TWENTY-EIGHT

"Hala ka, Sir," iyon lang ang tangi kong nasabi. Bumalik ang kaba na naramdaman ko nang makita ko siya sa lunch kanina. Hindi ko kayang pangalanan kung ano ito, o bakit ganito ang nararamdaman ko.

"It's true. I missed working with you," aniya.

Nakahinga ako nang maluwag. Working lang naman pala. Ngumiti ako. "Kahit naman ako, Sir. Medyo istrikto po 'yong boss ko ngayon do'n sa Bermudez."

Natawa siya. "Am I not strict way back?"

"Uhmm...strict din naman. Pero kasi po, 'yong pagka-istrikto niyo in terms of work lang, pero siya istrikto talaga hanggang sa ibang bagay. Hindi mabiro, tapos poker face lang po lagi." Pumasok tuloy sa isip ko ang mukha ni Ms. Vicky.

"Lalaki ba?" tanong niya.

"Babae, Sir. Mga nasa 40's na din po siguro ang edad, 'di ko po sure. Never po kami nag-usap ng tungkol sa mga personal na bagay," tugon ko.

"That's chicken feed, Florence." Tumaas ang isang sulok ng labi niya. "Si Maui nga napa-amo mo."

Sasagot sana ako ngunit dumating na ang mga hinihintay ko. Bukod sa kanila, may kasama silang dalawa pa, si Tin na bago nilang kasamahan sa Accounting Department, at ang kaibigan nitong wedding singer na si Ria. Nagkakilala na kami kanina noong lunch time.

"Hi, Sir. Good afternoon po," bumati si Eya kay Sir Frank.

Nakita ko ang bahagyang pagtango ni Sir Frank. "Sa'n ang punta niyo?"

"Swimming kami, Sir. Sama po kayo?" tanong naman ni Cheska.

Umiling si Sir Frank. "Hindi na. Go ahead."

"Sige po, Sir," nagkasabay pang magsalita si Ate Aira at Alina.

"Una na po kami," paalam ni Eya.

Noong naglalakad na kami papalayo ay nilingon ko si Sir Frank. Ngumiti siya sa akin. Nginitian ko siya pabalik bago ako bumaling muli sa direksyon ng nilalakaran namin.

"Alam mo, Mamsh, may mga naririnig kami na hindi okay si Kimverly," sabi sa akin ni Eya sa mahinang boses. "Si Gino lang ang nagkuwento sa 'min. Siguro, ikinuwento naman sa kanya ni Kathryn. May isang malaking meeting na pumalpak si Kimverly."

"Gano'n ba? Pero normal lang naman na magkamali lalo kung first time," wika ko.

"Taon na rin siya do'n, Mamsh," giit ni Eya.

"Siguro ay hindi pa lang masyadong nagagamay ni Kimverly ang trabaho. Iba-iba rin naman kasi ang adjustment period ng mga tao," paliwanag ko.

"Baka nga nami-miss ka na no'n ni Sir Frank." Siniko pa ako ni Cheska. Napalunok tuloy ako. Kung alam lang niya, sinabi nga lang din kanina ni Sir iyon.

"Bakit nga pala hindi natin naisipang yayain sila Kimverly?" biglang pumasok sa isip ko ang ideyang iyon.

"Dinaanan namin, parang mga nagsi-siesta, eh," paliwanag ni Eya. "Eh, mas lalong ayaw naming istorbohin 'yong bride, baka nagbu-beauty rest na 'yon."

Napangiti ako. Masaya akong malaman na tila naging magkaibigan na rin ang mga tao sa dalawang opisinang pinanggalingan ko.

"Tin, siya bale dati 'yong nasa position mo ngayon," paliwanag naman ni Cheska kay Tin sabay turo sa akin. "Bago siya nalipat sa OVPEA at tuluyang lumayas."

Natawa ako. "Lumayas talaga. Kumusta, Tin? Tinatambakan ka ba nila ng trabaho?"

Natatawa ring sumagot siya. "H-hindi naman po."

"'Oy, 'di kami ganyan, Mamsh. Alam mo 'yan!" Iwinasiwas pa ni Cheska ang hintuturo sa ere na tila sinasabing, "no, no, no".

"Siyempre, joke lang!" nakangiting sabi ko. Bumaling ako kay Tin, "Pero seryoso, mababait naman itong mga kasama mo...'pag busog."

Nagkatawanan kaming lahat.

"'Pag gutom, ang iinit ng ulo ng mga 'yan," sabi ko pa.

"Food is life, mga mare. Ako nga, kasing payat nito ni Tin nang pumasok ako sa LDC." Nagbalik-tanaw pa itong si Ate IC.

"An'yare?" nang-aasar na tanong ni Alina sa kanya.

"Eh, mga buwisit kayo puro kayo dala ng pagkain sa opisina." Lumabi si Ate IC.

"Nasisi pa nga." Napa-iling si Cheska.

"Halika na, mukhang dito pinaka-okay mag-swimming na part, hindi masyadong maalon." Tumuro si Eya sa dagat na nasa tapat namin.

"Ay, go mga Mamsh!" masayang sambit ni Cheska.

Palusong na sana ang lahat nang magsalita si Ria, "Ah, dito na lang po 'ko. 'Di po pang-swimming 'tong suot ko."

Napatingin ako sa tie-dye shirt niya at drawstring pants na hanggang tuhod. "Okay lang 'yan. Halika na." Hinawakan ko siya sa pulsuhan upang mapilitan siyang sumama sa amin. Palagay ko kasi ay nahihiya lang siya dahil siya lang ang hindi taga-LDC. Si Tin bale ang nag-refer sa kanya kina Gino at Kathryn para kumanta sa kasal nila.

Napangiti siya at sumama na rin sa amin.

***

'Pag nakalimutan na ating sayaw
Kumupas dating pagtingin

Hindi ko maiwasang humanga sa ganda ni Kathryn! Mula sa pwesto naming mga bridesmaids ay nakatunghay ako sa arkong napalilibutan ng mga bulaklak, kung saan siya magsisimulang mag-martsa patungo sa altar.

At kung ang dulo ay natatanaw
Sumpaan ay gunitain

Pumapailanlang ang tinig ni Ria sa buong venue. Nakaka-mangha na kung paanong ang sweet lang ng boses niya pero hindi natatabunan ng mga natural na ingay sa paligid tulad ng huni ng mga ibon at pag-sampa ng mga alon sa pampang. Ang lugar kasi kung saan ginaganap ang kasalan ay sa dalampasigan mismo.

Tayo ay babalik
Babalik
Sa simula

Noong tumapat na sa puwesto namin si Kathryn ay mas lalo kong nasilayan ang kagandahan niya. Light lang ang pagkaka-make-up sa kanya, sapat para lumutang ang maamo niyang mukha, higit lalo ang mga nangungusap niyang mata at malalantik na pilik-mata.

Kung maliligaw
Ikaw ang linaw
'Di ka bibitawan

Ang kanyang puting wedding gown ay binubuo pala ng maliliit na burdang tila hugis scallops, na kulay puti rin ang sinulid na gamit. Ang bawat pagitan ng burda ay naaardonahan naman ng maliliit na crystal beads na siyang nagbibigay ningning sa gown. Napaka-intricate pala ng disenyo noon sa malapitan.

Sa sigwa o araw
Dilim o bughaw
Ikaw ang sigaw

Napatingin ako sa katapat na upuan sa kabilang panig ng isle na nilalakaran ni Kathryn. Ang hinahanap sana ng mga mata ko ay si Maui pero si Sir Frank ang nakita ko. Nagtama ang mga paningin namin dahil nakatingin din pala siya sa gawi ko. Isang ngiti ang unti-unting sumilay sa mga labi niya, Napangiti na lang din ako at bahagyang tumango.

May sinasabi siya sa pamamagitan lamang ng mga labi, ngunit walang tinig. Kumunot ang noo ko, hindi ko kasi maintindihan. Minumura ba ako nito? Nang makita niya sigurong salubong na rin pati ang mga kilay ko, inulit niya iyon pero hindi ko pa rin masyadong mabasa ang galaw ng mga labi niya.

Ganda mo?

Mali yata ang pagkaka-intindi ko? Nginitian ko na lang ulit siya, kunwari na-gets ko. Tapos ay umiwas na lang ako ng tingin dahil magsisimula na ang seremonya.

Sa parte na nagpapalitan na ng wedding vows ay hindi na naiwasang mapaluha ni Gino. Kumapit sa braso ko si Eya, nang lingunin ko siya ay nangingilid na rin ang luha.

"Kath, ikaw ang pinili kong makasama, at ikaw pa rin ang pipiliin sa mga darating na araw, buwan, at taon. Ikaw ang pinipili kong makasama sa hirap at ginhawa," marubdob na sabi ni Gino sa basag na tinig, "at pipiliin kong manatili sa iyong tabi hanggang sa huling sandali ng ating buhay."

Wala na. Bumigay na ang luhang kanina ko pa pinipigilan. Dalawa na kami ngayon ni Eya na umiiyak. Yumakap na lang tuloy siya sa bewang ko, inakbayan ko naman siya.

"Ano ba 'yan, Florence, 'pag kayo ni Sir Maui ang ikinasal iiyak na naman ako nang ganito," pabulong na aniya habang humihikbi pa rin.

"'Di bale, waterproof pa rin 'yong make-up natin no'n, sasabihin ko talaga sa make-up artist," napa-singhot pa ako pagkasabi noon.

Pigil na pigil na napahagikgik kaming dalawa.

"Makinig na tayo, Mamsh. Ang hirap magpigil ng tawa," wika niya, bagamat hindi naman siya umalis sa pagkaka-ikot ng mga braso niya sa bewang ko.

Muli naming itinuon ang aming atensiyon sa nagaganap na kasalan.

***

"Ay!"

Nagulat pa ako nang sa akin bumagsak ang bridal bouquet na inihagis ni Kathryn. Wala naman sana akong balak na saluhin iyon, sa totoo lang. Sa bandang likod na nga ako ng mga nag-aabang nakatayo. Kaso, mula sa ere ay tumama iyon sa bandang dibdib ko, kaya para hindi mahulog sa buhanginan ay napilitan akong mabilis na sapuhin iyon.

Nagkatinginan kami ni Maui na katabi kong nakatayo at sa palagay ko ay iisa lang ang tumatakbo sa isip namin - ang napag-usapan namin noon habang kumakain sa Tagpuan. Napangiti kaming dalawa sa isa't isa.

"I told you so." Diyos ko po. Nakatutunaw ng puso ang pagmasid niya sa akin habang nagsasalita. "You did it effortlessly. Even destiny agrees that you'll be the next one to get married, with me of course."

"Effortless nga." Bahagya akong natawa. "Kusa nang pumunta sa akin. Natakot yata sa 'yo, katabi kasi kita."

Nagkatawanan kami.

Inakbayan niya ako at saglit na sumulyap siya sa hawak kong bouquet. "You look really good holding that."

"Bagay sa 'kin?" nakangiting tanong ko.

"Yeah." Pinisil niya ang tungki ng ilong ko. "You're stunning, Sweetheart. I've been staring at you from my seat while waiting for the ceremony to end, so I could finally be with you."

"Hala, nakita mo siguro 'kong naiyak do'n sa wedding vows." Saglit akong napayuko upang tignan kung naaapakan ko ba ang buhok ko, este, ang laylayan ng suot kong maxi dress.

"It's understandable. That was quite a moving moment." Inilagay niya sa likod ng tainga ko ang ilang hibla ng buhok na kumawala na sa pagkaka-tirintas. "Hindi nabawasan man lang ang ganda mo."

Pakiramdam ko ay pinamulhan ako ng mukha sa sinabi niya. Iba ang dating sa akin kapag sa wikang tagalog niya binibigkas ang pagpuri o ipinapahayag ang kanyang pagmamahal. Ingglisero kasi talaga siya, palagay ko ay dahil ganoon ang kinalakihan niyang paraan ng komunikasyon kahit sa kanyang pamilya.

"You're blushing," puna niya at napangiti.

"'Wag mo na pansinin." Bahagya kong tinapik ang braso niya. Ewan ko kung kailan ako masasanay na hindi makaramdam ng hiya sa tuwing nakatatanggap ng compliment.

Nagkatawanan na lang kaming dalawa. Sa hindi sinasadyang pagkakataon ay dumako ang mga mata ko sa kinatatayuan nina Sir Frank, Kimverly, at Ms. Celine. Nagulat pa ako nang makita ko si Sir na nakatingin sa amin ni Maui, bagamat mabilis na naka-iwas siya at tumingin sa ibang direksyon.

Nagtataka man ay hinayaan ko na lang.

***

Inabot na rin ng gabi ang reception na ginanap sa acoustic bar na nasa tabing-dagat, na sakop pa rin ng resort, ngunit hanggang sa labas ay naglagay din ng mga mesa at upuan.

Ang malapad na platform na gawa sa kahoy ay nabububungan ng telang puti na sumasayaw sa ihip ng hangin. Ang mga poste naman ay gawa sa punongkahoy na napalilibutan ng mga puting orchids at daisies, at mga luntiang dahon.

Sa gitna ng platform ay naka-set up ang high chair ng mga bagong kasal na si Kathryn at Gino. Bukod sa liwanag ng buwan at mga bituin, may mga lantern din na nakapalibot sa platform upang makapagbigay ng dagdag na liwanag, at romantic vibes.

Ang platform na iyon ay naka-set-up sa labas ng bar, ngunit ang mga bisita na mas piniling manatili sa loob ay makikita pa rin ang mga bagong kasal. Ang harapang bahagi kasi ng acoustic bar ay bukas at tanging barandilya ang nagsisilbing harang mula sa labas.

Sa kanang gilid ng platform ay naroon ang host na si Louie at Kimverly, habang naka-set-up naman sa kabilang gilid ang mga instrumento sa pagtugtog ni Ria.

"Hoy, 'di ko nasalo!"

"Sinong nakakuha?"

"Nasa'n na?"

Nagkagulo ang mga kalalakihan nang ihagis ni Gino ang bridal garter na hinugot niya mula sa pagkakasuot sa hita ni Kathryn.

Sa gitna ng mga nakatayong lalaki ay itinaas ni Sir Frank ang kamay niya - hawak ang garter.

"Nasa akin," nakangising deklara niya.

"Ang tangkad kasi niya," may nagkomento pa habang naglalakad na pabalik sa upuan, Tito yata ni Kathryn iyon.

"Kaya nga, tumalon na nga 'ko, 'di ko pa nakuha," sabi naman ng kasama niya. "Mukhang tumingkayad lang 'yong lalaki para makuha 'yong garter."

"'Di ba, isusuot ko 'to do'n sa nakakuha naman no'ng bouquet?" tanong naman ni Sir Frank kina Louie at Kimverly.

"Yes, correct ka diyan, Sir!" Tumuro pa sa kanya si Kimverly na tila sinasabing tumpak ang nabanggit ni Sir Frank.

Nanlaki ang mga mata ko. Ako ang nakasalo ng bouquet kanina. Anong ibig sabihin na isusuot sa akin? Hindi ko alam dahil unang beses ko itong naka-attend ng kasalan na may ganitong seremonya. Noong ikinasal ang kaibigan kong si Ellie, wala namang ganito.

"Then I'm giving this to you, Mau."

Pero bago pa man niya maiabot ang garter kay Maui na hahakbang na sana pabalik dito sa table namin ay nagpaliwanag si Louie, "Pero ang tradisyon po ay kung sino ang nakasalo. Parang tindahan tayo dito, Sir, no return, no exchange!"

Nagtawanan ang ilan sa mga tao. May sinasabi pa si Sir Frank pero hindi dinig dahil natabunan ng mga halakhakan. Ang sumunod ko na lang na narinig ay si Maui na nakangiting nagsalita, "It's okay, Buddy. It's just tradition, anyway."

"Yes, o jivaaahh, understanding naman 'yan si Sir Maui kaya push na natin!" Baklang-bakla kung mag-host itong si Kimverly. "Florence, Mamsh! Come on over here na! Ikaw ang masuwerteng nakasalo ng ating bridal bouquet kanina!"

"H-ha?" Ayoko man sana ay napilitan akong tumayo. Nasalubong ko si Maui na pabalik naman na sa lamesa kung nasaan ako at ang iba pa naming mga kasama.

Napahawak ako sa braso ni Maui. Kung puwede sanang siya na lang. Bakit nga ba kasi hindi siya ang nakakuha ng garter na iyon?

May kalakip na pag-unawa ang ngiti niya sa akin. "Go now, Sweetheart," mahinang wika niya.

Tumango na lang ako, bumitaw sa kanya at naglakad na patungo sa platform. Diyos ko po, dinagsa ang dibdib ko ng kaba. Ayoko talaga iyong ganito na kailangang humarap sa maraming tao at sentro ako ng atensiyon. Bakit nga ba kasi sa akin pa bumagsak ang bulaklak ni Kathryn?

Nang magkaharap na kami ni Sir Frank ay lalong bumilis ang tibok ng puso ko. Mapaglarong ipinaiikot niya sa kanyang hintuturo ang garter habang matamang nakatingin sa akin.

Napalunok ako. Hindi ko alam pero...parang ang sexy lang niya habang ginagawa iyon. Umiwas ako ng tingin at bumaling kina Gino at Kathryn. Ngumiti ako at kumaway sa kanila at baka sakaling mapawi noon ang kaba ko, o kung anuman ito.

Inalalayan ako ni Louie na maupo sa bakanteng upuan malapit sa mga bagong kasal. Parang may ideya na ako kung anong mangyayari. Napakagat-labi na lang ako. Bahala na. Tama si Maui, tradisyon lang ito.

Si Kimverly naman ay inudyukan pa itong si Ria na tumugtog ng sexy music. Mahabaging langit!

"Bagsakan mo ng Careless Whisper, Miss." Nag-request pa talaga itong si Sir Frank. Diyos ko po talaga! Naramdaman ko ang pagguhit ng pawis sa noo ko nang tugtugin nga ni Ria sa keyboard ang nasabing awitin.

"May dance number pa ba 'to?" Lumakas ang kantiyawan ng mga tao sa paligid nang sabihin iyon ni Sir Frank.

"Joke lang." Tatatawa-tawa siya. Maya-maya ay lumuhod na siya sa harap ko, iyong tipo na isang tuhod lang ang nakatukod, parang sa mga wedding proposal. Nang tingalain niya ako mula sa pagkakaluhod niya ay nagsalubong ang aming paningin. Natigilan ako. Hindi ko alam kung tama ako ngunit tila may naglalarong kapilyuhan sa mga mata niya.

"Legs, baby," pabulong niyang sabi. Parang ako nga lang ang nakarinig.

"H-ha?"

Saka lang lumapit sa amin sila Kimverly at Louie.

"Sir, any message before we start this..." nangapa si Kimverly ng idudugtong, "this kembular chenelin gartering right here."

Nagtawanan ang lahat, at maging ako. Kembular chenelin gartering! Ano 'yon?! Pero buti na lang at ginawa niya iyon. Kahit paano ay nabawasan ang aking nadaramang tensiyon.

Nang itapat ni Kimverly kay Sir ang mic ay sumagot siya habang nakatingin pa rin sa akin, "We'll do this nice and slow, Florence."

Gulat na napatitig ako sa kanya. Ang statement niyang iyon sa natural na husky voice niya at suggestive na tono ang siyang nagpa-ingay na naman sa audience.

Hindi ko naiwasang lumingon sa banda ni Maui. Medyo nakatalikod ako sa puwesto niya kasi bandang gilid na ng stage iyong table namin.

"Ikaw, 'te, ano?" Nabigla pa ako nang akbayan ako ni Kimverly. "Any last words."

"Last words? Mamamatay na ba ako?" hindi ko napigilang sabihin.

Tawang-tawa na naman ang lahat. Pero ako, mamamatay na nga yata talaga sa pinagsamang kaba at hiya. O kung hindi namin aayusin ito baka ako na ang patayin ni Maui.

"Bakit kasi may last? Any words or message for Sir Frank." Tawa pa rin nang tawa si Louie nang itapat niya sa akin ang hawak niyang mic.

"M-message? Ah...w-wala naman." Umiling ako habang nakatingin kay Sir Frank. "Ahmm...f-first time ko 'to, bahala na po kayo, Sir."

Hindi ko inakala na aani ng hiyawan mula sa mga bisita ang sinabi ko. Totoo namang unang beses kong masalang sa ganoon. Kaso sa pandinig yata nila ay may malisya. Ito kasi si Sir Frank, sinimulan sa mga nice and slow na iyan.

"Game?" tanong niya sa akin.

Tumango ako para lang makapagsimula at nang matapos na. Iniumang ko sa kanya ang isang paa ko. Maingat niyang inilusot ang bridal garter upang hindi lumapat sa sapatos na suot ko. Nang nasa sakong ko na iyon ay muli siyang tumingin sa akin habng dahan-dahang itinataas sa binti ko ang garter.

"Higher! Higher!" sigawan na ang mga tao.

Hindi niya iniiwan ng titig ang mukha ko habang kumikilos pa rin ang mga kamay niya paitaas pa sa tuhod ko. Pakiramdam ko ay pinagpapawisan na ako ng ga-munggo.

"Taas pa!"

Loko talaga itong mga nangangantiyaw pa mula sa crowd. Nasa hita ko na ang garter, ang damit ko ay nakalilis na talaga.

"T-tama na." Sumenyas ako ng "time out". "P-puwede na siguro 'to, 'di ba?"

Buti ay nakita rin nina Kimverly at Louie ang pagsenyas ko kaya sila na rin mismo ang nagpahinto ng kaganapan. Inayos ni Sir Frank ang damit ko bago tumayo mula sa pagkakaluhod.

"Alright, thank you very much for being such good sports, Sir Frank and Florence!" masiglang sabi ni Louie. Nagpalakpakan ang mga guests.

Napabuga ako ng hangin. Sa wakas, natapos rin ang sandaling iyon!

Noong naglalakad na ako pababa sa platform ay nagulat pa ako nang sumabay pa sa akin si Frank, sa halip na sa kabilang direksyon siya tumungo dahil naroon ang table nila ng mga kasama niya.

Banayad na hinawakan niya ako sa braso upang alalayan sa paglalakad. "I'll take you to your seat."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top