H12

H12

“T-thank you, Sir Red.” Nangingiming pasasalamat ni Hera kay Red matapos nitong ihinto sa tapat ng bahay nila ang sasakyan nito. Sa totoo lang ay hindi niya ito magawang tingnan sa mga mata dahil sa pagkaalangan na nararamdaman niya simula pa kanina. Matapos kasi nitong sabihan siya ng ‘cute’ ay hindi na niya nagawang tumingin dito at makapagsalita pa. Nagpapasalamat din siyang hindi na ito umimik pa at tahimik na lang na nagmaneho hanggang sa maihatid siya nito sa bahay niya matapos nitong tanungin siya kung saan siya nakatira. Feeling niya kasi ay naumid niya ang kanyang dila matapos niyang marinig ang sinabing iyon ng kanyang propesor. Hindi niya alam kung bakit pero pakiramdam niya kanina ay mabilis na nag-init ang kanyang mukha ng marinig niya iyon at bumilis ang tibok ng kanyang puso. Hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit ganoon na lamang ang naging reaksyon niya pero isa lang ang alam niya at iyon ay hindi iyon maganda para sa kanya.

“Welcome, Miss Enriquez.” Sagot nito sa kanya at matipid na ngumiti.

Nag-aalangan man ay ngumiti rin si Hera kay Red at tinanggal ang pagkakakabit ng kanyang seatbelt. Matapos noon ay binuksan niya na ang pinto ng kotse nito. Bago siya tuluyang lumabas ay may naalala siyang sabihin rito.

“A-ah sir, salamat po ulit sa pagpapahiram ng sweat shirt. Isasauli ko na lang po sa inyo bukas kapag nalabhan na,” Sabi niya rito at tiningnan ito. Nakangiting tumango lang si Red bilang pagsang-ayon dito at hindi na nagsalita pa.

Tuluyan ng lumabas ng kotse si Hera matapos magpaalam sa kanyang propesor. Nang makarating siya sa tapat ng gate ng bahay nila ay nilingon niya pa ito at kahit na nag-aalangan man ay nag-wave siya ng kamay dito at ngumiti. Nang makita siya ni Red ay ganoon din ang ginawa nito at matapos noon ay pinaandar na nito ang kanyang kotse at umalis na. Natutulalang sinundan na lang ng tingin ni Hera ang paalis na sasakyan ng kanyang propesor.

“Ay palaka!” Nasapo ni Hera ang kanyang dibdib sa gulat ng biglang bumukas ang gate ng bahay nila. Tiningnan niya kung sino ang nagbukas noon at napakamot na lang siya ng ulo ng makitang na ang kinalakihan niya lang pala na yaya iyon.

“Nay Rosa,” Bati niya rito at kinuha ang kamay nito upang makapagmano.

“Kaawaan ka ng Diyos, hija.” Sabi nito sa kanya at sinipat siya nito, “Bakit ganyan ang itsura mo? Bakit parang basa ka? Naligo ka ba sa ulan, Hera?” Nag-aalalang tanong nito sa kanya.

Napahawak si Hera sa kanyang batok ng marinig niya ang tanong na iyon ng kanyang Nanay Rosa, “Ah…parang ganoon na nga po,” Nahihiyang sabi niya rito.

“Ay, bakit ka naman naligo sa ulan na bata ka! Hala! Pumasok ka na sa loob at maligo! Mamaya ay magkasakit ka pa.” Sabi nito at hinawakan siya nito sa kamay at iginiya papasok ng bahay.

“Saan ka pala pupunta ‘Nay Rosa?” Tanong ni Hera rito ng makapasok sila sa loob ng kanyang kwarto. Napansin niya kasing nakagayak ito at mukhang may pupuntahan.

“Pupunta sana ako sa grocery. May nakalimutan kasi akong bilhin kanina para sa iluluto kong hapunan mamaya,” Sagot nito sa kanya at inabutan siya nito ng tuwalya.

“Ganun po ba? Mukhang espesyal ang iluluto niyo mamaya ah,” Sabi niya rito at inumpisahang punasan ang medyo natutuyo niyang buhok.

“Oo, anak. May darating kasi kayong bisita at inutusan ako ng Daddy mo na magluto ng masarap na hapunan.” Nakangiting sabi nito at pumasok sa loob ng kanyang banyo upang ihanda ang pampaligo niya.

Napakunot ang noo ni Hera sa tinuran na iyon sa kanya ng Nanay Rosa niya. Sinundan niya ito at sumandal sa pintuan ng banyo habang pinapanood ito sa ginagawa nito.

“Bisita? May bisita kami?” Takang tanong niya rito. Nilingon siya nito at nakakunot noong tiningnan siya nito.

“Hindi ba nabanggit ng ama mo na may bisita kayong darating?” Takang tanong rin nito sa kanya. Mabilis na umiling si Hera bilang sagot sa tanong nito at nagkibit balikat.

“Mukhang nakalimutan atang sabihin sa’yo ni Marco,” Sabi nito sa kanya at umiling. “Darating mamaya ang anak ng best friend ng iyong Mama mamaya.”

Mas lalong kumunot ang noo ni Hera sa sagot na narinig niya mula rito. “Sino iyon?”

Nakita ni Hera na muling kumunot ang noo ng Nanay Rosa niya sa kanya, “Hindi mo na siya maalala? Sabagay, maliliit pa kayo ng huli kayong magkita. Nagmigrate kasi ang pamilya nito sa America noong five years ka old pa lang. Kababata mo iyong darating, anak.”

“Kababata ko?” Walang maalala si Hera na mayroon pala siyang kababata. Siguro kasi ay masyadong bata pa siya noon kaya hindi na niya ito maalala. “Anong pangalan, ‘Nay Rosa?”

“Teka…ano ngang pangalan noon? Hmm…E...E—“

Naputol ang sasabihin sana ni Nanay Rosa ng marinig nilang pareho na magring ang telepono sa kwarto ni Hera. Umamba sana itong lalabas ng banyo upang sagutin ang tawag pero sinabi ni Hera na siya na lang ang sasagot. Lumapit siya sa kanyang side table at sinagot ang tawag.

“Hello,” Sabi niya matapos iangat ang receiver ng telepono.

“Hera!” Halos mailayo ni Hera ang telepono sa kanyang tenga ng marinig niya ang sigaw ng kaibigan niyang si Artemis sa kabilang linya.

“Makasigaw naman, Art!” Natatawang nailing na sabi niya rito.

“Eh kasi naman! Kanina pa kami nag-aabang ni Marianne na magtext ka or tumawag ka man lang para sabihin na nakauwi ka na kaso anong petsa na at hindi ka pa rin tumatawag!” Naiinis na sabi nito sa kanya, “Kanina ka pa namin tinetext at tinatawagan para tanungin kung nakauwi ka ba ng safe pero di ka sumasagot. Nag-aalala kami kasi baka napaano ka na. Eh lapit lang naman ng bahay niyo tapos ang tagal mo pang magtext.” Litanya pa nito.

Mabilis na inabot ni Hera ang kanyang bag at kinuha ang kanyang cellphone. Nang makita niya iyon ay napakamot na lang siya ng ulo ng makitang patay iyon. Mukhang na-dead bat siya kaya hindi niya narinig na may tumatawag sa kanya kanina. Isa pa, kahit naman siguro buhay iyon ay hindi niya rin iyon masasagot dahil naalala na naman niya ang buwis buhay na pagda-drive ng propesor kanina.

“Sorry, Art. Hindi ko kasi napansin na deadbat ang cellphone ko kaya di ko alam na tinetext at tinatawagan niyo ako. Tapos nakalimutan ko rin na itext ko kayo pagdating ko dito sa bahay,” Apologetic na sabi niya rito.

Narinig niya ang malakas na buntong hininga ni Artemis sa kabilang linya, “Hay naku, Hera. Next time, be aware, okay? Nag-aalala kami sa’yo ni Marianne kanina pa lalo na ng napansin namin  na umulan ng malakas kanina.” Masungit na sabi nito.

Napangiti na lang si Hera sa pag-aalala ng kaibigan, “Sorry ulit.” Sabi niya.

“Okay, fine. Apology accepted. Tawagan mo na lang din si Marianne at kanina pa din yun nag-aalaa sa’yo.” Sabi nito sa kanya.

“Sige. Thanks sa pag-aalala, Art.” Nakangiting sabi niya kahit alam niyang hindi naman siya nito nakikita.

“Wala iyon. Sige na. Tinatawag ako ni Mommy. Tawagan na lang kita ulit later, okay?” Sabi nito.

“Alright.” Sagot niya rito. Nagpaalalaman na sila sa isa’t isa at maya-maya’y pinutol na ni Artemis ang tawag.

Matapos makausap ni Hera si Artemis ay tinawagan naman niya si Marianne. Katulad ni Artemis ay panay ang hingi ng tawad niya rito. Saglit lang sila nitong nag-usap dahil ang sabi nito sa kanya ay gumagawa ito ng assignment.

“Okay na yung pampaligo mo. Pwede ka ng maligo. Baba lang ako para maitimpla ka ng mainit na tsokolate, okay?” Sabi sa kanya ni Nanay Rosa ng makalabas ito ng banyo. Nagpasalamat si Hera rito at maya-maya’y lumabas na ito ng kanyang kwarto.

Pumasok na si Hera sa banyo at isinara iyon. Hinubad niya ang suot niyang sweat shirt at maya-maya’y napatitig doon. Inilapit niya iyon sa kanyang ilong at inamoy-amoy iyon.

‘Ang bango naman nito. Amoy na amoy ni Sir Red,’ Nangingiting sabi ni Hera sa kanyang sarili. Maya-maya’y mabilis siyang napailing sa naisip.

‘Ano bang iniisip mo, Hera? Tigil-tigilan mo nga yang kalokohan mo!’ Kastigo niya sa kanyang sarili at mabilis na inilagay sa hamper ang sweat shirt. Tuluyan na niyang hinubad ang kanyang damit at matapos noon ay lumusong sa bathtub at naligo.

---

ANG bango naman niyan, ‘Nay Rosa.” Sabi ni Hera kay Nanay Rosa ng bumaba siya at maabutan itong nagluluto sa kusina. Kanina pa siya tapos maligo at nagawa na rin niya ang mga assignment niya para bukas. Alas sais na ng gabi at alam niyang maya-maya lang ay darating na ang kanyang ama.

“Nagugutom ka na ba, hija? Saglit na lang at matatapos na rin ito.” Sabi nito sa kanya at hinalo ang niluluto nitong kare-kare.

“Hindi pa naman po. Gusto niyo po tulungan ko kayo?” Pag-aalok niya ng tulong rito.

“Huwag na, anak. Matatapos na rin ako. Kung gusto mo ay manood ka na lang muna ng tv doon sa sala habang naghihintay. Padating na rin siguro ‘yung Daddy mo at ang bisita niyo.” Sabi nito sa kanya at ngumiti. Nagkibit balikat na lang si Hera rito at sumunod na lang sa sinabi nito. Nagpunta siya sa sala at binuksan ang tv.

“Malapit ng buksan sa publiko ang computer operated bullet train na matagal ng pinagplanuhang ipagawa at pinagkagastusan ng husto ng gobyerno para sa mamamayan ng bansa. Magdurugtong ito mula sa lugar ng Bustos, Bulacan hanggang sa Tres Martires, Cavite. Sinasabing ito na ang isa sa pinaka-advance na technology pagdating sa transportation sa buong mundo dahil hindi na nito nangangailangan pa ng magmamaneho nito. Aandar ang train mula sa command na manggagaling sa control system room at sinasabing mas safe ito sa kahit ano pang type of transportation dahil sa safety features nito na dinesign pa ng magagaling na engineer na nanggaling pa sa iba’t ibang bansa.” Napamangha si Hera sa napanood niyang ibinabalita sa tv. Matagal na niyang narinig na mayroon ngang ganitong pinagawa ang gobyerno at sa wakas matapos ang ilang taong paghihintay ay bubuksan na ito sa publiko.

“Bubuksan ang bullet train sa publiko sa susunod na buwan at inaasahan na maraming aattend na matataas na opisyal ng pamahalaan ang darating kasama na ang presidente ng bansa para sa inauguration nito.” Sabi pa ng nagbabalita sa tv.

‘Nice,’ Sabi ni Hera sa kanyang sarili matapos mapanood ang balitang iyon. Naisip niyang kapag binuksan na iyon sa publiko ay sisiguraduhin niyang masusubukan niya na makasakay roon. Gusto niyang ma-try kung ano ang pakiramdam na makasakay sa isang computer-operated bullet train.

Nagpatuloy sa panonood si Hera ng balita ng maya-maya’y narinig niyang may nag-door bell. Nakita niyang lumabas si Nanay Rosa niya sa kusina para pagbuksan kung sino man ang tao sa labas ngunit pinigilan niya ito at sinabi niyang siya na lang ang magbubukas.

“Ako na lang po, ‘Nay Rosa.” Sabi niya rito at tumayo.

“Sigurado ka?” Tanong nito sa kanya. Tumango siya rito at ngumiti.

“Opo, ‘Nay. Sige na po. Ipagpatuloy niyo na lang po ang ginagawa niyo at ako na lang po ang titingin sa labas.” Sagot niya rito at naglakad patungong pintuan.

“Oh sige. Salamat, hija.” Nakangiting sabi nito sa kanya at muling bumalik sa kusina. Binuksan ni Hera ang pintuan at matapos noon ay naglakad patungo sa gate nila. Narinig niyang muling nagdoor bell ang kung sino man ang nasa labas ng gate nila kaya napaismid siya.

“Saglit lang!” Sigaw niya at tinakbo ang gate nila.

“Sino ‘yan?” Tanong niya habang unti-unting binubuksan ang kanilang gate. Wala siyang narinig na sumagot kaya naman napakunot ang kanyang noo at tuluyan na niyang binuksan ang gate. Pagbukas na pagbukas niya roon ay napaatras siya sa gulat ng mapagsino kung sino iyon.

“A-anong ginagawa mo rito?” Gulat na gulat at naguguluhang tanong niya rito.

“Hindi mo man lang ba ako papapasukin, Hera?” Nakangising sabi nito sa kanya at inikot ang paningin sa kanilang bahay.

Mas lalong napakunot ang noo ni Hera ng mapansin niya ang dala-dala ng kausap niya. May dala-dala itong maleta at nakasukbit sa likod nito ang isang backpack.

“A-anong ibig sabihin nito?” Nalilitong tanong niya rito. Hindi niya maintindihan ang nangyayari at hindi niya rin maintindihan kung ano ang ginagawa ng lalaking ito sa kanilang pamamahay.

“Doon mo na lang ako tanungin sa loob ng bahay niyo,” Sabi nito sa kanya at marahan siyang hinawi nito at walang sabi-sabing pumasok sa loob ng bahay nila.

“E-ETHOS!” Sigaw niya rito at naguguluhan man ay mabilis niyang sinundan nito.

***

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top