THIRTY-FOUR

"Si Kimverly?!" Hindi talaga ako makapaniwala. "Sigurado ba sila?"

"Proven, Mamsh!" May konbiksyon ang sagot ni Eya. "Na-trace ang mga email niya at tawag doon sa kasabwat niya sa kabilang kumpanya. May mga CCTV footage din na mga ilang beses siyang pumunta sa Bermudez."

Naalala ko tuloy iyong pagkakataon na nakita ko siya noon sa building ng Bermudez Builders, ngunit sabi niya nga ay hindi naman daw siya iyon. Naniwala naman ako, wala naman kasi akong nakikitang dahilan noon para magsinungaling siya.

"At, ito pa, itotodo ko na ang pagka-marites ko, ah. Ang nasagap kong chismax, itong pinagbigyan ni Kimverly ng resort plan ay jowa niya mismo," kuwento pa ni Eya.

"S-sino doon?" Hanggang sa mga sandaling ito ay hindi ko matanggap na si Kimverly ang gumawa noon. Itinuring ko siyang kaibigan. Mga ilang buwan lang ang nakalilipas ay nakapagpalitan pa kami ng PM sa Messenger.

"'Yon yatang Project Manager mismo ng resort," tugon ni Eya.

"'Yong si Timothy Mariano?" Kumunot ang noo ko. "Pero no'ng nagharap-harap kami noon, sinabi niya na original na idea ng team nila ang resort."

"Siyempre, 'yon ang sasabihin niya!" bulalas ni Eya. "Ang hindi ko lang alam kung kasabwat niya 'yong buong team. Pero naka-kulong na rin siya ngayon."

"Hala." Nagugulat talaga ako sa mga balita ni Eya.

"May forever sila sa likod ng rehas ngayon, Mamsh!" Bahagyang natawa si Ate Aira.

"Deserve! Matapos ng ginawa nila dito sa kaibigan natin!" Ngumisi si Eya.

"Masaya naman ako na na-resolba na ang tungkol sa leakage ng resort plan, pero hindi ko makuhang maging masaya sa nangyari lalo na kay Kimverly." Nakaramdam ako ng lungkot kahit alam ko na ngayong siya ang nasa likod ng lahat.

"Dahil sa ginawa niya, nawalan ka ng trabaho, nasira ang reputasyon mo, na-stress ka ng bongga," litanya ni Eya. "Higit sa lahat, nasira ang relationship niyo ni Sir Maui."

Nang maisip ko iyon ay hindi ko maiwasang makaramdam ng panghihinayang at sakit ng kalooban. "P-pero, alam niyo, iniisip ko na lang, kayo nga, ikaw saka ito si Ate Aira, hindi kayo basta naniwala na magagawa ko 'yon. Dahil matibay ang pagkakaibigan natin."

"So, sinasabi mo na hindi solid ang pagmamahalan niyo?" si Eya.

Tumango ako. "Palagay ko, hindi. Kasi, dapat hinintay niya muna na lumabas ang totoo, bago niya ako hinusgahan."

Sa sinabi kong iyon ay tila may anghel na dumaan. Ilang sandali na natahimik kaming tatlo na wari ba'y sumasang-ayon sila na tama ang sinabi ko.

"Alam mo, ang totoo, si Sir Frank lang ang naniwala sa 'yo sa upper management natin." Sumeryoso si Eya. "Ipinaglaban ka niya sa mga bossing natin."

"W-wala naman siyang nababanggit sa akin." Napa-isip ako.

"May communication kayo?" Bumaling sa akin si Ate Aira.

"B-bihirang-bihira. Saka wala kaming napag-uusapan tungkol doon sa nangyari. Nahihiya naman akong magtanong," pag-amin ko.

"'Nga pala, 'wag niyo muna i-ispluk sa iba pa nating mga kakilala 'yan, ah. Juicecolored, nauna pa yata 'tong chika ko kaysa sa announcement ng management." Humalakhak si Eya. "For sure, one of these days, co-contact-in ka ng LDC, Florence. Siyempre, may mga settlement 'yan or arrangements, basta sasabihin sa 'yo 'yan. Umarte ka na lang na kunwari 'di ko pa nasabi sa 'yo."

Natawa din tuloy ako. "Okay, sige."

"Pa'no dapat 'yong gulat Mamsh kapag formally ka nang sinabihan?" Tatawa-tawa rin si Ate Aira. "Practice-in mo na."

"Ganito dapat. 1.. 2.. 3.. oh my God! Really?!" exaggerated na sambit ni Eya.

Napa-iling na lang ako habang natatawa pa rin. "Puro kayo kalokohan."

"Pero, at least, Mamsh, napatunayan nang hindi ikaw ang sumabotahe sa kumpanya." Ngumiti si Eya.

Napangiti rin ako kasabay ng isang maluwag na paghinga.

***

"Florence!"

"O, Ate Aira?" Nag-alala ako nang marinig ang boses niya sa kabilang linya. Para kasing may emergency.

"Nasaan ka ba?" tanong niya.

"Bakit? Anong nangyayari?" Kinakabahan tuloy ako, eh. "Nandito ako sa site, sa Al Satwa. May problema ba?"

"Bakit ikaw ang nandiyan?" pag-uusisa niya.

"Eh, may Shareholders' Meeting ngayon. Pinag-attend si Sir Kadir ng management natin," paliwanag ko. "Kaya ako ang on-top dito ngayon."

"May bagong shareholder, Mamsh!" Ang kaninang akala ko ay may urgent concern, bakit tila kinikilig na ngayon?

"Huh? Sino?" tanong ko na lang kahit wala naman akong direktang kinalaman doon.

"Si Sir Frank!" Iyon na nga, impit na napatili na itong si Ate Aira.

"Frank Ledesma?" paniniyak ko.

"Yes! Siya na nga at wala nang iba!" Masaya na ngayon ang tinig niya. "Nakita ko kanina kasama niya 'yong iba pang shareholders!"

"Anong ginagawa niya diyan?" Nagtaka ako. "I-ibig kong sabihin, bakit dito siya mag-i-invest ng share? Eh, ang daming kumpanya sa Pilipinas. May sarili nga silang mga kumpanya."

"Malay ko. Baka way niya lang para makita ka," deklara niyang nasa tinig pa rin ang kilig.

"Ako?" Naituro ko pa ang sarili ko kahit hindi naman niya ako nakikita dahil sa cellphone lamang kami nag-uusap.

"Ano ka ba, Mamsh. 'Yong totoo, matalino ka naman pero ang slow mo rin talaga minsan!" Hindi ko alam kung frustrated ba siya. "Hindi pa ba malinaw sa 'yo?"

"Na ano?" Lalo akong naguluhan.

"Na mahal ka no'ng tao, ano ba naman!" Sa tono ng pananalita niya, kulang na lang ay batukan niya ako.

"Dati pa 'yon. Ibig kong sabihin, kung nagustuhan man niya ako, noon 'yon," wika ko.

"Hanggang ngayon kaya."

Natigilan ako nang may lalaking magsalita sa likuran ko. Isang pamilyar na tinig, na siguro ay hindi ko malilimutan kahit matagal ko nang hindi naririnig. Malalim at baritono, lalaking-lalaki.

"Come on, face me, future wife. I missed you."

Future wife.

Alam na alam ko kung sino ang nag-iisang taong tumatawag sa akin nito.

"S-sige, Ate Aira, mamaya na lang ulit. Salamat," paalam ko sa aking kausap sa cellphone. Hindi ko na siya nahintay makasagot at tinapos ko na ang tawag. Kapagkuwan ay nilingon ko ang lalaking nasa likod ko.

Si Sir Frank.

"Sir..."

"Gano'n lang? No kiss and hug to welcome me?" kumindat siya.

Napangiti na lang ako. Inaamin ko, na-miss ko rin talaga itong ganito niyang kakulitan.

"A-ano pong ginagawa niyo dito?" tanong ko na lang sa halip na patulan ang sinabi niya.

"I came here to see you." Ngumiti siya ng may pagsuyo.

"Alam ko po na kasama kayo sa Shareholders' Meeting..."

Pinutol niya ang sinasabi ko. "Nice, updated naman pala yarn."

"Sir naman." Hindi ko napigilang matawa lalo na nang banggitin niya ang salitang "yarn". Paano niya kaya nagagawa iyon na hindi nagtutunog-bading?

"Eh, 'di dapat po, nandoon kayo," sabi ko pa.

"Actually, I requested Mr. Hamza to tour us in the site, which is here." Ang sinasabi niyang Mr. Hamza ay ang CEO ng aming kumpanya.

"Nasaan po 'yong ibang shareholders?" Mag-isa lang naman kasi siya at wala akong nakitang kasama niya.

"They're just there, roaming around," tila balewala niyang sagot. "'Yaan mo sila. Ikaw naman talaga ang ipinunta ko dito."

"Hala." Hindi ko malaman ang sasabihin ko. "Eh...n-nag-invest po kayo ng pera niyo dito. Hindi po ba kayo interesado na makita ang kabuuan nitong project?"

"Just explain it to me. I'm willing to listen to you all day." Humalukipkip siya.

"Teka po, Sir, doon po tayo." Tumuro ako sa hindi kalayuan. "Medyo maalikabok po dito."

Nauna akong naglakad at naramdaman kong sumunod siya sa akin. "You're really going to explain it to me?"

Nilingon ko siya bago ako nagpatuloy sa paglalakad. "Opo. Sabi niyo, eh. Para malaman niyo rin po 'yong worth ng investment niyo."

"Okay, then let's set a meeting for that, but as of now I just wanted to chill," aniya.

"Ang hirap mong ma-tiyempuhan. The first time I went here, you were on a meeting. Remember, when I messaged you? The second time I did, nasa Bahrain ka naman daw. Like, what the hell are you doing there?" pagpapatuloy niya.

"Huh? Nandito po kayo no'n?" Nagulat ako. May isang pagkakataon kasi na tatlong araw akong naroon para mag-ocular kasama ng iba pang miyembro ng aming team, para iyon sa binabalak namang itayong hotel doon ng DPL.

"Yup." Tumango siya. "Then, I can't stay longer to wait for you since I have an important meeting in the Philippines too. I can't go to Bahrain either, my passport's got a problem at that time. Naisip ko, mag-invest na lang ng shares dito so I'll have a reason to see you often."

"T-teka lang po." Medyo nao-overwhelm ako sa mga paliwanag niya. "Hindi po ba kayo galit sa akin?"

"Huh? Why would I?" Nakita ko ang pagtataka sa kanyang mukha.

"Ah...eh, dahil po do'n sa nangyari," tugon ko. "Hindi niyo po ba naisip na baka ako nga po talaga ang sumabotahe sa resort ng LDC?"

Umiling siya. "Never did it crossed my mind."

"Bakit?" Hindi ako makapaniwala.

"Wala. Hindi lang talaga ako naniniwala na magagawa mo 'yon." Nagkibit-balikat siya.

"Kumusta na po pala? Ano na pong nangyari sa incident na 'yon?" Sinubukan ko siyang tanungin kahit nabanggit na sa akin iyon ni Eya. Gusto ko lang marinig mula sa kanya ang sagot.

"Hmmm...it's a long story but I would tell you, in one condition." Umangat ang isang sulok ng mga labi niya.

"Ano po?" Nagsalubong ang mga kilay ko.

"Date me." Tumitig siya sa akin.

"Hindi po ako sigurado kung puwede 'yan dito," sabi ko. Kapag lumalabas kami nina Ate Aira ay grupo lagi, bagamat ang ilan sa mga kasama namin ay magjo-jowa talaga. Hindi nga lang puwedeng ipahalata dahil hindi katanggap-tanggap sa lugar na ito ang Public Display of Affection o PDA. Kahit holding hands ay bawal.

"Kailan ka ba kasi uuwi ng Pilipinas?" tanong niya.

"Next year pa po," sagot ko naman.

"Sa 'kin ka na umuwi," pagkasabi noon ay ngumiti siya ng matamis.

"Ha?" gulat na tugon ko.

"Ayaw mo pa rin sa 'kin?" Nalukot ang mukha niya ngunit mukhang biro lang naman. "'Wag mong sabihing si Maui pa rin ang mahal mo? Wala ka nang pag-asa do'n."

"Pumunta po kayo dito para lang ipamukha sa akin 'yan?" Bilang ganti, kunwari ay sinungitan ko naman siya.

Sumeryoso siya at tumingin ng diretso sa aking mga mata. "Oo, saka para sabihin na sana, ngayon, ako naman ang piliin mo."

Nagpatuloy siya, "Mukha pa namang may gusto sa 'yo 'yong boss mong Indian. Ang sama ng tingin sa 'kin no'ng sinabi kong kilala kita at gusto kitang makita."

"Hala." Kumawala ang tawa ko. "Hindi, gano'n lang po talaga 'yon si Sir Kadir."

"Kapag tumingin parang mananapak?" Napa-iling siya. "Please choose me, future wifey. Mas mabango naman ako do'n."

"Sir, ang racist niyo po," saway ko sa kanya. Hindi naman totoong may hindi kanais-nais na amoy si Sir Kadir at maging ang mga iba pa naming kasamang Indiano.

Tumawa siya, bago muling sumeryoso. "But you know, I'm dead serious. You gave me a chance to pursue you before, and I'm willing to do it over again. Let me court you once more, Florence."

Napatitig ako sa kanya, habang hindi ko malaman ang sasabihin. Nanatiling naka-awang lang ang mga labi ko.

"And, if you say "yes" to me, I'll marry you right away," aniya pa.

"Ano?!" Nanlaki ang mga mata ko. "Kasal agad? Wala nang BF-GF stage?"

Umiling siya. "Wala nang gano'n. I am already sure that I want to spend the rest of my life with you."

Napatda ako. "P-paano niyo naman po...paano niyo po nasabi?"

"We chanced upon the car show before, and we've met again after several years. I don't think it's just mere coincidence," seryosong saad niya. "I firmly believe that we always end up meeting each other again because we are meant to be. And I, and the universe, won't stop until we're finally together."

Napasinghap ako. Para akong maiiyak sa hindi ko malamang dahilan. Siguro ay dahil tumatawid sa puso ko ang sinseridad sa mga sinasabi niya. Hindi ko lang akalain na ganito pala ang pagmamahal niya sa akin.

"As long as you are here, I'll try to come as often as I could, especially now that I'm technically part of the company you're working for," pangako niya. "And I'll wait for the day 'til you get back in our home country."

Napatitig na lang ako sa kanya.

***

Mula nang araw na iyon ay naging regular na ang komunikasyon namin ni Sir Frank. At totoo, may mga panahon na nagtutungo nga siya sa opisina lalo kapag Shareholders' Meeting.

Masaya naman ako na tila bumalik kami sa dati. Pero sa pagkakataong ito, ayoko nang madaliin. Pakiramdam ko kasi, masyado akong na-excite nang manligaw sa akin si Maui noon kaya agad-agad akong pumasok sa isang relasyon. Gusto ko munang i-enjoy ang pagiging magkaibigan namin ni Sir Frank.

"Sir, puwede naman pong via online na lang kayo mag-attend ng mga meetings," sabi ko sa kanya nang minsang nasa opisina siya.

"Bakit? Ayaw mo ba 'kong makita?" tila nagtatampong sabi niya. "Sadboi na 'ko."

Napatawa tuloy ako. "Parang ang gastos lang po kasi nitong ginagawa niyo na panay ang biyahe. Saka 'di po ba kayo napapagod?"

"Hindi. Chill lang naman mag-biyahe." Lumapit siya sa akin at nagsalita nang halos pabulong, "Ten rounds nga kaya ko."

"Boksing po?" tanong ko. "Marunong din po kayo? Athletic pala talaga kayo Sir ."

Hindi ko alam kung bakit bigla siyang humalakhak nang malakas. "The fuck! I'm not talking about sports. I'm flirting with you."

"Ha?" Lalo akong naguluhan.

"Never mind." Natatawa pa rin siya. "We got a lot of tutorials to do in the future."

"Tutorial para saan?" Kumunot ang noo ko.

"Wala. Sabi ko, I love you." Naiiling na nangingiti siya.

Napangiti ako kahit naguguluhan, nakakahawa kasi ang ngiti sa mga labi niya. "Thank you."

"Ouch. Thank you lang talaga?" Kunwa'y inilapat pa niya ang palad sa dibdib niya na tila sumasakit ang puso.

"But that's fine." Sumeryoso siya at tumitig sa akin. "I won't stop until your "thank you" becomes "I love you too". So, brace yourself."

Matapos niyang bitiwan ang mga salitang iyon ay lumakad na siya palayo. Hindi pa man ako nakakahuma mula sa sinabi niya ay muli siyang lumingon sa akin noong nasa may pinto na siya. "See you next month in the Philippines, future wifey!"

Matapos noon ay bumaling na siyang muli sa pintuan at naglakad na palabas ng silid.

***

"Mama!"

Nagyakapan kami ng nanay ko nang makita ko siya sa airport. Ang higpit ng yapos ko sa kanya. Tatlong taon kong hindi kasama si Mama at na-miss ko talaga siya! Iba pa rin talaga kapag kapiling ang nanay sa araw-araw. May mapaghihingahan ng sama ng loob nang walang judgment. Oo, makakatikim ako ng sermon pero tatanggapin pa rin ako kahit gaano ka-engot ang mga desisyon ko sa buhay.

"Nasaan sina Tita? 'Di ka po sinamahan?" tanong ko.

"Nandiyan si Yel, teka, nag-CR lang 'yon, eh. 'Yong Tita mo, 'yon, kanina pa rumaratsada ang bibig kadadaldal kay Frank," aniya.

"Frank?" ulit ko.

"Oo, 'yong dati mong boss." Hindi niya pinansin ang pagka-bigla ko.

"Kasama niyo siya?" paniniyak ko.

"Oo. Naro'n sa labas, nakaparada." Hindi nagtagal ay dumating na rin ang pinsan ko. "O, ito na pala si Yel."

"'Insan! Ang ganda mo naman, nakaka-asar!" sambit ni Yel pagka-kita sa akin. "Anong me'ron sa hangin ng Dubai?"

Natawa ako. "'Di ko alam kung nasaan 'yong ganda pero hiyang siguro ako sa alikabok sa site."

"Baliw 'to." Pinalo niya ang braso ko. Diyos ko po, ang bigat pa naman ng kamay. "'Uy, 'insan, ang gara ng oto ni Kuya Frank. Parang yayamanin 'yong bata mong 'yon."

"Bata? Teka. Bakit kasama niyo siya?" Nagsimula kaming maglakad papalabas ng airport. Hila ni Yel ang luggage ko habang sukbit ko pa rin sa likod ko ang backpack.

"Sinabi mo raw sa kanya na ngayon ang uwi mo, eh," ani Mama.

"Eh, oo." Napa-isip ako. Sinabi ko nga naman iyon sa kanya. "Pero 'di ko po alam na sasama siya ngayon."

"Dinaanan kami sa bahay, eh. Ang aga-aga nga dumating," wika ni Mama. Nagtataka ako kung bakit parang malapit na sila sa isa't isa. Samantalang ang huling beses na nagkita sila ay noong nagpalipas ng gabi si Sir sa bahay. Ilang taon na rin ang nakararaan mula noon.

Nang makarating kami sa kinapaparadahan ng sasakyan ni Sir Frank, kumatok pa sa bintana si Mama. Nasilip ko na kausap niya nga si Tita Tasing na nasa back seat. Nagmamadali namang lumabas si Sir mula sa driver's seat dahil sa katok ni Mama.

"Hi, welcome back." Ngumiti siya na tila ba nahihiya nang makita ako. Hindi ko alam kung bakit. Dahil ba sa kaharap niya ang mga kapamilya ko? Dali-dali niyang kinuha ang mga dala namin ni Yel at inilagay ang mga iyon sa compartment sa likod. Itim na BMW itong dala ni Sir, kaya pala sabi ni Yel kanina, ang gara.

Habang nasa biyahe ay magkatabi kami at nasa likod naman sina Mama. Napuno ng kuwentuhan at kumustahan ang loob ng sasakyan. Masaya akong nagkukuwento ng tungkol sa mga karanasan ko sa Dubai at sila naman ay wiling-wili na nakikinig.

Hanggang sa nagsalita si Sir Frank na animo'y nagsusumbong, "'Yong head niyang bumbay, may gusto sa kanya."

"'Uy, wala!" Mabilis na napa-iling ako.

"Selos ka naman, Kuya Frank," panunukso ni Yel sa kanya.

"Sus naman, Frank. Nakikita ko 'yon sa mga picture ni Florence sa FB, matangos lang ang ilong no'n. Malamang, bumbay. Pero mas guwapo ka naman do'n," wika naman ni Tita Tasing.

"Masyado ka namang nagpapalakas diyan sa manok mo," biro ni Mama kay Tita.

"Bakit, 'ma? Ikaw ba hindi ka boto sa 'kin?" Tila may himig ng pagtatampo si Sir Frank pero mas mukhang nagpapa-cute lang siya.

Naglipat-lipat ang tingin ko sa kanilang apat. Paanong ganito sila ka-kaswal na mag-usap-usap na tila ba matagal na silang magkakakilala?

Bago pa ako makapagtanong ay huminto na ang sasakyan. Nang silipin ko ay nasa tapat kami ng isang resto na ang istruktura ay nahahalintulad sa mga restaurant sa France. Nasa unang palapag iyon ng isang vintage na gusali at napipinturahan ng kulay pula ang kabuuan. Binasa ko ang pangalan ng kainan, "Á la Prochaine."

"See you again," mahinang wika ni Sir Frank habang nakatingala ako.

Nilingon ko siya na may pagtatanong sa aking mga mata.

"That's the english meaning," paliwanag niya.

Tumango-tango ako. "French word po?"

"Yup. Come, let's get inside," paanyaya niya.

Nang makarating kami sa loob, pula rin ang kulay ng interior, mas maputla nga lamang kaysa sa pintura sa labas, at may brown accents na kasing-kulay naman ng mga kahoy na upuan.

"Naku, walang mga kumakain. Baka sobrang mahal po dito, Sir," sabi ko sa mahinang boses.

Pero narinig pa rin pala ako ni Yel. "'Wag ka mag-alala, 'insan. Kay Kuya Frank 'to!"

"Ha?" Gulat na nagpalipat-lipat ang tingin ko kay Sir Frank at Yel.

Bago pa man may makapagsalita sa kanila ay narinig ko ang pag-ring ng cellphone ko na nasa loob ng dala kong sling bag. Nag-excuse muna ako sa mga kasama ko at lumayo upang sagutin iyon.

Sa Messenger pala tumatawag. Tiningnan ko kung sino.

Maui Ledesma.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top