THIRTY-ONE
Napahugot ako ng malalim na paghinga noong nasa harapan na ako ng gusali ng LDC. Parang tutulo ang luha ko anumang oras. Ang daming masasayang alaala sa lugar na ito, at hindi sa ganitong paraan ko inaasahang bumalik.
Matapos sabihin sa receptionist kung saan ang tungo ko, dumiretso na ako sa meeting room na sinabi ni Sir Frank sa akin noong tumawag siya kahapon. Hindi ko alam kung sino-sino pa ang nasa meeting na iyon. Kinakabahan man, alam ko sa sarili kong wala akong kasalanan.
Kumatok ako nang maka-ilang ulit bago pumasok. Nang itulak ko ang pinto, naroon na si Sir Thomas Ledesma na presidente ng kumpanya, si Sir Brix Ledesma na VP for Engineering and Development, si Sir Frank.
At si Maui.
"G-good afternoon po." Naiilang man ay sinikap kong ngumiti.
"Have a seat, Ms. Catacutan." Iminuwestra ni Sir Thomas na maupo ako sa bakanteng upuan sa tapat niya. Sa tabi ko ay si Sir Brix, at nasa harap ko, sa magkabilang-gilid ni Sir Thomas ay si Sir Frank at si Maui.
Napalunok ako. Ramdam ko ang nang-uusig na tingin nila sa akin. Tanggap ko dahil mahirap naman talagang paniwalaan na hindi ko sinabotahe ang LDC. Ang masakit lang, ang manggaling kay Maui ang ganoong uri ng panghuhusga dahil mahal ko siya.
"We could start," deklara ni Sir Thomas. "Wala naman na tayong hinihintay."
Tumango ako.
"Yeah," sumang-ayon si Sir Brix at bumaling sa akin. "Don't worry, Ms. Florence, we just need to know a few things from you."
"Opo. Handa naman po ako." Pinigilan kong huwag mangatal ang boses ko. Naiiyak ako hindi dahil kailangan ko silang harapin, kundi dahil kaharap ko ngayon si Maui pero tila napakalayo niya sa akin. Parang tulad ng dati.
"Please tell us what happened." Kalmado lang si Sir Thomas. Ang totoo ay lahat naman sila. Sadya lang nakatingin sila sa akin na tila inaarok kung nagsasabi ba ako ng totoo.
"Ni-launch po sa media lahat ng upcoming projects ng Bermudez Builders noong araw na 'yon," salaysay ko. "Una po, 'yong project po ng team namin, at sumunod po 'yong sa isa pang team. 'Yong resort po ang hawak nila na sa Boracay po itatayo. Nagulat na lang din po ako na kaparehas ng resort sa Siargao."
"Yeah, we've seen it. It's exactly the same," komento ni Sir Brix. "But you're saying that you're from a different team, so you're not part of the planning or any activities of the other team?"
Tumango ako. "Noon ko lang din po nakita ang detalye ng resort sa mismong launch. I'm not a part of their team in any way."
"Anong ginawa mo habang nagaganap 'yong launching?" si Sir Brix muli. "You just watched it happen?"
"Alangan namang kalabanin niya 'yong buong kumpanya." Mahina lang ang pagkakasabi noon ni Sir Frank, ngunit narinig ko iyon. Tumingin ako sa kanya, pakiramdam ko ay nakahanap ako ng kakampi sa gitna ng mga taong nang-uusig sa akin.
"At least she could have done something to stop the launching." Nagulat pa ako nang kay Maui magmula ang mga katagang iyon.
"Sinubukan ko po," sabad ko at idinugtong sa mahinang boses, "kaso nawalan ako ng malay, nakakahiya man pong aminin. Nagising na lang po ako na tapos na ang event."
"Of all the moment, doon ka pa talaga nag-pass out." Napa-iling si Sir Brix na tila hindi kumbinsido sa kuwento ko.
"Did you raise it with your management?" pang-uusisa ni Sir Thomas.
"Opo. Nag-meeting po kami with the Project Manager no'ng resort. Itinatanggi niya po na nakuha niya ang detalye mula sa LDC o sa kung saan man," pahayag ko. "And he claims that it's their team's own original work."
"As expected." Nilalaro-laro ni Sir Frank ang ballpen na hawak niya.
"Could you tell us who this Project Manager is?" si Sir Thomas muli.
"Ahmm...Timothy Mariano. 'Yan po ang pangalan, 'yan lang din po ang alam kong detalye tungkol sa kanya," tugon ko. "I do not know about his background or anything else. Hindi po kami friends, not even on the level of acquaintance. I just saw him the first time in the media launch."
Nakita ko ang pag-iling ni Sir Brix na tila sinasabing hindi niya kilala ang taong nabanggit ko. Nang tumingin siya kina Maui at Sir Frank, umiling din ang mga ito.
"Never heard of him," wika pa ni Maui.
"Sabi din po ng management ng Bermudez, they will also conduct their investigation on this matter," dagdag ko pa.
"You know what, let's just change the resort's initial plan and stop stressing ourselves over this." Nagkibit-balikat si Sir Frank.
"No." Dumagundong ang boses ni Sir Thomas sa apat na sulok ng meeting room. Ito naman kasing si Sir Frank, parang hindi sineseryoso ang nangyayari.
"Do you hear what you are saying, Frank?" Tila hindi makapaniwala si Sir Brix sa tinuran ng pinsan.
"The point here is that we won't let this company just steal our ideas and get away with it." Bumaling si Maui kay Sir Frank. "It's not just your hard work, Frank, it's all of us and the staff involved."
"Chill, guys." Pabirong itinaas pa ni Sir Frank ang dalawang kamay niya bilang tanda ng pagsuko. Parang hindi naman siya apektado, samantalang sa kanya galing ang inisyal na ideya na magtayo ng resort sa Siargao ang LDC.
"We're definitely taking a legal action regarding this matter," turan ni Sir Thomas at tumingin ng diresto sa akin. "So, you better cooperate, Ms. Catacutan."
"Makikipagtulungan po ako. Gusto ko rin pong linisin ang pangalan ko," seryosong saad ko. "Ang totoo po, ang tingin naman ng kabilang kampo ay sadya niyo akong ipinadala sa Bermudez para sirain ang kumpanya."
Narinig ko ang bahagyang pagtawa ni Sir Frank.
"What's so funny, Frank?" sita ni Sir Brix.
"If they really said that, then it's just lame," tugon niya. "I don't even know about that small company at all. Why would we waste time?"
"I hope you take this seriously," ani Maui sa kanya.
" I am serious." Humalukipkip siya. "It just sounds funny. Well, sorry."
"Enough of this, let's get back to business," awat ni Sir Thomas "I have a meeting at the next hour."
"Okay," si Sir Brix.
"As of this moment, you're the person of interest in this circumstance, I hope you are aware of that," diretsang sabi ni Sir Thomas sa akin. "You're the only one who has a connection between the two companies, if you know what I mean."
"Hindi po 'ko haharap dito kung may ginawa po 'kong kasalanan." Nauunawaan ko naman ang punto niya pero ang hirap lang tanggapin na habang hindi pa natutuklasan ang katotohanan ay para akong suspek sa isang krimen na hindi ko naman ginawa.
"That leaves to be proven," ani Sir Brix.
Tumango na lang ako, habang umaasa pa rin na sa huling sandali, kahit paano ay ipagtatanggol man lang ako ni Maui. O hindi siya maniniwalang ako ang may kasalanan. Pero hindi nangyari iyon.
Nang matapos ang pagpupulong, tinitingnan ko kung puwede kong maka-usap si Maui, pero mabilis din siyang lumabas ng kuwarto kasabay sina Sir Thomas at Sir Brix. Wala akong nagawa kundi tanawin siya habang papalayo.
Narinig ko ang pagtikhim ni Sir Frank. Nandito pa nga pala siya sa meeting room.
"M-mauna na po ako, Sir." Binitbit ko na ang shoulder bag kong nakalapag sa upuan.
Tumayo siya mula sa kinauupuan niya. "The truth will always find it's way, Florence. Remember that."
Hindi ko alam kung pagbabanta iyon o paniniyak na magiging maayos din ang lahat. Hindi kasi siya nakangiti nang sabihin iyon, at wala ring emosyon na mababakas sa tinig niya.
Naisip kong tanggapin na lang iyon sa positibong paraan. Ngumiti ako. "Alam ko po, Sir. Salamat po."
Tumango lang siya, ngunit hindi na nagsalita, kaya lumakad na ako patungo sa pintuan.
***
"What are you doing here?" Nagsalubong ang mga kilay ni Maui nang makita niya akong nakatayo sa tapat ng kotse niya.
"Hinintay talaga kita." Napayuko ako. "S-sana naman makapag-usap tayo."
"Okay, so what is it that you want to talk about aside from the things you said earlier?" Sumulyap pa siya sa suot niyang relo na tila ba ipinahihiwatig na wala siyang oras para sa akin.
"G-gano'n na lang ba talaga 'yon?" tanong kong may kalakip na pagmamakaawa. "Hindi mo ba man lang ako bibigyan ng benefit of the doubt?"
"I just don't get how the design will be copied by the company you are working for if you didn't give it to them." Naihilamos niya ang palad sa kanyang mukha. "Like, who could do that? Aside from you."
"Hindi ko rin alam kung paano sasagutin 'yang tanong mo." Unti-unting namamatay ang natitirang pag-asa sa puso ko na babalik pa kami sa dati.
"Akala ko lang kasi talaga..." Nakagat ko ang labi ko para pigilan ang pag-iyak. "Akala ko lang talaga kasama kita hanggang sa mapatunayan ko ang sarili ko."
"I can't be with someone I don't believe in." Umiling siya. "Sorry, Florence."
"Ayaw mo na nga talaga." Tumango-tango ako. "Okay, okay. Sige."
Binuksan na niya ang pinto ng kotse niya at pumasok na sa loob. Nang pinasibad niya paalis ang sasakyan, tuluyan ang bumagsak ang mga luha ko.
Naglakad na rin ako palayo bago pa may makakita sa akin na umiiyak at mukhang miserable.
Ni hindi ko man lang makita sa mga mata ni Maui na nanghihinayang siya sa pinagsamahan namin. Buong-buo na talaga ang desisyon niya. Ganoon lang kabilis siyang naniwala na ako ang may kagagawan ng design leakage.
Ganoon lang kabilis niyang itinapon ang lahat.
Walang patid ang pagdaloy ng mga luha ko. Naki-restroom na nga ako sa isang fastfood chain na nadaanan ko sa paglalakad para lang kalmahin ang sarili ko.
Tama na, Florence. Sa bahay mo na lang iiyak 'yan, paalala ko pa sa sarili ko habang naghihilamos sa lababo.
Nang matapos ako ay tinignan ko ang repleksyon ko sa salamin. Ako na mismo ang naawa sa sarili ko nang makita ko ang mugto kong mga mata at wala sa ayos na buhok, habang tumutulo ang mga patak ng tubig sa aking mukha.
Inayos ko ang sarili ko. Nang pakiramdam ko ay mukhang kaya ko nang humarap muli sa mundo, huminga ako ng malalim bago lumabas ng restroom.
***
"Good morning, Ma'am Florence," bati ni Yulia pagdating ko sa opisina. "Dumaan po dito si Ma'am Vicky, hinahanap po kayo "
"Good morning. Bakit daw?" Nagtaka ako.
Umiling siya. "Wala pong sinabi. Basta, punta raw po kayo sa office niya pagdating niyo."
"Okay, sige." Inilipag ko lang ang bag ko sa desk ko. "Salamat, Yulia."
Matapos noon ay nagtungo na ako sa tanggapan ni Ms. Vicky.
"Florence, it's with deep regret that I inform you, that the management decided to terminate your services as our Project Manager for Project Sapphire." Hindi na nagpaligoy-ligoy pa si Ms. Vicky. Pagkaupo ko sa upuan sa tapat ng kanyang desk ay sinabi niya na agad iyon sa akin.
Habang cool na cool lang siya sa pagkakabitiw ng mga salita, ako naman ay walang mapaglagyan ng gulat. "Ano po? Bakit? Teka lang po, hindi niyo po ako basta-basta puwedeng tanggalin sa trabaho nang walang due process."
"It's stated in your contract that the company could terminate your services..."
"Once I didn't pass the yearly evaluation for three consecutive years and if it was found out that I participated or performed practices and activities against the employee code of conduct," agad kong dugtong sa sinasabi niya.
Nakita kong napa-atras siya at napasandal sa kinauupuan niya. Hindi niya siguro akalain na kabisado ko ang bahaging iyon ng pinirmahan kong kontrata.
"Ma'am, wala naman po akong nilabag," nakiki-usap na sabi ko. "Hindi pa naman po napapatunayan na espiya ako ng LDC na tulad ng sinasabi ni Mr. Mariano. Saka hindi pa naman po tapos ang imbestigasyon."
"It's the decision of the management. Nakausap ni NMB si Mayor Robles at nababagalan siya sa paraan ng kung paano i-handle ng team niyo ang project," paliwanag ni Ms. Vicky.
Pero hindi ko mapaniwalaan iyon. "We're even ahead of our timeline, paano po kaming naging mabagal?"
"Mahalaga sa Bermudez Builders ang ugnayan with Mayor Robles. Ang dami pang projects na nais niyang gawin after the low-cost condos," pahayag ni Ms. Vicky. "What if nang dahil sa hindi siya satisfied on how you handle the project ay hindi niya na ipagpatuloy ang partnership with us on his next projects? We can't afford to lose that, Florence."
"Sana ipinatawag ako ni NMB o ni Mayor para man lang magpaliwanag kung gusto nila ng clarification sa mga bagay na tungkol sa proyekto." Nangilid ang mga luha ko. "Kaya ko pong sagutin anuman ang mga tanong nila."
"But the decision of the management is final," wika ni Ms. Vicky. "Sorry, Florence."
Hindi na ako makapag-isip ng tama. Gusto kong magtungo sa DOLE ngayon din at ireklamo ang kumpanyang ito. Pero parang wala na akong lakas. Tila ako nauupos sa sunod-sunod na mga pangyayari sa buhay ko.
Wala sa sarili na lumabas ako ng opisina ni Ms. Vicky.
***
"Umiiyak ka ba?"
Hindi ako makalingon kay Mama nang tanungin niya ako habang naghuhugas ako ng mga pinggan.
"Florence."
Nang ulitin niya ang pag-imik, alam kong wala na akong choice. Kung bakit kasi nagsabi siyang maliligo na siya tapos hindi pa pala. Hindi ko na tuloy maitago.
Humarap ako sa kanya at tila batang nagsumbong. "Mama..."
"Ano bang nangyayari sa 'yong bata ka?" nag-aalala niyang tanong.
Yumakap na ako sa kanya. "Mama, wala na 'kong trabaho. S-sorry po."
"Ano bang..." Naputol ang sasabihin niya nang bahagyang lumakas ang pag-iyak ko. Hindi ko na napigilan. Ang bigat na masyado ng mga dinadala ko nitong mga nakalipas na araw.
"Ano ka ba namang bata ka, ay 'di mag-apply ka ulit sa iba. Bakit baga parang namatayan 'yang atungal mo, Florence?" Naramdaman ko ang paghagod ni Mama sa likuran ko. "Sigurado ka bang 'yan lang ang problema mo?"
Lalo lang akong hindi nakasagot, at higit na napa-iyak. Ang kaninang pigil na pigil kong paghikbi habang naghuhugas ng mga pinagkainan, ngayon ay pagtangis nang may tunog. Humigpit ang yakap ko kay Mama.
Iniluha ko lahat sa balikat ni Mama habang tumatakbo sa isip ko ang nangyaring sabotahe noong media launch, ang mga pulong sa Bermudez at Ledesma, ang pulitika na naganap kaya nawalan ako ng trabaho.
At higit sa lahat, ang pinaka-masakit - ang pagtalikod sa akin ni Maui.
Hinaplos niya ang buhok ko habang nakasubsob ako sa balikat niya.
Humiwalay ako sa pagkakayakap sa kanya nang maramdaman ko ang pagkahapo sa dami ng iniluha ko at inilaang enerhiya para mailabas ang lahat ng emosyon ko.
"Mama, inom tayo."
"Ano?" gulat na turan niya sa paanyaya ko.
Tumango ako. "Sige na, 'ma. First time ko 'to mag-iinom, gusto ko ikaw kasama ko."
"Damuho." Hindi siya makapaniwala. "Teka, bibili 'ko ng Red Horse at yelo diyan sa tindahan ni Tekla. Susmaryosep na bata ka. Ilan bang bote kaya mo? Matagal na 'kong hindi nag-iinom, aba."
"Ikaw na po bahala." Kinusot ko ang mga mata ko.
"Siya, hintayin mo ako dito," aniya.
"Thank you, Mama." Sa kabila ng lahat ay napangiti ako.
***
"Aba'y, linsiyak pala 'yang Maui na 'yan. Hindi pa nga napapatunayan na ikaw ang may sala, bumitaw na agad. Walang bayag am'puta."
Mas malala pala ang bibig ni Mama kapag naka-inom. Iyon ang reaksiyon niya matapos kong maikuwento ang mga nangyari sa buhay ko nitong mga nakalipas na araw, sa pagitan ng pagtungga ng alak na may yelo at pamumulutan ng kikiam, squid balls, at fried siomai.
"Isinama pa 'ko ng damuhong 'yan sa date niyo, treat-treat daw dahil mama niya na rin daw ako. Utot niyang asul." Natawa ako dahil mas galit pa yata si Mama kaysa sa akin. Muli akong lumagok ng alak na sa una lang pala mapait, kalauna'y nasasanay din pala ang panlasa at lalamunan, at sumasarap din ang kuwentuhan.
"'Di bale, aba naranasan naman ng dila ko ang pang-mayamang pagkain. Sige, salamat na rin," tatawa-tawa niyang sabi.
Konting sabihin ni Mama ay napapa-hagikgik na agad ako. Ito yata ang sinasabi nilang tama ng alak?
"Pero mahal na mahal ko 'yon, Mama." Nangalumbaba ako. Kusa nang lumalabas ang mga salita sa bibig ko, marahil dahil sa alak nga.
"Tsk. Tinamaan ka ng magaling! Ano ba, naisuko mo na ba?" tanong niya.
"Ang alin?" Nagtaka ako.
"Ang bataan!" Sumubo siya ng kikiam.
"Ha? Si Captain Salvador Lopez ang nagsuko sa Bataan." Nilapag ko sa mesa ang basong hawak ko. "Pati ba naman pagsuko ng Bataan ibibintang niyo sa 'kin?"
"Gaga. Sino ba 'yang Lopez na sinasabi mo? Ang sinasabi ko 'yang puke mo." Dinutdot pa niya ang hintuturo niya sa noo ko.
"'Uy, ang bastos mo Mama!" Ngumuso ako.
"Pa-virgin ka naman masyado anak, ano ba, ilang taon ka na!" Napa-iling siya.
"Virgin pa naman talaga 'ko," deklara ko.
"Mabuti naman. 'Wag kang tutulad sa 'kin na bumigay agad, 'yon, nganga." Sumeryoso siya. "Pero suwerte ako, kasi kahit naglahong parang bula ang tatay mong magaling, dumating ka sa akin. Ikaw ang pinakamalaking biyaya sa buhay ko 'nak. Totoo 'yon."
"Mama." Humilig ako sa balikat niya.
Inakbayan niya ako. "Kung puwede ko lang akuin lahat ng sakit diyan sa dibdib mo, eh. Kaso nga, walang gano'n. Kailangan mong pagdaanan 'yan. Pagkatapos naman niyan, mas matibay ka nang tao. Mas matatag. Mas alam na ang gagawin sa susunod."
Tumulo na naman ang mga luha ko.
"Wala akong mai-ambag diyan kung anong dapat mong gawin lalo na sa kopyahan ng design na 'yan, 'di ko naman alam 'yan, eh," aniya. "Pero isa lang ang sigurado, 'nak. Nandito lang lagi si Mama, ha. Tandaan mo 'yan."
At ang kaninang tawanan ay muling nauwi sa iyakan.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top