EIGHTEEN

"Sir, ito po 'yong mga documents for review niyo po." Iniabot ko kay Sir Frank ang folder na naglalaman ng mga dokumento na kailangan niyang makita.

"Sabihin mo na lang sa akin kung tungkol saan 'yang mga 'yan," aniyang nakangiti pero seryoso ang tono ng pananalita.

"'Yong dalawa po dito Sir ay draft ng reply natin sa proposal ni Mr. Chan at Mr. Robles," tugon ko.

"I-finalize mo na 'yan para mapirmahan ko na. I won't look at the drafts anymore." Nakatuon ang mga mata niya sa akin habang nagsasalita. "I'm pretty sure that you have written those perfectly."

"S-sige po." Tumango ako nang biglang may mapansin akong bago sa kanya. "B-black na po 'yang buhok niyo, Sir!"

"Kahapon pa 'yan." Napa-iling siya. "Ngayon mo lang talaga napansin?"

Saglit akong napa-isip. "Naku, sorry, Sir. 'Yan po ba 'yong sinasabi niyo kahapon na 'di ko po kamo napupuna?"

"I just wanted to look decent for you, so I changed my ash grey hair." Nagkibit-balikat siya. "Wala naman talaga 'kong pakialam sa hitsura ko, ngayon lang."

Gulat na napatitig ako sa kanya dahil sa sinabi niyang iyon.

"O-okay naman po 'yong ash grey sa inyo." Sinubukan kong magbigay ng opinyon. "Pero bagay din po sa inyo 'yang black."

Ngumisi siya. "Nakabawi ka na."

"Nagtampo po talaga kayo?" hindi makapaniwalang tanong ko.

"Hindi na ngayon." Umiling siya. "Marupok ako, eh."

"Hala." Hindi ko napigil ang kumawalang pagtawa mula sa bibig ko. Hindi ko alam pero siya lang siguro ang lalaki na kayang sabihin iyon at iyong signature niyang "kilig yarn?" na masculine pa rin ang dating.

"By the way, Florence, I need you to come with me," aniya.

"Saan po?" tanong ko.

"Ledesma Holdings will have its annual meeting next week," aniya. "It will be attended by the officials of the Ledesma Group of Companies. Ayaw nila ng virtual event so they decided to hold it in a bigger venue to accommodate everyone while practicing social distancing."

Tumango-tango ako.

"It's some sort of a business cocktail gathering, wherein everyone's bragging about their achievements. It's kinda' boring, actually." Tumawa siya nang pagak. "So, sumama ka para dalawa tayong ma-bore."

Hindi ko alam kung matatawa ba ako sa huli niyang sinabi. "Sige po."

"Nauna ako mag-imbita sa 'yo, ah. Bawal ka na yayain ni Maui," deklara niya.

"Sir, kayo po ang boss ko, kaya sa inyo po 'ko dapat sumama," paliwanag ko. "Saka siguro po, ang isasama ni Maui...I mean, ni Sir Maui po ay si Ms. Elise."

"Sinasabi ko lang," wika niya na tila ba may kalakip na pagbabanta.

Ngunit, may bigla akong naisip. "B-baka naman po para sa...sa pamilya niyo lang po ang event na 'yon."

"Next week pa naman 'yon. Puwede kitang gawing bahagi ng pamilya bukas na bukas din." Isang nanunudyong ngiti ang unti-unting sumilay sa kanyang mga labi. "Kung payag ka lang."

"Siguro diyan niyo po nadadaan 'yong mga babaeng pumupunta dito noon, eh." Napahinto ako sa pagsasalita. Huli na para bawiin. Patay, baka ma-offend.

Pero taliwas sa iniisip kong magiging reaksiyon niya, matunog na tumawa siya. "You're wrong. I never offered someone to share my last name with. Only you."

"Pero siyempre po, joke lang 'yan," nakaramdam ako ng pagka-ilang nang mataman siyang tumitig sa akin, parang pahiwatig na seryoso siya sa sinasabi niya.

"Who told you?" Nanatili siyang nakatitig sa akin. "If you take it as a joke, it's up to you. But if you take it seriously, then we can make it real."

Para namang seryoso talaga. Nginitian ko na lang siya. "I take it as a joke po."

"Okay, sabi mo, eh." Nagkibit-balikat siya. "Sabihin mo lang kung gusto mo nang totohanin."

"Bahala ka diyan, Sir. Lalabas na po ako," nagpaalam na ako. "Puro po kayo kalokohan."

Ngumiti lang siya.

***

"Naunahan ako, ah." Natawa na lang si Sir Maui nang imbitahan niya ako sa Annual Meeting ng Ledesma Holdings. Sinabi ko kasi na naka-"oo" na ako kay Sir Frank.

"Sorry." Ngumiti ako na may kalakip na paghingi ng dispensa. "Akala ko kasi ay work-related 'yong pag-imbita niya sa akin. Hindi ko alam na puwede pala kayong magsama ng kahit na sino."

Ipinaliwanag niya kasi kanina sa akin na bawat isa sa kanila ay maaaring magsama ng isang guest sa annual meeting na iyon.

"But I'm glad you could still come," aniya. "Let's just see each other there."

"Opo." Natigilan ako. "Oo pala. Sorry. Minsan ang hirap talagang ihiwalay ng trabaho sa personal na mga bagay."

"Sabi ko naman kasi sa 'yo, you can call me just Maui even at work para 'di ka na nalilito," aniya sa mapang-unawang tono.

Umiling ako. "Ayoko rin na masyadong maging kaswal sa 'yo sa trabaho. Nahihiya rin ako ng gano'n. Alam mo, mas lalong ang hirap sa amin sa OVPEA. Minsan, pakiramdam ko natatawid ko na ang boundary namin ni Sir Frank sa pagiging head at subordinate. Minsan din po kasi, sobrang kulit ni Sir."

Natawa siya. "Paanong sobrang kulit? Is he already a bother to you?"

"Hindi naman." Umiling ako. "Nakakapagtrabaho pa naman kami ng maayos. Minsan lang talaga, nauuna ang mga biro at pangungulit. Doon ko siya nasasagot. Buti nga hindi pa ako napapagalitan."

Nagkatawanan kami.

Nagbukas siya ng bagong usapan. "Where's the entry of your friend?"

"Ay, oo, doon 'yon." Tumuro ako sa kanan. Kasalukuyan kasi kaming nasa isang photography exhibition at ang kaibigan kong si Chanel ay isa sa mga kalahok doon. Magaling kasing pumitik iyon at kumuha ng larawan.

"Sir, este, Maui, baka naman naiinip ka na sa lakad nating 'to," nag-aalala kong sabi sa kanya. "Kung gusto mo ay pumunta na lang tayo sa kung saan mo mas gusto."

Umiling siya. "Nope. I'm enjoying every bit of my time with you."

Tumingin ako sa kanya kaya't nagsalubong ang mga mata namin. Napansin ko na hindi na ganoong kasing-lamlam tulad noon ang mga mata niya. Mas may buhay na ang mga ito.

Naisip ko tuloy iyong sinabi sa akin ni Kimverly noon. Tungkol sa kasintahan niyang nasawi sa aksidente.

"Are you gonna ask me something?"

Nagulat pa ako nang mamutawi ang mga salitang iyon mula sa mga labi niya. "N-nabasa mo ang iniisip ko?"

Nagpakawala siya ng maigsing tawa. "You're just too transparent, Florence. I see it in your eyes."

"Hindi ko kasi alam kung tamang itanong 'to, eh." Umiling ako. "'Wag na lang siguro."

Naiintrigang tumingin siya sa akin. "Is it too personal?"

Tumango ako. "Oo, eh. 'Wag na lang."

"The better." Ngumiti siya sa akin. "I want us to know each other on a personal level."

Naiilang man ay na-kumbinsi niya ako. "M-may nagsabi kasi sa akin about sa...tungkol sa dati mong...fiancee."

Nakita kong kumunot ang noo niya, pero saglit lang iyon. "Si Frank ba ang nagsabi sa 'yo?"

"Hindi, hindi. Hindi namin napag-uusapan 'yon." Muli akong umiling. "Hindi ko na sasabihin sa 'yo kung sinong nagsabi sa 'kin, at kung ayaw mong pag-usapan ay okay lang sa 'kin."

Ibinaling niya ang kanyang paningin sa mga larawang naka-install sa pader na tapat ng kinatatayuan namin. "Five years ago, Florence, I was about to marry my childhood sweetheart. But a few days before our wedding, she was found almost lifeless due to a car crash."

Lumingon ako sa kanya ngunit nanatili siyang nakatitig sa mga larawan. Bakas sa tinig niya ang sakit dulot ng nangyari. Parang nais ko tuloy magsisi na binuksan ko pa ang usapang iyon.

Nagpatuloy siya, "She was immediately rushed to the hospital, but to no avail. Just a few minutes after, she was declared dead on arrival. The whole world crashed upon me. No words could describe the pain I felt that day. It even felt like I died with her."

"Sorry." Namalayan ko na lang na bahagya kong hinahagod ang likod niya, baka sakaling mapaglubag noon ang sakit ng kalooban niya.

Bumaling siya sa akin. "It's okay, Florence. It's been five years. Though, the truth is I never thought I could move on from the pain. I spent months and years wallowing in loneliness, blaming myself for what happened."

"Pero aksidente naman 'yong nangyari." Kinontra ko iyong sinabi niya.

"She prepared a surprise for me that day. It was some sort of a Bachelor's Party, you know, that tradition before tying the knot. She knows that I'm not buying the idea for such kind of thing, so what she did is she invited my friends over without my knowledge, with Frank's help. Sila ang magkasama noong nangyari ang aksidente," pahayag niya.

Totoo nga iyong sinabi sa akin ni Kimverly.

"There were rumors along with her death on why she was with Frank. While everyone knows that Frank is promiscuous, I believe he won't involve himself with someone in a relationship," siguradong-sigurado siya nang banggitin iyon. "And Kate won't do that. I know deep in my heart she won't cheat on me."

Kate siguro iyong pangalan ng fiancee niya. So, doon mali ang info na mula kay Kimverly. Walang relasyon iyong Kate at si Sir Frank, at mismong si Maui ay naniniwala na wala nga.

"Sorry, that was kinda' dramatic." Tipid na ngumiti siya.

"Hindi. Ako nga ang dapat mag-sorry kasi inungkat ko pa." Napayuko ako bago muling nag-angat ng tingin. "Sorry. Pero nagpapasalamat din ako kasi naging tapat ka sa 'kin."

"I always will." Mas sinsero na ang ngiti niya sa pagkakataong ito.

Kapagkuwan ay nagtanong siya sa akin, "Florence, if ever, well, I'm not saying that you will choose me, but if ever, paano si Frank?"

"Parang 'di naman seryoso 'yon si Sir." Kumunot ang noo ko. "Puro pang-aasar at kakulitan ang ginagawa."

Tumawa siya. "Maybe that's his way to be close to you."

"Hindi ko alam sa kanya." Ngumuso ako. "Kasi close naman kami, sa palagay ko lang, ha. Ibig ko sabihin, okay naman 'yong working relationship namin, alam na namin ang work ethics ng bawat isa. Mas magulo pa nga kapag hinahaluan niya ng mga pang-aalaska niya sa 'kin."

Naiiling na natatawa siya. "That's just him. By the way, Florence, is there a resto here?"

"Ah, oo, 'yong nadaanan natin kanina na parang country-style na structure," tugon ko. Buti na lang at iniba niya na ang usapan. Hindi rin naman tama na pag-usapan si Sir Frank gayong si Maui ang kasama ko.

"Let's go?" anyaya niya.

Tumango ako.

***

"Anak, 'yan na yata 'yong boss mo."

Isang itim na BMW ang pumarada sa labas ng bahay namin. Kotse nga iyon ni Sir Frank. Kabisado ko na rin dahil kapag maraming dokumento ang kailangan niyang iuwi sa bahay ay tinutulungan ko siyang magbitbit ng mga iyon hanggang sa parking lot. Minsan, ang gamit naman niya ay iyong Ferrari niyang kulay pula.

Napalunok ako nang bumaba siya mula sa sasakyan sabay hubad ng suot na shades. Naka-ternong coat and slacks siya na kulay kalawang, puting collared polo sa ilalim ng coat at off-white naman iyong tie.

Edgy talaga manamit si Sir Frank. Iyon bang mismatch ang mga kulay, pero kapag siya na ang may suot, tila bumabagay na sa bawat isa. Mahilig rin siya sa mga kulay na kakaiba maliban kapag nasa opisina kami na ang lagi namang suot ng mga boss ay itim na coat at slacks.

Si Mama ang nagbukas ng pinto nang kumatok si Sir.

"Magandang hapon, Mommy. Nandito po ulit ako. Huli po tayong nagkita noong galing po kaming Siargao nito ni Florence," aniya kay Mama.

"Ah, oo, natatandaan ko nga 'yon." Ngumiti si Mama. Ako naman, kinabahan. Baka kasi biglang magsabi si Sir Frank ng tungkol sa panliligaw niya, kung seryoso man iyon, eh wala pa akong nababanggit kay Mama. Baka masabunutan ako nito sa pagkabigla at isipin na kung anong pinaggagagawa ko sa opisina at bakit inaaligiran ako ng mga big boss.

Pero wala siyang sinabi. Ang binanggit niya lang ay kung ano iyong pupuntahan namin, at ang estimated time na maihahatid niya ako pabalik dito sa bahay.

Maigi naman, pero may isang bahagi ng kalooban ko ang medyo nadismaya at naisip kong mabuti pa si Maui ay maayos nang nagpaalam kay Mama.

Pero okay din naman dahil ayoko nga munang ipaalam. Hay, ano ba, ang komplikado ko mag-isip.

"Ang lalim no'n, ah."

Natigilan ako habang naglalakad kami patungo sa sasakyan niya. Hindi ko namalayang napahugot pala ako ng malalim na paghinga dulot ng mga iniisip ko.

"P-pasensiya na," turan ko.

"May problema ba?" masuyo niyang tanong. Kapag ginagamit niya ang ganitong tono sa pagsasalita, malayo sa mga pambubuska niya ay parang hinahaplos ang puso ko.

Umiling ako at nagdahilan na lang, "Wala naman po. Kinakabahan lang po siguro ako do'n sa...sa event po."

"Don't be." Ipinagbukas niya ako ng pinto ng sasakyan. "I'm here."

May napansin ako. "Wala po si Kuya Nanding?"

Umiling siya. "I'm the one driving for you."

Ngumiti na lang ako bago pumasok at naupo sa passenger seat. Sumunod na rin si Sir Frank at nagsimulang magmaneho. Maya-maya ay binuksan niya ang car stereo habang ang mga mata ay nakatuon pa rin sa kalsada.

"Nagpagupit ka?" tanong niya maya-maya.

"Ah, opo, Sir. S-sobrang haba na rin kasi ng buhok ko." Napatingin ako sa nakalugay kong buhok na hanggang balikat.

"Bagay sa 'yo." Saglit na sumulyap siya sa akin bago muling bumaling sa aming dinaraanan.

"Thank you po." Bahagya akong tumango nang may maisip akong itanong, "Sir, pupunta din po ba 'yong buong family niyo? Or kayo lang po?"

"Everyone's there except my mom," tugon niya.

"Hmm. Hindi po ba siya mahilig sa mga gathering na gano'n?" pang-uusisa ko pa.

"Uhmm, oo. Saka hindi na siya nakakalakad nang maayos," sagot niya.

"Gano'n ba? Ano pong sakit niya, Sir?" Nakaramdam ako ng awa kahit hindi ko naman siya personal na kilala.

"Parkinson's Disease."

Tumanaw ako sa kalsada sa labas ng bintana. "Sino pong nag-aalaga sa kanya?"

"She has personal nurses at home," tugon niya.

Naisip ko kung bakit hindi na lang umuwi itong si Sir sa bahay nila. Bakit kailangan pa niyang tumira mag-isa sa penthouse niya gayong may sakit pala ang mama niya? Hindi ko naman maitanong at baka sabihin ay pala-desisyon ako.

"Naninibago 'ko sa 'yo," aniya.

Alam kong ang tinutukoy niya ay ang mga kolorete ko sa mukha. "Sorry po kung hindi presentable. Hindi po kasi talaga 'ko marunong. Nag-video chat lang po kami ni Ellie, 'yong friend ko po, nagpaturo ako kung paano mag-apply ng mga ganito."

"No, it suits you," huminto ang sasakyan dahil naka-red signal ang traffic lights.

"You will always get my attention, Florence," tumingin siya sa akin. "If I were to be honest, there are a lot of other women out there. But you have this magic that entices me like no one else can."

Mataman siyang nakatitig sa akin, seryoso ang ekspresiyon ng mukha. Napalunok ako at hindi ko malaman kung anong isasagot sa sinabi niya. Sumikdo ang dibdib ko pero may isang bahagi ng isip ko ang tumatangging maniwala dahil alam ko naman na bohemyo itong si Sir.

Pero tama rin siya, marami namang iba diyan, kaya bakit ako?

Nginitian ko na lang siya at umiwas ako ng tingin. Sakto namang nag-green light na at pinasibad niya na ang sasakyan.

***

Ipinosisyon ni Sir Frank ang braso niya upang umabrisiyete ako doon. Pero hindi ako nakakilos at sa halip ay tiningnan ko lang siya.

"Come on, cling to me." Kumindat siya at ngumiti ng nakakaloko.

Na-realize ko na wala namang magagawa kundi sumunod. Umangkla ako sa braso niya. Tumamis ang pagkakangiti niya sa akin.

Naglakad kami tungo sa malaking bulwagan kung saan gaganapin ang meeting. Sa bukana pa lang ay nakalatag na ang red carpet papasok sa hall. Ang lakas maka-awards night naman nito.

Napahigpit ang kapit ko sa braso ni Sir Frank nang makarating kami sa loob. Ang gara kasi ng lugar. High-ceiling iyon na naa-adornahan ng malalaking chandelier na gawa sa ginto at kristal. Ang mga upuan ay kulay mauve at ang frame ng mga sandalan at ang mga paa ay kulay ginto. Nakapalibot ang mga ito sa mga pabilog na mesa na ang table skirting ay champagne naman ang kulay, malapit sa pintura ng mga pader.

May tumawag kay Sir Frank mula sa isang lamesa na nadaanan namin kaya lumapit kami doon. Sa tantiya ko ay mag-asawa ang naroon na nasa mga sixties na ang edad, at dalawang lalaki na may mga hitsura rin pero mas bata kay Sir Frank. Isa sa kanila ang tumawag sa kanya.

"You got a lovely date, hijo," sabi noong matandang babae. Kiming napangiti na lang ako at tumango nang dumako ang tingin niya sa akin.

"Tita Conchita, meet Florence," ipinakilala niya ako at ipinakilala rin niya sa akin kung sino ang mga iyon. Tiyahin niya pala na kapatid ng dad niya at mga pinsan naman niya iyong dalawang lalaki.

"Nice meeting you po," sabi ko sa kanilang pilit pinaglalabanan ang hiya. Mukha naman silang mababait, pero siguro dahil nga nasa isip ko na mayayaman sila, kaya nai-intimidate ako. May inferiority complex nga yata ako.

Lumakad na kami matapos ng konting palitan ng mga salita, at hindi nakaligtas sa paningin ko ang tingin ng ilang mga kababaihan dito sa kasama ko, samantalang may mga kasama rin naman silang lalaki na katabi nila sa upuan.

Hinahanap ng mga mata ko si Maui. Sa laki at dami ng tao sa bulwagang iyon, hindi ko siya makita. O baka hindi pa siya dumating?

Huminto kaming muli sa harapan ng isang lamesa. Sa pagkakataong ito ay kilala ko na iyong mag-asawa na naroon - iyong dating VP ng opisina namin, at dad ni Sir Frank, at ang asawa niya. May tatlong lalaki roon na pamilyar sa akin. Kung hindi man sa Board Meeting ay nakita ko na sila sa opisina.

"Nice to see you again, Florence," nagulat ako na natatandaan pa ako ni Sir Freddie, ang tatay ni Sir Frank. Una't huling pag-uusap namin ay noong in-interview niya ako para sa posisyon ko ngayon.

"Kumusta ka? Binibigyan ka ba ng sakit ng ulo nito?" Tumuro siya kay Sir Frank habang tatawa-tawa.

Umiling ako at ngumiti. "H-hindi naman po, Sir."

"She's strict with schedules and things to do," nagsalita si Sir Frank. "Yeah, my life depends on her already."

Napalingon ako sa kanya nang sabihin niya iyon.

"Mabuti 'yan nang magkaro'n naman ng direksiyon ang buhay mo," pabirong sinabi iyon ni Sir Freddie pero halatang may laman ang mga salita.

"Dad, don't embarass me in front of my date." Tumawa si Sir Frank. So, date pala talaga ito? Iyon din ang sabi ng Tita Conchita niya kanina.

Si Sir Freddie na ang nagpakilala sa akin sa kanyang asawa at sa mga anak niya na kapatid ni Sir Frank. Pero kapansin-pansin na hindi siya gaanong close sa mga ito, maliban doon sa pinaka-bata sa tatlong lalaki na agad na nagliwanag ang mukha pagkakita kay Sir Frank kanina. Nag-fist bump pa sila at nagkumustahan tungkol sa nangyari sa paa ni Sir na magaling na ngayon.

Inaasahan ko na doon din kami mauupo pero sa ibang mesa pa ako iginiya ni Sir Frank. Malapit pa rin naman sa kung saan naroon ang pamilya niya. Ang mga naroon ay mga malalayong kamag-anak na niya, pero halatang hindi rin siya malapit sa mga iyon, bagamat nagbatian naman sila at nag-usap nang kaunti.

Nagtataka na ako kasi sabi ni Sir ay may sakit ang mom niya, pero naroon naman pala si Ma'am Amanda, iyong asawa ni Sir Freddie. Paanong...?

Naputol ang pag-iisip ko at napalingon ako sa kanya nang magsalita siya nang mahina, sapat para ako lang ang makarinig.

"This is where the illegitimate child sits."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top