ONE

"Catacutan, Florence. Cum Laude."

Nagkatinginan kami ni Mama at ngumiti sa isa't isa. Ito na ang bunga ng lahat ng sakripisyo, lahat ng pagsisikap, lahat ng puyat at pagod sa pinagsasabay na trabaho bilang kasambahay at pag-aaral.

Buong pagmamalaki kong tinanggap ang diploma at medalyang isinabit sa leeg ko habang hawak ko ang kamay ni Mama. Siya ang inspirasyon ko para magawa ang lahat ng ito. Pangarap ko kasing maiahon na siya sa mula sa pagiging katulong na kagaya ko. Gusto kong masabi sa kanya balang-araw na, "Ma, ako na ang bahala."

Ramdam ko, malapit na iyon. Next week, magsisimula na ako sa trabaho. Bago pa kasi itong pagtatapos namin ay nag-a-apply-apply na rin ako. May mangilan-ngilan ding kumpanya na tumatawag sa akin na iniimbitahan akong mag-apply sa kanila. Iyong pinaka-unang nag-hire sa akin ang siya ko na ring papasukan. Hindi na ako namili ng posisyon o kumpanya. Kahit ano pa iyan basta makapagtrabaho na ako at kumita.

Pagkatapos ng seremonya ay nagkita-kita kami ng mga kaibigan ko.

"Mga bakla!" naiiyak-iyak na sabi ni Patti. "Ano na, mami-miss ko kayo. Chosko, welcome to the real world na talaga 'to."

"Group hug, dali!" Ibinuka ni Luna ang mga braso niya. Sumugod kami lahat sa kanya at nagyakap kaming lima.

Masaya akong natagpuan ang mga tunay kong kaibigan sa unibersidad na ito. Magagandang alaala ang babaunin ko sa pagharap sa bagong yugto ng buhay ko dahil sa kanila.

"May mga kanya-kanya tayong celebration sa bahay, malamang," ani Ellie nang magkalas kaming lahat sa pagkakayakap sa isa't isa. "Kailan na tayo magkikita nito?"

"PM-PM tayo mga Bes. Basta, PM-PM pa rin," sabi ko sa kanila. "'Wag kayong makakalimot, ha. Kahit magiging busy na tayo."

"Ikaw pa lang." Pabirong hinampas ni Chanel ang braso ko. "Kami, mga tambay pa lang. But you, you're gonna start working next week."

"Wala, Cum Laude, eh." Nagkibit-balikat si Patti. "Cum landi lang kasi ang kinaya ko."

Tawanan kaming lahat.

"Ay, ito na sina Mommy," biglang sabi ni Chanel. Papalapit nga sa amin ang parents niya, kasama si Jake na boyfriend niya.

"Tita!" sabi ni Patti sa Mommy ni Chanel. "Graduate na kami! Wala na pong manggugulo sa bahay niyo."

Natawa tuloy kami pati iyong mga parents ni Chanel. Sa bahay kasi nila kami madalas gumawa ng projects at research dahil malaki ang bahay nila at kasya kaming lahat kahit doon pa mag-overnight.

"Paano, guys, we have to go," paalam ni Chanel sa amin. "Message, call, whatever, just please communicate mga Beh!"

Nakita na rin ni Luna at Ellie ang mga parents nila sa crowd kaya kami ni Patti ang naiwan.

"Nasaan si Mama mo?" tanong ni Patti sa akin.

"Siguro nasa gate 'yon, naghihintay," tugon ko. "Eh, si Pudra mo?" Ganoon niya kasi tawagin iyong tatay niya kaya ganoon na rin ang tawag ko.

"Naro'n din siguro. Tara," aniya. "Walang CP 'yon, eh."

Naglalakad na kami nang magsalita siya ulit, "Baks, game ka ba rumaket? Pero bukas na 'to."

"Anong raket 'yan?" tanong ko.

"Natatandaan mo 'yong agent na kumukuha sa 'tin dati para mag-flyering?" wika niya. "Need niya daw kasi ng tao bukas para sa booth niya sa car show sa Evian Mall."

"Talaga? Sige. Kailangan ko rin ng perang panimula sa trabaho, eh," pahayag ko.

Minsan kasi ay suma-sideline kami ni Patti bilang tiga-abot ng flyers sa mga kalsada o sa mga malls kapag wala kaming pasok sa school. May kilala siyang agent na galing naman sa isang advertising company na siyang kumukuha sa amin. Mula sa sabon, bagong bukas na restaurant, bagong labas na motor at kung anu-ano pang produkto na maaaring i-advertise sa pamamagitan ng flyers.

Importante sa akin ang kinikita sa sideline na iyon kaya hindi ko sinukuan, kahit na madalas ay nade-deadma ako o natatarayan ng mga inaabutan. Pambaon din iyon para hindi ko na mabawasan iyong pa-allowance nina Ma'am Carla sa akin. Siya ang isa sa mga amo namin ni Mama. Nagta-trabaho din ako sa kanila bilang kasambahay kapalit ng pagbibigay nila ng allowance para sa pag-aaral ko.

"Sige, game, kita tayo bukas sa office, Baks," sabi ni Patti.

***

Sa site ko na lang nalaman na si Patti lang pala ang magpa-flyering. In-assign ako ni Sir Deo, iyong agent na kakilala ni Patti, sa game booth na sponsored ng isang kilalang brand ng baterya ng kotse.

Panay ang hatak ko pababa sa suot kong red bodycon dress - kung dress pa nga bang maituturing iyon. Pakiramdam ko, konting yuko ay sisilip na ang kuyukot ko sa kapirasong damit na iyon.

Napansin ako ni Patti. "Bakla, okay lang 'yan, ang sexy mo kaya. Ang puti mo pala, chosko."

"Nahihiya nga ako," conscious na sabi ko habang naglalakad kami papunta sa booth. "First time ko magsuot ng ganito. Sana man lang dalawa tayo."

"Bastos ka. Eh 'di nagmukha akong shanghai roll sa damit na 'yan."

Tawanan kaming dalawa.

Nagkalat na ang mga tao sa venue, mostly mga kalalakihan. May nadaanan pa kaming pinagkakaguluhan ng crowd, iyon pala, seksing babae na naka-two piece na gumigiling-giling sa harap ng isang kotse habang nagka-carwash. Hindi ko nga masabi kung carwash ba talaga iyon, parang binabasa lang din naman niya iyong kotse kasabay ng katawan niya.

Culture shock. Ganito pala sa car show.

Narating namin ni Patti ang booth namin. Kinuha niya doon ng flyers na ipamimigay niya sa entrance ng venue. Pagka-alis niya ay naiwan akong mag-isa. Inayos ko ang set-up ng wire loop game na siyang pakulo ng aming booth. Kung sinumang magtatagumpay na maitawid ang laro nang hindi naba-buzz ay siyang mananalo ng special prizes na tulad ng leather jacket, car decal stickers at iba pa.

Unti-unting lumapit ang mga tao sa game booth ko. Pasimple akong huminga ng malalim para humugot ng lakas ng loob bago ko sila hinarap. Lalo at first time ko ito.

"Sir, try niyo po," alok ko sa kanila. Wala kasing nagtatangkang maglaro. Nakatingin lang sila at para bang inaaral kung paano itatawid ang rod sa loop.

"Anong premyo nito, number mo?" tanong ng isang matandang lalaki. Nagtawanan ang ibang mga naroroon.

Napalunok ako. Bumanat pa talaga ng ganoon si tatang.

Nag-isip ako ng pang-rebutt. "Sir, may mas maganda akong pa-premyo kaysa sa number. Ito pong leather jacket namin. Bagay 'to sa 'yo. Nakikinita ko na kapag suot mo na 'to, kasing-guwapo niyo po si Jeric Raval, Sir."

"Ayos, Miss, ah." Ngumisi siya. "Pasubok nga."

Iniabot ko sa kanya iyong metal rod na ilulusot sa wire loop. Dapat ay hindi dumikit ang anumang parte ng wire sa rod. Pero hindi pa man nakaka-abante si Sir ay na-ground na siya agad.

"May remaining two tries ka pa po, Sir. Try lang po," pang-eencourage ko sa kanya. Pero dahil may edad na nga, pasmado na rin siguro kaya na-dead din siya.

Pagkatapos niya ay sunod-sunod nang sumubok ang mga naroon.

Hanggang isang matangkad na lalaki ang lumapit sa booth. Agaw-atensiyon dahil guwapo siya, sa totoo lang naman, bukod pa sa matangkad siya kumpara sa mga lalaking nagkukumpulan ngayon sa harap ng booth ko. May kasama siyang dalawang lalaki at may hitsura rin ang mga iyon.

Nang hindi magtagumpay iyong lalaking kasalukuyang naglalaro ay nagsalita iyong guwapo na bagong dating, "Miss, puwedeng pasubok?"

Nagtawanan iyong dalawang kasama niya at isa sa kanila ay nagsalita, "Dude, that's just leather jacket."

"Wala, trip ko lang," sumagot iyong guwapong lalaki. "Parang exciting, eh."

"Kunwari pa 'to. 'Yong model lang talaga puntirya mo, eh," biro noong isa pa niyang kasama. Ang tinutukoy niyang model ay ako.

"Puwede rin." Lumapit siya sa akin. "Three succeeding wins, Miss, date me."

Wow. Lakas.

"Sir, 'di po 'ko kasama sa prize," sabi ko na ikinatawa ng mga tao roon. "If you win three times, I'll give you three leather jackets. Sakto po, tatlo kayo, tag-iisa po kayo ng mga kasama mo."

Nakita kong lihim na natawa iyong dalawang kasama niya na nakatayo sa likuran niya. Akala naman nito ni Sir o-oo ako agad dahil guwapo siya.

Hindi ako easy. Akala mo, ah.

"Give me that," ma-awtoridad na sabi niya sa akin. Iniabot ko sa kanya iyong rod. Kumindat pa siya sa akin bago simulang maglaro.

First try ay mabilis na naitawid ni Sir ang rod sa wire loop. Ang galing. Matapos noon ay mayabang na nagkibit-balikat pa siya.

Sa second at third try ay matagumpay niya ring nailusot ang rod nang hindi naga-ground. Nanlaki ang mga mata ko. Seryosong na-bilib ako sa ginawa niya. Bukod kasi sa mahaba iyong wire ay komplikado pa ang mga twists. Dinisenyo talaga iyon para hindi basta-basta makuha iyong grand prize.

"Congratulations, Sir! Ang galing niyo po! Pasok na pasok lahat!"

Nasabi ko iyon sa tuwa ko dahil sa wakas ay may nanalo na. Pero hindi ko naisip na medyo tunog-bastos pala iyon, kung hindi pa nagtawanan ang mga tao. Nagtaka pa nga ako kung bakit sila natatawa.

Kumukuha na ako ng stocks ko ng leather jacket nang magsalita siya, "I don't need those. Thank you."

"Huh?" Nagulat ako.

"Puwede bang sa 'yo naman ako pumasok?" Umangat ang isang sulok ng labi niya.

Natigilan ako. Iba't iba na ang reaksiyon ng mga tao. Oo, ako ang nauna na magbitaw ng berdeng linyahan, pero hindi ko naman sinasadya iyon.

"Pumasok sa buhay mo." Sabay bawi niya nang makita niya sigurong natigagal na ako.

"Ang suwabe no'n, dude." Tawanan iyong dalawang kasama niya.

May kinuha siya sa bulsa niya, parang maliit na card. Nagulat ako ng isuksok niya iyon sa maliit na bulsa ng damit na suot ko. "You still owe me a date. Give me a ring if you're ready to give me my prize."

Pagkasabi noon ay tumalikod na siya. Sumunod ang dalawang kasama niya. Naiwan akong tulala.

"Miss, ako naman." Kung hindi pa may nagsalita sa harap ko ay baka tulala na ako habambuhay.

"Sige po, Sir, sige po," sabi ko. Iniabot ko sa kanya iyong metal rod.

Kaso, napansin ko bigla iyong cellphone na nakapatong sa bandang dulo ng wire loop. "Ay, naiwan."

"Do'n yata sa lalaki kanina 'yan, eh," sabi ng isa sa mga naroon.

Dinampot ko iyon. "Teka, sandali lang po, hahabulin ko lang."

Mabilis akong umalis mula sa booth at hinabol iyong grupo noong Sir na guwapo. Nagpalinga-linga ako. Ang bilis naman nilang nawala.

Hanggang sa nakita ko sila sa right side ko na naglalakad papalayo. Sinundan ko sila. "Sir, Sir! Wait po, Sir!"

Iyong isang kasama niya ang lumingon sa akin. Nakita kong siniko siya ng kasama niya at saka siya tumingin sa gawi ko. Huminto sila sa paglalakad.

"O, ang bilis mo namang mag-desisyon." Ngumiti siya ng pilyo pagkalapit ko sa kanila. "Shall we?"

"Hindi Sir, naiwan niyo po ito." Ipinakita ko ang cellphone na dala ko.

"Dude, phone mo 'yan!" tila nagulat pa iyong isang chinitong lalaki na kasama niya.

"Oo nga." Kinuha niya iyong CP mula sa kamay ko. "How should I be able to receive your call for our date if I lose this?"

Natigilan na naman ako.

Ano ba namang lalaki ito. Muntik na ngang mawalan ng cellphone, iyon pa rin ang naiisip.

"But seriously, thank you." Nawala ang mapanuksong ngiti sa labi niya, napalitan iyon ng sinserong ngiti na may kalakip na pasasalamat. "You're an angel. I hope you find a better job where guys won't be trolling around you."

Gusto ko sana siyang sagutin na hindi naman talaga ito ang trabaho ko, pero sa kung anumang dahilan ay para akong nababato-balani sa pagkakatingin sa kanya.

"Nice meeting you, baby girl." Marahan niyang pinisil ang baba ko. "Thank you."

Matapos noon ay tinalikuran niya na ako.

***

Nagliligpit na ako sa booth dahil tapos na ang event. Nagtataka nga ako kung bakit wala pa si Patti, eh ang usapan namin ay dito siya pupunta at sabay kaming uuwi.

May nakapa ako sa bulsa ko na parang card. Ay, ito iyong inilagay noong guwapong lalaki na ang lakas ng trip. Kinuha ko, calling card pala iyon.

Binasa ko, "FlipPage Media. Ledesma..."

"'Oy, Baks, sorry, pina-puwesto pa kasi ako ni Sir Deo sa ibang entry points kaya 'di ako agad nakabalik," nagsalita si Patti sa likod ko kaya naputol ang pagbabasa ko.

Pasimple kong ibinalik sa bulsa ko ang calling card bago humarap sa kanya. "Okay lang, nagliligpit pa lang din ako."

"Game, tulungan na kita." Nag-volunteer na siya. "Para maka-uwi na tayo."

"Sige, Bes."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top