FIVE
Nag-commute ako pauwi.
Mas okay na ito kaysa sumabay sa kahit sinuman kina Mr. Sanchez o Sir Frank. Hindi naman sa pagmamaganda pero hinding-hindi ako magpapahatid sa Mr. Sanchez na iyon. Sobrang presko. Tingin niya yata sa sarili niya ay regalo ng Diyos sa mga kababaihan. Sana kung kamukha niya si Jungkook ng BTS, baka puwede pa.
Ayoko rin namang tanggapin iyong offer ni Sir Frank na para bang knight-in-shining armour ko siya. Nakaka-inis man umasta si Mr. Sanchez, mapapahiya siya kung sa harap niya mismo tanggapin ko ang alok na paghahatid ni Sir.
"Ginabi ka yata ngayon, anak," puna ni Mama pagdating ko ng bahay. Hindi niya na nga ako nahintay, nauna na siyang kumain.
"Ang dami kasing trabaho ngayon sa office, 'ma," sabi ko na lang. Ayoko nang ikuwento iyong pagkahaba-habang pagtambay ni Mr. Sanchez sa opisina ni Sir.
Sa totoo lang, ang usapan lang namin ni Sir Frank ay mauuna akong pumasok sa kanya. Sa pag-uwi, hindi ko alam kung dapat ba akong mauna na kapag ganoon ang sitwasyon. Pero feeling ko kasi, parang unwritten o unspoken rule na iyon. Kumbaga, habang nasa opisina ang boss, dapat naroon din ako bilang EA at baka may kailanganin siya sa akin.
Florence, di mo tinawagan si Mr. Torres.
Text message iyon ni Sir Frank sa akin ng mga 9:30 P.M. Nasapo ko ang ulo ko. Oo nga pala. Sabi nya kanina i-call back ko. Kasi, bigla namang dumating si Mr. Sanchez.
Pero may mali pa rin ako.
Good PM po Sir. Sorry, dumating po kasi si Mr. Sanchez. Pero sorry kasi di ko po nabanggit sa inyo bago umuwi kanina na kung puwede po ba bukas tawagan.
Nakapaninibago ang ganitong trabaho. Ang daming dapat alalahanin nang sabay-sabay.
Sige bukas na lang. First thing in the morning.
Reply ni Sir Frank iyon. Puwede naman pala bukas. Balak ko rin naman ipaalala iyon bukas, naunahan niya lang ako ngayon. Pero, huwag na kasi ako umalma, mali talaga ako.
Okay po Sir. Thank you po.
***
Company anniversary na!
Pero hindi gaya ng mga nakalipas na taon na talagang nakapagtitipon-tipon kaming lahat nang masaya, ngayon ay virtual na muna ang magiging celebration.
Ngayon din pormal na ipakikilala sa lahat ng empleyado si Sir Frank bilang bagong Vice President for External Affairs.
Puwede naman sanang recorded na lang iyong speech niya, pero gusto niyang mag-live. Nagpatulong na lang ako kay Kimverly na gumawa ng prompter ni Sir Frank para doon na lang niya basahin ang script na ipinagawa niya sa akin.
"'Wag ka nang lumabas, Florence," sabi sa akin ni Sir Frank matapos namin mag-set-up ni Kimverly.
"Kailangan kita," dugtong niya.
Nagkatinginan pa kami ni Kimverly.
"S-sige po," sagot ko na medyo nagulat pa sa huling sinabi niya. Napalunok ako. Tumuro ako sa table set na nasa gilid ng glass window. "Doon na lang po ako, Sir. Kukunin ko lang po 'yong laptop ko sa labas."
"Okay," sagot niyang hindi tumitingin sa akin at nakatutok lang sa monitor ng laptop niya. Hindi ko nga alam kung nakita ba niya iyong puwesto na itinuro ko.
Sabay na kaming lumabas ni Kimverly. Pagkasarang-pagkasara ng pinto ay siniko niya ako. "Kailangan ka raw niya."
"Para mag-assist sa kanya," dugtong ko agad. May malisya kasi iyong pagkasabi niya.
"Guwapo ni Sir Frank, 'no?" pabulong niyang sabi.
"Huh?" Kita nang ka-busy-han tapos itong si Kimverly, kung ano-ano pa ang sinasabi.
"Sige na, pumasok ka na do'n. Kasi nga..." Sinadya niya pang bitinin ang sinasabi kaya naman napatingin ako sa kanya matapos kong kunin ang laptop ko.
"Kasi ano?" tanong ko.
"Kailangan ka niya," parang kinikilig pa siya nang sabihin iyon.
"Ewan ko sa 'yo, Kimverly." Napa-iling na lang ako bago buksan ang pinto ng opisina ni Sir Frank.
Pagpasok ko at pagsara ng pinto ay nagpaalam pa ako, "Sir, pupuwesto na po ako doon, ha."
"Iusog mo. Dito ka sa tabi ko," utos niya sa akin.
"Huh?" Natigilan ako.
"May mga itatanong kasi ako sa 'yo," paglilinaw niya.
"Okay po." Kumilos na ako at iniusog ko sa tabi ng mesa niya iyong set na malapit sa bintana. Pang-isang tao at maliit lang iyon. Siguro kaya naka-puwesto iyon doon kasi kung trip ni Sir mag-kape at tumanaw lang sa bintana. Noong naroon na ako sa tabi niya ay nag-set-up na ako.
Sa kalagitnaan ng pagse-set-up ko ay nagtanong siya sa akin, "Sino 'to, Florence?" May itinuturo siya sa screen.
Lumapit ako para tingnan kung sino ang sinasabi niya. Ang nasa monitor ni Sir ay iyong maliliit na screens ng mga employees na nag-attend ng virtual anniversary celebration. Pero sa isang babae siya nakaturo.
Binasa ko ang pangalan, "Clarissa Ocampo. Taga-Sales po yata 'yan, Sir."
"Ah." Tumango siya. "'Di ba, under nitong opisina natin ang Sales?"
Sumagot ako. "Opo."
"Ganito ba talaga kayo dito?" tanong niya. Naka-mute siya kaya hindi naman naririnig ang usapan namin online.
"Anong ibig niyo pong sabihin?" tanong ko rin pabalik. Hindi ko na-gets iyon.
"Hindi magkakakilala," sagot naman niya.
"Ah, yong magkakasama sa department eh magkakakilala po, Sir," paliwanag ko. "Pero siguro sa sobrang dami na rin po natin, halos hindi na magkakila-kilala kapag outside the department na po."
"Sige, bukas, mag-lunch tayong lahat," bigla-biglang deklara niya. Hindi na tuloy ako maka-focus sa virtual anniversary celebration sa dami ng sinasabi niya sa akin. At para makapag-usap kami kahit habang nasa program, iyong isang tainga niya ay walang headphone. Ginaya ko na lang tuloy siya.
"Eh, Sir, Sabado po bukas," paalala ko.
"Damn. Oo nga pala." Napa-iling siya. "Sige, sa Lunes."
Agad-agad?
"Sir, lahat po? Marketing? Sales? Corporate Affairs?" tanong ko na binanggit lahat ng departamento na hawak ng opisina namin.
"Oo," sagot niya. "I-arrange mo."
Hala. Ang daming tao noon.
"Pero, Sir, may pina-set na po kayo sa akin na virtual meetings for each department din." Naalala ko iyon. "Next week po 'yon. Sa Monday ay Marketing at Sales, at sa Tuesday po ang Corporate Affairs."
"Cancel mo na. Mas gusto kong face-to-face," sabi niya na para bang balewala iyong na-set ko na.
"Okay po," sabi ko na lang.
Umaandar na sa isip ko kung paano ang diskrarte. Iyong mga secretary siguro ng mga departments na iyon ang sasabihan ko para sabihan naman nila iyong mga staff sa kani-kanilang departments. At babawiin ko iyong una kong na-sched na mga virtual meetings.
"Sa function hall na lang po ba tayo, Sir?" tanong ko ulit sa kanya. "Baka 'di po tayo kasya lahat sa conference room."
"Kung saan sa palagay mo kasya tayo na may social distancing," sabi niya sabay turo na naman sa screen. "O ito, saan 'tong si..." Binasa niya ang pangalan, "Rizalyn Pascua?"
"Pagkaalam ko po Sir, sa I.T. siya." Hindi ako sigurado. Pero nahalata ko na iyong mga may hitsurang empleyado ang itinuturo ni Sir. Si Clarissa Ocampo na nauna niyang ituro ay maganda rin tulad ni Rizalyn.
"Sir, pagkatapos niyang pagsasalita ni President, kayo na po," paalala ko sa kanya. "Siya po ang magpapakilala sa inyo."
"Alright." Nagkibit-balikat siya na para bang sinasabi na "sisiw lang 'yan". Pero ako, naghanda na. Baka kasi sumablay ako sa pag-broadcast na itinuro sa akin ni Kimverly kanina. Hindi pa naman ako techie na tao.
"Let us all welcome, our new Vice President for External Affairs, Mr. Franco Luis Miguel C. Ledesma."
Pagkatapos ng recorded speech ng company president, umere si Sir Frank.
"Good morning, everyone. I'm Frank Ledesma," kaswal niyang pakilala bago nagpatuloy sa pagsasalita. Halos wala naman siyang binasa sa script na ginawa ko. Nag-freestyle lang siya. Samantalang tiningnan pa niya iyong ginawa ko kahapon at naglagay pa ng konting corrections. Tapos hindi rin naman pala babasahin.
Sayang effort.
Siguro, kailangan ko rin talagang tanggapin na ganito ang boss ko. Noon kasi, wala naman akong masyadong close interaction kay Ma'am Vivian, iyong department head namin sa Accounting.
Ngayon, kung anong trip ni Sir Frank, kailangan kong sakyan. Parang ang bilis pa naman magpabago-bago ng isip niya. Baka ganito nga talaga ang mga bossing.
Natapos na ang speech ni Sir Frank. After noon ay may iba pang bahagi iyong program pero hindi ko na rin ma-enjoy. Ang dami ko na rin kasing na-skip sa earlier part, saka siguro nga dahil virtual iyong celebration.
Hanggang sa natapos na lang iyong programa ay ang dami pa ring tanong sa akin ni Sir Frank. Tungkol lang sa kung ano-ano. Mula sa pangalan ng mga empleyado hanggang sa mga company rules and regulations. Nauunawaan ko naman, bago lang siya sa kumpanya. Kaya sinasagot ko lahat ng tanong niya sa abot ng makakaya ko.
Nagliligpit na ako ng mga set-up nang magsalita siya, "I'll go on half-day today."
Tumingin ako sa kanya habang nagro-rolyo ng wire ng laptop charger. "Okay po, Sir."
Maya-maya ay nagsalita ulit ako, hindi ko kasi matiis, "Ah, Sir, 'yong tungkol po sa lunch."
"What about?" tanong niyang hindi man lang tumitingin sa akin. Basta, busy siya sa harap ng laptop niya.
Lumapit ako sa kanya ng konti. "Sir, may...may suggestion po sana ako, kung okay lang po."
Saka lang siya nag-angat ng ulo. "Ano?"
"Kasi Sir, parang mas okay po sana kung per department na lang po ang pa-lunch niyo," pahayag ko. "Una po, mas intimate 'yon, mas makikilala niyo po ang bawat isa. Kung ang goal niyo po ay makilala ang bawat employee under our wing, p-parang mas okay po 'yon, Sir."
Nagpatuloy ako, "Pangalawa po, baka hindi rin preferred ng iba ang malalaking gatherings. Alam niyo na po, COVID."
"Araw-araw kang magpapa-lunch?" Nagsalubong ang kilay niya sa pagkakatingin sa akin.
"Ah, eh..." Tumango ako. "Suggestion lang naman po ang akin."
"Pero, may point ka naman."
Sa sinabi niyang iyon ay nakahinga ako nang maluwag. Akala ko babatuhin niya na ako ng paperweight, eh.
Hinila niya ang drawer sa harap niya at kumuha ng wallet, at mula sa wallet ay humugot ng card. Iniaabot niya iyon sa akin.
"Ano po 'to?" Wala akong idea.
"Credit card. Gamitin mo pag-order." Nag-de-kuwatro siya ng upo. "Ikaw na bahala kung anong pagkain."
"Po?" Nagulat ako na ipinagkakatiwala niya sa akin ang card niya nang ganoon lang.
"Kunin mo na, bilis."
Nagmadali tuloy ako sa pag-abot. Ang tagal na kasing naka-extend ng kamay niya na hawak iyong credit card.
"Sige po," sabi ko. "Puwede naman po i-reimburse ito."
"Bahala ka na rin diyan," sabi niya lang na para bang balewala ang pera.
Ibinaba niya na iyong screen ng laptop niya. "Wala naman na 'kong meeting 'di ba?"
Umiling ako. "Wala na po."
"Alright. I'm going." Tumayo na siya mula sa kinauupuan niya. "Bye, Florence."
"Bye po."
Lumabas na siya ng opisina.
***
"Don't you have a nickname?" tanong sa akin ni Sir Frank pagkatapos ng lunch meeting with the Sales Department. Isa-isa nang nag-aalisan ang mga inimbitahan namin at katatapos ko lang din tumawag sa maintenance personnel para makapagligpit at linis na dito sa conference room.
"Po?" Napalingon ako sa kanya at inulit ang sinabi niya. "Nickname?"
"Oo. Ang haba kaya ng Florence." Petiks na petiks lang siyang naka-upo sa swivel chair. Ako, nag-iimis na ng mga kalat sa mahabang lamesa.
"Minsan po, Floring," sagot ko.
Tumawa siya nang malakas. "Damn. Para namang lola ko ang tinatawag ko kapag ganyan. 'Yon talaga? 'Di man lang Rence?"
"Tunog-lalaki po, eh," sabi ko naman.
"Sabagay. Kung Flo naman, parang rapper." Napa-iling siya. "Yo, Flo!"
Doon na ako natawa. "Florence na lang po talaga, Sir."
"O'nga, eh. Na-murder ko na pangalan mo." Tumayo na siya sa kinauupuan niya at lumapit sa akin. "'Yaan mo na sa mga maintenance 'yan. Sumunod ka sa akin."
"Okay po," sagot ko.
Nauna na siyang lumakad. Napansin kong naiwan niya ang mga gamit niya sa table. Notebook, ballpen, folder...pati cellphone! Kinuha ko na lahat iyon bago ako sumunod sa kanya. Hindi ko alam kung sinasadya niyang iwanan ang mga iyon dahil alam naman niyang kukunin ko, o talagang makalimutin lang siya.
"Ate, makikisuyo, pakilinisan na lang po ng maigi, ha," sabi ko sa isa sa mga dumating na maintenance personnel. "Thank you po."
"Sige, Ma'am."
Malayo na ang distansya ni Sir Frank sa akin nang bigla siyang huminto sa paglalakad. May kinapa sa magkabilang-bulsa. Hindi siya hitsurang nagpa-panic pero alam kong may hinahanap siya.
Binilisan kong maglakad para makalapit sa kanya. Ipinakita ko ang cellphone na dala ko. "Ito po ba, Sir?"
"Yeah." Napansin ko na lumapad ang ngiti niya nang makita ang hawak ko. "Thank you so much."
Nakalimutan niya nga talaga. iPhone12 pa naman yata iyon, nakalimutan ng ganoon lang?
Parang nangyari na ito noon. Hindi ko lang maalala kung saan at ano iyong eksaktong naganap. Déjà vu?
Magkasabay na kami ngayong naglalakad papunta sa opisina nang bigla siyang nagsalita, "Tahimik ka lang ba talaga?"
Lumingon ako sa kanya. Kailangan ko siyang tingalain, matangkad kasi siya at
halos umabot lang ako sa dibdib niya. "Ah, opo. Ganito po talaga."
"What are your interests then?" tanong niya sa akin.
"H-ha? Ah..." Nabigla pa ako sa tanong bago ako nakasagot. "Mag-bake."
"That's given. I mean, you bake real good stuff." Ngumiti siya.
"Matcha cookies pa lang naman po 'yong natikman niyo," sabi ko na lang. Hindi ko alam kung anong mayroon sa ngiti niya, bigla akong nahiya.
"I just know." Nagkibit-balikat siya, "Ano pa bukod sa baking?"
Ang dami yatang tanong nito ni Sir.
"Ah...magbasa po ng libro. Mag-color-color," sagot ko.
"Anong color-color?" Tumawa siya. "Coloring book? Ano ka, kinder?"
Natawa rin tuloy ako sa sarili kong sagot. "Ano po, ibig ko sabihin, mag-paint, doodle, oil pastel, mga ganyan po. Pero t-in-ry ko rin po 'yan, noong nauso 'yong coloring book for adults."
"Ano 'yon?" Nagtaka siya. Parang first time niya narinig.
"Usually po, mga mandala 'yong content po no'n, or mga garden setting po. Pero wala pong kulay, tapos ikaw po bahala maglagay ng color. I-mix niyo po, i-combine, basta kayo po ang bahala," ipinaliwanag ko sa kanya. "Usually, ang pang-gamit po doon, color pencil kasi maliliit 'yong detalye."
"Ngayon ko lang narinig 'yan," sabi naman niya. "Masaya ba gawin? Hindi boring?"
"Depende po sa inyo, Sir," sagot ko. "Masaya po makita 'yong end result. 'Yong tapos na tapos na siya."
"Sounds interesting." Ako na ang nagbukas ng pinto para sa kanya. "Anong susunod kong meeting?"
"Wala na po," sagot ko.
"Okay. Marami akong re-review-hin at babasahing documents." Nagbigay siya sa akin ng mga instruction. "If I need anything, I'll just call you up. If someone looks for me, tell them I have papers for review, then let's just call them back later. Clear?"
"Yes, Sir." Tumango ako.
***
"Where's Frank?"
Tuloy-tuloy na pumasok sa opisina namin ang isang babae na blonde at wavy ang buhok. Walang nakapigil sa kanya maski si Kimverly na siyang naka-puwesto malapit sa pinto. Sina Nadine at Kathryn ay nawalan din ng kibo at napatingin na lang sa kanya.
Sabay tingin din nila sa akin.
"Yes, Ma'am?" Tumayo ako nang tumapat siya sa puwesto ko, pero hindi niya ako pinansin at tuluy-tuloy siyang naglakad papunta sa pinto ni Sir Frank.
Napilitan akong habulin siya at tumayo talaga ako sa may pintuan, "Ah, Ma'am, busy po kasi si Sir with..."
"Get out of my way!" Hindi niya na ako pinatapos magsalita. "He knows that I'm coming today."
Nanliit ako pagharap ko sa kanya. Ang hahaba kasi ng mga biyas ni Ma'am, tapos naka-heels pa.
"Wala po siyang nabanggit sa akin." Hindi ako umalis sa kinatatayuan ko. "Puwede ko naman po siyang sabihan muna bago ko kayo papasukin."
"What?" maarteng sabi niya. "Who needs appointments? Kilala niya 'ko. Come on, padaanin mo 'ko."
Ang kulit naman ng babaeng ito! Ako ang mapapagalitan sa ginagawa nito, eh.
"Sasabihan ko lang muna po siya." Hindi ako nagpatinag. "Kunin ko po sana ang pangalan niyo Ma'am para mabanggit ko sa kanya na nandito po kayo."
"And who are you to do that?" Tumaas ang isang kilay niya, "You are just some stupid secretary who..."
Naputol ang sinasabi niya nang bumukas ang pinto sa likuran ko.
"Frank." Kanina lang muntik nang maging tigre ito si Ma'am, ngayon biglang naging maamong kuting.
Kumapit siya sa braso ni Sir sabay sumbong na parang bata, itinuro pa niya ako. "She doesn't wanna let me in."
Tumingin sa akin si Sir Frank. Inihanda ko na ang sarili ko na mapagalitan kaya ako naman ang umiwas ng tingin, kahit wala naman akong kasalanan. Malay ko ba kasi kung sino itong babaeng ito. Jowa yata ni Sir.
"Chill. She's just doing her job."
Pakiramdam ko nagliwanag ang paligid nang sabihin ni Sir Frank iyon.
"But I'm not just a visitor or somebody else." Nagpupumilit pa rin si Ma'am. "I could come in anytime, right?"
"Si Florence lang kasi ang may karapatang magbukas ng nito." Tumuro si Sir Frank sa pinto. "Sa kanya ko lang ibinibigay 'yon."
Napalingon ako kay Sir Frank nang sabihin niya iyon. Pagtingin ko naman sa jowa niya, nagpupuyos na nakatingin siya sa akin.
Hinawakan ni Sir Frank ang braso ng bisita niya at iginiya papasok ng opisina. Umusog na lang ako para paraanin sila, habang iniwanan naman ako ng matalim na tingin ng babae noong hindi na nakatingin si Sir Frank.
Tumalikod ako at bumuntong-hininga. Kung girlfriend ni Sir iyon, hindi pa ito ang huli naming pagkikita.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top