1: Annoying Orange


Citadel—ang lugar na kasalukuyang pinamumunuan ni Maximillian Joseph Zach katulong ang Guardian Centurion na si Xerez, at kasalukuyan ding iniingay ng pagala-galang project ni Labyrinth, si Armida Josephine Zordick.

Parating tahimik sa Citadel dahil masyadong mahigpit ang mga batas doon para sa mga Guardian para gumawa ng ingay, at wala rin namang dahilan ang mga Superior para mag-ingay maliban kung may nagbabarilan sa meeting room dahil sa kaunting di-pagkakaunawaan. Iyon nga lang, mula nang ikasal sina Max at Arjo, walang araw na hindi nakarinig ng ingay ang Citadel tungkol sa pag-aaway ng dalawa—at ang pinakatumatak sa lahat ng ingay na iyon ay "Napakasama talaga ng ugali mo."

At kapag naririnig nila iyon, alam na nila kung sino ang nagsabi at sino ang sinabihan.

Huling buwan ng taon, unang araw ng Disyembre, unang araw din nilang tatapusin ang taon na sila na lang dalawa ang natira sa pamilya nilang nabuo pa kahit paano nitong nakaraang buwan.

"Kuya, ayaw akong pagamitin ng computer ni Xerez," sumbong ni Arjo habang nakikialam ng folder sa mesa ng Fuhrer. Nakaupo siya sa harapan ng office table ni Max na kasalukuyang nagtatrabaho.

"Paano ka pagagamitin ng computer, ginawa mong wallpaper ng buong CCS monitor yung mukha mo," sagot ni Max.

"Hindi ko naman alam na connected 'yon sa hiniram kong tablet e!"

"Gano'n talaga 'pag walang utak yung gumagamit."

"Ang sama mo! I hate you!" naiinis na sinabi ni Arjo sabay bato ng naka-display roong maliit na rubber dice kay Max na sinalo lang nito nang walang kahirap-hirap.

"Bakit ba bato ka nang bato sa 'kin ng kung ano-ano?"

"Kasi ang sama ng ugali mo." 

"Talagang galing sa 'yo 'yan, ha?" Ibinalik ni Max sa lalagyanan ang dice na ibinato ni Arjo sa kanya. "Alam mo, dadagdagan ko na yung suweldo ng mga maid mo saka ng mga Guardian kasi hindi pa sila nagrereklamo sa 'kin tungkol sa attitude mo."

"Ikaw lang naman yung nagrereklamo kasi."

"Karekla-reklamo ka naman talaga kasi. Tigilan mo nga ako, Arjo."

"Psh!" Sumimangot na naman si Arjo at nilaro na lang ang Newton's Cradle sa mesa habang nanlalaki ang ilong. "Ay, Kuya, may crush akong Guardian doon sa office ni Mama."

Napasulyap agad si Max kay Arjo. "Last week, may crush ka doon sa office ni Oma. Ngayon, sa office naman ni Mama. Linggo-linggo kang may crush rito. Gusto mong kutusan kita, ha?"

"Bakit?!" reklamo pa ni Arjo. "Dami kayang guwapo rito sa Citadel. Tapos ang bait pa nilang lahat sa 'kin. Sabi nga nila, ang ganda ko raw."

"Marami ring sinungaling dito sa Citadel," kontra agad ni Max. "Uto-uto ka?"

"Alam mo, Kuya, ang sama talaga ng ugali mo." Napanguso lang si Arjo sabay simangot. Dumampot naman siya ng isang folder at binasa niya ang content niyon na isa sa babasahin din dapat ni Max. "Kuya, alam mo 'to?" tanong niya at ipinakita ang isang page ng binabasa niya.

"Ang alin?" Kinuha naman ni Max ang folder saka binasa yung sinasabi ni Arjo. "Financial statement ng Hamza. Bakit?"

"Di ba, diyan nagtatrabaho si Uncle Riggs?"

"Ano ngayon?"

"Wala lang, natanong ko lang," sagot ni Arjo at yumukod sa mesa habang nakanguso. Hindi talaga niya gusto ang trabaho ni Max dahil bored na bored siya habang nakikita ang mga folder sa mesa nito. Ito lang yata ang masaya sa trabaho. "Ay, Kuya, binilhan pala ako ng bagong bike ni Xerez." Nakangiti siyang umahon sa pagkakayukod nang ibalita iyon.

"O, ano'ng gusto mong gawin ko?"

Napasimangot agad si Arjo nang tingnan si Max na patuloy lang sa pagsusulat at pagbabasa. "Sinasabi ko lang! Bawal magsabi?"

"Ako yung nag-utos kay Xerez na bilhan ka ng bike."

"Talaga?" biglang ngisi ni Arjo at yumuko na naman siya para silipin ang mukha ni Max. "Bakit?"

"Para hindi kita makita rito sa office. Ang daldal mo kasi, mukha kang tanga."

"Kuya, napakasama mo talaga!" bulyaw agad ni Arjo sabay kuha ng scratch paper saka ibinato kay Max na nasalo nito kahit hindi ito nakatingin. "Kaya ayaw kitang kausap e!"

"Tanungin mo muna ako kung gusto kitang kausap."

"Nakakainis ka talaga!" Isa na namang scratch paper ang binato niya kay Max na nasalo na naman nito. "Isusumbong kita kay Xerez. Sasabihin ko sa kanya, inaaway mo 'ko para pagalitan ka niya."

Doon na umayos ng upo si Max at tinaasan ng kilay si Arjo. "Bakit mo ba sinasali sa usapan si Xerez?"

Biglang lapad na naman ng ngisi ni Arjo. "Kasi natatakot ka sa kanya, bleh!"

"Tara nga rito at nang makutusan kita." Umamba pa ng kutos si Max.

"Hahaha pikon ka talaga, Kuya!" Mabilis na tumakbo papuntang pinto si Arjo at bago pa siya makalapit doon at may kamay nang pumigil sa kanya. "Uy!" Mabilis niyang niyakap ang kaliwang braso ni Xerez at ngisihan si Max. "Xerez, inaaway ako ni Kuya!" sumbong niya sa Guardian.

Ilang linggo na rin silang walang magulang na gumagabay at si Xerez ang pinakamatandang Guardian sa lugar at Centurion ng Fuhrer na nagsisilbing magulang ng dalawa. At ito rin ang ginagawang sumbungan ni Arjo kapag inaasar siya ni Max.

Biglang ikot ng mga mata ni Max nang salubungin ang tingin ni Xerez na nagtatanong na naman kung ano ang kasalukuyang pinag-aawayan nilang dalawa ni Arjo.

"Milady, nagpahanda ako ng meryenda para sa inyo. Sasamahan ka ni Jean sa Matricaria para kumain." Iginiya na ni Xerez si Arjo palabas ng opisina nang may matamis na ngiti. "Nagpagawa ako ng paborito mong cake."

"Talaga?" masayang tanong ni Arjo. "Yeeey!"

"Jean, magmeryenda na kayo ni Lady Josephine sa Matricaria."

"Ha?" takang tugon ng butler na halatang wala sa schedule nila sa araw na iyon ang binanggit ni Xerez.

"Magmemeryenda kayo ni Lady Josephine." Naglahad pa si Xerez ng palad patungong pasilyo. Nangungusap ang mga mata nito na tila ba nag-uutos na sundin na lang siya.

"Oh. Yes, I see." Matamis namang ngumiti ang lalaki saka kinuha si Arjo kay Xerez kahit na hindi niya alam ang nagaganap. "This way, milady."

Matapos niyon ay muling bumalik si Xerez sa loob ng opisina ng Fuhrer at lumapit sa mesa ni Max.

"Katatapos lang ng lesson ni Lady Josephine sa Foreign Language, milord, at nagsabi si Mayiv na mabilis siyang matuto ng mga itinuturo sa kanya," balita ni Xerez.

Napatango na lang si Max doon dahil mula nang ikasal sila, kasama na sa kontrata ang pag-aaralin ng kultura at iba't ibang bagay tungkol sa Citadel at palakad doon si Arjo. At mukhang maganda ang ipinakikita nito sa araw-araw na pag-aaral kahit na kung tutuusin ay hindi nito natapos ang first semester bilang freshman sa Hill-Miller University.

"That's good. Akala ko, mahihirapan sila sa kanya." Biglang ikot na naman ng mata ni Max. "Alam ko namang napakatamad niyang mag-aral."

"Bumalik na sa equilibrium state ang status ng Citadel," paalala ni Xerez. "At dahil wala nang ibang nakaupong Superior maliban sa inyo, at suspendido pa rin si Lord Raegan, kailangan na ulit magpadala ng Summons para sa mga naiwang posisyon."

Napabuntonghininga roon si Max at napahimas ng noo. Bumakas na sa mukha niya ang pagkatamad sa trabaho.

"Ano'ng gagawin?"

"Kailangan ninyong personal na kausapin ang mga kandidato bilang Superior at bigyan sila ng Summons."

"So . . . lalabas ako ng Citadel?" asiwang tanong ni Max.

"Yes, milord."

"Kailan?"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top