1 : Saw it


Murphy's Law states that anything that can go wrong, will go wrong at the worst possible time. Growing up with a not well-off family, I'd always anticipated worst-case scenarios in my everyday life.

"Welcome to our company, Mister Axis Cree Chavez. I'll endorse you to the head of admin department. This way please."

Sinundan ko ang babaeng secretary o receptionist patungo sa hallway hanggang sa itulak niya pabukas ang isang salaming pinto. Tumambad sa amin ang isang opisina. Ipinakilala ako nito sa taong naro'n nakaupo sa isang swivel chair sa tapat ng lamesa. Tinigilan nito agad ang ginagawa sa computer at saka kami pinagtuonan nang pansin.

"Good morning, sir," bati ko rito.

Pagkasandal sa inuupuan ay bahagya nitong itinabingi ang ulo at ngumiti sa akin. "Well, hi. First day of training?"

"Yes, sir." Tipid akong ngumiti rito pabalik.

Bahagya akong nalito nang mahina siyang natawa. "They all call me Trey here. So I would appreciate it if you call me the same, uh... what's it again? Axis?"

"Yes po, sir—" Nautal ako at muntik pang mag-panic nang sumeryoso bigla ang ekspresyon niya. "—este, Trey. Sir Trey?"

Muli siyang ngumiti habang tumatango nang mabagal. "Better."

Pwew.

"So, Axis, tell me." Dahan-dahang sumeryoso ang ekspresyon niya. Ang mga mata niya'y direkta sa akin nang tinanong, "How would you get away from murdering a workmate?"

Tanging kurap ang nagawa ko nang sandaling mag-ugat ang mga paa ko sa sahig. "Sir?"

Gusto ko sanang matawa nang maisip na nagbibiro lang siya. Ngunit nanatiling seryoso at blangko ang ekspresyon niya habang maiging nakatingin sa akin, halos hindi kumukurap.

Lumunok ako nang maramdaman ang pamumuo nang malalamig na pawis sa noo.

Seryoso ba siya? Hindi ako fan ng mga thriller movies kung naghahanap siya ng common ground. Langya.

"Uh..." Makalipas ang ilang hindi mapalagay na kurap ay sinabi kong, "Hindi ko siya papatayin?" Na siyang agad kong pinagsisihan dahil bukod sa wala iyong kwenta, mas lalo akong nanlamig sa blangko pa rin niyang ekspresyon.

Trainee exam ba 'to? Tanggal na ba ako? Wala naman akong nabasa sa job description kong kailangang sumagot ng mga weirdong tanong!

Isa. Dalawa. Halos limang minuto yata ang lumipas bago siya muling kumurap at gumalaw. At halos limang minuto ring nagwawala ang dibdib ko sa sobrang kaba!

Dahan-dahan siyang ngumiti sabay tinanong, "Do you consider yourself as righteous, good fellow, Axis?"

Sandali akong natigilan sa tanong niya. Everybody would probably answer right away but for some reason, I couldn't.

Magkandamali-mali sa gawain, mapahiya at magmukhang tanga sa harap ng mga katrabaho, magkaroon ng hindi magandang first impression sa supervisor, makatapon ng kape, makasira ng xerox machine, magka-lbm sa nilutong almusal ng kapatid kong si Cy, matanggal sa unang araw ng trabaho—wala ni isa sa mga inasahan kong iyon ang nangyari bago matapos ang araw na 'yon.

Hay salamat.

"Pauwi na 'ko, anong gusto mong pasalubong?" tanong ko mula sa phone na nasa isang tainga. Ang kabila'y wala sa sariling nakahawak sa suot kong kwintas.

"Makauwi ka lang nang maayos, Kuya, okay na 'ko."

"Ang plastik naman no'n." Natatawa akong napabuga ng hangin. "Bilisan mo bago magbago isip ko."

"Float mango graham with fries. Hehe."

"Tss." Binaba ko na ang tawag sunod ay inabot ng hintuturo ang noo at napakamot do'n, may bahid ng ngiti sa labi. Mabilis kong pinasadahan ng tingin ang paligid para maghagilap nang bukas pang tindahan sa tabi. Ngunit iba ang nakita ko.

Mula sa dinaraanan kong kalsada patungo sa hagdan paakyat ng train terminal ay may naaninag akong anino sa isang malapit na eskinita. Agad akong natigilan sa paglakad nang mapansin ang tila ritmo nitong paggalaw. Angat-baba. Ang pamilyar na tunog alinsunod niyon ay nilalamon ng nagdaraang train mula sa itaas na istasyon.

Kumukunot nang bahagya ang noo, mabilis kong pinasadahan ng tingin ang madilim at walang taong paligid bago dahan-dahang tinungo ang eskinita.

Habang lumalapit ay tanaw ko pa rin ang paggalaw ng anino hanggang sa mapahinto ako matapos niyong tumigil. Sumandal ako sa pader, aninag pa rin ang ngayo'y nakatayo nang anino. Hindi ko alintana ang pagpipigil ng hininga nang dahan-dahan kong isinilip ang ulo sa eskinita. Ngunit laking gulat ko sa nakita.

Sapo nang nanginginig na palad bibig, halos magkandarapa ako sa ginawang lakad-takbo palayo ro'n.

Katawan. Saksak. Laslas na leeg. Sumisirit. Umaagos. Dugo. Tao. Kilala ko kung sino 'yon.

Nakamamanhid ang tila pagbanli nang nagyeyelong tubig sa buo kong katawan. Muntik-muntikan akong dumausdos pababa ng hagdan dala nang labis na panginginig ng mga binti nang inakyat ko ang istasyon ng train.

Pula. Tirik na mata. Hiwa-hiwang laman. Kutsilyo. Blangkong mukha. Isang lingon. Nakita ba niya ako?

Animong halimaw ang pagwawala ng dibdib ko. Habol ko ang hininga at wala akong ibang maisip kundi ang walang-buhay na katawang nakita kanina lang. Panay ang dungaw ko sa bintana ng train pati na sa mga taong lulan niyon na para bang anumang oras ay may biglang aatake sa akin. Hanggang sa makauwi ako sa bahay ay baon ko pa rin ang ligalig at hindi ko maidiretso ang linya ng isip.

"Kuya, anong nangyari sa 'yo? Tumakbo ka ba pauwi mula opisina? Bakit pawis na pawis ka?" Hindi ko naintindihan ang magkakasunod na tanong ng kapatid ko nang makaapak ako sa bahay.

Humahangos, mabilis ang pag-andar ng isip ko sa kung anong dapat gawin. Unang araw ko pa lang sa trabaho, magre-resign na ba ako? Shit, kulang anim na buwan akong nagtyagang mag-apply sa iba't ibang company tapos ngayong natanggap ako, aalis na lang ako? Kaya kong magtrabaho kung saan-saan tulad nang dati pero paano ang kapatid ko? Paano ko tutustusan ang mga gamot at treatment na kailangan ni Cy?

Pero sandali, hindi ko sigurado kung nakita niya ba ako. Paano kung hindi? Paano kung oo? Papatayin din ba niya ako? Paano kung mali lang ako nang nakita? Paano kung hindi pala siya 'yon?

"Kuya."

Matalim ang singhap ko nang magbalik sa reyalidad. Bahagyang kunot ang noo at may bahid nang pag-aalalang mukha ng kapatid ko ang bumungad sa akin. Matapos humugot nang isang malalim na hininga ay nasapo ko na lamang ng magkabilang palad ang mukha.

"Hindi kita naibili ng pasalubong," bulong ko mula sa mga palad.

Tumawa ang kapatid ko. "Akala ko naman kung anong nangyari sa 'yo! Kumain ka na ba? Kumusta ang first day? May chicks ba?"

Unti-unti akong kumalma habang pinakikinggan siya. Kalaunan ay tuluyan na lang akong pumasok habang naghihilot ng sentido.

Hindi ako matalino. May mga bagay na kailangan kong pag-isipan nang matagal at gawin nang paulit-ulit bago ko mapulido. Ayokong simulang gawin ang mga bagay kung alam kong hindi ko pa 'yon gamay o kung kulang pa ang alam ko tungkol do'n. Dahil gusto ko nang sigurado at malinis na trabaho. Ayaw ko nang may nakikitang mali o butas sa mga ginagawa ko, kahit gaano pa kaliit.

Kaya bukas. Kailangan kong siguraduhin kung totoo ba ang nakita ko kanina. Tama.

"Axis!" Ang boses na 'yon. "Good morning!" Treyton.

Nasimento ang mga paa ko sa sahig kasabay nang tila kidlat na pagtama sa akin ng kaba. Tila bumagal ang bawat pagpatak nang sandali matapos. Bawat singhap at buga ko ng hangin. Bawat kurap ng mga matang nasa paligid mula sa mga taong nagdaraan para pumasok sa building. Sa bagal ay halos mabilang ko ang mga iyon.

Ngunit isang lingon at nakangiti niya akong sinalubong ng saludo sa ere habang palapit. Sa maikling segundo, nakahinga ako nang maluwag. Imposibleng siya ang parehong taong nakita ko kahapon. Madilim ang eskinita. Siguro kamukha lang niya. Siguro dala lang nang pagod ko kaya ako namalik-mata. Tama.

Mula sa pagkakaestatwa ay sinubukan kong ngumiti. "Good mor—"

"O? Ba't parang nasobrahan ka sa kape?" Mahina siyang humalakhak. Samantalang ako'y animong sinikmuraan nang biglang maubusan ng hangin sa baga.

Malamig ang sensasyong gumapang sa buo kong katawan nang matulala ako sa kwintas na nakasabit sa leeg niya.

"Hindi ka ba mali-late?" Sa parehong ekspresyon ay lumapit pa siya sa akin at inakbayan ako. Umakma siya nang pagtangay ngunit nang hindi ako matinag ay bahagya niyang iniyuko ang ulo. "So... you saw it, didn't you?"

Aninag ko ang unti-unting pagbabago ng ngisi niya mula sa gilid ng tingin ko. Ang mga mata niya'y nandidilat at maiging nakatuon direkta sa akin, tila ba walang gustong palampasin sa bawat reaksyong mababasa sa mukha ko.

"W-Wala... h-hindi ko nakita." Para na akong maduduwal dahil sa sobrang pagwawala ng dibdib ngunit pinilit ko iyong lulunin.

Nakita niya ako. Nakita niya ako. Shit! Shit! Anong gagawin niya? Anong gagawin ko?

Isang tapik sa balikat ang nagpapitlag sa akin mula sa kinatatayuan. Sinundan iyon ng maliligaya niyang tawa.

"Bummer, dude! 'Kala ko pa naman napanood mo na sa Netflix!"

Huh?

"Pinag-uusapan lang natin kahapon!" aniya, tila pinapaalala iyon sa akin.

"Ah." Sinubukan kong tumawa ngunit tanging bahaw ang kinalabasan niyon. Nagtagal ang tingin ko sa kaniya, inoobserbahang maigi ang bawat kurba ng mukha niya.

Mali lang ba talaga ako nang nakita?

"Morning, Heli."

Buong araw na hindi mapirmi ang atensyon ko sa trabaho dahil sa pag-iisip niyon. Kunot ang noo, panay ang sulyap ko sa kaniya ngunit hindi ko maitsura ang ekspresyon ng taong nakita ko kagabi. Pero bakit suot niya ang kwintas ko? It's probably a trap—para mahanap kung sino ang nakakita sa kaniya. Ibig sabihin, hindi niya alam na sa akin 'yon. At hindi niya malalaman na ako iyon kung hindi ko sasabihing sa akin ang kwintas. Tama. Kaya kailangan ko siyang unahan.

"Hello? Yes, sir. Uh, may gusto lang po akong i-report na—"

"Axis!"

Para akong tatakasan ng katinuan nang marinig ko ang boses niya sa malapit. Dali-dali kong pinindot pababa ang tawag sa police station para lang harapin siya. Hindi na ako halos humihinga nang sinubukan kong ipirmi ang boses.

"Bakit?"

"May naghahanap sa 'yo sa lobby," aniya sabay turo sa phone na hawak ko. "Kausap mo na ba?"

Kumunot ang noo ko sa narinig. Sinong naghahanap sa 'kin?

Tinignan ko ang phone at nakitang may text message iyon mula sa kapatid ko.

Cy:

Kuya nakalimutan mo 'yung baon mo. Nandito ako sa baba, idinaan ko na malapit lang naman uni namin hehe

Nagbuga ako nang isang mabigat na buntonghininga. Bakit idinaan pa niya, pwede naman akong bumili sa canteen dito?

"Nagpagod pa."

"Cyrene—may kapatid ka pala," nagtindigan ang mga balahibo sa batok ko nang marinig ang malamig niyang boses. Agad akong natigilan mula sa akmang pag-alis. "A freshman college student. Ang lapit lang ng university niya rito ah."

Idinirekta ko ang mga mata ko sa kaniya at mariin siyang tinapunan ng tingin. Ngayon sigurado na ako sa nakita ko. At mukhang sigurado na rin siya sa kutob niya.

"Oo. Pero bawal pa ang manliligaw."

Dahan-dahang kumurba paangat ang isang sulok ng mga labi niya, hindi nagbibitiw ng tingin sa akin.

"You ride the train home too, right? Why don't we talk a little on our way home after getting off work later?" Bahagya siyang yumuko, ang ngisi ay nanatili. "We have a lot to talk about."

Papatayin niya ako. Sigurado ako.

Imbes na magpakita ng takot o kahit anong emosyon ay sinuklian ko ang ngisi niya. "Sige."

Fucking psychopath!

Abot hanggang tainga ang dagundong ng dibdib ko hanggang sa matapos ang araw. Gusto kong magsumbong sa pulis pero hindi ko alam kung anong gagawin niya kay Cy. Baka hindi siya nag-iisa. Baka may mga kasabwat siya. Tangina pwede niya akong patayin kahit anong oras niya gusto pero wala akong pakialam dahil mas importante sa akin ang kaligtasan ng kapatid ko.

Sabay kaming lumabas ng opisina lulan ng elevator. Hawak ko mula sa bulsa ng suot na slacks ang isang balisong na lagi kong dala. Sa maliit na eskinita malapit sa train station—bago siya gumalaw, dapat maunahan ko siya.

"Anong gusto mong—" Ngunit hindi ko inasahan na doon pa lang ay plano na niya akong bawian ng buhay.

Ramdam ang hapdi sa gilid ng ulo, natagpuan ko ang sariling nakaupo sa sahig ng isang budega. Ang naninilaw na sinag ng ilaw na nanggagaling sa kisame ay mahina at halos hindi mabigyang liwanag ang maliit na kwarto.

"The princess has finally awoken!" Nakuha ng pigurang humihila ng isang kahoy na upuan ang atensyon ko. Patalikod niya iyong ipinirmi sa harap ko at saka naupo roon, sandig ang magkabilang braso sa sandalan habang nakatunghay sa akin sa sahig. Pinaglalaruan niya sa palad ang balisong ko. "You always keep something like this?"

"Anong gusto mo?" Umakma ako nang paggalaw ngunit noon ko lang natantong nakatali ang mga braso ko sa likuran.

Sinabi ko na bang hindi ako fan ng mga thriller movies? Langyang buhay.

Pagkatuon ng atensyon sa akin ay umangat ang isang sulok ng mga labi niya. Sabay tanong pabalik, "Anong nakita mo?"

"Wala akong nakita—"

"Your sister looks nice."

"'Wag na 'wag kang magkakamaling idamay siya!"

Bumunghalit siya ng tawa, ang ulo'y bahagyang nakayuko. "Then don't you play fucking dumb on me." Sabay angat ng tingin, seryoso ang ekspresyon. Gamit ang hawak na balisong, kinawit niya mula sa talim niyon ang suot na kwintas para lang iangat nang kaunti. "This is yours, right?"

Igting ang panga, hindi ako sumagot. Mabagal siyang tumango bago pinadulas pabitiw ang talim matapos ang ilang sandali.

"Okay. Here's what will happen. You will die here." Sa isang iglap ay tumumba ang upuan at naro'n na siya agad sa harap ko. Dakot ng palad buhok ko, mahigpit ang hawak niya sa balisong na nakatutok sa lalamunan ko. "In case you don't know, I'm not a fan of bullshits."

"S-Sandali lang! Sandali lang!"

Mula sa akmang pagtarak niyon ay sandali siyang natigilan. Ang blangko niyang mga mata'y dumirekta sa akin.

"Hindi ako magsusumbong—wala akong pagsasabihan nang nakita ko!"

"I can't really be sure about that, can I? Kaya nga mas mabuting patayin na lang kita."

"Anong pwede kong gawin? Kahit ano gagawin ko!"

"Wala."

"A deal! Let's make a deal!"

"I told you I'm not up for any of your bullshits."

"T-Tutulong ako! Tutulungan kita sa ginagawa mo—that way you can be sure I won't rat you!"

Mula sa blangkong ekspresyon ay dahan-dahan muling kumurba ang isang sulok ng mga labi niya para sa isang ngisi. "Nice try. But I work alone—I don't need anyone's assistance."

"May sakit ang kapatid ko—kami na lang ang magkasama, 'pag nawala ako paano na siya? Parang awa mo na, Trey, gagawin ko kahit na anong gusto mo, 'wag mo lang akong... 'wag mo lang akong papatayin! Kailangan pa ako ng kapatid ko..."

Sa parehong ekspresyon ay itinabingi niya nang bahagya ang ulo. "Do I look empathetic to you, Axis? Tingin mo may pakialam ako kung sino sa inyo ng kapatid mo ang unang mamamatay?" Dahan-dahan siyang natawa. "If that is your attempt at humor then you got me."

"Hindi ako nagbibiro." Nagtangis ang mga ngipin ko sa nadamang galit.

Nang mga oras na 'yon, isa lang ang sigurado ko: ang mga halang na kaluluwa ng mga demonyong kagaya niya lang ang kayang tawanan ang bagay na 'yon.

Pabalya niyang binitiwan ang buhok ko at tamad na naupo sa sahig, sa mismong harapan ko. Patong ang magkabilang braso sa magkahiwalay na tuhod, nakangisi niya akong tinunghayan matapos.

"Alright, here's what'll happen now." Malaki ang ngisi, ipinadaan niya ang dila mula sa mga nakalabas na itaas na ngipin bago sinabing, "You'll do as I say or your sister dies. If you at least try to rat me, then she will experience hell. Then you'll die. Nod if you understand, dumbshit!"

That day, I made a deal with the devil with a promise to keep it—but I was no keeper. And there was no telling who the real devil was.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top