TWO
Five years later.
"Congratulations, Florence!"
Nagulat pa ako pagpasok ko ng pantry namin para mag-kape lang sana. Sabay-sabay na binati ako ng mga kasama ko sa opisina. Dahil na-sorpresa ako, ang tagal kong naka-titig lang sa kanila, bago nag-sink-in sa akin kung ano ang nangyayari.
"Gulat si Mamsh, o!" Tawa nang tawa si Ate IC na ka-opisina ko. "Galaw galaw, 'oy, baka pumanaw."
"Sorry." Natawa na lang din ako. "Malay ko ba naman kasing may paandar pala kayo dito. Kaya pala parang mga aligaga kayo kanina pa."
"Bitaw ka naman ng isang pang-malakasang speech diyan, Miss Florence," pambubuyo sa akin ng isa ko pang officemate na si Gino. "Mga huling habilin mo sa 'min bago mo kami iwan."
Hinampas ko siya sa braso. "Gino naman! Buhay na buhay pa ako parang gusto mo na akong patayin."
Tawanan kaming lahat.
"Hindi. Mga habilin kasi siyempre, next week, sa ibang office ka na," palusot pa niya. "Mga words of wisdom mo diyan, baka gusto mo lang i-share sa amin."
Inakbayan naman ako ng isa ko pang ka-opisina na si Eya. "'Yaan mo 'yan si Gino. Basta, ah. 'Wag mo kami kakalimutan dito."
"Ang drama naman nito!" biro ko pero umakbay din ako sa kanya at humilig sa balikat niya. "Ano ba, sa 23rd floor lang naman ako lilipat."
"Mami-miss namin mga baked goodies mo, Mamsh," malungkot na sabi naman ni Alina. "Mga chikahan natin over coffee, ay, basta, mami-miss kita."
"Group hug!" Nag-open arms si Louie kaya tumakbo kaming lahat papunta sa kanya para yakapin ang bawat isa.
"Hoy, social distancing!" saway sa amin ni Ate Aira pero naki-yakap din naman siya.
Nalulungkot din naman ako, ayoko lang ipahalata. Baka kasi mapa-iyak pa ako sa harapan nila. Kahit naman nasa iisang kumpanya pa rin kami, talagang may mag-iiba na. Baka minsan, hindi ko na sila makakasabay sa coffee break o kaya sa lunch. Alam kong magiging mas busy na ako sa opisinang lilipatan ko.
Tatlong taon na rin ako sa Accounting Department bilang Accounting Clerk, kaya itong mga kasama ko, itinuring ko nang pamilya. Mababait silang lahat at magaan ka-trabaho. Kung hindi lang dahil sa career advancement at higher salary, mas gusto kong mag-stay sa Accounting.
Pero, noong nabalitaan ko iyong hiring sa Office of the Vice President for External Affairs, at nakita kong halos doble iyong suweldo sa kasalukuyan kong kinikita ay sinubukan kong mag-apply. Pinalad naman na ako ang natanggap bilang Executive Assistant o EA. Nag-resign na kasi iyong dating EA.
Kaso, iyong current Vice President o VP ay nag-retire na rin last week, at iyong anak niya ang papalit sa posisyon - si Sir Frank Ledesma, na first time ko ring makikita next week. Technically, sabay kaming magsisimula sa bago naming trabaho. Though, iyong mga staff naman doon ay mga datihan na.
"Florence, guwapo raw 'yon si Sir Frank, eh," sabi ni Ate IC sa akin.
"Eh, siguro. Mukhang guwapo rin naman si Sir Freddie noong kabataan," sagot ko na ang tinutukoy ay iyong tatay ni Sir Frank na dating VP. "Tapos, maganda rin si Madam Amanda, 'yong asawa niya. Kaya malamang, guwapo rin 'yong anak nila.
"Hindi mo pa ba nakita?" tanong ni Louie. "'Di ba dapat siya ang magfa-final interview sa 'yo?"
Umiling ako. "Si Sir Freddie pa rin ng nag-interview sa akin sa final. Expected ko nga rin sana na si Sir Frank, pero hindi, eh."
"Pero sana, mabait 'no?" hopeful na sabi ni Eya.
Nagsalita naman ng pabulong si Cheska, "At sana 'di kasing-suplado ni Sir Maui."
Si Sir Maui naman ay ang Vice President for Finance at pinaka-boss namin sa Accounting Department. Kumbaga, mas boss pa sa mga Supervisors at Managers namin. Pamangkin siya ni Sir Freddie at bale pinsan naman ng magiging boss ko.
"Hindi naman suplado 'yon. Tahimik lang kasi siguro talaga siya." Ipinagtanggol ko si Sir Maui.
Ang totoo kasi ay crush ko si Sir Maui. Pero sikreto ko lang iyon. Wala akong pinagsasabihan kahit sino sa mga ka-trabaho ko. Mahirap na, baka kumalat at maging tampulan pa ako ng tukso. Ang mas malala, baka makarating kay Sir Maui mismo. Nakakahiya.
"O, cake pa, Miss Florence." Ipinag-slice na ako ni Gino at siya na rin ang naglagay sa platito.
"'Uy, salamat, Gino." Kinuha ko iyon mula sa kanya.
"Eh, sino palang papalit sa 'yo dito?" tanong ni Ate IC.
Umiling ako. "'Di ko pa alam, Ate. Pero nag-apply 'yong kaibigan ko, si Patti. Eh, sana siya ang matanggap."
"Kasing-bait mo naman ba 'yon, Mamsh?" si Alina naman ang nagtanong.
"Oo, mabait 'yon. Kuwela pa. Tatawa kayo nang tatawa do'n," pagbibida ko. "Kumpara sa akin na ang boring-boring."
"'Oy, hindi, ah. Tawa mo pa nga lang masaya na kami," biro ni Louie. Madalas nilang mapag-diskitahan ang paraan ng pagtawa ko. Ikinukumpara nila sa singer na si Kyla, magka-parehas daw kasi na parang wala nang bukas.
"O, ito na pala sina Ma'am Vivian," bulalas ni Eya. Siya ang Head namin sa Accounting. Kasama niya iyong iba pa naming mga supervisors. Umayos kami para bigyan sila ng space.
"Paano, Florence, iiwan mo na kami," sabi ni Ma'am Vivian.
"Ma'am, sa taas lang po ako lilipat." Ngumiti ako at banayad ko siyang hinawakan sa braso. "Kain na po kayo."
Nagsalo-salo ang lahat sa mga pagkain na inihanda ng mga kasama ko sa department.
Naging masaya ang munting piging na iyon. Pati iyong mga taga-ibang departamento na pumapasok sa pantry ay inanyayahan na rin naming maki-salo sa amin.
Sa susunod na linggo ay sa ibang opisina na ako maa-assign. Hindi ko mapigilang malungkot, pero at least, nandito pa rin naman ako sa kumpanyang ito. Marami pa ring pagkakataon na makita at makasama itong mga maiiwan ko sa Accounting Department.
Pero ngayon pa lang, alam ko, mami-miss ko talaga sila.
***
"Ay. 23rd floor na nga pala ako."
Napa-iling ako nang mapindot ko iyong 22nd na button sa elevator. Doon kasi ang Accounting Department - ang dati kong departamento. Buti na lang mag-isa lang ako dahil maaga pa naman. Kung dati ay maaga na akong pumasok, mas inagahan ko pa ngayon para kung may mga adjustment na kailangang gawin, dahil bago nga ako, at least ay nandito na ako.
Humugot ako ng malalim na paghinga pagbukas ng elevator sa 23rd floor. Medyo kinakabahan ako, pero siguro kahit sino naman. Bagong opisina, bagong boss. Bagong mga kasama, bagong environment.
"Good morning po." Nakakita ako ng pamilyar na mukha sa reception. Sa dami kasi ng empleyado sa kumpanyang ito ay hindi na halos magkakakilala ang lahat.
"Doon ka." Walang kangiti-ngiting sumagot sa akin ang babae. Hala. Sa reception pa naman siya naka-puwesto at sumasalubong sa mga guests, tapos ganoon ka-taray.
Itinuro niya ang direksiyon papunta sa opisina ni Sir Frank. Magkatabi pala ang office nila ni Sir Maui.
Doon muna ako lumapit sa opisina ni Sir Maui. Binasa ko ang metal plate sa pinto ng opisina.
Mauro Iñigo M. Ledesma
Vice President for Finance
"Doon ka. Hindi diyan." Nagulat pa ako nang marinig ang walang kabuhay-buhay na boses ng receptionist na binati ko kanina. Paglingon ko ay nakatingin nga siya sa akin.
Pinagpasensiyahan ko na lang. Bahagya akong tumango at naglakad na papunta sa kasunod na opisina.
Franco Luis Miguel C. Ledesma
Vice President for External Affairs
Ang haba pala ng pangalan ni Sir.
Kumatok ako ng dalawang beses bago ko buksan ang pinto.
Ang laki pala sa loob ng opisinang ito.
At may tao na doon. Babae. Nakilala ko agad kung sino siya noong tumingin siya sa akin. Nagkita na kami noon nang i-orient ako sa HR Office para sa magiging bago kong trabaho. Siya ang Chief-of-Staff at magsu-supervise sa aming lahat.
"Good morning po, Miss Celine," bumati ako at ngumiti.
Nahiya ako nang tumayo siya at lumapit sa akin. Super corporate ng suot niya! Mula sa buhok na malinis na naka-pusod, white button down polo sa ilalim ng black blazer na tinernuhan ng black skirt na above-the-knee ang haba. May skintone stockings at naka-black pumps na nasa five-inch yata ang taas.
Samantalang ako, naka-long sleeved cream blouse na overlapping sa harap, nakapaloob ang laylayan noon sa checkered na red skirt na hanggang binti ko ang haba, at malapit din sa kulay ng suot kong blouse ang low-cut boots na suot ko.
"Good morning," pagbati niya. "Welcome to the OVPEA. That's how we call this office. Ang haba kasi kung bubuuin pa."
Okay, na-gets ko naman iyong acronym, kahit binigkas niya iyon na O-V-Peya.
"Ito ang magiging puwesto mo." Sinamahan niya ako papunta doon. Ang haba nitong magiging table ko, ang bongga rin ng swivel chair. Sa totoo lang, iyong buong feels ng opisina talagang ramdam kong pang-executive level. Malayo sa maliit na cubicle ko noon sa Accounting Department.
Naalala ko na naman. Na-miss ko tuloy sila doon bigla.
"Itong puwesto mo ang pinakamalapit sa pinto ng office ni Sir Frank o ng VP. Ikaw kasi ang pinakamadalas niyang tatawagin o kakausapin," sabi pa ni Miss Celine.
Tumango-tango ako. "Thank you po."
"If you have questions, please don't hesitate to ask me or anyone of us," paalala niya sa akin. "Mamaya, ipakikilala kita sa mga kasama natin kapag dumating na sila."
Natutulala ako kay Miss Celine. Iba kasi ang level of confidence niya. Malayo sa shy-type at reserved person na katulad ko. Eh, palagay ko naman hindi kami nagkakalayo ng edad. Baka mga two to three years lang ang tanda niya sa akin.
Maya-maya ay dumating na rin ang ibang mga kasama namin. Ang mga aura nila para ding si Miss Celine - confident, dignified. Ipinakilala ako ni Miss Celine sa kanila. Bale anim pala kaming lahat dito sa OVPEA bukod sa Vice President mismo. Anim lang - pero iyong opisina kasing-laki na yata ng buong Accounting Department. Tapos, iyong opisina ng VP, kasing-laki rin nitong sa staff, at mag-isa lang siya doon.
"Kilala kita, ikaw 'yong masarap mag-bake!" masayang sabi ni Kathryn, isa siya sa mga Administrative Assistant. "Nakakarating pa sa 'kin 'pag nag-uuwi si Gino. Panalo 'yong matcha cookies mo, girl."
Siguro nakita niya ang tanong sa mga mata ko kaya siya na rin ang nagkusa na magpaliwanag, "We live together."
Tumango-tango ako. "Ikaw pala 'yong naikukuwento niya minsan sa amin na GF niya. Nice meeting you."
"Same here," nakangiting sagot niya.
"Pa-experience naman niyang matcha cookies na 'yan," pabirong sabi ni Nadine, katulad ni Kathryn ay Administrative Assistant din siya. At oo, nagkataon na ganoon talaga ang mga pangalan nila. Ang lakas maka-artista.
"Good morning."
Naputol ang pag-uusap namin at sabay-sabay kaming napalingon sa pinto nang marinig ang baritonong boses na iyon.
Isang lalaki ang dumating, matangkad, at siguro nasa mid-thirties ang edad. Mapungay ang mga mata, matangos ang ilong, may bigote at balbas pero hindi naman kakapalan. Para siyang bida sa mga Mexican telenovela na sinusubaybayan ni Mama noong bata pa ako.
Pero ang nakatawag ng pansin sa akin ay ang buhok niya - ash grey. Hindi ko alam kung uban ba iyon pero parang ang bata pa ni Sir para magka-uban na ganoon karami, saka lahat ng parte ng buhok niya, ganoon. Parang nagpa-kulay lang yata siya, pero in fairness, bagay naman sa kanya. Hindi siya nagmukhang matanda sa ganoong kulay ng buhok.
"Good morning, Sir," sabay-sabay naming pagbati pero halata sa mga boses namin na nananatiya kami sa aming bagong boss.
Ngumiti siya sa amin. "Chill. Ang stiff niyo masyado. Gano'n ba ka-terror sa inyo si Dad?"
Hindi namin alam kung tatawa ba kami sa biro niya. May isang naglakas-loob na sumagot, si Miss Celine.
"No, Sir. We just want to be formal and courteous at all times."
"Fuck formalities." Humila siya ng isang upuan, sa desk yata iyon ni Kathryn. Umupo siya doon at nag-de-kuwatro. "Basta gawin niyo ang trabaho niyo, iyon ang importante."
Medyo nagulat ako sa paraan ng pagsasalita niya. Iyong tatay niya kasi, na dating VP, ay pormal at kagalang-galang. Hindi namin iyon naringgan ng masamang salita kahit kailan.
"Humila kayo ng kahit anong upuan diyan, mag-usap tayong lahat," utos niya sa amin.
Iyong iba ay sumunod na pero nagsalita si Miss Celine, "Sir, we could use the conference room if you want."
"'Wag na." Umiling si Sir. "Ang laki-laki ng conference room na 'yon. Sige na, magsi-upo kayo diyan."
Ganoon na nga ang ginawa namin. Humila kami ng kahit anong swivel chair na malapit sa kinatatayuan namin at naupo kaming lahat paharap sa kanya.
"Okay. Palagay ko naman 'yong iba sa inyo kilala na 'ko dahil minsan nag-aattend na rin ako ng Board Meeting," panimula niya.
Nagpakilala siya, "Pero sige, for the benefit of everybody, ako si Franco Luis Miguel Ledesma. Ang haba, 'di ba? Kaya Frank na lang. Bahala na kayo kung tatawagin niyo 'ko sa first name, o kung ia-address niyo 'ko as Sir o Boss. Hindi importante sa 'kin ang mga titulo o salutation na ikinakabit sa pangalan."
"Kayo naman." Tumingin siya sa gawi ni Kathryn. "Simulan mo, Ma'am."
"So, Sir, good morning. I'm Kathryn Bernal," pakilala niya. "I'm currently holding the position of Administrative Assistant and I've been in this company for three years already."
"May balak ka mag-ten years?" Ngumisi si Sir. Hindi ko tuloy alam kung biro iyon o hindi.
"I see myself working in this company for a long time, Sir," sagot niya. "I enjoy the working environment here. The tasks could be challenging, but it gives me room to grow."
Lakas maka-final interview ng sagot. Lalo tuloy akong kinabahan. Isa ito sa mga bagay na nakakapagpa-kaba sa akin nang matindi - ang magsalita sa harapan ng isang crowd, gaano man kalaki o kaliit iyon.
Sa mga pagkakataon na kailangan kong maki-deal sa iba't ibang tao, lalo na kung trabaho na tulad ng mga raket ko noon, napipilitan na lang talaga akong lakasan ang loob ko.
Isa rin sa mga dahilan kaya tumagal ako sa Accounting Department ay dahil hindi ko kailangang humarap sa mga tao sa araw-araw.
"Thank you, Kathryn," sabi ni Sir Frank pagkatapos ng palitan nila ng mga tanong at sagot.
Pagkatapos ay tumingin siya sa akin. "Your turn, please."
Tumikhim pa ako bago nagsimulang magsalita, "Ahmm...I'm Florence Catacutan po. Apelyido ko lang po 'yon pero 'wag niyo po 'ko katakutan."
Sinubukan kong mag-biro, pampa-bawas ng kaba. Natawa naman itong mga kasama ko.
"No one will be scared of you." Ngumisi si Sir Frank. "Mukha kang banal. Parang mapapa-sign-of-the-cross nga ako ngayon."
Mas lalong natawa ang mga bago kong ka-opisina.
"Admin Assistant ka rin?" tanong niya. "Katulad nitong si Kathryn?"
Umiling ako. "Ahh h-hindi po. Executive Assistant po."
Kumunot ang noo niya. "Hindi ikaw 'yong nakikita kong kasama ni Dad sa mga board meeting noon."
"B-bago lang po kasi ako, Sir. Galing po ako sa Accounting Department. Three years po ako doon bago po ako nalipat dito, at first day ko rin po sa opisinang ito ngayong araw," paliwanag ko.
Tumango-tango siya bago humalukipkip, at tumingin sa akin habang bahgyang naka-paling ang ulo niya sa kanan na para bang napapa-isip siya. "Interesting why Dad hired you as my EA."
Hindi ko naintindihan kung bakit niya nasabi iyon.
"But anyway, we'll be working a lot together." Napansin kong may diin iyong pagkakasabi niya ng "a lot". "So, welcome to the both of us, Florence."
"Welcome, Sir." Nginitian ko siya.
Ngumiti siya pabalik sa akin. Hindi ngisi kundi totoong ngiti. Lumitaw ang mapuputi at pantay-pantay niyang mga ngipin.
Nang matapos magpakilala ng lahat kabilang na ang messenger na si Kuya Jonel at Clerk na si Kimverly, nagsalita ulit si Sir Frank sa aming lahat.
"Since I'm new here, technically speaking, expect that I'll be asking a lot of questions from you guys. I'll also be needing your assistance on some matters." Sinabi niya iyon sa ma-awtoridad na paraan kaya hindi halata na humihingi talaga siya ng tulong.
"Yes, Sir," si Miss Celine ang sumagot.
"Do you have any questions for me?" tanong niya. "Before we start working our asses off."
Tumayo siya mula sa kinauupuan niya nang walang sumagot mula sa amin. "Okay, since you don't have anything to ask, then let's start the day rolling."
Hindi niya na pinagka-abalahan pang ibalik kung saan niya kinuha iyong hinatak niyang swivel chair. Basta naglakad na siya papunta sa opisina niya. Nakalagpas na siya sa aming lahat nang bigla siyang huminto at lumingon.
"Florence, follow me."
"Okay, Sir." Nagmamadaling sumunod ako sa kanya. Ako sana ang magbubukas ng pinto ng opisina pero naunahan niya ako.
Dire-diretsong naglakad siya papunta sa desk niya at naupo sa swivel chair. Ako, naiwang nakatayo malapit sa pinto.
"Lock the door," utos niya.
Napatingin ako sa kanya, at hindi ako nakapagsalita.
"Lock the door and come here," ulit niya nang mapansin sigurong hindi ako kumikilos sa kinatatayuan ko.
Bigla akong kinabahan.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top