THIRTY-TWO
"Ate Aira! Kumusta ka diyan?" Na-excite ako nang makita ko ang mukha ng dati kong kasama sa LDC sa screen ng phone ko. Magka-video chat kasi kami isang hapon.
Nasa Dubai na siya ngayon, fresh na fresh dahil mga isang buwan pa lang nang lumipad siya roon mula dito sa Pilipinas.
"Ikaw ang kumusta? Ang dami kong nababalitaan tungkol sa 'yo." Bakas ang pag-aalala sa kanyang mukha. "Okay ka lang ba?"
"'Yong totoo, Ate, hindi talaga." Umiling ako. "Pero kakayanin naman."
"Halika na rito, samahan mo 'ko," paanyaya niya.
"Hala, para namang nandiyan ka lang sa kabilang kanto." Natawa ako at maging siya rin.
Kapagkuwan ay sumeryoso siya. "Pero totoo, hiring kami dito, Mamsh. Dami naming kailangan na tao. Try mo. Si Eya nga sinabihan ko na rin, eh. May Assistant Project Manager, Market Development Officer, basta marami pang iba. Send ko sa 'yo 'yong bulletin."
"Kung mag-a-abroad ako, baka isipin naman ng LDC o Bermudez na tumatakas ako." Napa-isip ako.
"Tumatakas saan? Eh wala ka namang kaso. Wala ka namang hold departure," giit niya.
"Ikaw ba, Ate Aira, naniniwala kang ginawa ko 'yon?" naitanong ko bigla sa kanya.
"Hindi," mabilis niyang tugon. "Baka may kakilala sa loob ng LDC 'yong nagnenok ng design, sigurado do'n lang din 'yon sa mga opisina na closely-related sa pagtatayo ng resort na 'yon. Sa Engineering Dept. o sa opisina niyo, sa OVPEA."
Natigilan ako. May punto si Ate Aira. Pero sino naman ang maaaring gumawa noon? At bakit niya kailangang gawin iyon?
"Kaya cheer up na, Mamsh," pang-eencourage pa niya sa akin. "Saka sayang din 'yong opportunity."
"Ang pangit na kasi ng employment record ko dito." Bumagsak ang mga balikat ko. "Kapag nag-apply ako diyan tapos b-in-ackground check ako, patay ako."
"Okay ka naman sa LDC, ah," aniya.
"Noon," saad ko. "Pero mula noong lumabas 'yong tungkol sa resort, hindi ba't sinasabi nila na ako nga raw ang nagbigay ng disenyo sa Bermudez. Hindi ko rin naman mai-dedeclare itong experience ko sa Bermudez dahil bukod sa higit isang taon lang iyon ay terminated pa ako."
"Actually, Mamsh, 'di naman sila ganoon kahigpit sa mga BG check na ganyan," paliwanag naman niya. "Saka sasabihin ko sa boss namin dito na matagal na kitang kasama sa work. Kung gusto mo, 'yong LDC na lang na work expi mo 'yong i-declare mo, 'yaan mo na 'yong sa Bermudez."
"Hmmm...pag-iisipan ko, Ate," sabi ko na lang. Parang wala kasi sa plano ko ang pag-a-abroad.
"Sige, pero 'wag mo masyadong tagalan ang pag-iisip!" aniya.
Nagkatawanan kaming dalawa.
"Iniisip ko rin kasi kung magpa-file ako ng complaint sa Bermudez, alam mo na, matapos nila akong alisin nang walang kaukulang proseso." Inayos ko ang pagkakatali ng buhok ko. "Ewan ko, Ate Aira, ang dami kong iniisip pero wala naman akong ginagawang aksyon."
"Ikalma mo, Mamsh! Ipagdasal mo lang na i-lead ka ni Lord sa tamang way, kita mo, unti-unting magiging malinaw ang lahat," payo niya.
Napangiti ako. "Salamat, Ate."
***
"Hey, may prob ba Beh?" untag sa akin ng kaibigan kong si Chanel nang matigilan ako. Nasa labas na kami ng gusali ng National Labor Relations Commission o NLRC para mag-file ng complaint laban sa Bermudez Builders.
"P-parang...'wag na lang kaya." Kumapit ako sa braso niya.
"Huh?" Nagtaka siya. "Why?"
Umiling ako. "Hindi ko alam. Hindi pa lang siguro ako decided sa ngayon."
"Are you afraid that they might harass you, or you know, do something bad to you?" nag-aalala niyang tanong.
"Hindi naman. Iniisip ko kasi, paano kung mag-file ako ng complaint tapos manalo ako, baka mag-pull out 'yong project at iba pa nilang mga project." Nakatingin lang ako sa gusali sa harap namin. "Naiisip ko lang 'yong mga posibleng mawalan ng trabaho. Sorry, alam ko, ang layo na ng iniisip ko."
"Beh, you cannot save everyone." Naramdaman ko na nakatitig si Chanel sa akin habang nagsasalita kaya nilingon ko siya. "And it's not wrong to fight for your right."
"Alam ko naman 'yon pero...pero parang hindi kasi buo 'yong loob ko." Huminga ako nang malalim. "Sorry, Bes, inabala pa kita para lang samahan ako. Sorry, hindi ko na rin talaga alam kung anong nangyayari sa akin, eh."
"'Uy, it's okay." Hinawakan niya ang magkabilang pulsuhan ko. "Do you want to go somewhere else? Coffee tayo, tara?"
"S-sige," sumang-ayon ako.
Humantong kami sa isang café na madalas din naming puntahan kasama ang iba pang mga kaibigan namin. Natigilan pa ako kasi pagpasok ko sa loob, ang natanaw ko agad ay iyong puwesto namin noong araw na narinig ni Sir Frank na ibinibida ko kina Luna at Patti na crush ko si Maui.
Ipinilig-pilig ko ang ulo ko sa pag-aasam na balewalain ang alaalang iyon.
"Tara, let's sit there!"
Diyos ko po, iyon pa talaga ang lugar na itinuro ni Chanel. Baka naman ma-weirdo-han siya sa akin kung tumanggi akong maupo doon, kaya pumayag na lang din ako.
Kaso kauupo pa lang namin ay isang pamilyar na pigura ang pumasok sa glass door ng café. Hinubad niya ang suot na shades bago naglakad patungo sa counter.
Kumabog ang dibdib ko. "Bes, 'yong dati kong boss!"
"Huh? Where?" Maging si Chanel ay nagulat sa tinuran ko.
"'Yong nandiyan sa counter." Hindi ko malaman kung paano ko itatago ang sarili ko. Baka kasi mapagawi ang tingin niya sa banda namin.
Lumingon si Chanel sa bandang counter. "That one with the grey hair?"
"Oo."
"He looks cool! Eh, wait, why ka ba nagtatago?" tanong niya.
"Ayoko lang muna makita ang kahit sino sa kanila. Pakiramdam ko ay hindi pa ulit ako handa," paliwanag ko.
Muling nilingon ni Chanel ang gawi ng kinatatayuan ni Sir Frank. Paalis na ito bitbit ang isang paper bag, mukhang may kinuha lang na order. Yumuko ako nang pakiramdam ko ay sumulyap siya sa direksyon namin. O praning lang yata ako.
"Wala na, Beh." Inabot pa ni Chanel ang balikat ko para kalabitin. "He went out na."
Saktong dumating din ang staff na magse-serve ng order namin. Inilapag niya sa mesa namin ang tig-isang tall cup ng coffee jelly at tig-isang slice ng blueberry cheesecake.
Nakahinga ako nang maluwag.
Nang maka-alis ang staff ay nagsalita si Chanel, "Alam mo, I think you need to de-stress, as in. 'Yong maglaan ka ng at least several days to just not think of anything."
"Gusto ko man pero ang hirap." Napabuntong-hininga ako. "Minsan nga, naiisip ko na baka makulong ako."
"What?" Tumitig siya sa akin. "You're not at fault. Not at all! 'Wag mong isipin 'yan."
"Baka idemanda ako ng LDC, tapos dahil wala na 'ko sa Bermudez, wala nang magba-back up sa akin," naibulalas ko na sa kaibigan ko ang mga nasasaloob ko. "O kaya idemanda ng LDC ang Bermudez mismo, at baka kaya tinanggal nila ako immediately ay para ipang-counter nila sa demanda na gumawa na sila ng measure na alisin ako, at palabasin siguro na labas sila sa nakawan ng design at ako lang talaga ang may kagagawan no'n. Alam mo 'yon, parang sa akin talaga ang bagsak ng lahat."
"No, don't say that," giit ni Chanel. "'Di ba, ikaw nga ang laging nagsasabi sa akin to trust God's ways? Kaya magtiwala ka lang, Beh. He will surely make a way to prove your innocence to everybody."
Bumagsak na lang ang mga luha ko nang hindi ko namamalayan, pero dahil nasa pampubliko akong lugar, mabilis ko ring pinunsan iyon gamit ang hawak kong panyo.
Agad namang lumipat si Chanel sa tabi ko at niyakap ako. "Ssshh...everything will be alright. And I'm just here, okay?"
"Thank you, Bes." Niyakap ko siya pabalik. "Salamat talaga."
"Anytime."
***
Inilabas ko ang mga oil pastels ko at iba pang mga gamit. Gusto ko lang gumuhit ngayon, ayoko munang asikasuhin ang pag-a-apply ng bagong trabaho. Tutal, may in-apply-an ako kahapon at na-initial interview na ako. Hihintayin ko na lang muna siguro iyon kung tatawag hanggang sa susunod na linggo.
Tama si Chanel. Pagbibigyan ko muna ang sarili ko ngayon. Ayoko muna mag-isip ng kung ano-ano.
Kaso, nang hugutin ko ang sketch pad ko, dinalaw na naman ako ng kalungkutan. Nakita ko kasi iyong sketch ng mukha ni Maui, na hindi ko pa natatapos. Mabagal akong gumawa kasi hindi ko talaga forte ang pag-guhit ng mukha ng tao.
Balak ko sana iyon ibigay sa kanya sa ikalawang anibersaryo namin. Siguro sa panahong iyon ay na-perpekto ko na ang paggawa.
Pero hindi na nga rin mangyayari iyon. Bukod pa doon ay bukas na rin sana ang araw na iyon.
Parang gusto ko tuloy magpakalayo-layo. Umuwi kaya muna ako sa probinsya namin? Bakasyon lang. Para kasing nasasakal na ako, at ang liit ng mundo ko. Kanina nga, nakita ko pa sa coffee shop si Sir Frank.
Ang mas masakit, nahihirapan talaga akong kalimutan si Maui.
Lahat na lang yata ng bagay sa paligid ko ay nagpapaalala sa akin tungkol sa kanya. Lahat na lang ng lugar na minsan ko siyang nakasama ay iniiyakan ko dahil sa kaakibat na alaaala ng mga ito.
Eh, 'di kung kailangan ng presensiya ko sakali mang magsampa ng kaso sa isa't isa ang Bermudez Builders at LDC, saka na lang ako uuwi dito sa amin.
Ibinalot ko sa parchment paper ang unfinished sketch ko kay Maui. Ayokong itapon, pero ayoko na ring ituloy. Itinago ko na lang. Saka ko na iisipin kung anong dapat kong gawin doon.
Tumunog ang cellphone ko. May notification. Nag-PM pala si Ate Aira.
Mamsh! Ano, napag-isipan mo na ba?
Napatitig ako sa screen ng cellphone ko. Ito na nga kaya ang pagpapakalayo-layo na kailangan ko? Ang pagtungo sa Dubai?
May punto si Ate Aira. Wala naman akong kaso, kaya hindi nila puwedeng isipin na tumatakas lang ako.
At isa pa, wala naman talaga akong kasalanan.
Noong binasa ko iyong ipinadala niya sa akin na listahan ng mga posisyon na kailangan ng kumpanya nila doon, at ang karampatang suweldo, napaka-lucrative ng offer. Sa isang taon baka kaya kong bayaran ang remaining balance dito sa hinuhulugan kong bahay. Libre rin ang tirahan at transpo service mula sa bahay patungo sa opisina, and vice versa.
Hindi rin naman puwedeng ipagsawalang-bahala ko ang oportunidad dahil lang sa paghihintay ko na maging maayos ang lahat. Tama sina Ate Aira at Chanel, Diyos mismo ang gagawa ng paraan para mapatunayan ko sa lahat na wala talaga akong kinalaman sa nangyari.
Nag-type ako ng reply kay Ate Aira, Game na ko! :)
***
Ledesma Development Corporation sues rival Bermudez Builders of Copyright Infringement.
Katatapos lang ng online interview ko via Skype sa Human Resource Specialist ng kumpanya kung saan nagta-trabaho si Ate Aira. Maayos naman ang naging takbo ng interview, sa aking palagay, at may isa pa raw akong magiging panayam, sa CEO naman daw ng kumpanya kung sakaling makapasa ako sa kanyang pagsusuri.
Matapos ang interview ay nag-scroll-scroll muna ako sa FB, at iyon nga ang bumungad na balita sa akin. Idinemanda na ng LDC ang Bermudez.
Siguro isa sa mga araw na ito, ipatatawag ako ng alinman sa dalawang kumpanya, o baka sabay pa nga. Bahala na. Haharapin ko naman sila, sakaling nandito pa ako noon sa Pilipinas.
Bigla namang pumasok si Mama sa kuwarto ko na may dalang ilang piraso ng mga damit.
"O, isama mo ito sa mga dadalhin mo," aniya.
Kinuha ko ang mga damit na hawak niya. "Puro long sleeves 'to, ah. 'Di naman po malamig na lugar ang Dubai."
"Hindi para sa lamig 'yan. Maigi na 'yong balot na balot ka do'n, nang 'di ka pagnasaan ng mga arabo. Mahirap na." Pumalatak pa siya.
"Ano ba naman 'yang mga iniisip mo, 'ma." Bagamat alam kong maraming kaso ng mga Pilipinang inaabuso sa ibang bayan, lalo na sa gitnang-silangan, ayoko namang panghinaan ng loob sa kadahilanang iyon.
"Aba'y, totoo naman. 'Yong iba nga, bangkay nang umuuwi," sabi pa niya.
"Takutin mo pa ako, 'ma." Napa-iling na lang ako.
"Hindi kita tinatakot. Ang gusto ko ay mag-ingat ka roon," seryoso niyang turan.
"Di pa naman po sure. May exam pa akong kukunin online at may interview pa po sa CEO," paliwanag ko.
"Aba'y sigurado na 'yan. Ano ba namang interview at test ang hindi mo naipasang bata ka?" Nabanaagan ko ang pagmamalaki sa kanyang tinig.
Napangiti tuloy ako. Naramdaman ko ang pagiging proud niya sa akin.
Umupo siya sa tabi ko. "Mami-miss kita, 'nak."
"Ay, ang drama ni Mama." Dinaan ko na lang sa ganoon at baka maluha pa ako. "Kung sakali pong matatanggap ako at matuloy, mabilis lang po ang tatlong taong kontrata. Isa pa, makakasama niyo naman po dito si Tita Tasing. Naku, mag-iistoryahan po kayo buong maghapon no'n."
"Iba pa rin 'yong nandito ka siyempre. Pero kung 'yan ang gusto mo, aba, ituloy mo lang." Nakangiti si Mama pero kita ang pagsungaw ng lungkot sa kanyang mga mata. "Saka bago ka umalis, turuan mo naman ako mag-cellphone para masasagot ko ang mga tawag mo. 'Di pa ako masyadong marunong. Saka ano bang tawag doon, 'yong kakausapin tapos nakikita 'yong mukha sa cellphone?"
"Video call po." Ang cute lang nitong nanay ko, eh. "'Yaan niyo po, ituturo ko sa inyo lahat 'yan. Saka puwede rin po kayo magpatulong kay Yel."
Si Yelena, o Yel ay ang pinsan ko na anak naman ng aking Tita Tasing. Napag-usapan namin na kung puwedeng dito muna sila mag-stay sa bahay sakaling palarin akong matuloy sa abroad, para may kasama si Mama.
"O siya, magluluto na 'ko. Tatawagin kita 'pag nakahain na," paalam niya.
"Sige, Mama. Thank you po."
***
Mabilis na lumipas ang isang buwan, lalo at naging abala na ako sa pag-aasikaso ng mga dokumento mula noong sinabihan ako ng Dacha Properties, Ltd., ang kompanyang pinagta-trabahuan ni Ate Aira, na tanggap na ako. Matapos iyon ng ilang series ng exams at panayam sa CEO.
Inihatid ako ni Mama, Tita Tasing, at Yel sa airport noong araw ng lipad ko patungong Dubai. Iyak nang iyak itong si Mama at Tita kaya kahit ayoko man sanang lumuha pa ay hindi ko na rin naiwasan. Nang bumaling ako kay Yel ay nangingilid din ang luha nito.
"'Insan, ikaw na muna bahala, ha. Lalayas muna 'ko para sa ekonomiya." Sinubukan ko na lang pagaanin kahit paano ang sitwasyon. "Mag-iingat kayo lagi, at basta dadalasan ko naman ang pag-VC."
"Ano baga ang VC?" tanong ni Mama.
"Video call, 'ta," si Yel ang sumagot.
"Ah, akala ko'y "vacation"." Napakamot sa ulo si Mama, kahit paano ay natawa kaming lahat.
"After three years na tayo ulit magkikita-kita, ha," wika ko sa kanila.
Halos hindi matapos-tapos ang yakapan, pagpapaalam, at mga bilin sa isa't isa. Hanggang sa tuluyan na ngang kailangan ko nang lumakad papasok sa boarding area. Pagtalikod ko sa kanila ay tulo nang tulo ang mga luha ko.
Kaya mo 'yan, Florence! Mabilis lang ang three years! pagpapalakas ko sa aking loob.
Huminto ako saglit sa paglalakad at humugot ng malalim na paghinga. Pinalis ko ang mga luha ko at muli ay lumingon sa aking pamilya, higit lalo kay Mama.
Kumaway ako bilang huling paalam sa kanila, bago ako muling tumalikod at nagpatuloy na sa paglakad.
Pagtapos makapag-check-in at gawin ang iba pang mga kinakailangan bago umalis, naupo ako upang hintayin na lamang ang takdang oras ng aking flight.
Naisipan kong i-check ang aking cellphone. May tatlo pala akong missed calls mula sa isang numero na hindi rehistrado sa aking contacts.
Kumunot ang noo ko. Sino kaya ito? Ito yata iyong in-apply-an ko noon.
Nang tingnan ko ang mga mensahe ko ay mayroon din palang ipinadala ang numerong iyon.
Good afternoon, Ms. Catacutan. We would like to invite you for a meeting, tomorrow at 2:00 PM.
Hala.
Binasa ko pa ang karugtong.
Please let us know if you could come or if you have a preferred schedule.
-Vicky Dela Peña
Bermudez Builders
Habang hawak ang aking cellphone at nakatitig lang sa screen ay napa-isip ako kung ano bang dapat kong gawin.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top