Chapter 5
Pagkatapos ng pagkikita namin ni Linx ay para bang naging madalang kaming magka-text– o pakiramdam ko lang iyon. O baka naman naging busy lang siya sa school. Graduating na kasi siya. Ako naman ay third year highschool palang.
Hindi ko siya kinompronta dahil doon. Siguro, dahil na rin sa hiya at pagrespeto sa kaniya. Gano’n pa man, hindi ko maikakaila sa aking sarili na hinahanap-hanap ko 'yung gabi-gabi naming pag-uusap.
•••
"Hindi kaya napangitan siya sa akin kaya hindi na siya masyadong nagpaparamdam?" tanong ko kay Mary Grace. Nandito kami ngayon sa CR ng gasoline station habang nakatingin sa harap ng salamin. Naparaan kami dito habang ginagala namin ang buong bayan.
"Tangekz. Yang itsurang iyan, mapapangitan siya? Hindi ba't maraming nagkakagusto sa iyo sa school dahil sa mukhang 'yan?"
Napabuntong-hininga ako nang malakas. "Pero bakit gano'n si Linx?"
"Nahiya lang siguro. Kahit ako naman, kung malalaman kong beauty queen ang ka-text ko tapos ordinaryong tao lang ako, manliliit din ako sa sarili ko."
"Linx is not an ordinary person."
Napaawang nang bahagya ang bibig ng bestfriend. "Ay sorry. Parang mali 'yong term na ginamit ko."
"Oo, gets ko na." Tumingin ako sa repleksiyon ko sa salamin at nagpahid na ng pulbos.
Katahimikan ang pumailanlang sa pagitan naming dalawa.
"What if..." Napasulyap ako sa dako ni Mary Grace. "What if bigyan mo siya ng pina-burn na CD ng mga paborito niyang kanta?"
Nagliwanag ang mga mata ko. Tama siya. Pero paano ko ibibigay gayong madalang na lang kaming mag-usap sa text?
"Alam ko ang naiisip mo. Kung paano mo ibibigay? Alam mo ang school niya. At saka hindi ba at nabanggit mong mahilig siyang mag-DoTA? E 'di ipagtanong natin sa mga kaklase natin kung may nakakalaro sila sa computer shop na Linx ang pangalan."
•••
Epektibo ang suhestiyon ni Mary Grace. Isang grupo palang ng mga kaklase naming lalaki ang napagtanungan namin e kilala na nila agad si Linx. Base sa deskripsiyon nila, tumutugma iyon sa Linx na kilala ko.
Ngayon nga ay nasa printing shop kami. Iniintay lang namin ni Mary Grace ang CD na pinapa-burn ko. May labinwalong kanta iyon na puro metal at mellow rock songs. Hindi mawawala roon ang Here Without You na malaki ang sentimental na kahulugan sa akin.
Mayamaya pa ay naibigay na sa akin ang CD. May customized na cover iyon ng isang emo couple at tracks na nasa CD.
"Kinakabahan ako," sabi ko habang naglalakad kami papunta sa computer shop na tinatambayan ng mga kaklase ko.
Hi, Linx. Nandito kami sa JZL shop. Labas ka saglit. - text ko sa kaniya.
Ilang minuto pa ang lumipas ay hindi pa rin siya lumalabas.
Ah, baka naman naglalaro. Mahirap pa namang iwanan ang pagdo-DoTA lalo na kapag nasa gitna ka ng laban.
Naghintay pa kami nang kaunti pero wala pa ring Linx na lumabas.
Sa paghihintay namin ay dumating ang grupo ng mga kaklase naming lalaki. Magdo-DoTA.
"Uy, Rovan. Pakiabot naman kay Linx nito. Salamat." Ibinigay ko sa kaklase ko ang CD at agad na silang pumasok sa shop.
Wala pang dalawang minuto ay lumabas din siya agad. Hindi na niya hawak ang CD.
"Naibigay ko na." Nag-thumbs up siya sa akin.
"Ah, okay. Naglalaro siya?"
"Hindi, eh. Nanonood lang."
Sa puntong iyon e para bang may tumarak sa puso ko.
Hindi pala siya naglalaro pero bakit hindi man lang siya lumabas? Ah, siguro hindi talaga siya interesado sa akin.
"Tara na, Janelle." Hinila na ako ni Mary Grace palayo nang mapansin niyang iba na ang mood ko.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top