14: Last Will
Nasa body clock ni Max ang magising nang maaga kahit na anong oras pa siya makatulog. Kaya kahit na apat na oras lang ang tulog niya sa malambot na couch na nilipatan imbis na sa kamang kanya naman kung tutuusin dahil nakikitulog lang sa kuwarto niya si Arjo, nagising pa rin siya nang alas-singko pasado. At madilim pa iyon kahit na nangangasul na ang langit.
Wala siyang sariling ref sa loob ng kuwarto kaya kailangan niyang mag-utos sa butler o sa mga Guardian para kumuha ng maiinom. Iyon nga lang, ayaw niyang sumigaw umagang-umaga para lang sa iisang basong tubig.
Malawak ang seventh floor ng kastilyo ng mga Zach, at sa isang wing pa lang, talo pa niya ang nilakad ang dalawang basketball court. Kaya habang nilalakad niya ang tinitirhan nilang iyon, iniisip na lang niyang ehersisyo iyon sa umaga.
Sa kabilang pasilyo ang daan papuntang opisina niya. Lampas naman sa opisina ni Labyrinth ang pantry kung saan siya kukuha ng inumin. Hindi niya madaraanan ang mismong opisina dahil liliko pa sa kanan at kaliwa ang pantry mismo.
Tahimik sa oras na iyon, at alam na agad niya kung bakit hindi siya pinalaki sa malaking bahay nina Armida. Parating pumipili ang mga ito ng bahay na isang lingon lang ng mga magulang niya ay makikita na nila ang isa't isa. Kung sa ganoon kasi sila titira, pakiramdam niya, wala siya sa bahay.
Hindi siya madalas sa pantry dahil nababantayan siya ni Seamus at ni Xerez. Isang tango lang niya, may tubig na agad siya. Iyon nga lang, wala ang mga ito sa harapan ng silid niya—gaya na rin ng inutos niyang huwag muna silang abalahin ni Arjo dahil nga kagagaling sa mahabang biyahe. Gusto na tuloy niyang pagsisihan ang utos.
Bukas ang isang pinto ng swing door sa pantry, may naririnig siya roong nag-uusap bago pa siya makalapit. Isang babae at dalawang lalaki na may magkaibang timbre ng boses. Nagtatawanan ang mga iyon na nakapagpakunot ng noo niya dahil wala siyang naririnig na tumatawa sa Citadel maliban kay Arjo na hindi yata nakakatawa nang hindi sisigaw.
"Buti pa kayong dalawa, Decurion na," sabi ng isang lalaking may pamilyar na tinig. "Ako, hindi ko alam."
"Wow, talagang galing sa 'yo?" natatawang sinabi ng babae.
"Kunwari, hindi namin alam na OJT ka ni Tio Giuseppe," sabi ng lalaking may matinis na boses.
"Kung hindi naman umalis si Xylamea, di naman ako kukunin."
Sinilip ni Max ang pinto para makita kung sino-sino ang nag-uusap. Palingon-lingon pa siya dahil napakaraming estante roon na pinaglalagyan ng napakaraming pagkain na mukhang kukunin na lang anumang oras. Hindi niya makita ang mga iyon dahil para siyang pumasok sa library ng mga pagkain.
"E kahit naman hindi siya umalis, hindi naman talaga siya makukuha." Base sa tono ng pananalita ng babae, parang may galit ito sa pinag-uusapan nila.
Dahan-dahan nang pumasok si Max at dumiretso sa water dispenser na katabi lang naman ng pinto. May mga disposable cup doon kaya hindi na niya kailangang magkalkal pa sa buong pantry na sinlaki na halos ng dati nilang kusinang idinugtong sa sala.
"Anyway, how's the Fuhrer?" tanong ng lalaking matining ang boses na ikinahinto ni Max bago pa mailapat ang bibig ng baso sa labi niya. Lumiyad pa si Max para sumilip sa likuran ng mga estante na may mga naka-display na mababangong tinapay.
"They're funny. I didn't expect na pumapayag siyang tawaging masama ang ugali ni Lady Josephine," kuwento ng lalaking may mabigat na boses.
Natawa naman ang babaeng kausap nito pero mahinhin at hindi malakas na halakhak. Pero dinig dito ang kakaibang tuwa.
"Si Lady Evari ang nagpalaki sa kanila, di ba? Ang layo ng ugali nilang dalawa," tanong ng isang lalaki.
"Mas malayo naman ang ugali ng Fuhrer ngayon kay Lord Ricardo saka Lady Evari. Nakakapagmeryenda pa 'ko noon noong si Lord Ricardo pa ang nakaupo. Pero pagdating ni Lord Maximillian, kahit si Lady Cassandra, hindi nakatulog nang maayos kakatrabaho sa pinagawa niya."
Napataas ng mukha si Max at sumandal sa granite counter na pinagpapatungan ng mga tray saka tinanaw ang estante na tila ba makikita niya roon ang mga nag-uusap sa kabilang panig. Ang kaswal pa ng higop niya ng tubig habang matamang nakikinig. Si Ara ang babaeng Guardian, nasisigurado niya. Iyon lang isa ang hindi niya kilala.
"At least hindi siya kasimbaliw ni Sir Sam," natatawang sinabi ng isa.
"O kahit ni Keros," tugon ng lalaking may malalim na boses. "Nagtataka nga ako kung bakit hindi sila agad naparusahan. I even put a radiation tracker on Lady Evari's house, huwag lang akong maisalang sa castigation. Buti sana kung simpleng bahay lang 'yon."
"Kung nahuli ka ni Lady Evari that time, hindi ka na aabutan ng castigation," sabi ng lalaking may matining na boses.
"Nanghihinayang akong na-pull out ako agad sa Distrito Mortel noong nakatakas si Lady Josephine habang binabantayan ko," sabi ng lalaking nakompirma na ni Max na si Sav, ang isa sa mga Guardian na palaging nakasunod sa kanila ni Arjo. "May ginawa si Lady Evari kaya nakabalik si Lady Josephine sa ayos. I don't know how but she was amazing, really. Sayang lang talaga siya."
Tumawa na naman si Ara. "Hindi pa naman patay yung tao, bakit ka manghihinayang? As if the Citadel's gonna let them die. For formality nga lang ang death sentence nila, patatapusin lang ang ten-year expiration ng punishment. Buti nga ngayon, wala nang natira sa posisyon, mahirap nang kalkalin ang parusa."
"Pst!" sita ng lalaking Guardian na kausap nila. "Kapag may nakarinig sa 'yo . . . gusto mong maparusahan?"
"Kayo lang namang dalawa ang mapaparusahan," sabi ni Sav na natatawa pa. "Ipapatawag lang naman ako mamaya pang six pagkagising ng Fuhrer. Kayo, dapat nasa opisina na kayo ngayon."
Biglang lumapit ang boses ni Ara sa direksyon ni Max—o doon sa estante na kaharap niya.
"Sorry, Sav, pero nasa coffee break ako. Nasa Guardian's policy na obligado akong magmeryenda ngayon kahit ayaw ko." Kumuha ito ng tinapay sa kaharap na estante. Nasilip pa niya si Max sa kabila at nginitian pa niya saka siya kumuha ng naka-display roong cinnamon roll. Ngunit ilang sandali pa ay napatingin na naman siya kay Max at napasinghap.
"Lord Maximillian!" nagugulat na sinabi nito saka yumukod mula sa kabilang estante kahit pa hindi siya lubusang makikita.
Nakarinig si Max ng pagbuga sa kabilang panig ng pantry.
"Ano'ng ginagawa n'yo rito?" gulat na tanong ni Ara pagkabalik sa pagkakatayo.
"Kumuha lang ng tubig," kaswal na sagot ni Max at nagtuloy-tuloy na lang sa paglabas ng pantry dahil wala na siyang mapakikinggan sa loob niyon.
Hindi siya sanay na may kaswal na nag-uusap sa loob ng Citadel. At alam naman niya na isang malayang lugar ang pantry para sa mga nagtatrabaho sa matataas na palapag ng kastilyo. Nagulat lang siya sa naging usapan ng mga ito. Lalo na sa nabanggit ni Ara.
Walang Guardian na humabol sa kanya para humingi ng tawad o magpaliwanag. Umaasa pa naman siyang maninikluhod ang mga ito. Kaso naalala niyang lugar ng mga Guardian ang pantry at Guardian Decurion ang mga nag-uusap maliban kay Sav. Kung parurusahan ito dahil sa pagtsitsismisan ay masyadong mababaw naman at walang mabigat na ground sa Credo maliban sa isang araw na suspension. At kulang sila sa tao para magsuspinde pa dahil lang nagpaka-sensitive siya.
Tangay-tangay niya ang disposable cup na may kaunting laman pa nang masalubong si Xerez sa kanto ng daan patungo sa kuwarto niya at sa patungong opisina niya. May dala-dala itong folder nang mapahinto at yumukod.
"Good morning, milord." Tumayo ito at napatingin sa hawak niya. "Dapat nag-utos na lang kayo. May kukuha naman agad ng tubig kahit hindi si Seamus."
"Ayos lang," sagot ni Max at mas piniling dumiretso sa opisina niya. Sinundan na lang siya ni Xerez saka siya nag-usisa. "Saan ka pala dapat pupunta?"
"Sa kuwarto n'yo sana, milord. Itatanong ko sana kung anong oras kayo gigisingin."
Napatango si Max. Gising na siya kaya pala hindi na tumuloy sa kuwarto niya. "Kumusta ang pakiramdam ninyo, milord?"
Napahugot ng hininga si Max at naalala ang sinabi ni Olive sa kanya. Mukhang nakaabot na kay Xerez ang ipinunta niya sa medical facility kagabi. "Ayos lang ako." Nilingon niya si Xerez na nasa likuran niya at may layong kalahating dipa. "Puwede ba 'kong magtanong?"
"Yes, milord."
Nakaabot na sila sa opisina niya saka lang nagpauna si Xerez para pagbuksan siya ng pinto.
"Gusto kong malaman kung bakit hindi naging Fuhrer si Joseph Maximillian Zach."
Sinundan pa siya ng tingin ni Xerez nang lampasan niya ito pagpasok sa opisina. Hinintay pa siya nitong makaupo sa boss chair bago ito nakatungong sumagot.
"Hindi pinayagan ng Order na pamunuan niya ang Citadel, milord."
"Dahil?" Komportableng sumandal si Max sa upuan at inabangan ang isasagot ni Xerez.
"Minsan na niyang tinangkang pabagsakin ang buong Citadel, milord."
"Pero hindi niya nagawa," sagot ni Max. "Wala naman yata sa Credo na bawal siyang mamuno. Hindi naman siya Superior noong nangyari 'yon, di ba? Si Mama nga, naghamon ng giyera pero naging Superior pa rin siya."
Humugot muna ng hininga si Xerez at halatang may pinipili sa isasagot niya kay Max.
"Ayaw ba sa kanya ng naunang Fuhrer?" tanong ni Max dahil sa kanilang mga Zach, ito lang ang hindi naging Fuhrer ng Citadel.
Isang buntonghininga mula kay Xerez saka nag-angat ng tingin kay Max. Mukhang balak nang magsabi ng buong katotohanan. "Papayag lang si Lord Adolf na isalin ang titulo kung makikipaghiwalay si Lord Joseph kay Anjanette Malavega at pakakasalan si Lady Cassandra."
Nakitaan ng gulat si Max sa narinig niyang katotohanan. "Si Oma?"
Bahagyang tumungo si Xerez. "Yes, milord."
"Hindi pumayag yung daddy ni Papa?"
"Hindi pumayag si Lady Cassandra, milord."
"Kaya ipinasa na lang kay Papa."
Bahagyang umiling si Xerez. "Si Lady Cassandra ang nakatakdang pumalit sa posisyon ng Fuhrer. Iyon nga lang, nagkaroon sila ng kasunduan ni Lord Ricardo noong kabataan nito kaya hindi niya nakuha ang titulo ng Fuhrer. Si Lord Ricardo ang naghabol sa posisyon at pumirma ng kasunduang hindi napunan nina Lady Cassandra at Lord Joseph. Siya ang nagpanukalang papalit sa posisyon ni Lord Adolf at pakakasalanan ang panganay na Armida Zordick."
Napaangat lang ng mukha si Max dahil mukha namang walang interes ang papa niya sa pagiging Fuhrer. "Sigurado ka?" tanong pa niya dahil hindi siya makapaniwala.
Tumungo lang si Xerez para sabihing oo.
Naisip niyang kaya pala halos lola niya ang nagpapatakbo ng buong Citadel Control System at buong Citadel na rin kung tutuusin. Ayaw niyang kuwestiyunin iyon dahil may karapatan talaga ito.
"If I . . ." Naipaling-paling niya ang ulo sa magkabilang gilid. "If I die, like, soon. Sino ang papalit sa 'kin? Magbibigay rin ba 'ko ng Summons?"
Naging matipid ang ngiti ni Xerez. "Si Lady Josephine ang kailangang pumalit, milord."
Nagulat si Max doon at napaayos ng upo. "Bakit?"
"Dahil noong pinakasalan mo siya sa loob ng Citadel, parte na siya ng Citadel. Kung ganoon ang nangyari kay Lord Joseph, isa sa kanila ni Lady Cassandra ang magiging Fuhrer. Ganoon din ang nangyari kina Lord Ricardo at Lady Evari. At magsasalin-salin lang ang tradisyon hanggang sa inyo. Legal nang Zach si Lady Josephine kaya legal na rin siyang pumalit sa posisyon."
Natigilan na sa pagtatanong si Max. Ang ipinag-aalala niyang baka pag-eksperimentuhan na naman si Arjo oras na mawala siya ay hindi niya narinig. Pero imbis na mawalan ng alalahanin, lalo lang siyang kinabahan.
"Kahit mahina ang utak ni Arjo, papayag kang maging Fuhrer siya?" nanghuhusgang tanong pa niya sa Centurion. "Sigurado ka diyan, Xerez?"
Tumungo na naman ito. "May Guardian Centurion naman si Lady Josephine. At isa pa, maganda ang ipinakikita niya sa mga lesson niya, milord. Mabilis naman siyang matuto."
"Pero mahina siya sa math."
Pinigil ni Xerez ang mapangiti. "Maraming magbabantay sa kanya kung sakali, milord. At huwag sana kayong magsalita nang ganyan dahil sinabi naman ni Olive na hindi pa siya nakakatanggap ng masamang balita mula sa medical facility ni Labyrinth. Hindi pa kayo mawawala."
Napasimangot doon si Max dahil iyon naman talaga ang punto ng pagtatanong niya. Mukhang hinihintay lang ni Xerez ang tamang pagkakataon para sabihin iyon sa kanya nang hindi niya sinasabi nang deretsahan dito.
"Paki-cancel ng lahat ng meeting, appointment, lahat ng trabaho ko today," ani Max at tumayo na sa upuan. "Pupunta kami ni Arjo sa gym mamaya. Pakisabi na rin kay Jean na huwag muna silang um-attend ng klase ng umaga. Pakilipat sa hapon, after lunch. Sumunod na lang kayo, gigisingin ko lang."
Tumungo na lang si Xerez. "Masusunod, milord."
Nagtuloy-tuloy si Max sa paglalakad palabas pero napahinto na naman bago pa makaabot sa pintuan.
"Last question," aniya, nakataas ang kaliwang hintuturo. "If mawala ako sa puwesto at mapalitan ni Arjo, and maisipan niyang magpakasal ulit, hindi ba siya mawawala sa puwesto?"
Bahagyang yumuko si Xerez. "Hindi siya maaaring magpakasal sa hindi Zach o hindi sakop ng pamilya ng mga Zach, milord. Kung sakali mang pumili siya ng hindi bahagi ng pamilya, mapipilitan ang Order na ibalik siya sa chamber bilang pag-aari ng Citadel."
---
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top