SEVENTEEN

Hiyang-hiya ang pakiramdam ko kahit wala naman akong ginawang masama. Ngunit magkaganoon man, tatapusin ko pa rin ang ipine-present ko. Trabaho ito at hindi ko puwedeng iwanan sa ere.

"Wait, before we start meddling with something personal, at least let her finish." Pumagitna ang company president na si Sir Thomas. "I hope you, Ledesma youngsters, would know the proper time to declare your intentions to a woman. Look, she's blushing."

Wala sa loob na napahawak ako sa magkabilang pisngi ko. Ayos na sana, kaso pinuna niya pa iyon. Natawa ang ilan sa mga naroon sa meeting.

"Come on, young lady, continue," aniya pa.

Bahagya akong tumango. "I'm...I'm down to my last slide na po."

Hindi ko na alam kung paano ko naitawid ang mga sumunod na sandali. Iyon na yata ang pinaka-awkward na nangyari sa buhay ko. Tapos ay mataman pang nakatingin sa akin si Sir Maui at si Sir Frank. Hanggang ngayon ay tila ba hindi mag-sink-in sa utak ko iyong huling sinabi ni Sir Frank.

Kung sa ibang pagkakataon nangyari ito, baka mas masaya siguro ang puso ko. Hindi iyong ganito na nasa harapan pa ng mga boss. Pakiramdam ko tuloy ay gumawa pa ako ng eksena sa mahalagang meeting na iyon.

"Please feel free to ask if you have further questions," sabi ko at idinugtong, baka kasi iba ang itanong sa akin, "about the presentation."

"I don't have any questions. Mas interesado kami sa lovelife mo, Miss." Tumawa si Sir Brix, ang VP for Engineering, nang sambitin niya iyon. Ito na nga ba ang sinasabi ko. Dinugtungan ko na nga na about the presentation ang itanong, eh.

Muli ay natawa na naman ang ibang mga naroon.

"Enough with that, Brix," pananaway ni Sir Thomas sa kanya. Si Sir Thomas ay mga nasa sixties na, tulad ng CEO na si Sir Lorenzo.

"We have a month to decide whether to pursue with the resort or not," wika ni Sir Lorenzo. "Florence presented us everything we need to know. It's up to us now to decide. Everyone should have their decision come next meeting."

Sumang-ayon ang mga nasa pagpupulong.

"Thank you for an informative and concise presentation, Florence," muling nagsalita si Sir Lorenzo. "You may now take your seat."

"Thank you." Bahagya akong yumukod bago umalis sa pagkakatayo sa harapan nila. Ngunit, imbis na dumiretso sa upuan ko, lumabas ako ng kuwarto. Hihinga lang muna ako.

***

"Ayos ka lang, Mamsh?" tanong ni Kimverly sa akin. Lumapit siya sa harap ng desk ko. Saka ko lang na-realize na nakatulala lang pala ako sa harap ng monitor ng aking desktop computer.

"H-ha? Ah, okay lang," wala sa sariling sagot ko.

"Ano ba kasing..." Ngunit bago pa man matapos ni Kimverly ang sasabihin niya ay dumako ang paningin niya sa likod ko. "Si Sir, Mamsh."

"Florence." Iyon na nga. Nagsalita si Sir Frank mula sa likuran ko.

"Excuse me, Sir," nagpaalam si Kimverly, "Mamsh, sige, balik na 'ko."

Pagtalikod ni Kimverly ay nagsalita muli si Sir Frank, "You cannot ignore me like that, Florence. I'm still your boss."

Tumayo ako mula sa swivel chair at hinarap siya. "Sorry, 'di ko lang po alam kung paano kayo haharapin." Umilap ang tingin ko. Hindi ko kayang salubungin ang mga mata niya.

"You're silly. Shouldn't I be the one to feel awkward? I just professed to everyone that I like you," aniya. "When in fact, you should be the first to know."

Hindi ko malaman ang sasabihin ko.

"Follow me." Nagsimula siyang humakbang. Pero hindi siya pumasok sa opisina niya, sa halip ay naglakad siya sa direksyong patungo sa pantry. Sumunod ako. Nang maupo siya sa isa sa mga upuan na naroon, umupo na lang din ako sa tapat niya.

Namagitan ang saglit na katahimikan sa aming dalawa. Hindi ko alam kung naghihintayan ba kami kung sino ang mauunang magsalita.

Hanggang sa winika niya, "Florence, whatever I said in the meeting is true. Hindi ko lang sinasabi sa 'yo kasi ayokong maapektuhan ang working relationship natin. Pero hindi ko na napigilan kanina."

"P-pero...mina-matchmake niyo pa po ako sa pinsan niyo," nagtatakang sabi ko sa kanya.

"I know," tugon niya. "No'ng una kasi, 'di naman ako sigurado. Then the next thing I knew, I'm trying to deny it to myself, because your likes are not my type."

Napatingin ako sa kanya nang sabihin niya iyon. Muntik nang tumaas ang isang kilay ko.

"I'm not into girls like you that's why I got confused," tahasang turan niya.

"Ano pong ibig sabihin niyo ng "girls like me"?" Naguluhan ako, at medyo masakit din sa damdamin iyong pagkakasabi niya.

"Inexperienced." Nagkibit-balikat siya. "Innocent."

"Masama po bang maging gan'on?" tanong ko ulit.

"Wala 'kong sinabing masama, okay. Pero hindi ko kasi alam kung pa'no ang diskarte sa mga katulad mo." Tumingin siya sa labas ng salaming bintana. "Tapos, itong si Maui kung makapagmalaki sa meeting, I suddenly felt pressured as fuck. Bigla kong naramdaman na nauungusan niya na 'ko sa 'yo, samantalang ako 'tong mas malapit sa 'yo. Ako 'tong kasama mo halos araw-araw."

Muli siyang tumingin sa akin. "And what hurts the most is that you like him too."

Nakita ko ang lungkot sa mga mata niya. Hindi maipagkakaila. Ito rin iyong nakita ko sa kanya noon noong hindi ako nagpaturo sa kanyang mag-surf sa Siargao, at noong tinanggihan ko ang paanyaya niyang maghapunan sa penthouse niya.

"Sir..." Nangapa ako ng sasabihin para mapaglubag ang nararamdaman niya, pero hindi ko rin alam kung ano ba ang mga tamang salita para sa ganitong sitwasyon.

"It's not your fault that I felt jealous, so don't feel guilty." Umangat ang isang sulok ng labi niya. "Hindi mo pa naman siya sinasagot, 'di ba?"

Umiling ako. "Gusto ko pa po siyang makilala."

"Sana ako rin." Tumitig siya sa mga mata ko.

"Ibig niyo pong sabihin ay..."

"Yeah, I wanted to pursue you." sinagot niya ang tanong na hindi ko alam kung paano ko tatapusin. "I don't know how, but I will."

Humugot ako ng malalim na paghinga. Ang daming ganap ngayong araw na ito, at hindi pa pala tapos.

"Whether you allow me or not, I still will," pinal na wika niya. "And will only stop if you already said yes to my cousin."

Seryoso nga siya. Napalunok na lang ako.

Muli siyang nagsalita, sa mahina ngunit siguradong tinig, "Until then, I'm willing to take on whatever little chance I have."

***

"Magandang hapon po." Napangiti ako nang matapos bumati ni Sir Maui kay Mama ay nag-mano siya dito. "Kumusta po kayo?"

"Mabuti naman." Ang tipid ng ngiti ni Mama kaya medyo kinabahan ako. First time ko pa namang may ipinakilalang lalaki sa kanya. O baka ayaw lang niyang maging masyadong welcoming at baka isipin ni Sir Maui na boto agad sa kanya si Mama.

Ipinakilala ko sila sa isa't isa, bagaman nabanggit ko na rin kay Mama ang tungkol sa intensyon ni Sir at gayundin ang balak niyang pagtungo dito sa bahay ngayong araw ng Sabado.

"Para sa inyo po." Iniabot niya kay Mama ang dala niyang pulang kahon na cake ang nilalaman. Inilapag iyon ni Mama sa maliit na center table ng amin ding maliit na sala. Tinabihan ko si Sir Maui sa mahabang sofa habang naupo sa pang-isahang upuan si Mama.

"I came over because I want to personally meet you po," ani Sir Maui kay Mama. Tumango lang siya. Bakit ba kasi ingglisero ito si Sir, este, Maui na nga lang pala dahil outside work na. Panigurado, tatanungin ako ni Mama mamaya nito kung ano sa tagalog iyong sinabi. Hindi kasi talaga ma-english itong nanay ko.

"I know how important is it for a mother to meet the man who courts her daughter," nagpatuloy siya, "and also I want to give respect to you po the same way I respect Florence."

Napatitig ako sa kanya. Totoo ba talaga ito? Ang hirap paniwalaan na itong lalaki na sobra kong crush kahit hindi naman ako pinapansin noon, ngayon ay humarap sa mama ko para pormal na manuyo sa akin. Parang humaba hanggang talampakan ang buhok ko.

"Tinanggap ka naman ng anak ko na lumigaw sa kanya, iyon naman ang mahalaga," tugon ni Mama. "Wala rin naman akong masabi dahil 'di naman na kayo mga bata. Matagal ko na ngang pinag-aasawa 'yan si Florence. Siyempre, dadalawa na lamang kami, gusto ko na rin namang magka-apo na."

"Hala ka, 'ma." Nagulat ako sa pambubuking ni Mama. "Advance mag-isip."

Pero hindi niya ako pinansin. "Kaso, puro mga Koreano ang inaatupag niyan. Kapag pinasok mo 'yong kuwarto niyan, naku, puro mga lalaking singkit 'yong nakadikit sa pader."

Natawa si Sir Maui. Ito naman kasi si Mama, napaka-taklesa. Pero totoo naman, puno kasi ng mga poster ng BTS ang kuwarto ko. May pailan-ilan din na EXO at Enhypen.

"Whatever she enjoys doing then I'll support her," paniniyak ni Sir Maui.

"Pero alam mo, diyan lang naman sa mga Koreano giyang na giyang 'yang anak ko, saka mag-drawing-drawing, magbasa. Wala 'yang ibinigay sa aking problema mula pa noon. Kaya 'yan ang paborito kong anak." Tumawa si Mama. "Siya lang naman kasi ang anak ko."

Sabay pang humalakhak si Sir Maui at si Mama.

"Pero sa seryosong usapan, suwerte ako sa anak ko..." Saglit na tumigil sa sinisimulang kuwento si Mama at nagtanong, "Ano nga ulit ang pangalan mo?"

"Maui po." Naaaliw na ngumiti siya.

"May kapangalan kang artista." Napa-isip si Mama. "Pero babae 'yon."

Napakunot-noo si Sir Maui, ako naman ang natawa.

"Mama, 'di siguro kilala ni Si...ni Maui 'yon." Mabilis kong nabawi ang muntikan ko nang pagtawag sa kanya ng "Sir", na usapan nga namin, kapag sa labas ng trabaho ay tatawagin ko siya sa pangalan lang.

"'Yong sexy 'yon, eh," dagdag pa ni Mama. "Ba't ba ganyan ang pangalan mo?"

"Mga tanong mo, 'ma," pasimpleng saway ko sabay paliwanag na rin, "palayaw niya lang po 'yon."

"Eh, 'yon nga, 'yong sinasabi ko kanina, Maui, suwerte ako sa anak ko. Masipag 'yan, matalino, matino. Hindi sa ibinibida ko ang anak ko, ha. Nanay ako kaya ako ang nakakakilala diyan," ani Mama na ikinatahimik ko. Unang beses ko pa lang kasing narinig iyon mula sa kanya, at ngayon ay hindi naman direktang sinabi sa akin kundi sa ibang tao pa.

Nagpatuloy si Mama, "Ang sinasabi ko sa 'yo, Maui, nakita mo naman, hindi naman kami mayaman, pero nabubuhay naman ng marangal. Maipagmamalaki mo itong anak ko, kaya 'wag mong hayaan na alipustahin ito ng pamilya mo dahil lang sa kalagayan namin sa buhay."

"Mama, teka, i-kalma mo lang po. May pagbabanta ka na, eh." Natatawa ako kay Mama, kulang na lang kasi maglabas ng shotgun. Ang angas!

Pero seryoso si Maui nang sumagot siya, "I won't allow that to happen."

***

"Good morning."

Isang malamig at suwabeng boses ang narinig ko mula sa likuran ko habang naghihintay ako ng pagbukas ng elevator. Nagme-message pa naman ako sa rider na magde-deliver ng in-order kong BTS night lamp online. Mukhang alam ko na kung sino.

Lumingon ako, at tama nga. "G-good morning po, Sir Frank. Ang aga niyo po yata ngayon?"

"Inspired." Ngumiti siya ng mapanukso sabay kindat sa akin.

Bahagya akong napa-atras kasi hindi ko napaghandaan iyon. Aware naman ako noon pa na guwapo si Sir Frank, pero tila ba mas gumuwapo siya sa paningin ko nang gawin niya iyon.

Bumukas ang elevator. Nagbigay-daan ako para paunahin siyang makasakay gawa nang sanay naman akong nauuna siya lagi sa akin lalung-lalo na sa paglalakad. Ngunit sa pagkakataong iyon ay hindi siya kumilos.

"Ladies first." Nasa labi niya pa rin ang mapaglarong ngiti. "My first lady."

"Hala ka, Sir." Pumasok na ako sa elevator bago pa magsara iyon. Narinig ko pa ang bahagya niyang pagtawa habang sumusunod siya sa akin. Paglingon ko ay siya na rin ang pumindot ng 23rd sa buttons.

Ipinagpatuloy ko ang pagre-reply sa delivery rider, Florence Catacutan po ito pero kay Vi

"Sa susunod, Ledesma na 'yan."

Naramdaman ko pa ang mainit na hininga ni Sir Frank sa bandang itaas ng tenga ko nang magsalita siya. Nahinto ako sa pagpindot sa cellphone, at doon ko lang namalayan na halos nakadikit na pala siya sa likod ko dahil nakiki-usyoso siya sa itina-type kong text.

Wala sa loob na iniwas ko ang phone ko sa paningin niya, at ang sarili ko rin mismo mula sa kanya. "'Yong rider lang po 'to na magde-deliver ng parcel ko."

"I love that you're explaining to me who you're communicating with," panunudyo niya.

"Para 'di na po kayo mahirapan sumilip, in-explain ko na po." Boss ko man siya pero hindi ko napigilang mapa-ingos. Kasi naman, nakikibasa siya sa message ng may message.

Tumawa lang siya. "Well, the next time, you'll be introducing yourself as Florence Ledesma."

Nanlalaki ang mga matang tumingin ako sa kanya. "Po?"

Nagkibit-balikat lang siya at muli ay sumilay ang nanunuksong ngiti sa mga labi.

Tumingin ako sa panel sa itaas ng pinto ng elevator para tignan kung nasaang floor na ba kami. 20th na.

"P-pero Ledesma rin po si Sir Maui," wala sa loob na nabanggit ko habang nakatingin doon.

Huminto at bumukas ang elevator sa 23rd. Nauna si Sir Frank, pero ang ginawa niya, tumayo siya paharap sa akin at ang gilid ng katawan niya ay iniharang niya sa pinto ng elevator para manatiling bukas iyon.

Humalukipkip siya. "Mapanakit ka rin, eh. You enjoy making me feel jealous?"

"Sir, baka bigla pong sumara 'yan, eh maipit po kayo," babala ko na hindi pinansin ang sinabi niya. Para kasing nang-aasar lang naman siya.

"Sige, Mrs. Frank Ledesma. Okay na ba 'yon?" Tumaas-baba ang mga kilay niya at namimilyo ang pagkakangiti. Hindi niya rin inalintana ang sinabi ko at nanatili sa kinatatayuan niya.

"Sige na po, okay na po 'yon. Sir, tara na po bago pa 'to mag-alarm." Dumaan ako sa kabilang gilid na hindi niya nahaharangan.

Tatawa-tawa siyang kumilos at sumunod sa akin. "So, Mrs. na nga. Sabi mo, okay na, eh."

"Ang kulit niyo po, Sir," hindi ko napigilang sabihin iyon habang naglalakad na kami patungo sa opisina. Pero dahil boss ko nga siya, subtle lang ang pagkakasabi ko, hindi naman puwedeng malditahan ko siya.

Pero hindi siya apektado. "Kailan kami puwedeng pumunta ni Mommy sa inyo para mamanhikan na?"

"Ano?" Alam kong biro iyon pero nagulat pa rin ako.

"'Wag mo sabihing naunahan na rin ako ni Maui?" aniya.

Naisipan kong iyon na ang pagkakataon kong makabawi sa pang-aalaska niya kanina pa. "Pumunta na po siya no'ng Sabado. Nagpakilala kay Mama."

"Ah, gano'n ba?" Sumandal siya sa pinto ng opisina namin noong akmang bubuksan ko na iyon. "Pero ako pa rin ang naunang nakilala ni Mama."

"Huh?" Nagtaka ako.

"'Di mo na naaalala. Puro ka kasi Maui." Pinisil niya ang baba ko. "'Di ba, no'ng sinundo kita sa inyo no'ng pa-Siargao tayo, at no'ng inihatid din kita no'ng nakabalik na tayo."

Naalala ko nga iyon. At nostalgic din sa akin iyong gesture na ginawa niya. Para akong nagbalik sa panahon noong rumaket ako sa car show. Ginawa niya rin iyon noong isinoli ko ang naiwan niyang cellphone.

"Sir, pumasok na po tayo. Kailangan na po nating mag-trabaho," malumanay na paalala ko sa kanya dahil hindi siya umaalis sa pagkakasandal sa pintuan.

"'Di ba dapat ay ako ang magsabi niyan?" Naiiling na natatawa siya.

"Marami po kayong meeting ngayon," patuloy na paalala ko.

"Mamaya pa naman 'yon." Naniningkit ang mga mata niya sa pagkakatingin sa akin. "Ikaw, ha. Low key lang pero itinataboy mo 'ko."

"Hindi naman po sa gano'n, Sir. Kaso, paano po, dito lang po ba tayo sa pinto?" tanong ko sa kanya.

"Puwede naman sa loob ng opisina ko." Kumindat siya. "Ipalipat na lang kaya natin 'yong desk mo do'n?"

"Ha? Ayoko po." Umiling ako.

"Grabe lang maka-iling." Ngumisi siya. "But, I'm still your boss, Florence. So, I have the right to tell you where you should be in my office." May diin ang pagkakasabi niya sa salitang "my".

"Pero hindi po ako komportable na mag-opisina sa loob ng opisina niyo. And Article IV, Section 16 of the of the Republic Act 11313 states that any conduct that is unwelcome and pervasive, and creates an intimidating, hostile, or humiliating environment for the recipient, is a crime of gender-based sexual harassment in the workplace," taas-noo kong sabi sa kanya.

"What the fuck." Nakita ko sa mukha niya na bagamat nabigla siya, tila ba naaaliw din siya sa akin o sa sinabi ko? Hindi ko alam.

Ginaya ko iyong madalas niyang ginagawa - nagkibit-balikat lang ako.

"You, smart ass." Kumilos siya at ipinagbukas ako ng pinto. Sumunod siya sa akin nang pumasok ako. Naroon na sa loob si Ms. Celine at bumati siya sa aming dalawa.

Muli ay bumalik sa aking isipan ang mga bagay na pinagmumuni-munihan ko noong Sabado at Linggo na wala akong pasok - kung paano ko haharapin ang mga tao sa opisina. Malamang, nakarating na rin maging sa ibang mga departamento ang nangyari noong Board Meeting. Ito pa naman ang iniiwas-iwasan ko sa buhay, ang maging sentro ng atensiyon.

Dumiretso ako sa desk ko at naupo sa swivel chair. Binuksan ang desktop computer, at habang hinihintay na mag-load iyon ay binalikan ang aking phone para sa mine-message na delivery rider. Sa wakas ay naituloy ko rin ang pagte-text sa kanya. Puro kakulitan kasi itong si Sir Frank.

Nag-check ako din ako ng messages sa Messenger. May mensahe pala si Sir Maui.

Whatever they say, you're beautiful in your own way. So, chin up and slay! Have a great day, sweetheart.

Tila baga sagot iyon sa mga agam-agam na nasa isip ko. Oo nga naman, hindi naman importante ang sasabihin ng mga tao tungkol sa akin. Hindi ko naman ginusto iyong nangyari sa meeting.

"May endearment na. Akala ko ba hindi pa kayo?"

Nagulat ako nang magsalita si Sir Frank mula sa likuran ko. Nakikibasa na naman siya ng messages ko! Sa pagkabigla ay naiikot ko ang kinauupuan ko paharap sa kanya para maitago ang cellphone ko.

Tiningala ko siya at umiling ako. "Hindi nga po."

"Sweetheart." Nakangising umiling-iling siya. "Corny."

"Eh, ano po ba dapat?" Nagsalubong ang kilay ko at hininaan ko ang boses ko. Nakakahiya kay Ms. Celine na marinig niya pa kaming ganito mag-usap ni Sir Frank. Gusto kong i-maintain ang professionalism sa pagitan naming dalawa, kahit man lang sa harap ng ibang mga kasamahan namin sa opisina.

"'Uy, gusto niya may tawagan din kami," panunukso niya.

"Sir, ang ingay niyo po," halos pabulong nang saway ko sabay sumulyap ako saglit sa puwesto ni Ms. Celine na abala na sa pagtipa sa computer niya.

"'Di mo man lang kasi napapansin." Ngayon ay may himig na ng pagtatampo ang boses niya.

"Ang alin po?" tanong ko. Clueless talaga ako. Ano ba ang dapat kong mapansin? May nakalimutan ba ako? May hindi ba ako nagawa?

"Wala."

Pagkasabi niya noon ay lumakad na siya patungo sa opisina niya. Lalo lang akong nagtaka. Alam ko na maloko at pilyo talaga siya noon pa pero hindi ganito kalala. May nalalaman pang "I am too" noong Board Meeting, nanto-troll lang yata iyon. Tapos, ngayon biglang parang may hinampo. Ano ba itong bossing ko?

Napatunganga na lang ako sa saradong pinto ng opisina niya. Ang labo.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top