SIX
"Krumpalin ko pa siya ng diploma at medal mo, eh!" gigil na sabi ni Patti matapos kong maikuwento ang tungkol sa bisita ni Sir Frank kanina, na napag-alaman kong Madeline ang pangalan. "Anong stupid? 'Tang ina, sa 'yo nga kami nangongopya no'ng college!"
Napabunghalit ako ng tawa sa sinabi niya. "Eh, hinayaan ko na lang. Pero sa totoo lang muntik na 'ko maiyak no'n."
"Naku, sayang luha mo sa gano'n!" sabi naman ni Luna. "Sabihan mo lang kami, reresbakan natin 'yong malditang 'yon."
Nagkayayaan kaming magkakaibigan na kumain sa labas pagkatapos ng trabaho. Dinaanan nila ako sa work ko at doon na rin kami nag-dinner sa isang cafe na malapit sa building namin.
Si Luna at Patti ay mga classmates ko noong college, pero hanggang ngayon ay masasabi kong solido at tunay ang pagkakaibigan namin. May dalawa pa kaming friends, si Chanel at si Ellie. Kaso hindi na sila nakasama ngayon dahil sa kani-kanilang mga commitments.
"Buti na lang, Baks, sa 'yo kumampi 'yong boss mo," ani Patti. "Baka naman 'di niya talaga jowa 'yon?"
"Ewan ko rin." Umiling ako. "Pero wala naman sa akin kung anuman siya ni Sir. 'Di lang ako makapaniwala na may gano'ng klase ng tao. Akala ko mga kontrabida lang sa palabas 'yong ganoon na tipong sumusugod sa opisina."
"Ba't nga kaya pinatulan ng boss mo 'yong intrimitidang 'yon?" tanong ni Luna. "Teka nga, 'yon bang boss mo, gurang na?"
"Hindi. Bata pa si Sir," wika ko. "Sinabi niya dati kung ilang taon siya. Nakalimutan ko lang. Basta, mid-thirties lang siya."
"Anong hitsura?" si Patti naman ang nagtanong.
"Mukhang Kastila," sagot ko.
"Napaka-specific, ah!" Tumawa si Patti. "Ano ba, guwapo ba? Pamatay ba tumingin? Matangkad? Mesherep? Gano'n mag-describe, Bakla!"
"Guwapo naman," pag-amin ko. "Parang lahi naman kasi ng mga magagandang lalaki 'yong pamilya nila. Kahit 'yong mga may edad na, alam mong guwapo no'ng kabataan, eh. Parang 'yong presidente namin at CEO, mga nasa sixties na ang mga 'yon pero bakas pa rin ang ka-guwapuhan."
"Tengene. Gusto kong makilala 'yang pamilya na 'yan." Iwinasiwas pa ni Patti sa hangin ang hintuturo niya.
"Sila ba may-ari ng kumpanya niyo?" tanong na naman ni Luna.
"Oo. 'Yong pamilya nila," sagot ko naman.
"Mga guwapo na, mayayaman pa!" Pumalatak pa si Patti. "Hindi ko na lang sila gustong makilala, gusto ko nang maging parte ng pamilya na 'yon. May single ba do'n bukod sa boss mong may malditang jowa?"
"Eh me'ron, halos ka-edad lang din ni Sir Frank," pabulong kong sabi na para bang may makaririnig sa aking ibang tao. "Pero mine na 'yon."
"Ay, putspa! Gumaganyan ka na!" Hinampas pa ni Luna ang balikat ko. Nagtawanan tuloy kaming tatlo.
"Eh ano 'yon ng Sir mo? Kamag-anak din?" tanong niya.
"Pinsan." Humigop ako ng kape. "'Yong totoo, matagal ko nang crush 'yon si Sir Maui, mga Bes. Bago pa lang ako sa kumpanya."
"Guwapo talaga?" tanong ni Patti.
"Oo. Guwapo talaga. 'Yong kapag tumitig sa 'yo..." Nangangarap na tumingin ako sa dako pa roon.
"Laglag ang panty mo?" dugtong ni Patti.
"Panty talaga? Puso naman." Dramatikong humawak pa ako sa dibdib ko. "Ang linis-linis pang tingnan no'n ni Sir Maui. Walang pores ang mukha! Maputi, tapos parang mabango palagi. Pero mabango nga talaga. Naamoy ko no'ng nagkasabay kami sa elevator minsan."
Tawa nang tawa si Luna. "Parang ang lala na ng amats mo, Floring. Ngayon lang kita naringgan ng ganyan. Seryoso."
Natawa din tuloy ako. "Ewan ko ba. Para kasi sa akin, siya 'yong epitome ng perpektong lalaki."
"So, you like my cousin, huh?"
Nanlaki ang mga mata ko nang may pamilyar na boses na nagsalita sa likod ko.
Bumaling na sa kanya sina Luna at Patti, pero ako, parang nanigas sa kinauupuan ko.
"Hi, Florence. I know it's you." Narinig ko ulit ang baritonong tinig na iyon. Nai-imagine ko ang hitsura niya kaya lalong hindi ako makalingon.
"Hi daw, Baks!" Siniko ako ni Patti.
Napilitan akong ipa-ikot ang kinauupuan kong high swivel chair para harapin siya. Wala na akong magagawa.
At tama nga ako, isang nakalolokong ngiti ang nasa mga labi niya ng mga oras na iyon.
"Sir Frank..." iyon lang ang tanging nasabi ko. Kung puwede lang akong kunin ng mga alien ngayon, sasama na talaga ako. Sobrang nakakahiya! Kailan pa kaya siya nakatayo sa likuran namin? Ano-ano pa kaya iyong mga narinig niya?
Pakiramdam ko, ang init ng mga pisngi ko, at kahit hindi ko nakikita ang sarili ko, alam kong namumula ang mga iyon.
Napansin kong may dalang cup of coffee si Sir Frank, at ang suot niya ay iyong coat and slacks na suot niya rin kanina sa opisina.
"Don't worry, I won't tell Maui." Ngumisi siya. "Your little secret is safe with me."
Kumindat pa siya bago umalis sa harapan naming tatlo.
***
"Bakla, chosko! Guwapo naman pala 'yong boss mo!" Kilig na kilig si Patti. "Sa sobrang tulaley mo, lumayas na lang! 'Di mo na tuloy kami naipakilala!"
"Parang gusto ko na mag-resign," nag-aalaang sabi ko.
"Para kang tanga." Kulang na lang batukan ako ni Luna. "Ang hirap-hirap humanap ng trabaho ngayon."
"Nakakahiya kasi, mga Bes. Alam na ni Sir Frank." Humugot ako ng malalim na buntong-hininga.
"'Wag kang praning. Sinabi naman niya na hindi niya sasabihin do'n sa crush mo." Binuksan ni Luna ang pinto ng kotseng dala niya. "Arat na mga 'tol."
Sa backseat ako naupo habang si Patti ay tumabi kay Luna.
"So 'yong ikinaguwapong 'yon ng boss mo, mas guwapo pa 'yong Maui na sinasabi mo?" tanong naman ni Patti sa akin.
"Oo. Pero teka lang. 'Di pa ako maka-move on doon sa nangyari kanina." Napakamot ako sa ulo ko. "Bakit ba kasi nakikinig si Sir Frank sa usapan natin? 'Di ba niya alam na kabastusan ang makinig sa usapan ng may usapan?"
"Baks, eh baka babatiin ka lang sana niya kasi nakita ka niya doon. Eh, timing naman na ini-ispluk mo 'yong tungkol sa betsung mo, narinig niya," paliwanag ni Patti. "Malay din ba niya kung anong talak mo no'ng moment na 'yon, 'di ba?"
"Paano ko ba siya haharapin bukas nito?" Bagsak ang mga balikat ko. "Bahala na."
Ibang bagay na ang pinag-usapan namin nina Patti at Luna habang bumibiyahe pero paminsan-minsan, sumisingit sa utak ko iyong nangyari kanina.
Bahala na talaga bukas.
***
"Dalhin mo kay Maui." Iniabot sa akin ni Sir Frank ang isang sealed long brown envelope. Nakaloloko ang ngiti na nasa mga labi niya. Alam ko naman kung anong dahilan, iyong narinig niya mula sa akin kagabi.
"Okay po," sabi ko na lang. Kunwari, hindi ako apektado.
"'Nga pala, umupo ka muna. I have something to tell you," utos niya.
Umupo ako sa bakanteng upuan sa tapat niya. "Yes po, Sir?"
"We're going somewhere in Siargao. Next month pa naman 'to pero gusto ko nang malaman mo," seryosong wika niya. "There's a property there I wanted to visit and see it's potential to be developed. I want you to come with me."
Ang layo noon, ah.
"Sige po." Tumango ako. "Pero p-puwede pong malaman kung ilang days po tayo doon?"
"Bakit, 'di ka ba papayagan ng parents mo, baby girl?" Tumatawang pang-aasar niya sa akin. Iyong pagka-sabi niya ng "baby girl", nag-baby talk pa siya.
Kakaiba rin talaga ang ugali nito ni Sir Frank.
"H-hindi naman po sa gano'n. Gusto ko lang po malaman para alam ko po kung ilang araw ko po patatauhin sa bahay 'yong pinsan ko para samahan si Mama," paliwanag ko.
"Gano'n ba?" Nagbago ang ekspresiyon ng mukha niya, ang panunukso ay napalitan ng pag-aalala. "Wala siyang kasama sa bahay? Paano kapag nandito ka?"
"Mag-isa lang po siya doon. Okay lang naman po sa umaga. Ang mahirap po ay sa gabi...alam niyo naman po ang panahon ngayon," pahayag ko.
"Pero wala pong problema sa akin Sir na sumama." Bumawi ako agad. "Trabaho po ito kaya okay po sa akin."
Parang may gusto siyang itanong, hinihintay ko sana pero hindi naman niya itinuloy.
Iba ang sinabi niya, "Alright. Buti at sinabi ko sa 'yo agad, mapaghahandaan mo pa 'yang magiging kasama ng mother mo. At, gusto ko na ring sabihin sa 'yo na marami pa tayong susunod na mga travels, so better be prepared."
"Okay po, Sir." Tumango ako. Gusto kong sabayan siya minsan sa biruan kaso baka magkamali ako ng bitaw. O kaya, isipin niya na hindi ko siya iginagalang bilang superior ko.
"By the way, Maui is also joining us," deklara niya.
Natigilan ako. Ngumisi naman siya.
"Surprised?" nanunudyo niyang tanong.
"Eh..." Nag-apuhap ako ng sasabihin. Bigla kasi akong kinabahan sa idea na makakasama ko si Sir Maui ng ilang araw sa isang malayong lugar. Paano ko ba siya haharapin na hindi ako nagmumukhang engot at kakausapin siya na hindi ako nabubulol?
"Basically, you'll arrange everything for our trip." Sumeryoso siya. "'Yong sa ating dalawa lang. Maui's office will take care of his travel needs. Just coordinate with them, alright?"
Tumango ako. "Okay po, Sir."
"Sige na, dalhin mo na kay Maui 'yan," pagtukoy niya sa hawak kong envelope na iniabot niya kanina sa akin. Unti-unti na namang sumilay ang mapanuksong ngiti sa mga labi niya.
"K-kailangan po bang sa kanya ko iabot mismo?" naisipan kong itanong sa kanya. "Or puwede ko po ipa-receive sa staff niya?"
"Puwede mo naman ipa-receive. Ikaw ang bahala." Sumandal siya sa swivel chair niya, nag-de-kuwatro ng upo, at humalukipkip. "Pero mas okay sana kung ikaw ang magbigay sa kanya para magka-moment naman kayo."
"Sir Frank!" Natawag ko tuloy siya sa pagka-bigla ko sa pang-aalaska niya sa akin. Lalo lang niya akong tinawanan.
"Supportive naman ako sa lovelife mo, Florence," tumatawa niyang sabi. "Basta ayusin mo lang lagi ang trabaho mo sa 'kin."
"Sir, wala naman pong lovelife," pagtatama ko sa kanya. "Saka...saka 'wag niyo na po ipaalala. Nahihiya na nga po ako. Kalimutan niyo na lang po na narinig niyo 'yong mga sinabi ko doon sa cafe."
"Eh, hindi ko nga malimutan. I don't know, I just find it cute that a twenty-six year old woman still feels infatuated." Ngumiti siya.
Sasagot pa sana ako nang magsalita ulit siya, "Alright, you may go."
"Okay po," sagot ko bago tumalikod at tumungo sa pinto.
Pagkatapos noon ay dumiretso ako sa opisina ni Sir Maui. Wala naman akong balak na dumirekta sa kanya. Ipare-receive ko na nga lang sana sa EA niya, kaso pagbukas ko ng pinto after kong kumatok ng maka-ilang ulit ay naroon pala siya, kausap ang isang staff.
Lumingon siya sa akin kaya bumati ako, "G-good afternoon po."
Bahagya lang siyang tumango sabay tingin sa hawak ko. "Is that for me?"
"Ah...opo, opo Sir," nagulat pang sagot ko. "'Di bale po, dito ko na lang po ibigay kay..."
Hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil tumayo siya mula sa kinauupuan niya at naglakad palapit sa akin. Para akong itinulos sa kinatatayuan ko.
Nag-slow-mo iyong paglakad niya sa paningin ko habang tila huminto ang takbo ng oras. Laging ganito ang nararamdaman ko sa tuwing nakikita ko siya.
Huminto siya sa harap ko at inilahad ang kamay niya para ibigay ko sa kanya ang envelope. Pero hindi ako naka-kilos.
Ang guwapo talaga ni Sir Maui.
"Galing kay Frank?" nagtanong siya ulit. Doon ako tila nagising.
"Ah, opo," sagot ko habang nagtatanong sa isipan ko kung paano niyang nalaman. Ah, baka sinabi na rin ni Sir Frank sa kanya na may dadalhin o ibibigay nga. Pero natatandaan pa rin niya kayang taga-OVPEA ako?
"Right. I remember you," aniya, "Nagkasabay tayo sa elevator minsan and you told me you're from VPEA Office."
Parang nabasa niya ang nasa isip ko.
"T-tama po, Sir." Kanina pa ako nauutal. Nakakahiya na. Ayaw naman kasi kumalma nitong puso ko.
"Ironic that you stayed in Accounting for three years but I don't remember you at all." Matipid na ngumiti siya. "But I could recall being with you inside an elevator for a few minutes."
Hindi ko alam kung anong isasagot sa sinabi niyang iyon.
"From that day, I swore to myself to remember all the employees here as much as I can." Nawala ang matipid na ngiti sa mga labi niya pero tumitig siya sa akin. "So, thank you."
Kinailangan kong pasimpleng huminga nang malalim pagkasabi niya noon. Pakiramdam ko, kung hindi ko gagawin iyon, baka right there and then ay tumimbuwang ako sa harap niya. Diyos ko po! Nakakakilig!
"Wala po 'yon Sir." Sinikap kong huwag mabulol. Nahihiyang nginitian ko siya. "S-Sige po, una na po ako."
"Okay. Thanks again."
Tumalikod na siya sa akin pero parang hindi ako makagalaw. Nang tingnan ko ang mga staff niya na nakatayo lang malapit sa amin, sila mismo ay may tanong din sa kanilang mga mata na para bang first time nilang maringgan ng ganoon ang boss nila.
Tinanguan ko na lang sila bago ako lumabas ng pintuan.
Pagkasarang-pagkasara ko noon ay kinagat ko ang ibabang labi ko para hindi ako mapa-tili.
Mukhang tama si Luna - malala na itong tama ko.
Kaso habang naglalakad ako pabalik sa opisina namin ay biglang sumilip sa diwa ko si Sir Frank. Ang nakaloloko niyang ngiti at nang-aasar niyang mga banat.
Pero mas okay kung ikaw ang magbigay sa kanya para magka-moment naman kayo.
Napa-iling na lang ako.
Thank you na rin po, Sir Frank.
***
"Is Frank inside?" Isang magandang babae ang lumapit sa mesa ko at nagtanong. Sa ilang linggo kong pagta-trabaho dito sa OVPEA ay nasanay na akong iba-ibang babae ang dumadalaw kay Sir Frank - na hindi naka-schedule o walang appointment. Buti nga hindi sila nagkakasabay-sabay ng punta.
"Upo ka muna, Ma'am." Itinuro ko ang couch sa hindi kalayuan. "Ano po palang name niyo, itatawag ko lang po kay Sir sa loob."
"Anna," nakangiting sagot niya. "Anna Garcia."
"Okay. One moment po, Ms. Garcia." Nag-dial ako para tawagan si Sir Frank at ipaalam na may bisita siya. Buti pa itong isa na ito, maganda na, mabait pa. Hindi tulad noong una kong na-encounter na si Madeline na nasabihan pa akong "stupid".
Pero hindi na bumalik ang babaeng iyon dito sa opisina kahit na kailan. Pagkatapos noon ay may ilang iba't ibang babae pa na pumunta dito kay Sir Frank.
"Sir, May bisita po kayo, si Ms. Anna Garcia po," sabi ko nang pick-up-in niya ang tawag ko.
"Patuluyin mo na," sagot niya lang sabay baba ng phone.
Sinamahan ko na si Ms. Garcia at ipinagbukas ng pinto. Tumingin sa amin si Sir Frank at bahagya akong tumango bago isinara ang pintuan.
"May bagong flavor of the week, Mamsh," pabulong na sabi ni Kimverly pagkasarang-pagkasara ko ng pintuan.
"Ssshh. Baka marinig tayo," saway ko sa kanya sa mahinang boses habang naglalakad ako pabalik sa lamesa ko.
Sumabay siya sa akin. "Totoo naman. Parang nagpapalit lang ng brief kung magpalit ng babae 'yan si Sir."
"Mga clients 'yon," sabi ko na lang sa kanya.
"Sino niloko mo?" Tinawanan ako ni Kimverly. "Baklang 'to. Pahiram ng stapler."
Iniabot ko sa kanya ang stapler ko. Alam ko naman na baka tama nga siya, pero alangan namang sa akin pa manggaling na mga jowa ni Sir iyon, o fling, o anupamang katawagan. Isa pa, hindi naman namin pinag-uusapan ni Sir Frank ang tungkol doon.
Lumabas si Sir Frank mula sa opisina niya kasama si Ms. Garcia. Nahuli kong inaayos pa ng huli ang tirante ng suot niyang dress.
"May meeting pa ba ako, Florence?" tanong ni Sir sa akin.
"Me'ron po, Sir. 4:00 PM with Mr. Ryan Rivera po," sagot ko naman.
Tumango-tango siya. "Move mo sa ibang araw."
"Sir, third time na po natin nai-move ito," paalala ko.
"Move mo ulit," utos niya. "May kailangan lang kaming puntahan."
Pinigil ko ang sarili ko na mapa-buntong-hininga. "Okay po."
Pagkatalikod niya kasama si Ms. Garcia, nalaglag ang mga balikat ko. Baka magalit na sa akin nang tuluyan iyong ka-meeting ni Sir. Last time na nag-re-sched ako, sinabihan niya na ako kung bakit daw ako nag-i-sched ng meeting sa araw at oras na may ibang meeting ang boss ko. Ang hindi niya alam, nata-timing kasi lagi na may bumibisitang chicks kay Sir Frank sa oras na kasabay ng nase-set kong meeting sa kanya.
Hindi ko naman puwede sabihin siyempre iyong tungkol sa mga chikababes ni Sir Frank kaya ang idinadahilan ko, biglang nagkaroon ng staff meeting o nagka-emergency meeting. Nauubusan na ako ng puwedeng idahilan.
Bakit ba naman kasi tuwing office hours pa ginagawa ni Sir itong pambababae niya?
Pinakawalan ko ang buntong-hininga na pinigil ko kanina.
***
"So, were you able to arrange our Siargao trip, Florence?" tanong sa akin ni Sir Frank nang ipakita ko sa kanya ang ginawa kong monthly report para sa opisina namin, na isa-submit naman sa presidente ng kumpanya.
"Na-arrange ko na po, Sir. May round trip air ticket na po tayo, at nai-book ko na rin po iyong accommodation na napili niyo," pahayag ko. "May kausap na rin po ako sa Local Government Unit kung sakali po na kailangan nating makipag-meet sa kanila."
"How about the property owner?" Tumingin siya sa akin.
"Expected niya na pong darating tayo, Sir. Nakausap ko po siya two weeks ago pa po at nag-remind din po ako sa kanya kahapon," tugon ko naman.
"Good." Tumango-tango siya. "Sina Maui ba, kasabay natin sa flight?"
"Opo. Kausap ko si Ms. Elise, 'yong EA niya po. Si Sir Maui lang daw po mag-isa ang bibiyahe kasama natin," sabi ko.
Tumingin siya sa akin at ngumiti ng nakakaloko, "Kilig yarn?"
"Hala ka, Sir." Hindi ko napigilang matawa. "Hindi naman po kasi..."
Hindi ko na natapos ang sinasabi ko, natawa na talaga ako nang tuluyan, "Sorry, Sir..." At natawa na naman ako.
"Kinilig ka talaga sa harap ko?" Nakangiti pero napapa-iling si Sir Frank.
"Hindi po. Doon ako natawa sa pagkasabi niyo ng "kilig yarn". Sorry, Sir. 'Di ko po expected na manggaling sa inyo," paliwanag ko.
"Okay lang, natatawa rin ako sa 'yo, eh." Nag-de-kuwatro siya ng mga binti sa pagkaka-upo niya.
"'Nga po pala, Sir." Bigla akong may naalala. "Magse-set din po ba ako ng company vehicle na maghahatid at susundo sa inyo sa airport?"
"Sa akin lang?" Nagsalubong ang kilay niya.
"Eh...kasi po si Ms. Elise, nagpa-reserve na ng para kay Sir Maui," sabi ko sa kanya.
"'Yaan mo 'yan si Maui," seryosong saad niya. "Ang ibig kong sabihin, ikaw."
"Magco-commute po ako papuntang airport," wika ko.
"Bakit pa?" Parang nagulat pa siya nang malaman iyon. "Sa akin ka na."
"Sa inyo po?" Napatitig ako sa kanya.
"Oo. Sa akin ka na sumabay." Nagkibit-balikat siya. "Dadaanan kita sa inyo. Saan ka ba nakatira?"
"Huh?" Nabigla ako. "H-hindi na po Sir, nakakahiya."
"Anong nakakahiya do'n? Magkasama naman talaga tayo sa pag-alis." Itinulak niya papunta sa direksiyon ko ang notepad at ballpen na nasa lamesa. "Write your address down."
"Pero, Sir..."
"I'm speaking to you as your superior," ma-awtoridad na sabi niya.
Nahihiya man na boss ko pa ang susundo sa akin sa bahay, mukhang wala naman akong magagawa. Kinuha ko ang ballpen at notepad at isinulat doon kung saan ako eksaktong nakatira.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top