Chapter 2
Ilang araw na rin ang lumipas mula nang gabing ipaanunsiyo ko ang cellphone number ko sa radyo. Hindi ko na na-reply-an ang namumukod-tanging nakakuha ng atensiyon ko ng gabing iyon. Dinisiplina ko kasi ang sarili kong huwag mag-load sa araw na may pasok. Kung maglo-load man ako ay weekends lang.
Nawala rin sa isip ko iyon. Ang buong isip ko kasi ay nakatutok sa periodical tests namin sa buong linggo. Salamat naman at nairaos ko rin. Nagbunga ang ilang araw na pag-a-advance reading ko.
Pagkatapos ng klase ay nagkayayaan kami ng bestfriend kong si Mary Grace na magrenta ng oras sa internet cafe. Normal na namin itong ginagawa kapag Biyernes ng hapon. Munting premyo na rin namin sa aming mga sarili dahil sa pag-aaral namin sa buong linggo.
Wala akong ibang ginawa noon kundi ang gumawa lang ng testi sa Friendster habang nakikinig ng kanta ng Typecast sa videokeman.com. Nang magsawa ako ay naghanap na lang ako ng emo outfits sa Google. Titingin lang. Wala naman akong pambili.
Unlonely nights
Romantic moments
The love, the love
What about them?
Throw it all away
Kaysarap talagang sabayan ng kanta habang nakatakip ’yung bangs sa isang mata ko. Hindi naman ako broken pero kailangan kong magmukhang broken. I’m an emo. And emo is life.
Nang mag-time na kami sa computer shop ay nagpaalam na rin kami ni Mary Grace sa isa't isa. Gusto pa sana naming gumala kaso mag-aalas siyete na ng gabi. Naka-school uniform pa kami parehas. Paniguradong maga-guidance kami kapag nakita kami ng teachers. Iyon ang huli naming gusto mangyari dahil may iniingatan kaming honor sa klase. Top 2 ako at top 5 naman ang aking bestfriend.
Nang makababa ako ng tricycle ay nagpa-load muna ako ng unli text para makapag-GM na ako sa lahat ng nasa contacts ko. Siyempre para makipag-text na rin. Free time ko, eh.
Just because I smile doesn't mean I'm happy.
Because it takes one smile to hide a million tears.
pinkangel_08
Pinasa lang din iyang quotes sa akin. In-edit ko lang para hindi maging jeje.
Aaminin kong napagdaanan ko naman ang phase na iyon pero tinapos ko rin. Mas okay sa akin ang pormal na pagta-type. Malinis tingnan.
Tulad ng nakagawiang routine, nagpatugtog akong muli sa radyo at nagkulong sa kuwarto ko. Hindi ko na naman ito papatayin hanggang mag-sign off ang programa sa ganap na alas dose ng gabi.
Naglaro muna ako ng Space Impact sa isa kong phone na Nokia 3315 habang china-charge ko ’yong isa kong phone na ginamit ko sa pag-send ng GM.
Nang magsawa na ako kalalaro ay naisip kong makipag-text na. Medyo nagulat pa ako kasi mayroon na agad akong 23 unread messages.
Buong tiyaga kong ni-reply-an ang mga iyon kahit ang tinatanong lang ng iba ay ano ang ginawa ko. Kung kumain na ba ako at iba pa.
Umabot din sa alas diyes ang pakikipag-text ko hanggang sa isa-isa silang nawala. Nakatulog na yata. Ayos lang iyon sa akin. Medyo nangangawit na nga rin ako sa pagta-type. Makapagpapahinga na rin.
Nagsimula na ang Lovers Lane na programa ni DJ Tristan. Sadyang panggabi ito kasi puro love songs ang pinatutugtog, tamang-tama para sa mga nag-iibigan na nais namnamin ang pag-ibig sa gabing kasama o ka-text nila ang kanilang mga iniibig.
Ako, sa kabilang banda, bagama’t wala mang karelasyon e nakikinig pa rin ng radyo. Mahilig naman akong makinig ng kanta. Halos lahat ng genre ay pinakikinggan ko. Madalas nga lang sa ngayon 'yong emo songs. Uso eh.
Katulad ng nakasanayan ko ay nag-text akong muli sa text line ng radio station. Hindi ako manghihingi ng textmate. Magre-request lang ako ng Love Story. Mula kasi nang i-release ito noong nakaraang buwan e hindi na maalis sa utak ko. Lakas maka-LSS, eh.
Hindi ako nabigo. Pagkatapos ng labinlimang minuto ay pinatugtog iyon ni DJ Tristan. "We just jammed to Taylor Swift's new song entitled Love Story, requested by our avid listener, Miss pink angel #08. Hi, pink angel!"
Nag-hello ako sa radyo kahit hindi naman niya ako nakikita.
You like Love Story?
Isang text ang pumukaw sa akin. Unregistered number.
Ilang segundo lang ang lumipas ay tila ba may lightbulb na lumitaw sa utak ko.
Siya 'yung nag-text ng Hi na hindi ko na-reply-an!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top