13: Manifestation

Nakapasok na si Max sa laboratory ni No. 99 noong dinadalaw niya si Arjo sa kasagsagan ng registration para sa Kill for Will Tournament, iyon nga lang ay hindi niya inaasahan na papapasukin siya sa mismong loob ng facility kung saan ginagawa ang mga test.

Pinagsuot siya ng disposable face mask pansamantala at ginawan pa ng biometrics. Ikinataka pa niya iyon dahil akala niya ay may record na siya sa Citadel para hingan pa siya niyon, pero gaya nga ng paliwanag sa kanya ni Olive—hindi naka-auto-fill ang biometrics sa Citadel pagdating sa mga medical facilities ng bawat opisinang nagpagawa ng pasilidad gaya ng kay No. 99.

Kukuhanan lang daw siya ng dugo, at napakabilis lang niyon gaya ng ginagawa sa regular lab test. Nang matapos ay lumabas na rin sila ni Olive.

"Gaano katagal bago makuha ang result?" tanong ni Max habang naglalakad sila palabas ng medical facility, na imbis pabalik sa opisina ni Olive ay sa lobby na ang tungo.

"Kung kukunin lang ang blood count, oras lang ang kakailanganin ng mga medtech. But since nag-tag ako ng special case for you, ita-transfer nila 'yon sa facility ni Labyrinth. Days or weeks siguro ang aabutin bago makakuha ng exact result, pero from time to time, mag-u-update naman sila since Fuhrer ka."

"Working pa rin ba ang laboratory ni Labyrinth?" usisa ni Max.

"Sa ngayon, oo. May contract pa sila sa Citadel. Two years pa ang expiration n'on kaya wala silang choice kundi tapusin ang kontrata kahit wala na ang head nila."

Tango lang ang naisagot doon ni Max at sabay silang lumiko sa kaliwa ng mahabang pasilyong iniilawan ng puting ilaw. Kung hindi lang takot si Max sa mga ospital, iisipin niyang may lalabas sa dulo ng hallway na mga zombie dahil sa katahimikan at lamig doon.

"Tingin mo, dapat ko nang sabihin 'to kay Xerez?" nag-aalalang tanong ni Max.

"Walang hindi nalalaman si Xerez, Max. Bago ka pa makapagsalita, alam na niya," nakangiting tugon ni Olive. "He may act like he didn't know anything, but he really do." Nilingon niya si Max at bahagyang umiling. "Trust me, you might be the ruler of this kingdom, but this is his territory."

Saglit na bumagal ang lakad ni Max habang sinusundan ng tingin ang hindi naman bumagal na lakad ni Olive. Fast-walker pa naman ito at kung maglakad ay parang may hinahabol kahit na mataas ang suot nitong peep-toe heels.

Habang tumatagal, lalo siyang binibigyan ng dahilan ng lahat para isiping dapat nga talaga niyang igalang si Xerez. Lalo pa't ang napakatigas na ulong si Armida Zordick ay ito lang yata ang bahagi ng Citadel na bukod-tangi nitong nirespeto—higit pa sa sarili nitong ina na lola ni Max.

"You don't have to go to my office for the result," paalala ni Olive nang pagbuksan si Max ng pinto patungong lobby na nasanay nitong gawin bilang doktor sa mga pasyente niya. "Ifa-fax na lang 'yon ng laboratory sa 'kin, ako na ang dadalaw sa opisina mo."

"Thank you, Olive," pasalamat ni Max.

"Tell me if you smell something around that project," pahabol nito nang makatapak siya labas ng pinto.

"Project . . . Arjo? What smell?" tanong ni Max na nakataas ang kilay.

"You tell me what."

Kumunot ang noo ni Max dahil hindi niya maintindihan ang sinabi ni Olive. "Is it dangerous?"

Umiling si Olive. "Nah. Just in case na pareho kayo ng manifestation ni Ricardo."

"Manifestation of what?"

"I'll tell you after the result," sabi ni Olive at kinindatan na lang si Max habang matamis ang ngiti bago isinara ang pintong pinanggalingan ng Fuhrer.

Natitigilan si Max habang iniisip na masyado nga talagang malaki ang Citadel para makadaupang-palad ang mga kakaibang tao roon na hindi niya alam kung ano ba talaga ang trabaho sa lugar na pinamumunuan niya—gaya ni Olive.

Buong araw hindi nakita ni Max si Xerez. Si Seamus ang sumalubong sa kanya sa Citadel. Nang hanapin niya ang Guardian Centurion pagdating ay nagsabi itong nasa hangar pa ito at kinakausap ang mga piloto roon, pero umabot na ng hatinggabi ay hindi pa rin ito nagpapakita. Ang huling balita niya rito ay inaayos naman nito ang opisina ng Fuhrer. At hindi na nag-abala pa si Max na dumaan sa opisina dahil napapagod na siya at gusto nang matulog matapos ang buong araw na biyahe.

Pasado ala-una na nang makabalik siya sa kuwarto ng Fuhrer, at hindi na siya nag-abalang magbukas ng ilaw. Bigla niyang naalalang pumunta siya sa medical facility na nakapantulog lang. Nagpapasalamat siya dahil malambot na long pants at puting long sleeves ang suot niya, hindi gaya noon sa dati nilang bahay na T-shirt at running shorts lang.

Napabuntonghininga siya nang makitang hindi talaga nagbihis si Arjo at dress pa rin ang suot nito. Namamaluktot lang ito patalikod sa puwesto niya. Malamang na pagod na pagod dahil buong araw silang nagbiyahe, at kung siya na normal lang maglakad ay napagod na, ito pa kayang napakaligalig at hindi nakakalakad nang hindi kakandirit.

Ayaw na niya itong gisingin, tinabunan na lang niya ng kumot ang katawan nito at saka siya nahiga.

At kung kanina ay hindi pa nagsi-sink in sa kanya na may hindi magandang dulot sa kanya ang dugo ni Arjo, pagtabi lang niya rito siya inatake ng kaba. Kaba hindi dahil posible siyang mamatay gaya ng sinabi ni Olive. Kaba dahil natatakot siyang ano ang gawin dito ng Citadel oras na mawala siya. Dahil ang inaalala niya ay kung mamatay siya, wala na siyang iintindihin at mapapahinga na siya. Wala na siyang malay kahit pa sunugin siya nang buhay ng mga Guardian o ibaon sa lupa. Pero si Arjo, buhay pa rin oras na mangyari iyon. At alam niyang hindi papayag ang Citadel na mamatay si Arjo gaya niya o ng mga magulang niya. Iniisip pa lang niyang babalik ito bilang isang bagay na pag-eeksperimentuhan, natatakot na siya.

Gaya ng nakasanayan, kahit nakatalikod ito at namamaluktot ay niyakap pa rin niya. Napapikit na siya nang mapadilat ulit dahil may naaamoy siyang matamis—klase ng tamis na hindi pa niya naaamoy noon. Inangat niya nang bahagya ang ulo at hinanap iyon. Sigurado siyang wala iyon sa ibang bahagi ng kuwarto niya kaya inamoy niya ang buhok ni Arjo. Unti-unting tumatapang ang matamis na amoy habang iginagapang niya ang tungki ng ilong pababa sa tainga nito. Napalunok na lang siya nang manatili ang mabangong amoy sa leeg nito.

Hindi gaya noong nakaraang gabi na gusto niyang kumagat ng karne ay iba naman ang nararamdaman niya ngayon habang nananatili ang ilong sa bandang leeg ni Arjo.

Naging maingay ang paglunok niya at naging malalim ang hugot niya ng hininga. Hindi pa niya naamoy ang mabangong amoy na iyon noon. Sigurado rin siyang hindi iyon pabango dahil iisa lang naman ang pabangong ginamit nilang dalawa sa hotel.

Wala sa sariling idinampi niya nang marahan ang labi sa kaliwang balikat ni Arjo na nakahayag dahil sa klase ng damit nitong manipis na strap lang ang suporta. Parang pinasusunod siya ng matamis na amoy niyon sa leeg nito. Unti-unting gumapang ang labi niya papalapit sa leeg nito.

"Mmm—Kuya?" basag ang boses na pagtawag ni Arjo. Kunot ang noo niya at nagtatakang tiningnan si Max na biglang natigilan sa ginagawa nito at halos lumuwa ang mata habang nakatingin sa mukha niya. "Ba't di ka pa natutulog?"

"H-ha?" takang tanong pa ni Max at nagpapaling-paling ng ulo habang naghahanap ng sagot sa paligid.

"Tulog ka na, Kuya," mahinang sinabi ni Arjo sa garalgal na boses at pumaling na siya paharap kay Max.

Halos putulin ng pagkagising ni Arjo ang hininga ni Max habang iniisip kung ano'ng kabaliwan ang ginawa niya bago ito magising.

Napalunok na naman si Max at mariing napapikit. Padabog niyang inilapat ang likod sa malambot na higaan at tinitigan ang kisame nilang pagkataas-taas at hindi na halos maabot ng malinaw na liwanag ng nakabukas na lampshade. Kagat niya ang labi nang hawakan ang sariling dibdib. Ang lakas ng kalabog niyon. Pinakalma niya ang sarili sa pamamagitan ng malalalim na paghinga. Muli niyang nilingon si Arjo na nakaharap na sa kanya. Hindi nawala ang matamis na amoy pero sapat na ang kaba niya para mabalewala iyon.

"What the fuck is happening to me?" inis niyang bulong at umalis na lang sa kama para lumipat sa malambot na couch sa kabilang panig ng higaan. Kinikilabutan na talaga siya sa mga nagagawa niya kay Arjo.

Sinabi ni Olive na mukha namang hindi pa siya mamamatay kaya oobserbahan pa muna siya. Gusto na tuloy niyang malaman ang resulta ng lab test dahil hindi na siya natutuwa sa mga nagagawa niya.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top