THIRTY-THREE
"Welcome to Dubai!"
Si Ate Aira mismo ang sumalubong sa akin sa airport. Kasama niya iyong nag-interview sa akin online na HR Specialist, at may isa pang lalaki na mukhang pinoy din.
Ipinakilala sa akin ni Ate Aira ang dalawang kasama niya. Si Darius iyong lalaki at tama ako, pinoy siya. Iyong HR staff naman ay Indian at Binita ang pangalan.
Paglabas ng airport ay isang puting van ang naghihintay sa amin, at ang driver - pinoy pa rin! Si Kuya Ben.
Dumiretso kami sa apartment na tinutuluyan ng mga empleyado ng Dacha Properties, Ltd. o DPL. Habang nasa sasakyan ay hindi maubos-ubos ang kuwentuhan namin tungkol sa kahit anong bagay tungkol sa Pilipinas. Pero nag-iingles kami kasi baka akalain ni Binita na siya ang pinag-uusapan namin. Ang lakas pa namang tumawa ni Darius.
Pagpasok ko sa magiging silid ko ay huminga ako nang malalim. Nandito na talaga ako. Bagong lugar, bagong mundo.
Pero mamaya ko na dadamahin itong bago kong kuwarto, kailangan ko lang kasing iwanan ang mga bagahe ko at tutungo pa kami sa mismong site para sa orientation at iba pang mga paghahanda sa aking magiging trabaho bilang Assistant Project Manager.
Magaan naman ang vibes na nararamdaman ko. Palagay ko ay magiging maayos naman ang pananatili ko sa bansang ito.
Sana talaga.
***
U remember the coffee shop na pinuntahan natin the last time were together?
Mensahe iyon ni Chanel sa akin isang araw na rest day ko mula sa trabaho. Napa-isip pa ako kung ano iyong tinutukoy niya. Saka ko lang naalala na iyon ang coffee shop kung saan kami huling nag-hang out, at kung saan ko rin nakita si Sir Frank.
Nag-type ako ng sagot, Oo bakit?
Sa halip na sagutin ang tanong ko ay nagpadala siya sa akin ng larawan. Isang kahon iyon na ang laman ay dalawang paint brush, canvas, wooden canvas frame, watercolor ngunit ang kulay ay iba-ibang shades lang ng brown.
Ganda ah! reply ko habang nag-iisip kung anong kaugnayan ng picture na iyon sa cafè.
That's yours. That's a coffee painting kit which is a limited edition of the coffee shop. The crew was very apologetic naman that he forgot to give it to you when we were there.
Then yesterday, Christian and I went there. The crew recognized me and told me to give this to you.
Magkasunod na chat iyon ni Chanel.
Sa kin? Bakit? Para san? Prize ba? Alam ko, ang dami ng tanong ko.
Nope. Listen up. Your boss, with the ash grey hair bought this and told the crew na ibigay sa yo! Parang nai-imagine ko pa ang hitsura ni Chanel habang sinasabi iyon.
Si Sir Frank?
So apparently what makes this special is that real coffee is mixed with the paint idk how but yun ang sabi ng crew sa min. Isa pang mensahe mula kay Chanel.
Ibig sabihin, nakita niya ako noong araw na iyon. Hindi lang siya lumapit o nakipag-usap sa akin. Wala naman palang silbi ang pagtatago ko noon.
Pero hindi ba at galit siya sa akin? Silang lahat? Bakit kailangan niyang bilhin pa iyon para lang ibigay sa akin?
Im keeping this na lang hanggang bumalik ka, ok? O you want me to ship this out? tanong niya.
Diyan na lang muna sa yo. Salamat bes. Abala pa kasi kung ipadadala pa niya sa akin iyong item. Kukunin ko na lang pag-uwi ko.
Ang iniisip ko ay kung paano pasasalamatan si Sir Frank, na hindi magmumukhang awkward. Kung bakit ba naman kasi hindi man lang niya ako m-in-essage kung natanggap ko ba iyong painting kit?
O baka kasi ako ang hinihintay niyang magpasalamat sa kanya. Kaso nga, hindi ko naman nakuha iyong kit. Hindi man lang ba siya nagtaka na wala man lang siyang narinig mula sa akin?
Nagsimula akong mag-tipa ng mensahe. Good PM Sir. Sorry, ngayon ko lang po nalaman na may ibinigay po kayong coffee painting kit sa kin. Pero wag niyo na po pagalitan yung staff ng Renaissance Café, baka marami lang po silang customers noon kaya di agad naiabot. Thank you po.
Inilapag ko na ang cellphone ko sa bedside table at nagsimulang magligpit ng mga gamit. Dalawang linggo na ako dito ngunit hindi ko pa lubusang naisasa-ayos ang kuwarto, at maging ang ibang mga gamit ko ay nasa maleta ko pa.
Maliit lang naman ang silid na iyon. May double-deck na higaan, sa tapat ay may malaking aparador na lagayan ng mga damit at iba pang mga abubot. May maliit na espasyo sa pagitan ng higaan at aparador, sapat lang talaga para may galawan pa rin.
Kaya double-deck ang kama ay dahil dalawang tao dapat ang umukopa sa kuwartong ito. Kapag may bago sigurong empleyadong maha-hire ang DPL at babae rin, siya ang magiging kasama ko.
Tumunog ang cellphone ko, may message. Mabilis kong kinuha iyon. Nitong mga nakalipas na linggo, naging napakahalaga ng telepono sa akin para hindi ko masyadong maramdaman na malayo ako sa mga mahal ko sa buhay. Ganito pala kapag nasa abroad ka, parang sabik ka lagi na may makausap na naiwan sa Pilipinas.
Si Sir Frank iyon, nag-reply sa message ko. You're welcome. But seriously, ngayon mo lang nakuha?
Hindi ko inaasahan na magre-reply siya nang ganoon kabilis, at ganoon ka-kaswal.
Ipinaliwanag ko sa kanya na si Chanel at ang asawa na niyang si Christian ang kumuha dahil nandito na ako sa ibang bansa, at kung anong nangyari at bakit na-delay ang pagbigay ng coffee shop.
You're working there? Sa haba ng message ko ay iyon lang ang isinagot niya.
Opo. Pero kung may kailangan po kayo sa akin tungkol doon sa nangyari, you could reach me at any time po. Ganito rin ang isinagot ko noon sa message ni Ms. Vicky na natanggap ko bago ako umalis. Pero hindi na siya nag-reply hanggang ngayon.
Ok. Take care.
Hindi ko alam kung ano pang isasagot sa mensaheng iyon, bagamat masaya akong malaman na hindi siya galit sa akin - sa palagay ko naman.
Gusto ko sana siyang tanungin kung naniniwala ba siya sa akusasyon sa akin na ako ang nagbigay ng design ng resort sa Bermudez. Pero parang hindi rin ako handa kung sakaling sagutin niya ako na naniniwala nga siya.
Kayo din po, Sir. Ingat po lagi.
Iyon na lang ang isinagot ko sa kanya sa dami ng tumatakbo sa isipan ko. Hindi na rin siya nag-reply pa.
***
Naging abala ako ng mga sumunod na buwan dahil nagsimula na ang unang proyekto ng aming team. Isang shopping mall iyon na itatayo sa Al Satwa, na bahagi pa rin ng Dubai. Ang grupo namin ay binubuo ng iba't ibang nasyonalidad, may kapwa ko rin Pinoy, may mga Pakistani, Indonesian, at Indian. Ang mismong Project Manager namin ay Indiano.
Malayo ka sa airport?
Kumunot ang noo ko nang mabasa ang mensaheng iyon ni Sir Frank. Sa akin kaya talaga ito? Anong airport ang sinasabi niya?
Saka sa tagal na hindi naman kami nag-message sa isa't isa, baka nagkamali lang. Ang huling palitan pa namin ng mensahe ay tungkol sa coffee painting kit, na anim na buwan na yata ang nakararaan.
Wrong send po yata kayo Sir, reply ko na lang. Bumalik ako sa pagta-type ng report nang muling tumunog ang cellphone ko.
Nope, I'm here. DXB.
DXB ay ang airport code ng Dubai. Nandito siya? Mismo?
Talaga Sir? Business trip po? Ang dami kong gustong itanong pero hindi ko naman kasi sigurado kung okay ba kami.
Yeah. But not here. Dito lang kasi ang connecting flight ko.
If you're busy or at work, it's fine. I just got a couple of hours anyway.
Magkasunod ang naging menasahe niya.
Tama siya, nasa trabaho pa ako sa mga oras na ito. Pero nais ko rin siyang puntahan bilang respeto na rin sa kanya, dahil dati ko siyang boss. Saka siya na mismo ang nag-message sa akin na narito siya.
"Ms. Florence, Mr. Kadir is calling us."
Nasa kalagitnaan pa ako ng pag-iisip nang lapitan ako ni Indah. Siya ang Indonesian na kasama namin sa team. Nag-angat ako ng tingin.
"All of us," dagdag pa niya. Ang sinasabi niyang Mr. Kadir ay ang aming Project Manager.
"In the conference room?" tanong ko.
"Yes." Tumango siya.
"Okay, will follow. Thank you, Indah." Ngumiti ako.
Nginitian niya rin ako pabalik bago siya lumakad paalis.
Dinala ko na ang mga files ko, notebook, at iba pang mga gamit bago ako nagtungo sa conference room. Naroon na nga ang ibang mga kasamahan namin. Si Darius ay kasama ko rin sa proyekto at nang maupo ako sa tabi niya ay siniko-siko niya ako na tila kinikilig pa.
"'Uy, bakit? Napapa'no ka?" mahinang tanong ko.
"Juicecolored, Florence! 'Di mo ba napapansin?" Tanong din ang isinagot niya sa akin. Mahina lang ang pag-uusap namin para hindi kami maka-agaw ng atensiyon ng iba pa naming mga kasama.
"Ang alin?" Nagtaka ako.
"Na bet ka ni Kadir!" deklara niya.
"Hala siya." Kumunot ang noo ko.
"Ang lagkit kaya ng tingin sa 'yo ng bumbay na 'yon!" bulalas niya.
"Wala naman akong napapansin na gano'n." Ngumuso ako. "Feeling ko kasi, malabo lang 'yong mata niya kaya minsan parang napapatitig siya para kilalanin 'yong tao."
"Wis. Never niya 'ko tinitigan." Umiling siya. "Ikaw ngang babaita ka, ha, umamin ka, bakit ba parang mega avoidance ka sa lovelife?"
"Shall we start? I think everybody's here." Nagsalita si Sir Kadir sa kanyang thick Indian accent. Natigil kami ni Darius sa pag-uusap para sa simula ng pagpupulong.
Higit tatlong oras din na tumakbo ang meeting. Palitan ng mga kuro-kuro at ideya para sa groundbreaking ceremony sa susunod na linggo at mga adjustment sa pagsisimula ng konstruksiyon.
Nagliligpit na ako ng mga gamit nang lapitan ako ni Darius. "May charger kang dala? Pahiram naman. Naiwan ko sa apartment 'yong akin."
"Me'ron." Saka ko lang naalala na hindi ko pa pala na-reply-an si Sir Frank. Naiwan ko ang cellphone ko sa desk ko dahil nagcha-charge iyon. Napamadali tuloy ang kilos ko. Sakto ngang puno na ang baterya nang tignan ko iyon. Hinugot ko sa saksakan ang charger at iniabot iyon kay Darius.
"Thankies. Balik ko later." Lumakad pa siya nang medyo ma-kendeng pero biglang tumuwid noong nakalayo na sa puwesto ko. Alam kong binabae si Darius, pero dahil nga sa kultura, at mga batas dito sa bansang kinaroroonan namin, kailangang maging discreet. Alam ko rin na may boyfriend siya, dito rin sa kumpanya, ngunit sa ibang project naka-assign.
Sorry, Sir. Kagagaling lang po sa meeting. Nasa work pa po kasi ako. Nahiya tuloy ako. Na-seen ko na iyong message kanina pa pero ngayon lang ako sumagot. Nagmadali kasi ako kanina nang lapitan ako ni Indah.
No worries. I'm boarding my flight now. See you some other time.
Umulit-ulit sa utak ko iyong "see you some other time". Matapos ang lahat ng nangyari, nais pa pala niya akong makitang muli?
Hindi ba siya galit sa kung paanong paraan na galit sa akin si Maui? Hindi ba siya naniniwala na ako ang nag-leak ng disenyo ng resort na ideya niya? O baka naniniwala pero napatawad na lang niya ako? Ano na nga kayang nangyari sa insidenteng iyon? Bakit wala na akong narinig mula sa Bermudez o sa LDC?
Sige po, next time na lang. Ingat po.
Sa dami ng tanong sa isip ko, iyon lang ang naisagot ko sa mensahe niya.
***
Humihikab na binuksan ko ang pinto ng apartment nang umuwi ako isang gabi galing sa trabaho. Excited na akong ilatag ang katawan ko sa higaan dulot ng matinding pagod.
"Florence, okay ka lang?" Napuna ako ni Ate Aira na nakaupo sa sofa at nanonood sa The Filipino Channel kasama ang iba pa naming flat mates.
Tumango ako. "Okay lang, Ate. Medyo napagod lang siguro talaga 'ko ngayon."
"Eh, kumain ka muna bago ka matulog," bilin ni Ate Marissa. Siya ang pinakamatandang kasama namin dito sa apartment, at siyang pinakamatagal na rin dito sa Dubai. "May chopseuy at pancit guisado diyan."
"Sige, salamat po." Tumango ako. "Akyat lang po ako, palit lang akong damit."
"Sige lang. Sarap no'ng pancit, promise." pagbibida ng isa pa naming kasama dito sa bahay na si Ate Lily.
"Siyempre, Ate Marissa ba naman nagluto." Ngumiti ako.
Maglalakad na sana ako patungo sa hagdan nang marinig ko ang balita sa telebisyon.
"Aktres na si Jazbel Navarro, ikinasal na sa business tycoon na si Maui Ledesma. Ang latest, sa pagpa-patrol ni RJ Canlas."
Napatitig ako sa TV.
Si Maui nga.
Si Maui na minsang naging bahagi ng buhay ko.
Ang lalaking hinangaan ko mula sa malayo, hanggang sa ipinagkaloob sa akin ng langit ang pagkakataon na mahalin siya, at mahalin din ako pabalik.
Guwapo pa rin siya. Walang kupas. Naka-light grey suit siya, white inner polo at off-white tie. Ang ipinapakitang clip sa TV ay iyong sandali na nasa altar siya at hinihintay ang papalapit na bride.
Hindi ko ito napaghandaan. Parang nilamukos ang puso ko sa eksenang iyon. Ang mas nakadudurog kasi, nabanggit na niya noon sa akin ang intensiyong pakasalan ako, pero heto ngayon at ibang babae ang hinihintay niya sa dambana.
Humugot ako ng malalim na paghinga upang pigilan ang pagbagsak ng mga luha. Mabilis na naglakad ako patungo sa hagdanan at baka may makahalata pa na pa-iyak na ako.
"Ang pogi naman niyan!"
"Maganda rin naman kasi si Jazbel, 'te."
Naririnig ko pa ang usapan nila habang paakyat ako ng hagdan.
Anong nangyari?
Tanggap ko naman na wala na kami. Pero halos isang taon pa lang mula nang umalis ako ng Pilipinas. Nakapagpakasal agad siya? O baka naman sapat na panahon na rin iyon para makalimot.
Samantalang ako, hanggang ngayon, may mga gabing iniiyakan ko pa rin siya.
Pero hindi naman niya kasalanan iyon kung kasing-bagal ng pagong ang pag-usad ko mula sa naging relasyon namin.
Nahiga ako sa bunk bed na suot pa rin ang damit kong pamasok. Natulala na lang ako sa kisame habang umaagos ang mga luha na kanina ko pa pinipigil.
May isang bahagi ng puso ko ang umaasam pa ring maipagpapatuloy naming dalawa ang relasyon namin kung mapatutunayan na wala akong kasalanan sa nangyaring design leakage. Handa naman akong tanggapin siya ulit. Kahit hindi niya ako pinakinggan noon. Kahit hindi siya naniwala sa akin na wala akong ginawang masama. Kahit tinalikuran niya ako sa panahon na pinaka-kailangan ko siya.
Handa akong kalimutan lahat iyon at magsimula kami ng panibago. Dahil mahal ko siya.
Pero hindi na nga talaga mangyayari iyon. Tinapos ng pagpakasal niya ang lahat ng natitira ko pang pag-asa.
***
"Florence!"
Masayang mukha ni Eya ang bumungad sa akin nang sagutin ko ang tawag niya via video call.
"I miss you na, Mamsh! Ang hirap mong tawagan, ha!" aniya pa.
"Oo nga, pasensiya na, maka-ilang beses ko nang na-miss ang tawag mo. Sobrang busy lang talaga sa trabaho. Sandali, nandito si Ate Aira, eh. Rest day din no'n!" Bumangon ako mula sa higaan at nagtungo sa laundry area. Doon ko kasi nakita si Ate Aira kanina.
Habang pababa ng hagdan ay kausap ko pa rin si Eya. "Kumusta ka? Sina Cheska at lahat ng friendship diyan sa LDC?"
"Nag-resign na 'yon si Cheska, Mamsh. Si Alina rin. Iilan na lang kaming original dito," kuwento niya.
"Akala ko ba susunod ka dito?" Ngumuso ako.
"Hindi kasi ako sure, Mamsh. Parang 'di ko keri. Ewan ko ba." Natawa na lang siya.
"O, ito na si Ate." Tumabi ako kay Ate Aira na noon ay magsasampay na sana, para makita rin siya ni Eya sa cam.
"Ate Aira! I miss you!" sambit ni Eya. Maka-ilang saglit na nagkumustahan kaming tatlo at nagpalitan ng mga kuwento.
"'Nga pala, Florence, alam mo na ba?" tanong ni Eya sa kalagitnaan ng usapan namin.
"Ang alin?" Nagtaka ako.
"Sure ka, wala pang nagbalita sa 'yo from OVPEA? Sa dati mong office?" aniya pa.
Umiling ako. "B-bakit? Ano 'yon?"
"Nakakulong si Kimverly."
Nagkatinginan kami ni Ate Aira sa balitang binitawan ni Eya.
"Siya ang nagbigay ng design ng resort sa kabila."
"Design?" ulit ko. Bagamat parang alam ko na kung anong tinutukoy ni Eya, gusto ko pa ring marinig ang buong detalye. Nagsimulang kumabog ang dibdib ko.
"Oo. 'Yong design ng resort ng LDC sa Siargao, ibinigay ni Kimverly sa Bermudez Builders," paglalahad ni Eya.
Nanlaki ang mga mata ko.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top