.

Sinubukan niyang i-type ang Fuhrer.

Agent code didn't match lang ang lumabas.

Ayaw niyang tangkain pang humula ng agent code kaya saglit siyang sumilip sa pinto at nakita ang mga nakahilerang sina Jean, Seamus, Xerez, at Sav doon.

"Yes, milord?" tanong ni Seamus.

"Uhm . . ." Tinuon ni Max ang tingin kay Xerez. "Ano ulit yung agent code ko?"

"Apollyon, milord," sagot ni Xerez.

"Oh." Napatingin sa itaas si Max dahil iyon pala ang gamit niyon. Akala niya ay secret codename lang. "Thank you so much."

Bumalik na si Max sa couch at komportableng sumandal doon. Nag-type siya sa bar at umasang mabubuksan na iyon: #99.

Napababang saglit ang magkabilang dulo ng labi niya at bumilib dahil bumukas nga.

Lumabas ang isang maliit na image sa upper left. Inaasahan niyang mukha iyon ng mama niya pero hindi. Crest lang iyon ng mga Hwong.

Puro balita ang nag-flash sa screen. Kaparehong balita na kanina pa niyang binabasa kung tutuusin. Ang kaibahan lang, para siyang naka-log in sa site na iyon. Nasa itaas ng screen ang magnifying icon at nag-search na.

Eyes of the Liars—iyon ang inilagay niya at napakabilis na nag-flash sa screen ang mga resulta.

Lumabas doon ang mukha ng papa niya. Ang mukha ng lalaking kahawig ng papa niya, ang kaibahan lang ay ang kulay ng buhok nito at ang kulay ng mata. Kasunod ay mukha ng mama niya. At ang natitira ay iisang itsura ng isang pares ng mamahaling hikaw na gawa sa pula at puting diyamante at ginto.

Ang nasa top result ay nakalagay ang "The Curse of the Herring's Eyes" kalakip ng article ang picture ng alahas na naka-display pa sa isang museum.

Tinitigan niya nang mabuti ang alahas dahil pakiramdam niya ay nakita na niya iyon noon pero hindi niya matandaan kung saan nga lang.

Binasa niya ang article. Nakalagay roon na Red Herring's Eyes ang orihinal nitong pangalan kaya ito tinawag na mata ng mga sinungaling. Nabago lang ang pangalan dahil nasunog ang name plate nito sa unang museo kung saan ito nai-display at nasunog ang unang salita. Ngunit kahit na ganoon ay iisa lang din ang ibig sabihin ng alahas na iyon. Hikaw iyon ngunit wala ni sino ang nakasuot kahit minsan. May sumpang kalakip ang tinatawag nilang mata na lahat ng makakakuha niyon nang panakaw ay mamamatay. Iyon lang ang nabasa niya sa article kaya lumipat siya ng isa pa.

Kumunot agad ang noo niya nang makitang ang nabuksan niyang article ay gawa mismo ni Joseph Zach, at ang title sa ilalim niyon ay hindi bilang Superior o bahagi ng Citadel kundi isang treasure hunter and artifact collector.

Nagsimula ang sumpa ng mata sa sunod-sunod na pagkalason ng mga nagnakaw rito. At isa na si Joseph Zach doon. Pero nakalagay sa article—na hindi pala public article dahil exclusive lang ang content sa network ng Citadel Control System—lahat ng nagnakaw ng mata ay nalason dahil hindi nila alam kung ano ba talaga ang ninanakaw nila. Doon na naputol ang article na binasa niya at hindi na nasundan pa. Huling na-publish iyon sa CCS files thirty years ago. Hindi pa siya buhay niyon. At mas lalong hindi pa siya sigurado kung magkasama na ba noon ang mga magulang niya o baka nagpapatayan pa sa kung saang bahagi ng mundo.

Sinunod niya ang article na nasa ibaba ng kay Joseph Zach at nakitang article naman iyon ni Ricardo Exequiel, isang antique collector and tagged as Treasure Warden dahil may mga kayamanan itong hawak na hindi recorded sa kahit anong ahensya. Hindi siya sigurado kung iyon ba ang pangalan ng papa niya dahil Richard Zach ang alam niyang isa pang pangalan nito. Josef sa panig ng lola niya sa ama at Lord Ricardo naman sa mga Guardian. Wala siyang ideya kung iisang Ricardo lang ba iyon.

Halos kaparehong paliwanag sa content ng kay Joseph Zach. Namatay ang lahat ng nagnakaw niyon pero isa si Shadow sa nakakuha ng mata. Napangiwi na lang siya dahil malamang na ang papa nga niya ang may gawa ng article. Kaso hindi naman namatay ang papa niya dahil doon.

Nabasa niya sa ibaba ang paliwanag na gusto niyang malaman. Tinuturing na sumpa ang taglay ng mata dahil sa sunod-sunod na pagkamatay ng mga nagnakaw niyon dahil sa pagkalason. Hindi dahil may sumpa nga ang mata kundi hindi alam ng mga nagnakaw rito kung ano ang gamit ng mata.

Hindi nasusuot ang hikaw dahil hindi talaga iyon hikaw kundi vial na pinaglalagyan ng lason sa isa at antidote naman sa isa. At matapos nakawin iyon ni Shadow, wala nang nakakita pa sa mata kahit na kailan.

Naibaba ni Max ang tablet at napaisip sa koneksyon ng sinabi ni Greta Macini sa kanya. Kung lason ang isa at antidote ang isang laman ng mata, malamang na makakatulong iyon kay Arjo kung totoo nga ang sinasabi ni Greta.

Sa sobrang pagkaabala niya, naabutan niya si Arjo na papasok sa walk-in closet niya para magbihis. Nakasuot naman ito ng puting bathrobe at may tuwalya ang buhok. Hindi siya manenermon na nagkalat ito ng basa roon.

Bumalik ang isipan niya sa Herring's Eyes. Nagbasa pa siya ng mga article at sinabi rin doon na minsan nang dumalo sa auction si Richard Zach para sa mata pero nabigo itong makita iyon. Hindi naging maganda ang resulta ng auction dahil maraming namatay roon na bidders. Huling balita na iyon at halos isang taon lang ang agwat sa edad niya. May keyword pa sa ilalim na 'Annual Elimination: Havoc of the Summoned history' na ikinataas ng kilay niya pagkatapos ay ikinakunot ng noo.

Nag-out siya sa searching ng Eyes of the Liars at pinalitan ng Annual Elimination: Havoc of the Summoned.

Nanlaki ang mga mata niya dahil nangunguna sa result ang mukha ng mama at papa niya. Nakalagay pa sa title ng articles ang The Battle of the Greatest Zeniths, Zordick Against Zach, The Prodigal Children of the Citadel, at marami pang iba na patungkol sa paglalaban nina Armida Zordick at Richard Zach sa isang Annual Elimination. Sa bandang huli, ang nakita lang niya roon ay walang nanalo sa dalawa dahil hindi sila kasali sa rules ng Annual Elimination bilang mga hindi na rehistradong agent. Gaya nga ng nabanggit ng isang article, prohibited sila para sumali kaya hindi rin tinatanggap ang pagkakahuli ni Richard Zach dahil kay Armida Zordick.

Napakamot ng ulo si Max. Isang article lang iyon na binasa niya pero iniisip pa lang niya kung paano magharutan sa bahay nila ang mga magulang niya, hindi niya lubos maisip na minsan sa buhay ng mga ito, nagawa nitong magpatayan bilang magkalaban sa isang Annual Elimination.

Napabuntonghininga siyang bigla. Muntik na niyang makalimutan na nagkapatayan na rin ang dalawa nitong katatapos lang na Annual Elimination at harap-harapan pa. Sinara na niya ang tablet at inilapag sa center table.

"Kuyaaaa . . ." pagtawag ni Arjo na kalalabas lang ng closet at nakasuot na ng pink jogging pants at manipis ngunit maluwag namang V-neck blouse na kulay puti.

Pinagmasdang mabuti ni Max si Arjo habang papalapit ito sa kanya. Mukha naman itong normal at walang sakit. Ayaw niyang isiping maaga itong mawawala. Pakiradam tuloy niya, nag-uunahan na lang silang dalawa kung sino ang maagang mamamatay.

Gaya ng nakasanayan, sinalubong niya ito ng yakap at yumakap naman ito sa kaliwang tagiliran niya.

"Kuya, saan tayo pupunta ngayon?" usisa ni Arjo habang tangay-tangay siya ni Max palabas ng kuwarto.

"Magpa-practice tayo sa gym doon sa likod ng maze."

"Bakit?"

"Para di ka lalampa-lampa."

"Hmp!" Sumimangot agad si Arjo. "Pero may quiz daw kami ngayon sa History!"

"Pina-move ko sa hapon." Binuksan na niya ang pinto at gumaan ang tulak niya nang umalalay roon si Seamus na nagbukas ng pinto mula sa labas.

"Good morning, Lady Josephine," sabay-sabay na pagbati ng apat na lalaking nakabantay sa labas nang nakayukod.

"Good morning din!" masayang pagbati ni Arjo at nakiyuko rin sa kanila kahit ulo lang.

Pagkasara ni Seamus ng pinto ng silid ay nagsisunuran na sila sa Fuhrer at sa asawa nito.

"Kuya, ang weird talaga ng amoy mo," puna ni Arjo na ikinalingon ni Max.

Nagsalubong agad ang kilay ng Fuhrer dahil inaamoy ni Arjo ang dibdib niya.

"Ano ba 'yang ginagawa mo?" tanong ni Max at tinampal na naman ang noo ni Arjo para patigilin ito sa pag-amoy sa kanya.

"Ang tamis ng amoy e."

"Anong matamis? Baka si Xerez ang naaamoy mo, hindi ako."

Gaya ng dumadalas nilang umaga, hindi talaga nawawala sa dalawa ang pagbintangan si Xerez sa mga bagay na wala itong kinalaman. Magugulat na lang ito na nadamay ito sa usapang hindi naman siya kasali pero sinasali siya.

"Hindi, ito talaga yung amoy mo dati pa, Kuya, kahit nasa dating bahay tayo e," katwiran ni Arjo. "Ngayon ko na lang ulit naamoy sa 'yo. Akala ko, nawala na."

"Uhm!" Isang tampal na naman sa noo ni Arjo dahil singhot pa ito ng singhot sa dibdib ni Max. "Tigilan mo 'yan, Arjo. Gusto mong igapos kita?"

"Di nga kasi, Kuya, bumalik talaga yung amoy mong amoy-alak. Yung matamis na amoy- cherry pero hindi amoy-cherry."

Napahinto sa paglalakad si Max kaya napahinto rin si Arjo na kaakbay niya. Huminto rin ang apat pang nakasunod sa kanila.

"Bakit?" tanong ni Arjo na nakatingala sa kanya.

Nanunukat ang tingin niya kay Arjo nang tingnan itong maigi. Iyon nga ang kaamoy na naamoy niya rito noong nakaraang gabi. Amoy-cherry pero hindi niya masabing cherry nga. Ang kaso, wala naman sa kanilang dalawa—o kahit sino sa Citadel ang may ganoong pabango dahil laganap ang amoy ng matapang na pabango roon, lalo na ni Xerez. Para pa naman itong bulaklak na may sariling halimuyak na taglay at hindi pumapayag na may kaamoy sa Citadel kahit Fuhrer pa iyon—at wala ang kahawig na amoy ng cherry sa mapipili nitong pabango.

"Nothing," simpleng sagot ni Max at nagpatuloy na sa paglalakad patungong elevator pababa sa dining hall para mag-almusal.

Hindi niya alam kung bakit dugo ang unang pumasok sa isipan niya nang maisip ang lasa ng cherry nang mabanggit iyon. Gusto na niyang makausap si Olive at magbigay ng update dito tungkol sa kababanggit lang ni Arjo tungkol sa amoy niyang naaamoy nito sa kanya, at sa kaparehong description ng amoy na naamoy niya rito noong nakaraang gabi.



----

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top